Manatili sa “Lunsod ng Kanlungan” at Mabuhay!
“Kailangan siyang manirahan sa kaniyang lunsod ng kanlungan hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote.”—BILANG 35:28.
1. Sino ang Tagapaghiganti ng dugo, at anong pagkilos ang malapit na niyang gawin?
ANG inatasan ni Jehova na Tagapaghiganti ng dugo, si Jesu-Kristo, ay mananakit na. Kasama ang kaniyang mga hukbo ng anghel, ang Tagapaghiganting ito ay malapit nang kumilos laban sa lahat ng may pagkakasala sa dugo na di-nagsisisi. Oo, si Jesus ay maglilingkod bilang Tagapuksa na inatasan ng Diyos sa mabilis na dumarating na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21, 22; Isaias 26:21) Sa panahong iyon ang sangkatauhan ay haharap sa kanilang pagkakasala sa dugo.
2. Ano ang tanging tunay na dako ng kanlungan, at anong mga tanong ang humihingi ng sagot?
2 Ang paraan sa kaligtasan ay ang pagpunta sa daan patungo sa antitipikong lunsod ng kanlungan at iligtas ang buhay ng isa! Kung tinanggap sa lunsod, ang isang takas ay kailangang manatili roon, sapagkat iyon lamang ang tanging tunay na dako ng kanlungan. Pero baka itanong ninyo, ‘Yamang karamihan sa atin ay hindi kailanman nakapatay ng sinuman, talaga nga bang may pagkakasala tayo sa dugo? Bakit si Jesus ang Tagapaghiganti ng dugo? Ano ang modernong-panahong lunsod ng kanlungan? Ligtas kayang makaaalis ang sinuman mula roon?’
Talaga nga Kayang May Pagkakasala Tayo sa Dugo?
3. Anong bahagi ng Batas Mosaiko ang tutulong sa atin na makitang ang bilyun-bilyon sa lupa ay may pagkakasala sa dugo?
3 Ang isang bahagi ng Batas Mosaiko ay tutulong sa atin na makitang ang bilyun-bilyon sa lupa ay may pagkakasala sa dugo. Iniatang ng Diyos sa mga Israelita ang panlahatang pananagutan sa pagbububo ng dugo. Kung ang sinuman ay masumpungang pinaslang at hindi alam kung sino ang pumaslang sa kaniya, susukatin ng mga hukom ang distansiya ng nakapalibot na mga lunsod upang tiyakin ang pinakamalapit na lunsod. Upang linisin ang pagkakasala, babaliin ng matatanda sa lumilitaw na nagkasalang lunsod ang leeg ng isang dumalaga at di pa naipagtatrabahong baka sa isang basal na agusáng libis. Ito’y ginagawa sa harap ng mga saserdoteng Levita ‘sapagkat pinili sila ni Jehova upang lutasin ang mga pagtatalo hinggil sa mararahas na gawa.’ Huhugasan ng matatanda ng lunsod ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng baka at sasabihin: “Ang aming kamay ay hindi nagbubo ng dugong ito, ni nakita man ng aming mga mata nang ibubo ito. Huwag mong ipataw ito sa iyong bayang Israel, na iyong tinubos, O Jehova, at huwag mong ilagay ang pagkakasala sa dugo ng inosente sa gitna ng iyong bayang Israel.” (Deuteronomio 21:1-9) Hindi nais ni Jehova na ang lupain ng Israel ay madumhan ng dugo o ang mga tao roon ay magpasan ng panlahatang pagkakasala sa dugo.
4. Ano ang rekord ng Babilonyang Dakila hinggil sa pagkakasala sa dugo?
4 Oo, mayroong bagay na gaya ng panlahatan, o pangkomunidad, na pagkakasala sa dugo. Isaalang-alang ang napakalaking kasalanan sa dugo na nakaatang sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Aba, siya ay lasing sa dugo ng mga lingkod ni Jehova! (Apocalipsis 17:5, 6; 18:24) Ang mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ay nag-aangking sumusunod sa Prinsipe ng Kapayapaan, ngunit ang mga digmaan, inkisisyong relihiyoso, at mapamuksang mga krusada ay gumawa sa kaniya na may pagkakasala sa dugo sa harapan ng Diyos. (Isaias 9:6; Jeremias 2:34) Sa katunayan, siya ang pangunahing dapat managot sa pagkamatay ng milyun-milyon sa dalawang digmaang pandaigdig ng siglong ito. Samakatuwid, ang mga tagasunod ng huwad na relihiyon pati na ang mga tagatangkilik at nakilahok sa mga digmaan ng tao ay may pagkakasala sa dugo sa harapan ng Diyos.
