Lydia—Mapagpatuloy na Mananamba ng Diyos
MULA noong unang panahon, namumukod-tangi ang mga lingkod ng tunay na Diyos dahil sa kanilang pagkamapagpatuloy. (Genesis 18:1-8; 19:1-3) Binigyang-katuturan bilang “pag-ibig sa, pagkamagiliw sa, o kabaitan sa mga estranghero,” ang pagkamapagpatuloy na bumubukal sa taimtim na puso ay tanda ng tunay na Kristiyanismo maging sa ngayon. Sa katunayan, ito ay isang kahilingan sa lahat na ibig sumamba sa Diyos sa kaayaayang paraan.—Hebreo 13:2; 1 Pedro 4:9.
Si Lydia ay isang tao na nagpamalas ng pagkamapagpatuloy sa isang ulirang paraan. “Talagang ginawa” niyang manatili sa kaniyang tahanan ang Kristiyanong mga misyonero na dumalaw sa Filipos. (Gawa 16:15) Bagaman bahagya lamang nabanggit si Lydia sa Kasulatan, ang kaunting nasabi tungkol sa kaniya ay pampatibay-loob sa atin. Sa anong paraan? Sino ba si Lydia? Ano ang alam natin tungkol sa kaniya?
“Tindera ng Purpura”
Si Lydia ay nakatira sa Filipos, ang pangunahing lunsod ng Macedonia. Gayunman, siya ay buhat sa Tiatira, isang lunsod sa rehiyon ng Lydia, sa kanlurang Asia Minor. Dahil dito ay ipinahihiwatig ng ilan na “Lydia” ang ibinigay na palayaw sa kaniya sa Filipos. Sa ibang pananalita, siya “ang taga-Lydia,” kung paanong ang babaing pinatotohanan ni Jesu-Kristo ay tinawag na ang “babaing Samaritana.” (Juan 4:9) Si Lydia ay nagtitinda ng “purpura” o mga bagay na kinulayan ng tinang ito. (Gawa 16:12, 14) Ang pagkanaroroon ng mga gumagawa ng tina kapuwa sa Tiatira at Filipos ay pinatutunayan ng mga inskripsiyon na nahukay ng mga arkeologo. Posible na lumipat si Lydia dahil sa kaniyang trabaho, marahil ay upang patakbuhin ang kaniyang sariling negosyo o bilang kinatawan ng isang kompanya ng mga taga-Tiatira na gumagawa ng tina.
May iba’t ibang pinanggagalingan ang purpurang tina. Ang pinakamahal ay kinukuha sa ilang uri ng kabibing-dagat. Ayon sa Romanong makata noong unang siglo na si Martial, ang isang balabal na yari sa pinakamahusay na purpura ng Tiro (isa pang sentro kung saan ginagawa ang materyal na ito) ay maaaring magkahalaga ng hanggang 10,000 sesterse, o 2,500 denaryo, na siyang katumbas ng kita ng isang manggagawa sa loob ng 2,500 araw. Maliwanag, ang gayong kasuutan ay mga luho na iilan lamang ang may kayang bumili. Kaya si Lydia ay nakaririwasa sa kabuhayan. Magkagayunman, naging mapagpatuloy siya kay apostol Pablo at sa kaniyang mga kasamahan—kina Lucas, Silas, Timoteo, at marahil sa iba pa.
Ang Pangangaral ni Pablo sa Filipos
Mga taóng 50 C.E., si Pablo ay unang tumapak sa Europa at nagsimulang mangaral sa Filipos.a Pagdating niya sa isang bagong lunsod, kaugalian na ni Pablo na dalawin ang sinagoga upang mangaral muna sa mga Judio at mga proselita na nagkakatipon doon. (Ihambing ang Gawa 13:4, 5, 13, 14; 14:1.) Gayunman, ayon sa ilan, ipinagbabawal ng batas Romano na isagawa ng mga Judio ang kanilang relihiyon sa loob ng “mga sagradong hangganan” ng Filipos. Dahil dito, pagkatapos na gumugol ng “ilang araw” roon, sa araw ng Sabbath ay nasumpungan ng mga misyonero ang isang lugar sa tabi ng isang ilog sa labas ng lunsod na ‘inisip nilang may dakong panalanginan.’ (Gawa 16:12, 13) Maliwanag na ito ang Ilog Gangites. Ang nasumpungan lamang doon ng mga misyonero ay mga babae, na ang isa sa kanila ay si Lydia.
“Isang Mananamba ng Diyos”
Si Lydia ay “isang mananamba ng Diyos,” ngunit malamang na isa siyang proselita sa Judaismo na naghahanap ng relihiyosong katotohanan. Bagaman maganda ang trabaho niya, hindi materyalistiko si Lydia. Sa halip, naglaan siya ng panahon para sa espirituwal na mga bagay. “Binuksang mabuti ni Jehova ang kaniyang puso upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo,” at tinanggap ni Lydia ang katotohanan. Sa katunayan, ‘siya at ang kaniyang sambahayan ay nabautismuhan.’—Gawa 16:14, 15.
Hindi binabanggit ng Bibliya kung sino ang iba pang miyembro ng sambahayan ni Lydia. Yamang walang binanggit tungkol sa asawang lalaki, malamang na siya ay dalaga o biyuda. Marahil “ang kaniyang sambahayan” ay binubuo ng mga kamag-anak, ngunit ang termino ay maaari ring tumukoy sa mga alipin o mga lingkod. Magkagayunman, masigasig na ibinahagi ni Lydia sa kaniyang mga kasambahay ang mga bagay na natutuhan niya. At tiyak na galak na galak siya nang sila’y sumampalataya at yumakap sa katotohanan!
