Mga Lunsod ng Kanlungan—Maawaing Paglalaan ng Diyos
“Ang anim na lunsod na ito ay magsisilbing kanlungan, para tumanan doon ang sinuman na di-sinasadyang nanakit nang ikamamatay ng isang kaluluwa.”—BILANG 35:15.
1. Ano ang pangmalas ng Diyos sa buhay at pagkakasala sa dugo?
ITINUTURING ng Diyos na Jehova na sagrado ang buhay ng tao. At ang buhay ay nasa dugo. (Levitico 17:11, 14) Samakatuwid, si Cain, ang unang taong ipinanganak sa lupa, ay nagkasala sa dugo nang paslangin niya ang kaniyang kapatid na si Abel. Kaya naman, sinabi ng Diyos kay Cain: “Ang dugo ng iyong kapatid ay humihiyaw sa akin mula sa lupa.” Ang dugo na mababakas sa lupa sa lugar na kinaganapan ng pagpaslang ay nagsilbing tahimik, bagaman malinaw, na patotoo sa buhay na walang-awang kinitil. Humihiyaw sa Diyos ang dugo ni Abel ukol sa paghihiganti.—Genesis 4:4-11.
2. Papaano binigyang-diin pagkaraan ng Baha ang paggalang ni Jehova sa buhay?
2 Binigyang-diin ang paggalang ng Diyos sa buhay ng tao nang makalabas sa daong si Noe at ang kaniyang pamilya na mga nakaligtas sa pangglobong Baha. Nang panahong iyon ay pinayagan ng Diyos na kanin ng tao ang laman ng hayop ngunit hindi ang dugo. Iniutos din niya: “Ang dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko. Sa kamay ng bawat nabubuhay na nilalang ay sisingilin ko iyon; at sa kamay ng tao, sa kamay ng bawat kapatid ng tao, sisingilin ko ang kaluluwa ng tao. Sinumang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang sariling dugo, sapagkat ayon sa larawan ng Diyos ginawa niya ang tao.” (Genesis 9:5, 6) Kinilala ni Jehova ang karapatan ng pinakamalapit na kamag-anak ng biktima na patayin ang mamamatay-tao kapag nasumpungan siya.—Bilang 35:19.
3. Anong pagdiriin ang inilagay ng Batas Mosaiko sa pagiging sagrado ng buhay?
3 Sa Batas na ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni propeta Moises, paulit-ulit na idiniin ang pagiging sagrado ng buhay. Halimbawa, iniutos ng Diyos: “Huwag kang papaslang.” (Exodo 20:13) Makikita rin ang paggalang sa buhay sa sinabi ng Batas Mosaiko tungkol sa kamatayan na kinasasangkutan ng isang babaing nagdadalang-tao. Tiniyak ng Batas Mosaiko na kung siya at ang kaniyang di pa naisisilang na sanggol ay dumanas ng nakamamatay na aksidente bunga ng paglalabanan ng dalawang lalaki, pagtitimbang-timbangin ng mga hukom ang mga pangyayari at aalamin kung ito ba ay sinasadya o hindi, ngunit ang parusa ay maaaring “kaluluwa para sa kaluluwa,” o buhay para sa buhay. (Exodo 21:22-25) Gayunman, matatakasan kaya sa papaano man ng isang Israelitang mámamasláng ang bunga ng kaniyang karahasan?
Ampunan Para sa mga Mámamasláng?