5. Papaanong ang ilang tao ay naging kagaya niyaong nakapatay nang di-sinasadya sa Israel?
5 Ang ilang tao ay naging dahilan ng pagkamatay ng ibang tao nang sinasadya o dahil sa kawalang-ingat. Ang iba ay nakibahagi sa lansakang pamamaslang, marahil nahikayat ng mga relihiyosong lider sa pagsasabing ito ang kalooban ng Diyos. Ang iba naman ay umusig at pumatay sa mga lingkod ng Diyos. Gayunman, kahit na hindi natin nagawa ang gayong mga bagay, kabahagi tayo sa pangkomunidad na pananagutan sa pagkawala ng buhay ng tao dahil hindi natin alam ang batas at kalooban ng Diyos. Tulad tayo ng taong di-sinasadyang ‘pumatay sa kaniyang kapuwa nang hindi iyon nalalaman at na hindi niya kinapopootan noong una.’ (Deuteronomio 19:4) Ang gayong mga tao ay dapat na magmakaawa sa Diyos at tumakbo sa antitipikong lunsod ng kanlungan. Kung hindi ay makakatagpo nila ang pumapatay na Tagapaghiganti ng dugo.
Mahahalagang Papel ni Jesus
6. Bakit masasabi na si Jesus ang pinakamalapit na kamag-anak ng sangkatauhan?
6 Sa Israel ang tagapaghiganti ng dugo ay ang pinakamalapit na kamag-anak ng biktima. Upang ipaghiganti ang lahat niyaong namatay sa lupa at lalo na yaong pinaslang na mga lingkod ni Jehova, ang kasalukuyang Tagapaghiganti ng dugo ay kailangang yaong kamag-anak ng buong sangkatauhan. Ang papel na iyan ay natugunan ni Jesu-Kristo. Siya ay ipinanganak na isang taong sakdal. Isinuko ni Jesus sa kamatayan ang kaniyang walang-salang buhay bilang haing pantubos, at pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli sa langit, iniharap niya sa Diyos ang bisa nito alang-alang sa namamatay na mga inapo ng makasalanang si Adan. Sa gayon si Kristo ay naging Tagatubos ng sangkatauhan, ang ating pinakamalapit na kamag-anak—ang karapat-dapat na Tagapaghiganti ng dugo. (Roma 5:12; 6:23; Hebreo 10:12) Si Jesus ay nakilala bilang kapatid ng kaniyang pinahirang mga tagasunod-yapak. (Mateo 25:40, 45; Hebreo 2:11-17) Bilang makalangit na Hari siya ay nagiging “Walang-Hanggang Ama” niyaong makikinabang sa kaniyang hain bilang kaniyang makalupang mga sakop. Ang mga ito ay mabubuhay magpakailanman. (Isaias 9:6, 7) Kaya angkop lamang ang pagkahirang ni Jehova sa Kamag-anak na ito ng sangkatauhan bilang siyang Tagapaghiganti ng dugo.
7. Bilang ang dakilang Mataas na Saserdote, ano ang ginagawa ni Jesus para sa mga tao?
7 Si Jesus din naman ay isang walang-sala, subók, madamaying Mataas na Saserdote. (Hebreo 4:15) Taglay ang katungkulang iyan ikinakapit niya ang bisa ng kaniyang nagbabayad-salang hain sa sangkatauhan. Ang mga lunsod ng kanlungan ay itinayo “para sa mga anak ni Israel at para sa mga naninirahang dayuhan at para sa nakikipamayan sa gitna nila.” (Bilang 35:15) Kaya unang ikinapit ng dakilang Mataas na Saserdote ang bisa ng kaniyang hain sa kaniyang mga pinahirang tagasunod, “ang mga anak ni Israel.” Ngayon ito ay ikinakapit sa ‘mga naninirahang dayuhan’ at ‘mga nakikipamayan’ sa antitipikong lunsod ng kanlungan. Ang “ibang mga tupa” na ito ng Panginoong Jesu-Kristo ay umaasang mabubuhay magpakailanman sa lupa.—Juan 10:16; Awit 37:29, 34.
