Mga Bunga—Mabubuti at Masasama
“Si Jehova ang nagpakita sa akin, at, narito! dalawang basket ng igos . . . At doon sa isang basket, ang mga igos ay totoong mabubuti, na parang mga igos na mga unang hinog; at sa kabilang basket ay may totoong masasamang igos, kaya hindi makain dahil sa napakasamâ.”—JEREMIAS 24:1, 2.
1. Papaano nagpakita si Jehova ng pagkahabag sa kaniyang bayan, ang Israel, ngunit papaano sila tumugon?
ANG taon ay 617 B.C.E. Noon ay sampung taon lamang bago ang karapat-dapat na hatol ni Jehova ay isinagawa laban sa Jerusalem at sa mga tao roon. Si Jeremias ay puspusang nangangaral nang may 30 taon na. Pansinin ang buong linaw na paglalarawan ni Ezra sa kalagayan, gaya ng masusumpungan sa 2 Cronica 36:15: “Si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno ay patuloy na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, na paulit-ulit na nagsugo, sapagkat siya’y nagdalang-habag sa kaniyang bayan at sa kaniyang tahanang dako.” At ano ang naging resulta ng lahat ng pagsisikap na ito? Nakalulungkot, si Ezra ay nagpatuloy ng paglalahad sa 2 Cron 36 talatang 16: “Subalit kanilang patuloy na tinutuya ang mga mensahero ng tunay na Diyos at niwawalang-kabuluhan ang kaniyang mga salita at dinudusta ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang poot ni Jehova ay bumugso laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagamutan.”
2, 3. Ilarawan ang nakatatawag-pansing pangitain na ipinakita ni Jehova kay Jeremias.
2 Nangangahulugan ba ito na ang bansang Juda ay lubusang mapaparam? Upang masumpungan ang kasagutan, ating isaalang-alang ang isang mahalagang pangitain na ngayon ay ibinigay kay Jeremias at isinulat sa Jer kabanata 24 ng aklat na may taglay ng kaniyang pangalan. Gumamit ang Diyos ng dalawang basket ng igos sa pangitaing ito upang sumagisag sa mga pangyayari sa gitna ng kaniyang tipang bayan. Ang mga ito ay kakatawanin ng dalawang magkaibang uri ng bunga, mabuti at masama.
3 Ang Jeremias kabanata 24, mga talatang 1 at 2, ay naglalarawan ng nakita ng propeta ng Diyos: “Si Jehova ang nagpakita sa akin, at, narito! dalawang basket ng igos na nakalagay sa harap ng templo ni Jehova, pagkatapos na madalang-bihag ni Nabucodonosor na hari ng Babilonya si Jeconias na anak ni Joachim, ang hari ng Juda, at ang mga prinsipe ng Juda at ang dalubhasang mga manggagawa at ang mga magbabakal, mula sa Jerusalem upang mangadala sila sa Babilonya. At doon sa isang basket, ang mga igos ay totoong mabubuti, na parang mga igos na mga unang hinog; at sa kabilang basket ay may totoong masasamang igos, kaya hindi makain dahil sa napakasamâ.”
Ang Pangitain Tungkol sa Mabubuting Igos
4. Anong nakaaaliw na mensahe sa tapat na mga Israelita ang taglay ng pangitain tungkol sa mga igos?
4 Pagkatapos itanong kay Jeremias ang tungkol sa kaniyang nakita, si Jehova ay nagpatuloy na nagsabi sa mga Jer 24 talatang 5 hanggang 7: “Kung papaano ang mabubuting igos na ito, gayon ko kikilalanin ang mga bihag ng Juda, na aking payayauhin mula sa dakong ito patungo sa lupain ng mga Caldeo, sa ikabubuti. At aking itititig sa kanila ang aking mga mata sa ikabubuti, at aking dadalhin sila uli sa lupaing ito. At aking itatayo sila, at hindi ko igigiba; at aking itatanim sila, at hindi ko bubunutin. At aking bibigyan sila ng puso upang makilala ako, na ako’y si Jehova; at sila’y magiging aking bayan, at ako’y magiging kanilang Diyos, sapagkat sila’y manunumbalik sa akin nang kanilang buong puso.”
5, 6. (a) Papaanong ang ilang Israelita ay ‘pinayaon sa kanilang ikabubuti’ sa Caldea? (b) Papaano ‘itinitig [ni Jehova] ang kaniyang mata sa ikabubuti’ ng tapat na mga Israelita na nasa pagkabihag?