“Talagang Ginawa Niyang Pumaroon Kami”
Bago makilala si Lydia, marahil ay kinailangang makontento na ang mga misyonero sa mga inuupahan nilang tuluyan. Ngunit malugod siyang nag-alok ng ibang matutuluyan. Gayunman, ang bagay na kinailangan niyang mamilit ay nagpapahiwatig na tumanggi muna si Pablo at ang kaniyang mga kasama. Bakit? Ibig ni Pablo na ‘mailaan ang mabuting balita nang walang bayad, upang hindi niya maabuso ang kaniyang awtoridad’ at hindi maging pabigat sa kaninuman. (1 Corinto 9:18; 2 Corinto 12:14) Subalit idinagdag ni Lucas: “Ngayon nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabautismuhan, sinabi niya nang may pamamanhik: ‘Kung hinahatulan ninyo ako na tapat kay Jehova, pumasok kayo sa aking bahay at manatili.’ At talagang ginawa niyang pumaroon kami.” (Gawa 16:15) Pangunahing sinikap ni Lydia na maging tapat kay Jehova, at maliwanag na ang pagiging mapagpatuloy ay katunayan ng kaniyang pananampalataya. (Ihambing ang 1 Pedro 4:9.) Talagang napakahusay na halimbawa! Ginagamit din ba natin ang ating mga ari-arian upang itaguyod ang kapakanan ng mabuting balita?
Ang mga Kapatid sa Filipos
Nang makalaya sa bilangguan sina Pablo at Silas pagkatapos ng pangyayaring kasangkot ang aliping babae na inaalihan ng demonyo, bumalik sila sa tahanan ni Lydia, na doo’y natagpuan nila ang ilang kapatid. (Gawa 16:40) Malamang na ginamit ng mga mananampalataya sa bagong tatag na kongregasyon sa Filipos ang tahanan ni Lydia bilang isang dako para sa regular na pagpupulong. Makatuwirang isipin na ang kaniyang tahanan ay patuloy na naging sentro ng teokratikong gawain sa lunsod.
Napatunayang katangian ng buong kongregasyon ang naunang magiliw na pagkamapagpatuloy na ipinakita ni Lydia. Sa kabila ng kanilang karukhaan, maraming pagkakataon na nagpadala ang mga taga-Filipos kay Pablo ng mga bagay na kailangan niya, at nagpasalamat ang apostol.—2 Corinto 8:1, 2; 11:9; Filipos 4:10, 15, 16.
Hindi nabanggit si Lydia sa liham ni Pablo sa mga taga-Filipos noong mga 60-61 C.E. Hindi isinisiwalat ng Kasulatan kung ano ang nangyari sa kaniya pagkatapos ng mga pangyayari na inilahad sa Mga Gawa kabanata 16. Gayunpaman, ang maikling pagbanggit sa masigasig na babaing ito ay nag-uudyok sa atin na ‘sumunod sa landasin ng pagkamapagpatuloy.’ (Roma 12:13) Anong laking pasasalamat natin na magkaroon sa gitna natin ng mga Kristiyanong kagaya ni Lydia! Malaki ang nagagawa ng kanilang saloobin upang ang mga kongregasyon ay maging magiliw at palakaibigan, sa ikaluluwalhati ng Diyos na Jehova.
[Talababa]
a Yamang kabilang sa pinakamahahalagang lunsod sa Macedonia, ang Filipos ay isang medyo maunlad na kolonyang militar na pinamamahalaan ng jus italicum (Batas ng Italya). Ang batas na ito ay gumagarantiya sa mga karapatan ng mga taga-Filipos na katumbas niyaong tinatamasa ng mga mamamayang Romano.—Gawa 16:9, 12, 21.
[Kahon sa pahina 28]
Ang Buhay ng mga Judio sa Filipos
Ang buhay sa Filipos ay tiyak na hindi naging madali para sa mga Judio at mga proselita sa Judaismo. Maaaring may ilang damdaming laban sa Judio, sapagkat di-nagtagal bago dumalaw si Pablo, pinalayas ni Emperador Claudio ang mga Judio mula sa Roma.—Ihambing ang Gawa 18:2.
Kapansin-pansin, sina Pablo at Silas ay kinaladkad sa harap ng mga mahistrado pagkatapos na pagalingin ang aliping babae na may espiritu ng panghuhula. Ang kaniyang mga panginoon, na ngayo’y nawalan na ng mapagkukunan ng malaking kita, ay nagsamantala sa pagiging may kinikilingan ng kanilang mga kapuwa mamamayan sa pamamagitan ng paggiit: “Ginugulo nang labis-labis ng mga taong ito ang ating lunsod, palibhasa ay mga Judio, at nagpapahayag sila ng mga kaugalian na hindi kaayon ng batas na ating tanggapin o isagawa, yamang tayo ay mga Romano.” Bunga nito, sina Pablo at Silas ay hinampas ng mga pamalo at itinapon sa bilangguan. (Gawa 16:16-24) Sa gayong kapaligiran, kailangan ang lakas ng loob sa hayagang pagsamba kay Jehova, ang Diyos ng mga Judio. Ngunit maliwanag na hindi alintana ni Lydia ang pagiging naiiba.
[Mga larawan sa pahina 27]
Mga guho sa Filipos