Ang Lunsod ng Kanlungan Ngayon
8. Ano ang antitipikong lunsod ng kanlungan?
8 Ano ang antitipikong lunsod ng kanlungan? Hindi iyon isang lugar sa lupa kagaya ng Hebron, na isa sa anim na Levitang lunsod ng kanlungan at tahanan ng mataas na saserdote ng Israel. Ang lunsod ng kanlungan sa ngayon ay ang paglalaan ng Diyos upang ipagsanggalang tayo buhat sa kamatayan dahil sa paglabag sa kaniyang utos tungkol sa kabanalan ng dugo. (Genesis 9:6) Sinasadya man o hindi, bawat sumuway sa utos na iyan ay kailangang humingi ng kapatawaran ng Diyos at ng pagpawi ng kaniyang kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo ng Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. Sinamantala ng mga pinahirang Kristiyano na may makalangit na pag-asa at ng “malaking pulutong” na may makalupang pag-asa ang mga pakinabang ng nagbabayad-salang hain ni Jesus at sila ay nasa antitipikong lunsod ng kanlungan.—Apocalipsis 7:9, 14; 1 Juan 1:7; 2:1, 2.
9. Papaano nilabag ni Saul ng Tarso ang utos ng Diyos hinggil sa dugo, subalit papaano niya ipinamalas ang pagbabago ng saloobin?
9 Bago siya naging Kristiyano, nilabag na ni apostol Pablo ang utos hinggil sa dugo. Bilang si Saul ng Tarso, pinag-usig niya ang mga tagasunod ni Jesus at sinang-ayunan pa nga ang pagpaslang sa kanila. “Gayunpaman,” sabi ni Pablo, “ako ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat ako ay walang-alam at kumilos sa kawalan ng pananampalataya.” (1 Timoteo 1:13; Gawa 9:1-19) Si Saul ay nagsisi, na sa dakong huli ay pinatunayan ng maraming gawa ng pananampalataya. Subalit higit pa sa pananampalataya sa pantubos ang kailangan upang makapasok sa antitipikong lunsod ng kanlungan.
10. Papaano posible na magtamo ng mabuting budhi, at ano ang kailangan upang maingatan iyon?
10 Ang isang nakapatay nang di-sinasadya ay makapananatili sa isa sa mga lunsod ng kanlungan sa Israel tangi lamang kung mapatutunayan niya na taglay niya ang isang mabuting budhi sa harap ng Diyos may kinalaman sa pagbububo ng dugo. Upang magkaroon ng mabuting budhi, kailangang manampalataya tayo sa hain ni Jesus, magsisi sa ating mga kasalanan, at baguhin ang ating landasin. Kailangang humiling tayo ng mabuting budhi sa isang may pananalanging pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, anupat sinasagisagan ito ng bautismo sa tubig. (1 Pedro 3:20, 21) Pinapangyayari ng mabuting budhing ito na magtamo tayo ng malinis na kaugnayan kay Jehova. Ang tanging paraan upang maingatan ang mabuting budhi ay ang matugunan ang mga kahilingan ng Diyos at ganapin ang gawaing iniatas sa atin sa antitipikong lunsod ng kanlungan, kung papaanong ang mga takas sa sinaunang mga lunsod ng kanlungan ay kinailangang sumunod sa Batas at tuparin ang kanilang mga atas na gawain. Ang pangunahing gawain ng bayan ni Jehova sa ngayon ay ang paghahayag ng mensahe ng Kaharian. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang pagganap ng gawaing iyan ay tutulong sa atin na maging kapaki-pakinabang na mga residente ng kasalukuyang lunsod ng kanlungan.