5 Kaya waring batay sa sinabi rito ni Jehova ay mabubuting panahon ang dumarating, na ang bansang Juda ay hindi lubusang mapaparam. Subalit ano ang kahulugan ng basket na ito ng mabubuting igos?
6 Si Jeconias, o Joachin, ay naghari sa Juda sa loob ng tatlong buwan at sampung araw lamang bago niya kusang isinuko ang Jerusalem kay Haring Nabucodonosor. Kabilang sa mga dinalang-bihag na kasama niya sa ibang lupain ay sina Daniel at ang kaniyang tatlong Hebreong kasama na sina Hananias, Misael, at Azarias, gayundin si Ezekiel. Ang kanilang buhay ay iningatan ng hari ng Babilonya, kaya masasabing ang lahat ng bihag na ito ay pinayaon ni Jehova sa ikabubuti sa lupain ng mga Caldeo. Napansin mo ba na ipinangako rin ni Jehova na kaniyang ‘itititig ang kaniyang mata sa kanila sa ikabubuti’? Papaano ito natupad? Noong 537 B.C.E., makalipas ang 80 taon, pinangyari ni Jehova na si Haring Ciro ay maglabas ng isang utos na pinapayagan ang isang nalabi ng kanilang mga inapo upang bumalik sa lupain ng Juda. Muling itinayo ng tapat na mga Judiong ito ang lunsod ng Jerusalem; sila’y nagtayo ng isang bagong templo ukol sa pagsamba sa kanilang Diyos, si Jehova; at sila’y nanumbalik sa kaniya nang kanilang buong puso. Kaya sa lahat ng ito, kay Jehova ang mga bihag na ito at ang kanilang mga inapo ay katulad ng napakabubuting unang bunga ng igos.
7. Kailan at papaano itinitig ang mata ni Jehova “sa ikabubuti” ng modernong uring Jeremias?
7 Marahil ay natatandaan mo na sa naunang artikulo tungkol sa makahulang mga salita ni Jeremias, ating natutunan na ang mga ito ay may kahulugan para sa ating ika-20 siglo. At ang Jer kabanata 24 ay hindi isang kataliwasan. Noong nakalalagim na mga taon ng Digmaang Pandaigdig I, marami sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova ang napasailalim ng impluwensiya ng Babilonyang Dakila sa anumang paraan. Subalit ang mapagbantay na mata ni Jehova ay ‘nakatitig sa kanila sa ikabubuti.’ Kaya sa pamamagitan ng Lalong Dakilang Ciro, si Kristo Jesus, niwasak ni Jehova ang kapangyarihan sa kanila ng Babilonyang Dakila at unti-unting dinala sila sa isang espirituwal na paraiso. Ang espirituwal na mga Israelitang ito ay tumugon at nanumbalik kay Jehova nang kanilang buong puso. Pagkatapos, noong 1931, sila’y nagalak na tanggapin ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Oo, ngayon ay masasabi na sila’y naging gaya ng isang basket ng napakabubuting igos sa paningin ni Jehova.
8. Sa anong paraan ibinabalita ng mga Saksi ni Jehova ang tulad-igos na katamisan ng mensahe ng Kaharian?
8 At hindi niwalang kabuluhan ng mga Saksi ni Jehova ang layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pagpapalaya sa kanila buhat sa Babilonyang Dakila. Hindi nila sinarili ang tulad-igos na katamisan ng pang-Kahariang mensahe ng mabuting balita, kundi ibinalita nila iyon sa iba bilang pagsunod sa mga salita ni Jesus sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” At ano ang resulta? Mahigit na 4,700,000 tulad-tupang mga tao na hindi espirituwal na mga Israelita ang nakalaya buhat sa Babilonyang Dakila!
