Ang Tagapagbigay ng “Bawat Mabuting Kaloob”
“Minsan ako’y tinawag ng isang ministro ng Reformed church. Ibig niyang malaman kung papaano ko pinangangasiwaan ang mga gawain ng aking relihiyon. Sinabi ko sa kaniya: . . . ‘Wala kaming sinusuwelduhan; walang anuman na pagkakagalitan ang mga tao. Hindi kami nangungulekta.’ ‘Papaano kayo nagkakasalapi?’ ang tanong niya. Ako’y tumugon, ‘Buweno, Dr.——, kung sasabihin ko sa iyo ang pinakasimpleng katotohanan marahil ay mahirap mong mapaniwalaan iyon. Pagka ang mga tao ay naging interesado sa ganitong paraan, sila’y walang makitang basket na inilalagay sa kanilang harapan. Subalit kanilang nakikita na may mga gastos. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Ang bulwagang ito ay pinagkakagastahan. . . . Papaano kaya ako makapag-aabuloy ng kaunting salapi sa kapakanang ito?” ’ Ako’y tinitigan niya na parang nag-iisip, ‘Ano ang akala mo sa akin—isang baguhan?’ Ang sabi ko, ‘Buweno, Dr.——, ang sinasabi ko sa iyo ay payak na katotohanan. . . . Pagka ang isa’y nagkamit ng pagpapala at siya’y may kaya, ibig niyang gamitin iyon para sa Panginoon. Kung siya’y walang kaya, bakit natin siya uudyukan na mag-abuloy?’ ”
—Charles T. Russell, unang presidente ng Samahang Watch Tower, “The Watch Tower,” Hulyo 15, 1915.
TAYO’Y nagbibigay sapagkat ang Diyos na Jehova ang unang nagbigay. Ang kaniyang pagbibigay ay nagsimula napakatagal nang panahon sa paglalang—ang kaniyang unang-unang paglalang, ang kaniyang “bugtong na Anak.” (Juan 3:16) Udyok ng pag-ibig, ang iba ay binigyan niya ng kaloob na buhay.
Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang pinakadakilang kaloob sa atin ni Jehova. Subalit ang Anak ng Diyos, sa ganang sarili niya, ay hindi siyang katapusan ng pagbibigay ng Diyos. “[Ang] saganang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos” ang tinatawag ng apostol Pablo na “di-masayod na walang-bayad na kaloob” ni Jehova. (2 Corinto 9:14, 15) Maliwanag na sa kaloob na ito ay kasali ang kabuuan ng lahat ng kabutihan at kagandahang-loob na ibinibigay ng Diyos sa kaniyang bayan sa pamamagitan ni Jesus. Ang gayong di-sana-nararapat na kagandahang-loob ay lubhang kahanga-hanga anupat hindi kayang ilarawan o ipahayag ng kapangyarihan ng tao. Gayunman, may iba pang mga bagay tungkol sa pagbibigay ng Diyos.
Noong unang panahon, isang hari ang may karunungan at kababaangloob na kinilala na anumang mabubuting bagay na kaniyang ipinagkakaloob ay kay Jehova talagang nanggagaling. Sinabi niya: “Sapagkat lahat ng nasa langit at nasa lupa ay iyo. Iyo ang kaharian, Oh Jehova, ang Isa na nagtataas ng iyong sarili bilang pangulo sa lahat. . . . Ngunit, sino ako at ano ang aking bayan, na makapaghahandog na ganiyang kusa ayon sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at mula sa iyong sariling kamay ang aming ibinigay sa iyo.”—1 Cronica 29:11-14.
Ang Halimbawa ng Diyos
Si Santiago, isang alagad ni Jesu-Kristo, ay nakababatid na ang Diyos na Jehova ang pinagmumulan ng anuman na mabuti sa lahat ng paraan. Tanging sakdal na mga kaloob ang nanggagaling sa kaniya. Si Santiago ay sumulat: “Bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog ay buhat sa itaas, sapagkat bumababa buhat sa Ama ng makalangit na liwanag, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pag-iiba.”—Santiago 1:17.
Kahit na sa pagbibigay ng kaloob, nakita ni Santiago kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng Diyos sa mga tao. Makapagbibigay ang mga tao ng mabubuting kaloob ngunit hindi nila laging ginagawa ang gayon. Ang mga kaloob na ito ay maaaring udyok ng isang mapag-imbot na motibo, o maaaring ginagamit ang mga ito upang tuksuhin ang isang tao na gumawa ng isang bagay na masama. Kay Jehova ay walang pag-iiba; siya’y hindi nagbabago. Sa gayon, ang mahalagang katangian ng kaniyang mga kaloob ay hindi nagbabago. Ang mga ito ay dalisay sa tuwina. Laging itinataguyod ng mga ito ang kapakanan at kaligayahan ng sangkatauhan. Ang mga ito’y laging mabait at matulungin, hindi kailanman mapangwasak.
