“Saan Nanggagaling ang Salapi?”
HUMANGA ang mga nakapanood ng video ng Samahang Watch Tower na “Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name.” Nakita nila ang malilinis na mga lalaki at babae mula sa iba’t ibang lahi at pinagmulan, na nakangiti at magkakasamang gumagawa nang nagkakaisa. Hindi lamang ang libu-libong maliligayang manggagawa ang nakatawag ng kanilang pansin kundi pati ang malalaking grupo ng mga gusali sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn at sa kanilang farm sa Wallkill, New York. Ipinakikita ng video na sa loob ng mga gusaling ito ay masusumpungan ang modernong teknolohiya—pagkabilis-bilis na mga kagamitan sa pag-iimprenta at pagsasaaklat, na gumagawa ng milyun-milyong publikasyon bawat buwan, sari-saring computer, at mga departamento na sumusuporta sa paglalathala ng literatura.
Dito’y masasalamin ang napakalaking gastusin. Kaya ang ilan ay nagtatanong, “Saan nanggagaling ang salapi?”
Humahanga rin ang mga bisita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahan. Nagkakandahaba ang kanilang mga leeg sa pagtanaw sa 30-palapag na gusaling tirahan, isa sa maraming gusali na ginagamit upang maging tirahan ng mahigit sa 3,000 boluntaryong mga ministro na nagtatrabaho roon. Ang pagdalaw sa bagong Watchtower Educational Center na mga 110 kilometro sa gawing hilaga ng Brooklyn ay lubhang nakapanggigilalas din sa marami. Samantalang hindi pa tapos ang konstruksiyon, dito’y nanunuluyan ang mga 1,200 manggagawa. Dalawang klase ng mga misyonero ang sasanayin doon bawat taon at ipadadala sa kanilang mga atas sa ibang bansa. Mula rin dito nanggagaling ang mga tagubilin para sa mahigit na 10,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Maraming sangay sa buong daigdig ang kamakailan ay nagpalawak rin ng kanilang mga pasilidad o dili kaya’y kasalukuyang nagsasagawa nito. Upang magawa ang lahat ng operasyong ito ay gumugugol ng malaking halaga. Ang mga tao ay nagtatanong, “Saan nanggagaling ang salapi?”
Bilang sagot, nanggagaling ito sa karaniwang mga tao tulad ng sinuman sa atin. Sila’y mga tao, sa buong daigdig, na nagnanasang gawin ang buong makakaya nila upang mapasulong ang mahalagang Kristiyanong gawain na pangangaral at pagtuturo. Ang ganiyang kusang-loob na pagbibigay ay may pamarisan.
Ang Halimbawa ng Sinaunang Israel
Mahigit na 3,500 taon na ang nakalipas, bumangon ang pangangailangan para sa bukas-palad na pag-aabuloy. Iniutos ni Jehova kay Moises na magtayo ng isang tabernakulo, o “tolda ng kapulungan,” na gagamitin sa pagsamba sa Kaniya. Ang bigay-Diyos na disenyo ay nangailangan ng sari-saring mahahalagang bagay. Iniutos ni Jehova: “Mula sa gitna ninyo ay gumawa kayo ng abuluyan para kay Jehova. Hayaang ibigay ito ng bawat isa na may nagkukusang-puso bilang abuloy para kay Jehova.” (Exodo 35:4-9) Papaano tumugon ang bayan? Ang ulat ay nagsasabi sa atin na “sila’y nagsidating, bawat isa na naudyukan ang puso, at kanilang dinala, bawat isa na ang espiritu’y nagpakilos sa kaniya, ang abuloy kay Jehova para sa gawain ng tolda ng kapulungan at para sa lahat ng paglilingkuran ukol dito at para sa banal na mga kasuutan.” Ang “boluntaryong paghahandog” na ito ay unti-unting dumami nang gayon na lamang anupat iyon ay ‘nakahigit pa sa kinakailangan para sa gawain na iniutos ni Jehova.’ (Exodo 35:21-29; 36:3-5) Tunay ngang walang-pag-iimbot at bukas-palad na espiritu ang ipinamalas ng mga tao!
