Kung Papaano Matutulungan ng mga Kristiyano ang mga May Edad
“HINDI kami sumusuko, kundi bagaman ang aming pagkataong labas ay pahinâ, tiyak naman na ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw. . . . Aming ipinapako ang aming mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang-hanggan.” Ganiyan ang sabi ni apostol Pablo sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto.—2 Corinto 4:16-18.
Noong sinaunang panahon, ang mga lalaki at mga babaing may pananampalataya ay nagpako ng kani-kanilang mga mata sa mga bagay na di-nakikita, kasali na roon ang lahat ng bagay na ipinangako ng kanilang Diyos, si Jehova, na gagawin sa kaniyang takdang panahon. Sa aklat ng Mga Hebreo, nangungusap si Pablo na taglay ang mataas na pagpapahalaga sa gayong mga tao, na nagpakita ng kanilang pananampalataya hanggang sa kanilang kamatayan—at ang ilan sa kanila ay nabuhay hanggang sa edad na matandang-matanda na. Kaniyang tinutukoy sila bilang isang halimbawa para sa atin, na nagsasabi: “Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang lahat na ito, bagaman hindi nila kinamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo at ikinagalak nila.”—Hebreo 11:13.
Sa ngayon ay napakalapit na tayo sa katuparan ng mga pangakong ito. Subalit may kasama tayong mga maysakit at mga may edad na hindi nakatitiyak kung mabubuhay sila hanggang sa makita ang wakas ng balakyot na sistemang ito. Marahil ang ilan sa mga ito ay mamamatay rin na taglay ang pananampalataya nang hindi nakikita ang lahat ng katuparan ng mga pangako sa kasalukuyang panahon na kanilang kinabubuhayan. Sa gayong mga tao ang mga salita ni Pablo sa 2 Corinto 4:16-18 ay isang malaking pampatibay-loob.
Inaalaala ni Jehova ang lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod, kasali na ang may sakit at ang may edad. (Hebreo 6:10) Ang tapat na mga may edad ay may karangalang binabanggit sa maraming lugar sa Bibliya, at sa Kautusan ni Moises, may pantanging pagbanggit sa karangalan na dapat ipakita sa mga may edad. (Levitico 19:32; Awit 92:12-15; Kawikaan 16:31) Sa sinaunang mga Kristiyano, ang mga may edad ay pinakitunguhan nang may pagpapahalaga. (1 Timoteo 5:1-3; 1 Pedro 5:5) Isang aklat ng Bibliya ang may magandang paglalarawan ng mapagmahal na pangangalaga at makabagbag-damdaming pagsasakripisyo-sa-sarili na ipinakita ng isang kabataang babae sa kaniyang may edad nang biyenang babae. Angkop naman na ang pangalan ng kabataang babaing iyon na Ruth, ang ipangalan sa aklat.
Isang Tapat na Katulong
Naging masaklap ang buhay para sa nagkakaedad na si Naomi. Dahil sa isang taggutom kung kaya siya, kasama ang kaniyang maliit na pamilya, ay napilitang lisanin sa Juda ang kaniyang mga kaibigan at minana at mamuhay sa gawing silangan ng Ilog Jordan sa lupain ng Moab. Dito namatay ang asawa ni Naomi, at naulila siyang mag-isa kasama ang kanilang dalawang anak na lalaki. Ang mga ito, nang sumapit ang panahon, ay nagsilaki at nagsipag-asawa, subalit sila rin ay namatay. Si Naomi ay naulila na walang mga tagapagmana upang mag-alaga sa kaniya.
Siya ay lubhang matanda na upang makapagsimula ng isang bagong pamilya, at ang buhay ay waring walang gaanong maidudulot para sa kaniya. Walang anumang pag-iimbot, ibig niyang sina Ruth at Orpah, na mga biyuda ng kaniyang dalawang anak, ay pabalikin na sa tahanan ng kani-kanilang ina upang makahanap ng mapapangasawa. Siya’y magbabalik nang mag-isa sa kaniyang lupang tinubuan. Sa ngayon, ang ilan ding mga may edad ay nanlulumo, lalo na kung sila’y naulila ng mga mahal sa buhay. Tulad ni Naomi, baka kailanganin na mayroong mag-asikaso sa kanila, subalit ayaw nilang maging isang pabigat.
Gayunman, hindi iniwan ni Ruth ang kaniyang biyenang babae. Mahal niya ang nakatatandang babaing ito, at iniibig niya si Jehova, ang Diyos na sinasamba ni Naomi. (Ruth 1:16) Kaya magkasama silang naglakbay pabalik sa Juda. Sa lupaing iyan, may maibiging kaayusan sa ilalim ng Kautusan ni Jehova na ang mga dukha ay makapamumulot, o makapangunguha, ng anumang natira sa mga bukid pagkatapos ng anihan. Si Ruth, na siyang nakababata, ay kusang naghandog ng kaniyang sarili sa gawaing ito, na ang sabi: “Pakisuyong payagan ninyo akong pumaroon.” Siya’y gumawang puspusan sa kapakinabangan nila kapuwa.—Ruth 2:2, 17, 18.