4. Sa labas ng Israel, anong mga dakong ampunan ang umiral noon?
4 Sa mga bansa bukod sa Israel, ang mga mámamasláng at iba pang kriminal ay tinatanggap sa santuwaryo, o ampunan. Ganito ang kalagayan sa gayong mga lugar gaya ng templo ng diyosang si Artemis sa sinaunang Efeso. Hinggil sa katulad na mga lugar, ganito ang ulat: “Ang ilang templo ay naging pugad ng mga kriminal; at malimit na kinailangang limitahan ang bilang ng mga ampunan. Sa Atenas ay iilan lamang sa mga santuwaryo ang kinilala ng batas bilang mga kanlungan (halimbawa, ang templo ng Theseus para sa mga alipin); noong panahon ni Tiberio ang mga kongregasyon ng mga desperado sa mga templo ay naging gayon na lamang kapanganib anupat ang karapatan sa Ampunan ay limitado lamang sa iilang lunsod (noong taóng 22).” (The Jewish Encyclopedia, 1909, Tomo II, pahina 256) Nang maglaon, ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay naging mga dako ng ampunan, ngunit ito ay nauwi sa paglilipat ng kapangyarihan buhat sa sibil na mga awtoridad tungo sa pagkasaserdote at naging hadlang sa wastong paglalapat ng katarungan. Sa dakong huli ang mga pang-aabuso ay humantong sa pagbuwag sa kaayusang ito.
5. Ano ang patotoo na hindi ipinahihintulot ng Batas ang kapabayaan bilang dahilan para makahingi ng awa kapag may napatay?
5 Sa mga Israelita, hindi tinatanggap sa santuwaryo o ampunan ang mga sadyang mámamasláng. Kahit ang isang saserdoteng Levita na naglilingkod sa altar ng Diyos ay kailangang patayin dahil sa tusong pagpaslang. (Exodo 21:12-14) Isa pa, hindi ipinahihintulot ng Batas ang kapabayaan bilang dahilan para makahingi ng awa kapag may napatay. Halimbawa, ang isang tao ay kailangang gumawa ng halang para sa lapád na bubungan ng kaniyang bagong bahay. Kung hindi, mananagot sa pagkakasala sa dugo ang sambahayan kapag may taong nahulog mula sa bubungan at namatay. (Deuteronomio 22:8) Bukod dito, kung ang may-ari ng isang torong nanunuwag ay binabalaan ngunit hindi binantayan ang hayop at ito’y nakapatay ng tao, ang may-ari ng toro ay may pagkakasala sa dugo at maaaring patayin. (Exodo 21:28-32) Isa pang patotoo ng mataas na pagpapahalaga ng Diyos sa buhay ay makikita sa bagay na ang sinumang pumatay sa isang magnanakaw ay nagkasala sa dugo kung ito ay nangyari nang may sikat ang araw na doo’y makikita at makikilala ang nanloob. (Exodo 22:2, 3) Maliwanag, kung gayon, na ang ganap ang pagkatimbang na mga kautusan ni Jehova ay hindi nagpapahintulot sa mga kusang mámamasláng na makaligtas sa hatol na kamatayan.
6. Papaano natugunan ang batas na ‘buhay para sa buhay’ sa sinaunang Israel?
6 Kung may napaslang sa sinaunang Israel, ipaghihiganti ang dugo ng biktima. Ang batas na ‘buhay para sa buhay’ ay natugunan kapag ang mámamasláng ay napatay ng “tagapaghiganti ng dugo.” (Bilang 35:19) Ang tagapaghiganti ay ang pinakamalapit na lalaking kamag-anak ng napaslang. Subalit kumusta naman ang mga nakapatay nang di-sinasadya?