Ang Pangitain Tungkol sa Masasamang Igos
9. Sino ang isinagisag ng masasamang igos sa pangitain ni Jeremias, at ano ang mangyayari sa kanila?
9 Subalit kumusta naman ang basket ng masasamang igos sa pangitain ni Jeremias? Ngayon ay ipinapako ni Jeremias ang kaniyang pansin sa mga Salita ni Jehova na matatagpuan sa Jeremias kabanata 24, mga talatang 8 hanggang 10: “Tulad ng masasamang igos na hindi makain dahil sa napakasamâ, tunay na ganito ang sabi ni Jehova: ‘Sa gayo’y pababayaan ko si Zedekias na hari ng Juda at ang kaniyang mga prinsipe at ang nalabi sa Jerusalem na naiwan sa lupaing ito at ang nagsisitahan sa lupain ng Ehipto—akin silang pababayaan upang mapahapay na paroo’t parito sa gitna ng lahat ng kaharian sa lupa, sa ikasasamâ, at upang maging kahihiyan at kawikaan, kakutyaan at sumpa, sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila. At aking pararatingin ang tabak, ang kagutom at ang salot sa gitna nila, hanggang sa sila’y malipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga ninuno.’”
10. Bakit itinuring ni Jehova si Zedekias na isang ‘masamang igos’?
10 Kaya si Zedekias ay tunay na naging isang ‘masamang igos’ sa paningin ni Jehova. Siya’y hindi lamang naghimagsik laban kay Haring Nabucodonosor sa pamamagitan ng pagsira sa sumpa ng katapatan na ginawa niya sa haring iyon sa pangalan ni Jehova kundi lubusan din niyang tinanggihan ang awa ni Jehova na ipinakita sa kaniya sa pamamagitan ni Jeremias. Sa katunayan, ipinakulong pa niya si Jeremias! Hindi kataka-takang tukuyin ni Ezra ang saloobin ng hari ayon sa kaniyang sinabi sa 2 Cronica 36:12: “Siya’y nagpatuloy na gawin ang masama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos. Hindi siya nagpakumbaba.” Sa paningin ni Jehova si Zedekias at yaong mga naroroon pa sa Jerusalem ay mistulang isang basket ng masasama, bulok na mga igos!
Bulok na Simbolikong mga Igos sa Ating Kaarawan
11, 12. Sino ang makikilala bilang masasamang igos sa ngayon, at ano ang mangyayari sa kanila?
11 Buweno, magmasid ka sa palibot ng daigdig ngayon. Sa palagay mo kaya’y makakakita tayo ng isang simbolikong basket ng masasamang igos? Ating isaalang-alang ang mga patotoo sa pamamagitan ng paghahambing ng ating kaarawan sa kaarawan ni Jeremias. Sa ika-20 siglong ito, ginagamit ni Jehova ang uring Jeremias, ang pinahirang nalabi, upang patuluyang magbabala sa mga bansa tungkol sa kaniyang napipintong galit pagsapit ng malaking kapighatian. Ipinayo niya sa grupo ng mga bansa na luwalhatiin siya ng kaluwalhatiang nauukol sa kaniyang pangalan, sambahin siya sa espiritu at katotohanan, at kilalanin ang kaniyang nagpupunong Anak, si Kristo Jesus, bilang matuwid na Tagapamahala ng lupa. Ano ang tugon nila? Katulad din noong kaarawan ni Jeremias. Ang mga bansa ay nagpapatuloy sa paggawa ng masama sa paningin ni Jehova.
12 Sino ba ang mga nagsusulsol ng ganitong saloobin ng paghihimagsik? Sino ang patuloy na nanunuya sa tulad-Jeremias na mga mensaherong ito ng Diyos pagka hinahamon ang kanilang karapatan na kumilos bilang mga ministro ng Diyos? Sino ang patuloy na humahamak sa Salita ng Diyos? Sino sa ngayon ang nasa likod ng karamihan ng pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova? Ang sagot ay buong linaw na makikita ng lahat—iyon ay ang Sangkakristiyanuhan, lalo na ang klero! At masdan lamang ang lahat ng bulok, masasamang bunga ng Sangkakristiyanuhan na tinalakay sa naunang artikulo. Ah, oo, talagang may isang simbolikong basket ng masasamang igos sa lupa ngayon. Sa katunayan, sinasabi ni Jehova na ang mga ito ay hindi “makain dahil sa napakasamâ.” Ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias ay umaalingawngaw hanggang sa ating kaarawan: ‘Sila’y magwawakas’! Ang matinding galit ni Jehova laban sa Sangkakristiyanuhan ay hindi makasusumpong ng kagamutan.
Isang Babalang Aral Para sa Atin
13. Sa liwanag ng mga salita ni Pablo na nasa 1 Corinto 10:11, papaano natin dapat unawain ang pangitain tungkol sa dalawang basket ng mga igos?