Ang katapatan at pag-ibig kay Jehova ni Ruth ay naging isang pampatibay-loob kay Naomi, na nagsimulang mag-isip nang positibo at nakabubuti. Ang kaalaman niya sa Kautusan at sa mga kaugalian ng bansa ay mapapakinabangan ngayon. Nagbigay siya ng matalinong payo sa kaniyang tapat na katulong upang ang nakababatang babae, sa pamamagitan ng isang kaayusan na pag-aasawa sa bayaw, ay makabawi ng mana ng pamilya at magkaanak ng lalaki na magpapatuloy ng angkan. (Ruth, kabanata 3) Si Ruth ay isang magandang halimbawa para sa mga nagsasakripisyo upang mag-alaga ng mga maysakit at mga may edad. (Ruth 2:10-12) Sa loob ng kongregasyon sa ngayon, malaki rin ang magagawa upang matulungan ang mga maysakit at mga may edad. Sa papaano?
Mahalaga ang Pag-oorganisa
Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, nag-iingat ng isang listahan ng mga biyuda na nangangailangang suportahan sa kanilang materyal na mga pangangailangan. (1 Timoteo 5:9, 10) Gayundin naman sa ngayon, sa ilang kaso ang matatanda ay maaaring gumawa ng isang listahan ng mga maysakit at mga may edad na nangangailangan ng pantanging atensiyon. Sa ilang kongregasyon isang matanda ang hinihilingan na mag-asikaso nito bilang kaniyang pantanging pananagutan. Yamang maraming may edad, tulad ni Naomi, ang hindi mahilig humingi ng tulong, ang gayong kapatid ay kailangang mahusay sa pagsusuri sa isang kalagayan at—sa isang mataktika at maingat na paraan—tiyakin na naisasagawa ang kinakailangang mga bagay-bagay. Halimbawa, maaari niyang tingnan kung ang Kingdom Hall ay may sapat na paglalaan para sa mga maysakit at mga may edad. Kung praktikal, maaari niyang isaalang-alang ang mga bagay gaya ng isang rampa para sa mga silyang de gulong, angkop na mga pasilidad para sa palikuran, mga earphone para sa mahihina ang pandinig, at isang dako para sa pantanging mga silya. Titiyakin din ng kapatid na ito na lahat na hindi makapunta sa Kingdom Hall ay maaaring makahiram ng isang tape recording ng mga pulong o makinig sa mga ito sa pamamagitan ng isang telephone hookup.
Baka kailangan ding magsaayos ng sasakyan sa pagtungo sa mga pulong at mga kombensiyon. Isang may edad na sister ang nagkaroon ng suliranin dahil sa ang regular na sumusundo sa kaniya upang makadalo siya sa mga pulong ay wala. Kinailangan na marami siyang tawagan sa telepono bago sa wakas ay nakasumpong ng isang mag-aalok sa kaniya ng sasakyan at sa gayo’y naisip niya na siya’y isang pabigat. Ang isang kaayusan na pinangangasiwaan ng isang matanda na mag-aasikaso sa lahat ng gayong mga bagay ay nakatulong sana sa kaniya upang huwag mapahiya.
Ang elder na ito ay maaari ring magtanong sa iba’t ibang pamilya kung sila’y maaaring maghali-halili ng pagdalaw sa mga may edad. Sa ganitong paraan ay matututo ang mga bata na ang pag-aasikaso sa mga may edad ay bahagi ng buhay ng isang Kristiyano. Makabubuting matuto ang mga bata na balikatin ang pananagutang ito. (1 Timoteo 5:4) Isang tagapangasiwa ng sirkito ang nagsabi: “Sa aking karanasan, kakaunting mga bata o mga kabataan ang nagkukusa nang pagdalaw sa mga may edad o mga maysakit.” Marahil ay hindi lang nila kusang pinag-iisipan iyon, o baka hindi nila alam kung ano ang kanilang gagawin o sasabihin; ang mga magulang ang makapagtuturo sa kanila nito.
Subalit, tandaan na matutuwa ang karamihan ng mga may edad kung ipaáalám sa kanila nang patiuna na isang kaibigan ang dadalaw. Ito’y nagbibigay sa kanila ng kagalakan ng paghihintay sa isang panauhin. Kung ang mga bisita ay may dalang mga pamatid-uhaw, tulad halimbawa ng kape o cake, at agad maglilinis pagkatapos, naiiwasan na magdulot ng karagdagang pabigat sa may edad. Isang mag-asawang may edad, na malakas pa rin, ang may regular na araw bawat sanlinggo na sila’y naghahanda ng isang maliit na basket pampiknik at nagsasagawa ng sunud-sunod na pagdalaw sa mga may edad sa kongregasyon. Lubhang pinahahalagahan ang kanilang mga pagdalaw.
Para sa kapakinabangan ng mga may edad, maraming kongregasyon ang may Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na ginaganap kung araw. Sa isang lugar ang ilang pamilya at walang-asawang mga mamamahayag ay tinanong kung sila’y handa at papayag na tumangkilik sa gayong grupo, at ang resulta ay isang grupo sa pag-aaral ng aklat na kung saan ang mga may edad at mga nakababata ay nag-aasikaso sa isa’t isa.
Hindi dapat ipaubaya na lamang sa mga elder ang pagkukusa sa larangang ito. Lahat tayo ay kailangang maging palaisip sa mga pangangailangan ng mga maysakit at mga may edad. Batiin natin sila sa Kingdom Hall at gumugol ng panahon sa pakikipag-usap sa kanila. Isang paanyaya para sa impormal na pakikisalamuha ang marahil paunlakan nila. O maaanyayahan natin sila na sumama sa atin sa isang piknik o kahit na sa isang bakasyon. Isang Saksi ang kalimitan nagsasama sa kaniyang kotse ng mga mamamahayag na may edad na pagka lumalabas ng bayan upang dalawin ang kaniyang mga kliyente. Mahalaga na tulungan ang mga may edad na patuloy na madamang sila’y kailangan pa rin. Huwag mong payagang sila’y lumayo, gaya ng naisip na gawin ni Naomi, anupat sila’y mapapadali ng pagtanda o ng pagkaulianin.
Ang mga kabataan na may kapansanan o may sakit ay nangangailangan din ng atensiyon. Isang Saksi na nagkaroon ng tatlong anak na lalaking hindi na gumaling sa sakit, dalawa sa kanila ang namatay na, ang nagsabi: “Mahirap para sa isang kongregasyon na magpatuloy ng pagpapakita ng pagkabahala pagka may isang may sakit nang matagal na panahon. Bakit hindi atasan ang ilang maaasahang mga kabataang mamamahayag upang talakayin ang araw-araw na teksto at bumasa ng isang kabanata sa Bibliya bawat araw sa kanilang nakaratay na kaibigan? Ang mga kabataan, kasali ang mga payunir, ay maaaring maghali-halili.”
Pagka Waring Hindi na Mapipigil ang Kamatayan
Ang mga lingkod ni Jehova sa tuwina ay lakas-loob na humaharap sa kamatayan, maging iyon man ay dahil sa sakit o sa pag-uusig. Pagka nararamdaman ng maysakit na waring malapit na ang kamatayan, likas para sa kanila na makaranas ng iba’t ibang emosyon. Pagkamatay nila, ang kanilang mga kamag-anak ay makararanas din ng isang panahon ng pagbabago, ng kadalamhatian, at ng pagtanggap. Kaya malimit na mabuti na ang taong maysakit ay hayagang magsalita tungkol sa kamatayan, gaya ng ginawa ni Jacob, David, at Pablo.—Genesis, kabanata 48 at 49; 1 Hari 2:1-10; 2 Timoteo 4:6-8.
Isang manggagamot na Saksi ang sumulat: “Tayo’y kailangang maging totoong prangka tungkol sa paksang ito. Sa aking paggamot ay hindi ko nasumpungang nakabuti sa isang pasyente na ilihim ang katotohanan na ang kaniyang buhay ay may taning na.” Gayunpaman, kailangang maunawaan natin kung ano ang ibig malaman ng pasyente mismo, at kailan nais niyang malaman ito. Malinaw na ipinakikita ng ilang pasyente na alam nilang malapit na ang kamatayan, at kailangang ipakipag-usap nila ang kanilang mga kaisipan at nadarama tungkol dito. Waring iginigiit naman ng iba na sila’y may pag-asa pa, at makabubuti sa kanilang mga kaibigan na umasa ring kasama nila.—Ihambing ang Roma 12:12-15.
Baka ang isang malapit nang mamatay ay hapung-hapo o nalilito na anupat mahirap na siya’y manalangin. Ang gayong pasyente ay marahil maaaliw sa pagkaalam buhat sa Roma 8:26, 27 na nakauunawa ang Diyos ng “mga hibik na hindi maisaysay ng pananalita.” Batid ni Jehova na sa ilalim ng ganiyang kaigtingan ang isang tao ay baka mahirapan na makasumpong ng mga salita para sa isang panalangin.
Kung maaari, mahalagang manalangin kasama ng isang pasyente. Isang kapatid ang naglahad: “Nang ang aking ina ay mamamatay na at hindi na makapagsalita, ipinakita niya sa pamamagitan ng paglalapat ng kaniyang mga palad na ibig niyang makisama kami sa kaniya sa pananalangin. Pagkatapos ng aming panalangin, inawit namin ang isang awiting pang-Kaharian, sapagkat ang aking ina sa tuwina ay mahilig sa musika. Sa simula, aming inihihiging ang tono, at pagkatapos ay marahang inaawit namin ang mga salita. Maliwanag na siya’y nasiyahan dito. Walang alinlangan, ang mga awiting ito na ating iniuugnay sa ating buhay bilang mga Saksi ni Jehova ay nagpapahayag ng damdamin na kung hindi gayon ay maaaring mahirap na maipahayag.”
Ang pakikipag-usap sa isang taong mamamatay na ay nangangailangan ng pag-ibig, pamamaraan, at damdamin. Ang isang bisita ay makapaghahanda ng nakapagpapatibay at nagpapalakas-pananampalatayang mga bagay na babanggitin, at dapat siyang maging alisto na iwasan ang negatibong pagsasalita tungkol sa ibang tao at sa kanilang mga suliranin. Gayundin, ang tagal ng pagdalaw ay dapat na ibagay sa kung ano ang makatuwiran at angkop. Kung ang pasyente ay waring walang malay-tao, makabubuting tandaan na maaaring siya’y nakaririnig pa rin ng sinasabi. Kaya pakaingat tungkol sa iyong sasabihin.
Isang Pananagutan na Dito’y Kasali Tayo
Ang pag-aalaga sa mga may sakit at mga may edad ay isang mabigat na pananagutan. Para sa mga taong pinakamalapit sa pasyente, iyon ay nakapapagod, kapuwa sa pisikal at sa emosyonal. Nangangailangan at karapat-dapat silang unawain at tulungan ng iba pa sa kongregasyon. Yaong mga nag-aalaga ng may sakit na mga miyembro ng pamilya o mga kapananampalataya ay gumagawa ng tama, kahit na nangangahulugan iyon ng hindi pagdalo sa ilang pulong o nababawasan ang kanilang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan sa isang yugto ng panahon. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:8.) Palalakasin sila ng kongregasyon na nakauunawa. Kung minsan ang isang kapatid ay maaaring humalili pansamantala upang ang regular na nag-aalaga ay makadalo sa isang pulong o tamasahin ang ilang nakagiginhawang oras sa pangangaral.
Mangyari pa, kung ikaw mismo ang may sakit, mayroon ka ring magagawa. Ang kawalang-pag-asa at kawalang-lunas kung tungkol sa iyong karamdaman ay maaaring magpasamâ ng iyong loob, subalit ang samâ ng loob ay nagbubukod sa isang tao at nagpapalayo naman sa iba. Sa halip ikaw ay maaaring magpahayag ng pagpapahalaga at makipagtulungan. (1 Tesalonica 5:18) Ipanalangin ang iba na nagdurusa. (Colosas 4:12) Bulay-bulayin ang kahanga-hangang mga katotohanan ng Bibliya, at ipakipag-usap ito sa mga bisita. (Awit 71:17, 18) Buong pananabik na subaybayan mo ang kasalukuyang nagpapatibay-pananampalatayang pagsulong ng bayan ng Diyos. (Awit 48:12-14) Pasalamat kay Jehova ukol sa maligayang mga pangyayaring ito. Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga bagay ay maaaring, tulad ng lumulubog na araw na nagbibigay ng lalong matindi at mas mainit na liwanag kaysa araw kung katanghalian, bigyan ang pagtatakip-silim na mga sandali ng ating buhay ng isang namumukod-tanging kagandahan.
Lahat tayo ay dapat magpunyagi na pagtibayin ang pag-asa na, lalo na sa mga panahon ng pagsubok, nagsisilbing tagapag-ingat sa ating isip na gaya ng isang turbante. (1 Tesalonica 5:8) Makabubuting bulay-bulayin ang pag-asa ng pagkabuhay-muli at ang matibay na pundasyon nito. Tayo’y makatatanaw sa hinaharap taglay ang kasiguruhan at pananabik sa araw na wala nang sakit o kahinaan dahilan sa katandaan. Sa panahong iyon, lahat ay bubuti ang pakiramdam. Maging ang mga patay ay magsisibalik. (Juan 5:28, 29) Itong “mga bagay na di-nakikita” ay ating nakikita sa pamamagitan ng mga mata ng ating pananampalataya at ng ating puso. Dito laging itutok ang pananaw.—Isaias 25:8; 33:24; Apocalipsis 21:3, 4.