Maawaing Paglalaan ni Jehova
7. Anong paglalaan ang ginawa ng Diyos para sa mga di-sinasadyang nakapatay?
7 Para sa mga aksidente o di-sinasadyang nakapatay, maibiging inilaan ng Diyos ang mga lunsod ng kanlungan. Hinggil sa mga ito, sinabi kay Moises: “Salitain mo sa mga anak ni Israel, at dapat mong sabihin sa kanila, ‘Kayo ay tumatawid sa Jordan patungo sa lupain ng Canaan. At dapat kayong pumili ng mga lunsod na kumbinyente para sa inyo. Ang mga ito ay magsisilbing mga lunsod ng kanlungan para sa inyo, at kailangang tumanan doon ang isang mamamatay-tao na di-sinasadyang nanakit nang ikamamatay ng isang kaluluwa. At ang mga lunsod ay magsisilbing kanlungan ninyo buhat sa tagapaghiganti ng dugo, at hindi mamamatay ang mamamatay-tao hanggang sa siya’y tumayo sa harap ng kapulungan ng paghatol. At ang mga lunsod na inyong ibibigay, ang anim na lunsod ng kanlungan, ay maglilingkod sa inyo. Tatlong lunsod ang ibibigay ninyo sa panig na ito ng Jordan, at ang tatlong lunsod ay ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan. Ang mga ito ay magsisilbing mga lunsod ng kanlungan . . . para tumanan doon ang sinuman na di-sinasadyang nanakit nang ikamamatay ng isang kaluluwa.’ ”—Bilang 35:9-15.
8. Saan matatagpuan ang mga lunsod ng kanlungan, at papaano natulungan ang mga nakapatay nang di-sinasadya na makarating sa mga ito?
8 Nang makapasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, masunuring itinatag nila ang anim na lunsod ng kanlungan. Tatlo sa mga lunsod na ito—Kedesh, Shechem, at Hebron—ay nasa gawing kanluran ng Ilog Jordan. Nasa gawing silangan naman ng Jordan ang kanlungang mga lunsod ng Golan, Ramoth, at Bezer. Ang anim na lunsod ng kanlungan ay kumbinyenteng matatagpuan sa mga lansangan na pinanatiling nasa mahusay na kalagayan. Sa mga angkop na lugar sa mga lansangang ito, naroroon ang mga karatula na may salitang “kanlungan.” Itinuturo ng mga karatulang ito ang direksiyon ng lunsod ng kanlungan, at ang nakapatay nang di-sinasadya ay tumatakbo sa isa na pinakamalapit upang iligtas ang kaniyang buhay. Doon ay makasusumpong siya ng proteksiyon buhat sa tagapaghiganti ng dugo.—Josue 20:2-9.
9. Bakit inilaan ni Jehova ang mga lunsod ng kanlungan, at sa kaninong kapakinabangan inilaan ang mga ito?
9 Bakit naglaan ang Diyos ng mga lunsod ng kanlungan? Inilaan ang mga ito upang ang lupain ay hindi madumhan ng dugo ng mga inosente at upang ang pagkakasala sa dugo ay hindi masumpungan sa bayan. (Deuteronomio 19:10) Para sa kaninong kapakinabangan ang paglalaan ng mga lunsod ng kanlungan? Sinasabi ng Batas: “Para sa mga anak ni Israel at para sa mga naninirahang dayuhan at para sa nakikipamayan sa gitna nila ang anim na lunsod na ito ay magsisilbing kanlungan, para tumanan doon ang sinuman na di-sinasadyang nanakit nang ikamamatay ng isang kaluluwa.” (Bilang 35:15) Sa gayon, upang maging makatuwiran at maabot ang layunin ng katarungan samantalang ipinahihintulot ang kaawaan, sinabi ni Jehova sa mga Israelita na ilaan ang mga lunsod ng kanlungan para sa mga di-sinasadyang nakapatay na (1) likas na mga Israelita, (2) naninirahang dayuhan sa Israel, o (3) mga nakikipamayan buhat sa ibang bansa na naninirahan sa lupain.
10. Bakit masasabi na ang mga lunsod ng kanlungan ay isang maawaing paglalaan ng Diyos?
10 Kapansin-pansin na kahit ang isang tao ay nakapatay nang di-sinasadya, siya’y papatayin sa ilalim ng utos ng Diyos: “Sinumang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang sariling dugo.” Samakatuwid, tanging sa maawaing paglalaan lamang ng Diyos na Jehova kung kaya ang isang nakapatay nang di-sinasadya ay makatatanan sa isa sa mga lunsod ng kanlungan. Maliwanag, ang mga tao sa pangkalahatan ay nakikiramay sa sinumang tumatakas buhat sa tagapaghiganti ng dugo, sapagkat lahat sila ay nakababatid na sila rin naman ay maaaring di-sinasadyang makagawa ng gayunding pagkakasala at mangailangan ng kanlungan at awa.