Mga Motibo sa Pagbibigay ng mga Kaloob
Noong kaarawan ni Santiago, ang popular na mga pinunong relihiyoso ay nagbibigay ng mga kaloob upang makita lamang ng mga tao. Sila’y nagbibigay udyok ng isang masamang motibo. Sabik sa paghanga ng mga tao, kanilang ikinukompromiso ang matuwid na mga pamantayan nila. Subalit, ang mga Kristiyano ay dapat na iba. Sila’y pinayuhan ni Jesus: “Pagka ikaw ay nagkakawanggawa, huwag kang hihihip ng pakakak sa harap mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila’y purihin ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kanilang tinatanggap ang ganti sa kanila nang buo. Ngunit ikaw, pagka nagkakawanggawa ka, huwag mong ipaalám sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanan, upang ang iyong pagkakawanggawa ay malihim; kaya naman ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gaganti sa iyo.”—Mateo 6:2-4.
Ang dahilan ng isang Kristiyano sa pagbibigay ng kaloob ay upang matulungan ang iba na nangangailangan o sila’y maging maligaya o upang itaguyod ang tunay na pagsamba. Iyon ay hindi para sa ikaluluwalhati ng sarili. Higit sa lahat, ang mga mata ni Jehova ay makatatagos sa kaibuturan ng ating puso. Maaari niyang makita ang kaloob-loobang motibo sa ating pagkakawanggawa.
Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang halimbawa ni Jehova at ng kaniyang Anak sa pagbibigay ng kaloob. Kanilang ibinibigay ang mayroon sila. Taglay nila ang mabuting balita ng Kaharian, at kanilang ibinibigay ito sa ikapagpapala ng iba. Batid nila na ang Kawikaan 3:9 ay nagsasabi: “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahalagang mga ari-arian at ng mga unang bunga ng lahat mong ani.” Dahilan sa ang bawat tanggapang pansangay, kongregasyon, at indibiduwal ay taimtim na nagsisikap na makapag-abuloy sa kapakanan ng lahat, ang buong kapatiran ay nagiging malakas at maunlad sa espirituwalidad. Ang materyal na kaunlaran ay hindi humahantong sa espirituwal na kaunlaran, subalit ang espirituwal na kaunlaran ay nagdudulot ng materyal na kaunlaran na sapat para sa mga pangangailangan ng gawain ni Jehova.
Mga Paraan Upang Makabahagi
May maraming paraan upang bawat isa ay makapag-abuloy nang personal upang masuportahan ang mabuting balita. Ang isang paraan ay may kinalaman sa mga Kingdom Hall. Lahat ng miyembro ng kongregasyon ay gumagamit ng Kingdom Hall. May naglaan ng pondo para sa pagtatayo o pagrenta nito, gastos sa ilaw, sa pagkontrol ng temperatura, at pagmamantine. Yamang bawat isa ay kailangang sumuporta sa kongregasyon, naglalagay ng mga kahong abuluyan sa Kingdom Hall, at ang kusang-loob na mga donasyong tinatanggap ay ginagamit na panggastos ng kongregasyon. Sa lumabis, maaaring kunin dito ang kontribusyon ayon sa ipinasiya ng kongregasyon para sa lokal na sangay ng Watch Tower.
Makapag-aabuloy sa sangay ng Samahan mismo para sa pagsasanay at pagsuporta sa mga misyonero at mga special pioneer sa mga panig ng daigdig na kung saan ang mabuting balita ay hindi nakaabot sa pangkalahatang populasyon. Ang ibang gastos sa pagpapalaganap ng mabuting balita ay may kinalaman sa gawain ng naglalakbay na mga tagapangasiwa. Si apostol Pablo, na nagpakita ng halimbawa sa gawaing paglalakbay noong unang siglo, ay nagbigay ng komendasyon sa kongregasyon sa Filipos: “Kayo’y nagpadala minsan at makalawa para sa aking pangangailangan.” (Filipos 4:14-16) Bukod sa gastos sa mga bahaging ito ng buong panahong paglilingkuran, na nakikibahagi ang lahat ng sangay, nariyan din ang pagmamantine sa bawat tahanang Bethel at sa mga nakatira at nagtatrabaho roon. Ang pagsulat at paglimbag ng literatura na nagtataglay ng magandang mensahe ng mabuting balita ay tunay ngang mga pribilehiyo na ibinigay ng Diyos, subalit ang pamamahagi ng literatura ay kailangan din, at ito’y ginagastahan. Saka nariyan din ang gastos sa mga asamblea at mga kombensiyon, huwag nang sabihin pa ang mga kaso sa hukuman na ipinaglaban upang ‘ipagtanggol at patunayang legal ang mabuting balita.’—Filipos 1:7.
Ang panahong ginugol sa pangangaral ng mabuting balita ng bawat lingkod ni Jehova ay kusangloob, gayundin ang kaniyang pagbibigay ng materyal na mga pondo. Ang regular na pagtatabi ng salapi upang maitustos sa pagpapalawak ng tunay na pagsamba ay ipinapayo ni apostol Pablo: “Ngayon tungkol sa abuluyan para sa mga banal, . . . tuwing unang araw ng sanlinggo bawat isa sa inyo sa kani-kaniyang sambahayan ay magtabi ng kung magkano man ayon sa kaniyang ikagiginhawa.”—1 Corinto 16:1, 2.