Makalipas ang wala pang 500 taon, nanawagan uli para sa isang bukas-palad na pag-aabuloy mula sa mga Israelita. Ang hangarin ni Haring David na magtayo ng isang permanenteng bahay para kay Jehova sa Jerusalem ay matutupad na sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Solomon. Si David mismo ay nagtipon at nag-abuloy ng malaking bahagi na kakailanganin. Ang iba’y nakibahagi nang manawagan si David na magdala ng “isang kaloob para kay Jehova.” Ang resulta? “Ang bayan ay nagbigay-daan sa pagsasaya dahil sa kanilang boluntaryong mga handog, sapagkat ginawa nila ang boluntaryong paghahandog kay Jehova na taglay ang buong puso; at maging si David na hari mismo ay nagsaya nang may malaking kagalakan.” (1 Cronica 22:14; 29:3-9) Ang pilak at ginto lamang ay magkakahalaga ngayon ng mga $50 bilyon!—2 Cronica 5:1.
Mapapansin natin buhat sa mga halimbawang ito na walang sinuman ang pinilit na magbigay. Iyon ay talagang “boluntaryo” at ibinigay na “taglay ang buong puso.” Si Jehova ay hindi malulugod kung hindi gayon ang pagbibigay. Gayundin naman, nang bumangon ang pagkakataon na mag-abuloy ng salapi para matulungan ang nagdarahop na mga Kristiyano, sumulat si apostol Pablo na iyon ay hindi kailangang maging “gaya ng isang bagay na ipinangikil.” Sinabi pa niya: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.”—2 Corinto 9:5, 7.
Ang Pangangailangan sa Ngayon
Mayroon bang pangangailangan ngayon para sa mga abuloy? Tunay na mayroon, at magkakaroon ng higit pa habang lumalakad ang panahon. Bakit?
Ang mga Kristiyano ay binigyan ng espesipikong tagubilin para sa panahong ito ng kawakasan. Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Upang maisagawa ang dakilang pagtuturo at pangangaral na ito habang tayo’y papalapit nang papalapit sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay nangangailangan ng malaking panahon at mga tinatangkilik. Bakit? Dahilan sa lahat ng kasangkot sa paghahatid ng mensahe ng Kaharian ng Diyos “sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Karamihan ng mga tao ay hindi bihasa sa Kasulatan di-gaya ng unang-siglong mga Judio. Sa katunayan, karamihan ng mga tao sa lupa ay walang alam sa Bibliya at hindi nila itinuturing ito bilang ang Salita ng Diyos. Kailangang magsanay ng mga mángangarál at ipadala sila sa malalayong lupain. (Roma 10:13-15) At isip-isipin ang dami ng wikang nasasangkot! Yaong mga pinangangaralan ay kailangang magkaroon ng Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya upang mabasa at mapag-aralan sa kanilang sariling wika. Upang maabot ang lahat sa sistematikong paraan at pasulong na turuan sila tungo sa espirituwal na pagkamaygulang upang kanila ring matulungan ang iba ay nangangailangan ng malawakang organisasyon.—2 Timoteo 2:2.
Sinabi ni Jesus na ang ‘mabuting balita ng kaharian’ ay dapat munang ‘maipangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Kaya ngayon na ang panahon na gawin ang lahat ng makakaya natin upang maisagawa ang mahalagang gawaing iyan. Ang ating mga tinatangkilik ay magagamit sa pinakamagaling na paraan bago ang materyal na kayamanan ay mawalan na ng anumang praktikal na halaga.—Ezekiel 7:19; Lucas 16:9.
Saan Napupunta ang Salapi?