Ang Pagtakas Patungo sa Kanlungan
11. Sa sinaunang Israel, ano ang maaaring gawin ng isang tao sakaling di-sinasadyang mapatay niya ang isang kamanggagawa?
11 Ang isang ilustrasyon ay maaaring magpalaki ng iyong pagpapahalaga sa maawaing kaayusan ng Diyos ukol sa kanlungan. Isip-isipin na ikaw ay nagsisibak ng kahoy sa sinaunang Israel. Ipagpalagay na ang ulo ng palakol ay biglang tumilapon buhat sa hawakan nito at tumama sa isang kamanggagawa na siyang ikinamatay nito. Ano ang gagawin mo? Buweno, naglaan ang Batas para sa situwasyong ito. Tiyak, sasamantalahin mo ang bigay-Diyos na paglalaang ito: “Ito ang usapin ng mamamatay-tao na makatatanan [sa isang lunsod ng kanlungan] at mabubuhay: Kapag nasaktan niya ang kaniyang kapuwa nang hindi iyon nalalaman at hindi niya siya kinapopootan noong una; o kapag sumama siya sa kaniyang kapuwa sa kakahuyan upang magtipon ng kahoy, at iniangat ng kaniyang kamay ang palakol upang putulin ang puno, at ang bakal ay humagpos buhat sa hawakang kahoy at tumama ito sa kaniyang kapuwa at siya ay namatay, siya mismo ay dapat tumanan sa isa sa mga lunsod na ito at mabuhay.” (Deuteronomio 19:4, 5) Gayunman, kahit na makarating ka na sa lunsod ng kanlungan, hindi ka pa rin lubusang malaya buhat sa lahat ng pananagutan sa nangyari.
12. Anong hakbang ang dapat sundin pagkatapos na marating ng isang nakapatay nang di-sinasadya ang lunsod ng kanlungan?
12 Bagaman ikaw ay mapagpatuloy na tinanggap, kailangang iharap mo ang iyong usapin sa matatanda sa pintuan ng lunsod ng kanlungan. Pagpasok sa lunsod, pababalikin ka upang hatulan sa harap ng matatandang kumakatawan sa kongregasyon ng Israel na naroon sa mga pintuan ng lunsod na may hurisdiksiyon sa lugar kung saan naganap ang pagpatay. Doon ay magkakaroon ka ng pagkakataon na patunayan ang iyong pagiging inosente.
Kapag Nililitis ang mga Nakapatay
13, 14. Anu-ano ang ilang bagay na nanaising tiyakin ng matatanda sa panahon ng paglilitis sa nakapatay?
13 Sa panahon ng paglilitis sa harap ng matatanda sa pintuan ng lunsod ng hurisdiksiyon, tiyak na pahahalagahan mo na isinaalang-alang na mabuti ang iyong dating paggawi. Maingat na pag-aaralan ng matatanda ang iyong kaugnayan sa biktima. Kinapootan mo ba ang taong iyon, inabangan siya, at kusang sinaktan siya upang mamatay? Kung gayon, dadalhin ka ng matatanda sa tagapaghiganti ng dugo, at ikaw ay mamamatay. Alam ng responsableng mga lalaking ito ang kahilingan ng Batas na ‘ang pagkakasala sa dugo ng inosente ay kailangang alisin sa Israel.’ (Deuteronomio 19:11-13) Gayundin naman, sa isang hudisyal na pagkilos sa ngayon, ang Kristiyanong matatanda ay kailangang nakaaalam na mabuti ng Kasulatan, anupat kumikilos na kasuwato ng mga ito samantalang isinasaalang-alang ang dating saloobin at paggawi ng nagkasala.