11. Ano ang kailangang iwasan upang tayo ay manatiling ligtas sa kasalukuyang lunsod ng kanlungan?
11 Ang paglisan sa kasalukuyang lunsod ng kanlungan ay maglalantad ng ating sarili sa kapuksaan, sapagkat ang Tagapaghiganti ng dugo ay malapit nang kumilos laban sa lahat ng nagkasala sa dugo. Hindi ito ang panahon para mahuling nasa labas ng ligtas na lunsod na ito o nasa mapanganib na lugar malapit sa hangganan ng mga pastulang dako nito. Masasadlak lamang tayo sa labas ng antitipikong lunsod na ito ng kanlungan kung mawawalan tayo ng pananampalataya sa nagbabayad-salang hain ng Mataas na Saserdote. (Hebreo 2:1; 6:4-6) Hindi rin naman tayo magiging ligtas kung susundin natin ang makasanlibutang mga daan, hindi lubusang masasangkot sa organisasyon ni Jehova, o lilihis buhat sa matuwid na mga pamantayan ng ating makalangit na Ama.—1 Corinto 4:4.
Pinalaya Buhat sa Lunsod ng Kanlungan
12. Hanggang kailan kailangang manatili sa antitipikong lunsod ng kanlungan yaong dating nagkasala sa dugo?
12 Ang taong nakapatay nang di-sinasadya sa Israel ay kailangang manatili sa lunsod ng kanlungan “hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote.” (Bilang 35:28) Kaya hanggang kailan mananatili sa antitipikong lunsod ng kanlungan ang mga dating nagkasala sa dugo? Hanggang sa hindi na nila kailangan ang paglilingkod ng Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. “Magagawa rin niyang iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya,” sabi ni Pablo. (Hebreo 7:25) Hangga’t nagpapatuloy ang anumang bakas ng kasalanan at dating pagkakasala sa dugo, kailangan ang paglilingkod ng Mataas na Saserdote upang ang di-sakdal na mga tao ay magkaroon ng matuwid na katayuan sa Diyos.
13. Sino ang kasalukuyang “mga anak ni Israel,” at hanggang kailan sila kailangang manatili sa “lunsod ng kanlungan”?
13 Tandaan na ang sinaunang mga lunsod ng kanlungan ay itinayo para sa “mga anak ni Israel,” sa mga naninirahang dayuhan, at sa mga nakikipamayan. Ang “mga anak ni Israel” ay ang espirituwal na mga Israelita. (Galacia 6:16) Sila ay kailangang manatili sa antitipikong lunsod ng kanlungan habang sila’y nabubuhay sa lupa. Bakit? Sapagkat sila ay nasa di-sakdal na laman pa rin at samakatuwid ay nangangailangan ng tumutubos na halaga ng kanilang makalangit na Mataas na Saserdote. Subalit kapag ang mga pinahirang Kristiyanong ito ay namatay na at binuhay-muli tungo sa espiritung buhay sa langit, hindi na nila kailangan ang tumutubos na paglilingkod ng Mataas na Saserdote; iniwan na nila magpakailanman ang laman at pagkakasala sa dugo na kaakibat nito. Para sa gayong binuhay-muling mga pinahiran, ang kamatayan ng Mataas na Saserdote ay nagsisilbing katubusan at kaligtasan.
14. Bakit yaong may makalangit na pag-asa ngayon ay kailangang manatili sa kasalukuyang lunsod ng kanlungan?
14 Mayroon pang maka-Kasulatang dahilan kung kaya yaong magiging makalangit na “kasamang tagapagmana ni Kristo” ay kailangang manatili sa antitipikong lunsod ng kanlungan hanggang sa buong katapatan nilang matapos ang kanilang makalupang landasin sa pamamagitan ng kamatayan. Kapag sila’y namatay, ihahain nila magpakailanman ang kanilang pagiging tao. (Roma 8:17; Apocalipsis 2:10) Ang hain ni Jesus ay may bisa lamang doon sa likas na mga tao. Kaya naman, ang Mataas na Saserdote ay namatay alang-alang sa mga kabilang sa espirituwal na Israel kapag sila ay binuhay-muli bilang mga espiritung nilalang na maninirahan magpakailanman sa langit bilang ‘mga kabahagi sa tulad-Diyos na kalikasan.’—2 Pedro 1:4.
15. Sino ang modernong-panahong ‘mga naninirahang dayuhan’ at ‘mga nakikipamayan,’ at ano ang gagawin ng Mataas na Saserdote para sa kanila?