Ang Samahang Watch Tower ay naglalathala ng literatura sa Bibliya sa mahigit na 230 wika, gayundin ng Braille para sa mga bulag at mga video sa wikang pasenyas para sa bingi. Iyan ay nangangailangan ng mga pangkat ng mga tagasalin (translator) at mga tagawasto (proofreader) sa bawat wika. Ang isipin lamang ang lahat ng gawaing ito, lalo na para sa magasing Bantayan, na inilalathala bawat buwan sa 121 wika at sabay-sabay sa 101 ng mga ito, ay talaga namang nakapanggigilalas. Gayunman ito ay kailangan upang ang mga tao sa buong lupa ay magkaroon at makabasa ng gayunding impormasyon. Taun-taon ay tumataas ang halaga ng papel at iba pang materyales na ginagamit sa paglilimbag ng mensahe ng Kaharian at sa paggawa ng mga audio o video recording tungkol dito. Ang gayong halaga ay kailangang matakpan sa pamamagitan ng paggamit sa mga donasyon buhat sa mga kapatid.
Ang pangangaral at pagtuturo ay isinasagawa sa mga teritoryong nasasaklaw ng mahigit sa 75,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Upang sila’y pagkaisahin at pasiglahin, ang sinanay na mga naglalakbay na tagapangasiwa ay dumadalaw nang mga dalawang beses sa isang taon sa bawat kongregasyon. Ang mga asamblea ay gumaganap din ng mahalagang bahagi sa pagtuturo. Malalaking pasilidad ang kailangang upahan para sa mga kombensiyon, na totoong nakapagpapatibay ng pananampalataya. Ang inyong abuloy ay ginagamit din para sa mga layuning ito.
Samantalang ang mga asamblea ay karaniwang ginaganap nang tatlong beses lamang sa isang taon, ang lokal na mga kongregasyon ay nagtitipon sa limang lingguhang pulong. (Ihambing ang Exodo 34:23, 24.) Ang pagdagsa ng mga baguhan na tumutugon sa mabuting balita ay nangangahulugan ng karagdagan pang libu-libong bagong kongregasyon bawat taon. Sa tulong ng milyun-milyong dolyar na pagpapautang na pinangangasiwaan ng Samahan, daan-daang bagong mga Kingdom Hall ang naitatayo bawat taon, at marami pang iba ang kinukumpuni at nilalakihan. Bagaman ito ay isang pondong pinaiikot, patuloy na lumalaki ang pangangailangan.
Ang isang dako na doo’y nangyayari ang wala pang nakakatulad na paglago ay sa mga bansa sa Silangang Europa na noo’y sakop ng dating Unyong Sobyet. Nakatutuwa nga ang balita na ang gawain ay nabuksan na sa mga dakong ito! Ngayon ay nagpapadala ng mga misyonero sa marami sa mga bansang ito. Nakapagtatag ng mga bagong sangay sa ilang lupain, anupat ang bilang ng mga boluntaryong ministro na mga miyembro ng pandaigdig na pamilyang Bethel ay umabot na sa mahigit na 15,000. Siyempre pa, kinailangang bumili o magtayo ng mga gusaling pansangay na kanilang matitirahan. Nakatutulong ang inyong abuloy upang masapatan ang pangangailangang iyan.
Ang lahat ng gawaing ito ay hindi nakalampas sa pansin ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Ginagawa nila ang lahat upang hadlangan ang pagsisikap ng tapat na mga lingkod ni Jehova o dulutan sila ng mga problema. (Apocalipsis 12:17) Ito’y nangangahulugan ng dumaraming ipinaglalabang mga kaso upang maipagsanggalang ang karapatan ng bayan ng Diyos na makapangaral at mamuhay na kasuwato ng kaniyang matuwid na mga batas. Isa pa, ang mga pinsalang dulot ng digmaan sa sistema ng mga bagay ni Satanas, pati na rin ang likas na mga kapahamakan, ay nangangahulugan na kailangan ang tulong para sa ating naapektuhang mga kapatid at sa mga iba pa na kasama nila. Ang inyong abuloy ay nakatutulong upang matustusan ang mahalagang pangangailangang ito.