14 Samantalang may kabaitang nagtatanong, nanaisin ng matatanda sa lunsod na malaman kung tinambangan mo ang biktima. (Exodo 21:12, 13) Sinalakay mo ba siya buhat sa isang lihim na dako? (Deuteronomio 27:24) Gayon na lamang ba ang galit mo sa taong iyon anupat may katusuhang binalak mong patayin siya? Kung gayon, dapat kang mamatay. (Exodo 21:14) Lalo nang kailangang malaman ng matatanda kung nagkaroon ng alitan, o pagkakapootan, sa pagitan mo at ng biktima. (Deuteronomio 19:4, 6, 7; Josue 20:5) Sabihin nating ikaw ay nasumpungang inosente ng matatanda at ibinalik ka sa lunsod ng kanlungan. Anong laking pasasalamat mo sa ipinakitang awa!
Ang Buhay sa Lunsod ng Kanlungan
15. Anu-anong kahilingan ang ipinapataw sa isang nakapatay ng di-sinasadya?
15 Ang isang nakapatay nang di-sinasadya ay kailangang manatili sa lunsod ng kanlungan o sa distansiyang hindi lalampas sa 1,000 kubito (mga 1,450 talampakan) mula sa labas ng mga pader nito. (Bilang 35:2-4) Kung lumampas siya sa hangganang iyon, baka makatagpo niya ang tagapaghiganti ng dugo. Sa ilalim ng gayong kalagayan, hindi mananagot ang tagapaghiganti kung kitlin niya ang nakapatay. Ngunit ang nakapatay ay hindi ikinakadena o ikinukulong. Bilang residente ng lunsod ng kanlungan, kailangang matuto siya ng isang hanapbuhay, maging isang manggagawa, at maglingkod bilang isang kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.
16. (a) Hanggang kailan mananatili sa lunsod ng kanlungan ang nakapatay nang di-sinasadya? (b) Bakit ginagawang posible ng kamatayan ng mataas na saserdote ang paglisan ng isang nakapatay sa lunsod ng kanlungan?
16 Hanggang kailan mananatili sa lunsod ng kanlungan ang nakapatay nang di-sinasadya? Malamang na hanggang sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay. Sa papaano man, sinasabi ng Batas: “Kailangan siyang manirahan sa kaniyang lunsod ng kanlungan hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote, at pagkamatay ng mataas na saserdote ang mamamatay-tao ay maaari nang bumalik sa lupain na kaniyang pag-aari.” (Bilang 35:26-28) Bakit ipinahihintulot ng kamatayan ng mataas na saserdote na lisanin ng di-sinasadyang nakapatay ang lunsod ng kanlungan? Buweno, ang mataas na saserdote ang isa sa pinakaprominenteng mga tao sa bansa. Samakatuwid ay gayon na lamang kahalaga ang kaniyang kamatayan anupat malalaman iyon ng lahat ng tribo sa Israel. Sa gayon ay makababalik na sa kanilang tahanan ang lahat ng takas sa mga lunsod ng kanlungan na malaya buhat sa panganib sa kamay ng mga tagapaghiganti ng dugo. Bakit? Sapagkat itinakda ng Batas ng Diyos na ang pagkakataon ng tagapaghiganti na patayin ang mamamatay-tao ay natapos na pagkamatay ng mataas na saserdote, at alam ito ng lahat. Kung pagkaraan niyaon ang kamatayan ay ipaghihiganti pa rin ng kamag-anak, siya ay magiging isang mámamasláng at sa dakong huli ay parurusahan dahil sa pagpaslang.
Namamalaging Epekto
17. Ano ang posibleng mga epekto ng mga pagbabawal na ipinapataw sa nakapatay nang di-sinasadya?
17 Ano ang posibleng mga epekto ng mga pagbabawal na ipinataw sa nakapatay nang di-sinasadya? Ang mga ito ay paalaala na siya ang sanhi ng kamatayan ng isang tao. Malamang, pagkatapos niyaon ay mamalasin na niyang sagrado kailanman ang buhay ng tao. Isa pa, talagang hindi niya malilimutan na siya ay pinakitunguhan nang may kaawaan. Palibhasa’y pinakitaan ng awa, tiyak na nanaisin niyang maging maawain din naman sa iba. Ang mga tao sa pangkalahatan ay nakinabang din sa kaayusan ng mga lunsod ng kanlungan lakip na ang mga pagbabawal dito. Papaano nagkagayon? Tiyak na ikinintal nito sa kanila ang bagay na sila’y hindi dapat na walang-ingat o walang-malasakit sa buhay ng tao. Sa gayon ay dapat na maalaala ng mga Kristiyano ang pangangailangan na iwasan ang kawalang-ingat na maaaring magbunga ng aksidenteng kamatayan. Gayundin naman, ang maawaing kaayusan ng Diyos para sa mga lunsod ng kanlungan ay dapat magpakilos sa atin na magpakita ng awa kapag angkop ang paggawa nito.—Santiago 2:13.
18. Sa anu-anong paraan kapaki-pakinabang ang kaayusan ng Diyos sa paglalaan ng mga lunsod ng kanlungan?
18 Ang paglalaan ni Jehova ng mga lunsod ng kanlungan ay kapaki-pakinabang din naman sa ibang paraan. Ang mga tao ay hindi bumuo ng grupo ng mga vigilante upang tugisin ang nakapatay sa pag-aakalang nagkasala siya bago pa man ang paglilitis. Sa halip, itinuring nila na siya ay di-nagkasala ng kusang pagpaslang, anupat tinutulungan pa nga siya na makaligtas. Isa pa, ang paglalaan ng mga lunsod ng kanlungan ang siya mismong kabaligtaran ng kasalukuyang mga kaayusan ng paglalagay ng mga mámamasláng sa mga bilangguan, na doo’y tinutustusan sila ng publiko at malimit na nagiging mas masasamang kriminal dahil sa kanilang pakikisalamuha sa iba pang manggagawa ng kasamaan. Sa kaayusan sa lunsod ng kanlungan, hindi na kailangan pang magtayo, magmantini, at magbantay ng magastos na mga bilangguang may mga pader at mga rehas na bakal na madalas ay sinisikap takasan ng mga bilanggo. Sa katunayan, hinahanap ng nakapatay ang “bilangguan” at nananatili roon sa loob ng isang itinakdang panahon. Siya ay kailangan din namang magtrabaho, sa gayo’y gumagawa ng isang bagay na pakikinabangan ng kaniyang kapuwa-tao.
19. Anu-anong tanong ang bumabangon hinggil sa mga lunsod ng kanlungan?
19 Talaga namang maawain ang kaayusan ni Jehova ng paglalaan sa Israel ng mga lunsod ng kanlungan upang ipagsanggalang ang mga nakapatay nang di-sinasadya. Ang paglalaang ito ay tiyak na nagtaguyod ng paggalang sa buhay. Subalit, may kahulugan kaya sa mga taong nabubuhay sa ika-20 siglo ang sinaunang mga lunsod ng kanlungan? Tayo kaya ay maaaring magkasala sa dugo sa harap ng Diyos na Jehova at hindi mabatid na kailangan natin ang kaniyang awa? Mayroon kayang modernong-panahong kahulugan para sa atin ang mga lunsod ng kanlungan sa Israel?
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano minamalas ni Jehova ang buhay ng tao?
◻ Anong maawaing paglalaan ang ginawa ng Diyos para sa mga nakapatay nang di-sinasadya?
◻ Papaano nakapapasok ang nakapatay sa lunsod ng kanlungan, at hanggang kailan siya mananatili roon?
◻ Ano ang posibleng mga epekto ng mga pagbabawal na ipinataw sa nakapatay nang di-sinasadya?
[Mapa sa pahina 12]
Kumbinyente ang mga lugar na kinaroroonan ng mga lunsod ng kanlungan sa Israel
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KEDESH Ilog Jordan GOLAN
SHECHEM RAMOTH
HEBRON BEZER