Pagka nag-abuloy ang isang tao, hindi niya laging alam kung papaano lubusang gagamitin iyon, ngunit kaniyang nakikita ang resulta sa paglawak ng pangangaral ng Kaharian. Ang mga ulat sa 1993 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay nagpapakita na ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral ng mahigit sa 4,500,000 mga ministrong Kristiyano sa mahigit na 200 lupain at mga isla sa dagat. Ang mga ulat na ito ay nakagagalak-puso. Anumang kaloob kung gayon, gaano man kaliit o kalaki, ay tumutulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa buong daigdig.
Ang gawaing ito ay tinutustusan ng sama-samang pagbibigay ng lahat. Ang ilan ay nakapagbibigay ng malaki, na tumutulong sa pangangaral nang lalong malawakan. Ang iba naman ay nagbibigay ng maliit. Subalit yaong mga nag-aabuloy ng maliit ay hindi dapat makadama ng pagkahiya o madamang walang gaanong halaga ang kanilang bahagi. Tunay na hindi ganiyan ang nadarama ni Jehova. Ito’y niliwanag na mainam ni Jesus nang kaniyang ipakita kung gaano pinahalagahan ni Jehova ang kusing ng babaing balo. “At nakita niya ang isang dukhang babaing balo na doon ay naghuhulog ng dalawang barya na may napakaliit na halaga roon, at sinabi niya: ‘Sa katotohana’y sinasabi ko sa inyo, Ang babaing balong ito, bagaman dukha, ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay nag-abuloy nang sa kanila’y labis, ngunit ang babaing ito sa kaniyang karalitaan ay nag-abuloy ng lahat ng kaniyang ikinabubuhay.’ ”—Lucas 21:2-4.
Anuman ang kalagayan ng ating pananalapi, makapag-aabuloy tayo sa mga paraan na nakalulugod kay Jehova. Ang salmista ay nagpapahayag kung papaano natin maluluwalhati ang ating Hari at Hukom. Sinasabi niya: “Luwalhatiin ninyo si Jehova ng kaluwalhatiang nauukol sa kaniyang pangalan; kayo’y magdala ng kaloob at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban.” (Awit 96:8) Kung gayon, harinawang matularan natin ang mapagmahal na halimbawa ng ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng ating masayang pagkakaloob sapagkat siya ang unang nagbigay sa atin.
[Kahon sa pahina 30]
KUNG PAPAANONG ANG IBA’Y NAG-AABULOY SA GAWAING PANGKAHARIAN
◻ PAG-AABULOY SA GAWAING PANDAIGDIG: Marami ang nagtatabi o nagbabadyet ng halaga na kanilang inilalagay sa mga kahong abuluyan na may markang: “Abuloy Para sa Gawaing Pandaigdig ng Samahan—Mateo 24:14.” Bawat buwan ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa pinakamalapit na tanggapang sangay.
◻ KALOOB: Ang kusang-loob na mga donasyon ng salapi ay maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa. Mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang donasyon ang dapat kasama ng mga abuloy na ito.
◻ KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON: Maaaring magkaloob ng salapi sa Samahang Watch Tower upang ito ang maghawak niyaon hanggang sa kamatayan ng nagkaloob, kasama ang probisyon na sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito’y ibabalik sa nagkaloob.
◻ SEGURO: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyari ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano sa pagreretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
◻ DEPOSITO SA BANGKO: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ilagay sa pangangalaga o bayaran sa Samahang Watch Tower pagkamatay ng may deposito, ayon sa lokal na mga kahilingan sa bangko. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
◻ MGA AKSIYON AT BONO: Ang mga aksiyon o bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower bilang isang tuwirang kaloob o sa ilalim ng isang kaayusan na sa pamamagitan niyaon ang kita ay patuloy na ibinabayad sa nagkaloob ng donasyon.
◻ LUPA’T BAHAY: Maipagbibiling mga lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba ng isang bahagi niyaon para sa panghabang-buhay na tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon nang habang-buhay. Dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang ari-arian.
◻ TESTAMENTO AT IPINAGKATIWALA: Ang pag-aari o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc. sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ay maaaring gawing benepisyari ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring bigyan ng ilang bentaha sa pagbubuwis. Isang kopya ng testamento o kasunduan sa ipinagkatiwala ay dapat ipadala sa Samahan.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga bagay na ito, sumulat sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa pinakamalapit na tanggapang sangay ng Samahan.
[Mga larawan sa pahina 31]
Kung papaano ginagamit ang inyong mga abuloy:
1. Mga boluntaryo sa Bethel
2. Pagtatayo ng tanggapang sangay
3. Tulong sa mga napinsala
4. Mga Kingdom Hall
5. Mga misyonero