13 Samantalang sinusuri natin ang mga ipinahihiwatig ng kinasihang babalang mensahe ni Jeremias, ang mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 10:11 ay tumataginting sa ating pandinig: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” Personal bang isinapuso natin ang babala na ipinahiwatig sa atin ng pangitaing ito tungkol sa dalawang basket ng igos? Ang ating tinatalakay ay isang bahagi ng mga bagay na sumapit sa Israel bilang isang babalang halimbawa para sa atin.
14. Papaano tumugon ang Israel sa malumanay na pangangalaga ni Jehova?
14 Sa wakas, alalahanin natin ang mga salita ni Jehova kay Haring David tungkol sa Israel, na matatagpuan sa 2 Samuel 7:10: “At aking tatakdaan ng isang dako ang aking bayang Israel at aking itatatag sila.” Malumanay na inalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan, ang Israel, sa lahat ng paraan. May lahat ng dahilan para ang mga Israelita ay magsibol ng mabubuting bunga sa kanilang buhay. Kailangan lamang na sila’y makinig sa banal na pagtuturo ni Jehova at sundin nila ang kaniyang mga utos. Ngunit, kakaunti lamang sa kanila ang gumawa ng ganiyan. Ang karamihan ay totoong matitigas ang ulo at masuwayin anupat ang kanilang isinibol ay masasama, bulok na mga bunga.
15. Papaano tumugon sa awa ni Jehova ang espirituwal na Israel ngayon at ang kanilang tulad-tupang mga kasama?
15 Kung gayon, kumusta ang ating kaarawan? Si Jehova ay nagpakita ng malaking awa sa kaniyang nalabi ng espirituwal na Israel at sa kanilang tulad-tupang mga kasama. Ang kaniyang mata ay laging nakatitig sa kanila buhat nang kamtin nila ang espirituwal na katubusan noong 1919. Gaya ng inihula sa pamamagitan ni Isaias, sa araw-araw sila’y tumatanggap ng banal na pagtuturo buhat sa pinakadakilang Guro sa uniberso, ang Diyos na Jehova. (Isaias 54:13) Ang banal na pagtuturong ito, na isinasagawa sa pamamagitan ng kaniyang mahal na Anak, si Jesu-Kristo, ay nagbunga ng saganang kapayapaan sa gitna nila at matatag na nagdala sa kanila sa isang lalong matalik na kaugnayan kay Jehova. Anong kahanga-hangang espirituwal na kapaligiran ang idinudulot nito sa ating lahat na makilala si Jehova, makinig sa kaniya, at patuloy na magsibol ng mabubuting bunga sa ating buhay—mga bunga na nagdudulot ng kapurihan kay Jehova! Ito’y nangangahulugan ng atin mismong buhay!
16. Sa anong paraan maikakapit ng bawat isa sa atin ang aral sa pangitain tungkol sa dalawang basket ng igos?
16 Subalit sa kabila ng lahat ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, mayroon pa ring ilan na mapaghimagsik at may katigasan ang puso, gaya ng marami sa sinaunang Juda, at nagsibol ng masasama, bulok na mga bunga sa kanilang buhay. Anong lungkot nga nito! Harinawang walang isa man sa atin na magwalang-bahala sa babalang aral na itinawag-pansin sa atin ng dalawang basket na ito ng mga igos kasali na ang kanilang mga bunga—mabubuti at masasama. Habang ang karapat-dapat na paghatol ni Jehova laban sa apostatang Sangkakristiyanuhan ay pinabibilis, harinawang ating isapuso ang payo ni apostol Pablo: “Lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa.”—Colosas 1:10.
Pagrerepaso “Mga Bunga—Mabubuti at Masasama” at mga parapo 1-4 ng “Ang Pakikipag-alitan ni Jehova sa mga Bansa”
◻ Ano ba ang isinasagisag ng basket ng mabubuting igos?
◻ Papaano nagliliwanag ang kahulugan ng basket ng masasamang igos sa pangitain?
◻ Anong babalang aral ang ibinibigay sa atin ng mensahe ni Jeremias?
◻ Ano ang makahulugan tungkol sa taóng 607 B.C.E.? at 1914 C.E.?
[Larawan sa pahina 15]
Tulad ng mabubuting igos, ang bayan ng Diyos ay nagsibol ng matatamis na bunga ng Kaharian
[Larawan sa pahina 15]
Ang Sangkakristiyanuhan ay napatunayang mistulang isang basket ng masasamang igos