15 Kailan ‘mamamatay’ ang Mataas na Saserdote may kinalaman sa modernong-panahong ‘mga naninirahang dayuhan’ at ‘mga nakikipamayan,’ anupat pinahihintulutan silang lisanin ang antitipikong lunsod ng kanlungan? Ang mga kaanib na ito ng malaking pulutong ay hindi kaagad-agad makalalabas sa lunsod na ito ng kanlungan pagkatapos ng malaking kapighatian. Bakit hindi? Sapagkat sila ay nananatili pa rin sa kanilang di-sakdal, makasalanang laman at mangangailangang manatili sa ilalim ng proteksiyon ng Mataas na Saserdote. Sa pagtatamo para sa kanilang sarili ng kaniyang tumutubos na paglilingkuran sa panahon ng kaniyang sanlibong-taóng paghahari at pagkasaserdote, matatamo nila ang kasakdalan bilang tao. Pagkatapos ay ihaharap sila ni Jesus sa Diyos sa isang panghuli, ganap na mahalagang pagsubok sa kanilang katapatan sa pamamagitan ng pagpapakawala kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo nang sandaling panahon. Dahil sa ang pagsubok na ito ay napagtagumpayan nila taglay ang pagsang-ayon ng Diyos, sila ay ipahahayag na matuwid ni Jehova. Sa gayon ay maaabot nila ang ganap na kasakdalan bilang tao.—1 Corinto 15:28; Apocalipsis 20:7-10.a
16. Kailan hindi na kakailanganin pa ng makaliligtas sa malaking kapighatian ang tumutubos na paglilingkod ng Mataas na Saserdote?
16 Kaya ang mga makaliligtas sa malaking kapighatian, kung gayon, ay kailangang mag-ingat ng mabuting budhi sa pamamagitan ng pananatili sa antitipikong lunsod ng kanlungan hanggang sa pagtatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Bilang pinasakdal na mga tao, hindi na nila kakailanganin pa ang tumutubos na paglilingkod ng Mataas na Saserdote at sila’y lalabas na mula sa ilalim ng kaniyang proteksiyon. Kung magkagayon si Jesus ay mamamatay sa kanila bilang Mataas na Saserdote, sapagkat hindi na siya kailangan pang kumilos alang-alang sa kanila taglay ang nakalilinis na dugo ng kaniyang hain. Sa panahong iyon ay lilisanin na nila ang antitipikong lunsod ng kanlungan.
17. Bakit yaong mga binuhay-muli sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay hindi na kailangang pumasok sa antitipikong lunsod ng kanlungan at manatili roon?
17 Yaon bang mga binuhay-muli sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus ay kailangang pumasok sa antitipikong lunsod ng kanlungan at manatili roon hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote? Hindi, sapagkat sa kanilang pagkamatay ay napagbayaran na nila ang kanilang pagkamakasalanan. (Roma 6:7; Hebreo 9:27) Gayunpaman, tutulungan sila ng Mataas na Saserdote na maabot ang kasakdalan. Kung mapagtatagumpayan nila ang panghuling pagsubok pagkatapos ng Milenyo, ipahahayag din silang matuwid ng Diyos taglay ang garantiya ng buhay na walang-hanggan sa lupa. Mangyari pa, ang pagkabigong maabot ang mga kahilingan ng Diyos ay magdudulot ng kahatulan at kapuksaan sa sinumang tao na hindi makapapasa sa panghuling pagsubok bilang mga tagapag-ingat ng katapatan.
18. Hinggil sa paghahari at pagkasaserdote ni Jesus, ano ang mananatili sa sangkatauhan magpakailanman?
18 Ang Israelitang matataas na saserdote ay namatay rin sa dakong huli. Subalit si Jesus ay “naging isang mataas na saserdote alinsunod sa paraan ni Melquisedec magpakailanman.” (Hebreo 6:19, 20; 7:3) Kaya ang pagwawakas ng tungkulin ni Jesus bilang namamagitang Mataas na Saserdote alang-alang sa sangkatauhan ay hindi nagwawakas ng kaniyang buhay. Ang mabubuting epekto ng kaniyang paglilingkod bilang Hari at Mataas na Saserdote ay mananatili sa sangkatauhan magpakailanman, at ang mga tao ay may-pagkakautang sa kaniya nang walang-hanggan dahil sa paglilingkod niya sa mga katungkulang ito. Bukod dito, si Jesus ay mangunguna magpakailanman sa dalisay na pagsamba kay Jehova.—Filipos 2:5-11.