Gagantimpalaan Kayo ni Jehova
Ang bukas-palad na paggamit ng ating panahon at mga tinatangkilik sa pagtataguyod ng gawain ng Panginoon ay nagdudulot ng lalong higit na mga pagpapala. Papaano? Sapagkat gagantimpalaan tayo ng Diyos, na siyang ganap na may-ari ng lahat ng bagay. Ang Kawikaan 11:25 ay nagsasabi: “Ang kaluluwang mapagbigay ay siya mismong patatabain, at siyang saganang dumidilig sa iba ay siya rin mismo ang saganang didiligin.” Si Jehova ay tunay na nalulugod kapag ginagawa natin ang ating bahagi upang mapasulong ang pagsamba sa kaniya. (Hebreo 13:15, 16) Siya’y nangako sa sinaunang mga Israelita na magdadala ng mga abuloy na kahilingan ng tipang Batas: “ ‘Pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ ” (Malakias 3:10) Ang espirituwal na kaunlaran na tinatamasa ngayon ng mga lingkod ni Jehova ay patotoo na tinutupad ng Diyos ang kaniyang pangako.
Ang dakilang gawaing ito na paghahayag sa lahat ng araw ng kaligtasan at pag-akay sa mga tapat-puso sa daan ng buhay ay may katapusan. (Mateo 7:14; 2 Corinto 6:2) Subalit lahat niyaong “ibang mga tupa” ay kailangang matipon. (Juan 10:16) Kailangan ngang matugunan ang hamon na iyan sa ngayon! At ano ngang ligaya ang madarama ng bawat isa sa atin, sa paglingon buhat sa bagong sanlibutang iyan ng katuwiran, na sabihing, ‘Ako’y nagkaroon ng lubusang bahagi sa pangwakas na pagtitipong iyon’!—2 Pedro 3:13.
[Kahon sa pahina 30, 31]
Kung Papaano Nag-aabuloy ang Ilan sa Gawaing Pangangaral ng Kaharian
MGA ABULOY PARA SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN: Marami ang nagtatabi o naglalaan ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahong abuluyan na may markang: “Contributions for the Society’s Worldwide Work—Matthew 24:14.” Bawat buwan ay ipinadadala ng kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay.
MGA KALOOB: Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang kaloob ang dapat na kasama ng mga abuloy na ito.
KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON: Maaaring magkaloob ng salapi sa Samahang Watch Tower upang ito ang maghawak niyaon hanggang sa kamatayan ng nagkaloob, kasama ang probisyon na kung sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito ay ibabalik sa nagkaloob.
SEGURO: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyari ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano sa pagreretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
DEPOSITO SA BANGKO: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras na mamatay sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
MGA AKSIYÓN AT BONO: Ang mga aksiyón at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman bilang tuwirang kaloob o sa ilalim ng isang kaayusan na sa pamamagitan niyaon ang kita ay patuloy na ibabayad sa nagkaloob ng donasyon.
LUPA’T BAHAY: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba ng isang bahagi niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang ari-arian.
TESTAMENTO AT IPINAGKATIWALA: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ang maaaring gawing benepisyari ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis. Ang isang kopya ng testamento o kasunduan sa ipinagkatiwala ay dapat ipadala sa Samahan.
ISINAPLANONG PAGBIBIGAY: Ang Samahan ay naghanda ng brosyur sa wikang Ingles na may pamagat na “Planned Giving.” Masusumpungan niyaong mga nasa Estados Unidos na nagbabalak ngayon na magbigay ng isang pantanging kaloob sa Samahan o mag-iwan ng mana pagkamatay na nakatutulong ang impormasyong ito. Iyon ay lalo nang totoo kung hangad nilang matamo ang isang pampamilyang tunguhin o isinaplanong layunin sa ari-arian samantalang ginagamit ang mga kapakinabangan sa buwis upang makatipid sa gastos ng kaloob o pamana.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa alinmang nabanggit na, sumulat sa Treasurer’s Office, Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa.