Babalik sa Alabok—Paano?
“IKAW ay alabok at sa alabok ka uuwi.” Nang marinig ng unang tao, si Adan, ang mga salitang ito, alam na niya kung ano ang mangyayari. Ginawa siya mula sa alabok ng lupa at walang ibang hahantungan kundi ang alabok. Mamamatay siya dahil sinuway niya ang kaniyang Maylalang, ang Diyos na Jehova.—Genesis 2:7, 15-17; 3:17-19.
Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tao ay gawa sa alabok. Sinasabi rin nito: “Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4; Awit 103:14) Ang kamatayan ay nagdulot ng dalamhati sa milyun-milyon at paulit-ulit na nagbangon ng mga tanong tungkol sa kung ano ang dapat gawin sa mga labí ng tao.
Mga Kaugalian Noon at Ngayon
Ano ang ginagawa sa mga labí ng tao sa bayan ng Diyos noong sinaunang panahon? Sa mga unang pahina nito, binabanggit ng Bibliya ang iba’t ibang paraan ng pag-aasikaso sa mga patay, kasali na ang paglilibing sa lupa. (Genesis 35:8) Ang patriyarkang si Abraham at ang kaniyang kabiyak, si Sara, gayundin ang kanilang anak na si Isaac at apong si Jacob ay inilibing sa kuweba sa Macpela. (Genesis 23:2, 19; 25:9; 49:30, 31; 50:13) Inilibing ang mga Israelitang hukom na sina Gideon at Samson ‘sa libingang dako ng kanilang mga ama.’ (Hukom 8:32; 16:31) Ipinahihiwatig nito na mas pinipili sa sinaunang bayan ng Diyos ang pagkakaroon ng mga pampamilyang libingan. Nang mamatay si Jesu-Kristo noong unang siglo C.E., inilagay ang kaniyang bangkay sa isang bagong-ukang batong libingan. (Mateo 27:57-60) Noon, karaniwan nang ibinabaon sa lupa o inilalagay sa nitso ang mga labí ng tao. Ito pa rin ang ginagawa sa maraming dako sa buong lupa.
Gayunman, sa ilang bahagi ng daigdig sa ngayon, may malubhang kakulangan ng espasyo at dahil sa mataas na halaga ng lupa ay nagiging mahirap na makakuha ng mga dakong paglilibingan. Kaya naman, isinasaalang-alang ng ilang tao ang iba pang paraan ng pag-aasikaso sa mga labí ng tao.
Nagiging lalong pangkaraniwan ang pagsasabog ng abo pagkatapos na sunugin ang mga labí ng tao. Ganito ang ginagawa ngayon sa mga 40 porsiyento ng mga patay sa Inglatera. Sa Sweden, kung saan ang mahigit sa 80 porsiyento ng mga namatay sa mga lunsod ay sinusunog, may ilang kakahuyan na inilaan para sa pagsasabog ng mga abo. At sa Shanghai at sa ilang lunsod sa Tsina na nasa tabing-dagat, nagtataguyod ang mga pamahalaang-lunsod ng malawakang pagsasaboy sa dagat nang maraming beses sa isang taon.
Saan maaaring isabog ang mga abo? Hindi basta sa anumang lugar. Ikinatatakot ng ilan na ang pagsasabog ng abo ay nakapipinsala sa kapaligiran. Subalit ang totoo, anumang posibleng panganib sa salot ay napaparam sa pamamagitan ng pagsunog. Ang ilang sementeryo sa Inglatera at mga parkeng libingan sa Estados Unidos ay nagtalaga ng mga damuhan o mga hardin ng bulaklak bilang mga lugar na pagsasabugan. Mangyari pa, lalo nang palaisip ang mga Kristiyano tungkol sa maka-Kasulatang pangmalas tungkol sa pagsusunog ng bangkay at pagsasabog ng mga abo.
Ano ang Maka-Kasulatang Pangmalas?