Mahahalagang Aral Para sa Atin
19. Anong aral hinggil sa pagkapoot at pag-ibig ang matututuhan sa paglalaan ng mga lunsod ng kanlungan?
19 Marami tayong matututuhang aral buhat sa paglalaan ng mga lunsod ng kanlungan. Halimbawa, walang mamamatay-tao na may nakamamatay na poot sa kaniyang biktima ang pinahintulutang manirahan sa lunsod ng kanlungan. (Bilang 35:20, 21) Kaya bakit hahayaan ng sinuman sa antitipikong lunsod ng kanlungan na tumubo sa kaniyang puso ang pagkapoot sa isang kapatid? “Ang bawat napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao,” ang isinulat ni apostol Juan, “at alam ninyo na walang mamamatay-tao na may buhay na walang-hanggan na nananatili sa kaniya.” Kung gayon ay “patuloy na mag-ibigan tayo sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos.”—1 Juan 3:15; 4:7.
20. Bilang proteksiyon buhat sa Tagapaghiganti ng dugo, ano ang kailangang gawin niyaong mga nasa antitipikong lunsod ng kanlungan?
20 Bilang proteksiyon laban sa tagapaghiganti ng dugo, ang nakapatay nang di-sinasadya ay kinailangang manatili sa lunsod ng kanlungan at hindi dapat lumabas sa hangganan ng mga pastulang dako nito. Kumusta naman yaong nasa antitipikong lunsod ng kanlungan? Upang makaligtas buhat sa dakilang Tagapaghiganti ng dugo, hindi nila dapat lisanin ang lunsod. Sa katunayan, kailangan silang magbantay laban sa mga pang-akit na pumunta sa hangganan ng mga pastulang dako, wika nga. Sila’y kailangang mag-ingat na hindi tumubo sa kanilang puso ang pag-ibig sa sanlibutan ni Satanas. Ito ay mangangailangan ng panalangin at pagsisikap, subalit nakasalalay roon ang kanilang buhay.—1 Juan 2:15-17; 5:19.
21. Anong kasiya-siyang gawain ang ginaganap niyaong mga nasa kasalukuyang lunsod ng kanlungan?
21 Ang mga nakapatay nang di-sinasadya sa sinaunang lunsod ng kanlungan ay kailangang maging mabubungang manggagawa. Gayundin, ang pinahirang “mga anak ni Israel” ay nagpakita ng mainam na halimbawa bilang mga tagapag-ani at tagapaghayag ng Kaharian. (Mateo 9:37, 38; Marcos 13:10) Bilang ‘mga naninirahang dayuhan’ at ‘mga nakikipamayan’ sa kasalukuyang lunsod ng kanlungan, ang mga Kristiyanong may makalupang pag-asa ay may pribilehiyo na ganapin ang nagliligtas-buhay na gawaing ito kasama ng mga pinahiran na naririto pa sa lupa. At tunay ngang kasiya-siyang gawain ito! Yaong tapat na gumagawa sa antitipikong lunsod ng kanlungan ay makaliligtas buhat sa kamatayan magpakailanman sa kamay ng Tagapaghiganti ng dugo. Sa halip, tatamuhin nila ang walang-hanggang mga kapakinabangan buhat sa kaniyang paglilingkod bilang dakilang Mataas na Saserdote ng Diyos. Mananatili ka ba sa lunsod ng kanlungan at mabuhay magpakailanman?
[Talababa]
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit masasabi na bilyun-bilyon sa lupa ang may pagkakasala sa dugo?
◻ Anong mga tambalang papel ang ginagampanan ni Jesus may kinalaman sa sangkatauhan?
◻ Ano ang antitipikong lunsod ng kanlungan, at papaano nakapapasok doon ang isang tao?
◻ Kailan makalalaya ang mga tao buhat sa antitipikong lunsod ng kanlungan?
◻ Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin buhat sa paglalaan ng mga lunsod ng kanlungan?
[Larawan sa pahina 16]
Alam ba ninyo ang mahahalagang papel na ginagampanan ni Jesu-Kristo?