Sa isang kapahayagan laban sa “hari ng Babilonya,” ganito ang sabi ni propeta Isaias: “Ikaw ay itinapon nang walang dakong libingan para sa iyo.” (Isaias 14:4, 19) Ang pagsasabog ba ng abo ay dapat na ihalintulad sa gayong kahiya-hiyang kalagayan? Hindi, sapagkat walang tinukoy na pagsusunog ng bangkay at pag-iingat o pagsasabog ng ibinungang mga abo.
Bumanggit si Jesu-Kristo ng tungkol sa makalupang pagkabuhay-muli ng mga patay na magaganap sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari nang sabihin niya: “Ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng [aking] tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Gayunman, na ang isang espesipikong libingan ay hindi talagang kailangan upang buhaying-muli ang isang tao ay pinatutunayan sa isa pang makahulang paglalarawan sa pagkabuhay-muli. Ganito ang sabi ng Apocalipsis 20:13: “Ibinigay ng dagat yaong mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades yaong mga patay na nasa kanila.” Kaya ang mahalaga ay hindi kung saan o kung paanong ang tao ay ‘nauuwi sa alabok.’ Sa halip, iyon ay kung siya ay nasa alaala ng Diyos at bubuhaying-muli. (Job 14:13-15; ihambing ang Lucas 23:42, 43.) Tiyak na hindi kailangan ni Jehova ang magagarang libingan upang matulungan siyang maalaala ang mga tao. Ang pagsunog sa bangkay ay hindi makahahadlang sa pagkabuhay-muli ng isang tao. At kung ang pagsasabog ng abo ay ginagawa nang may wastong motibo at walang huwad na relihiyosong mga seremonya, hindi iyon magiging salungat sa Kasulatan.
Yaong nagpasiya na magsabog ng abo ay kailangang magbigay pansin sa batas ng lupain. Angkop din naman na isaalang-alang nila ang damdamin ng mga naulila at ng iba pa. Makabubuti sa mga lingkod ni Jehova na pag-ingatang ang paggamit ng kanilang maka-Kasulatang kalayaan hinggil sa bagay na ito ay hindi magdudulot ng upasala sa mabuting pangalang taglay ng mga Kristiyano. Ito ay lalo nang mahalaga sa mga lupain kung saan ang pagsunog sa bangkay at pagsasabog ng mga abo ay pinahihintulutan ng batas ngunit hindi pa lubusang tinatanggap sa pamayanan. Sabihin pa, iiwasan ng isang Kristiyano ang anumang seremonya o kaugalian na batay sa paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ng tao.
Ganap na Kalayaan Mula sa Libingan!
Sinasabi ng ilan na nagtataguyod sa pagsasabog ng abo na ito’y nangangahulugan ng kalayaan buhat sa paglilibing sa mga hukay. Subalit ang magdudulot ng pinakamalaking kaginhawahan ay ang katuparan ng pangako ng Bibliya na “bilang huling kaaway, ang kamatayan ay dadalhin sa wala.”—1 Corinto 15:24-28.
Nangangahulugan ito na ang mga libingan, nitso, at maging ang pagsunog sa bangkay at pagsasabog ng abo, ay magiging bahagi na lamang ng kahapong nagdaan. Oo, mawawala na ang kamatayan. Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos ay isinulat ni apostol Juan: “Pagkatapos nito ay narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”—Apocalipsis 21:3, 4.
Lahat ng ito ay magaganap kapag ang kamatayan ng tao na bunga ng kasalanan ni Adan ay lubusang papawiin sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Sa panahong iyon ay hindi na mapapaharap ang masunuring sangkatauhan sa posibilidad na mauwi sa alabok.
[Mga larawan sa pahina 29]
Pangkaraniwang mga paraan ng pag-aasikaso sa mga labí ng tao
[Larawan sa pahina 31]
Pagsasabog ng abo sa Sagami Bay, Hapón
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Koueisha, Tokyo