‘Naglalaan Para sa Sambahayan ng Isa’—Pagharap sa Hamon sa Nagpapaunlad na mga Lupain
“KUNG ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” Gayon ang sabi ni apostol Pablo. (1 Timoteo 5:8) Samantalang ang pagtataguyod ng isang pamilya ay nagiging lalong mahirap sa nakaririwasang mga bansa, ang paggawa nito sa isang nagpapaunlad na lupain ay malimit na naghaharap ng higit na malaking hamon.
Halimbawa, ang mahirap na ekonomiya sa Aprika ay pangkaraniwan na lamang. Kakaunti ang trabaho, at kung mayroon man, baka kailangang magtrabaho kapuwa ang mag-asawa upang makapaglaan ng sapat lamang. Ang mga ulo ng pamilya ay baka kailangang maglakbay nang malayo upang humanap ng trabaho, anupat iniiwan ang kanilang asawa’t mga anak sa loob ng mga buwan—o mga taon. Baka mahirap ding humanap ng angkop na tirahan. Maraming pamilyang Aprikano ang malalaki; kaya siksikan ang mga tirahan, anupat kulang sa mga pangunahing paglalaan. Madalas na di-mabuti sa kalusugan ang mga kalagayan.
Karagdagan pa, ang lokal na mga kaugalian, matagal nang mga tradisyon, at popular na mga paniniwala ay maaaring salungat sa diwa ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Isaalang-alang ang ilang pangkaraniwang saloobin tungkol sa pag-aasawa at mga anak. Naniniwala ang ilang ulo ng pamilya na ang pananagutan lamang nila ay ang pagbabayad ng upa at ng mga kailangang bayaran sa paaralan. Ang kanilang asawang babae—at kung minsan maging ang nakatatandang mga anak—ang siyang bumabalikat sa paglalaan ng pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at pananamit.
Isa pa, may pangmalas ang ilang asawang lalaki na “ang pera ko ay akin, ngunit ang pera mo ay akin pa rin.” Madalas itong sanhi ng paghihinanakit ng mga kumikitang asawang babae. Ganito ang reklamo ng isang babaing taga-Tanzania: “Ang pera ay inuubos sa paglalasing, hindi sa amin o sa mga bata. Nakikihati kami sa trabaho, o mas marami pa ang nagagawa namin, pero kinukuha niya ang lahat ng pera anupat sinasabing sa kaniya iyon—na siya ang kumita niyaon.”
Gayunman, inuuna ng mga Kristiyano ang Salita ng Diyos kaysa sa lokal na kultura o popular na paniniwala. Nagbibigay ang Bibliya ng nakatutulong na patnubay hinggil sa pag-aasikaso sa pamilya ng isa. Halimbawa, sinasabi nito na “hindi dapat na ang mga anak ang nag-iimpok para sa kanilang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak.” (2 Corinto 12:14) Kaya naman, ang may-takot sa Diyos na mga lalaki na nakapagtatrabaho ay hindi, dahil sa katamaran, umaasa sa kanilang asawa o nakatatandang mga anak upang siyang maglaan ng pagkain at pananamit para sa pamilya; ang pananagutang iyan ay maliwanag na nakaatang sa balikat ng ulo ng pamilya.—1 Corinto 11:3.
Totoo, baka hindi sapat ang kinikita ng asawang lalaki upang matugunan ang lahat ng kailangan ng kaniyang pamilya. Ngunit kung ang kaniyang asawa ay may trabaho sa labas ng tahanan, hindi maghihinanakit ang isang lalaking Kristiyano. Sa halip, pakikitunguhan niya siya bilang isang iginagalang na “kasama.” (Malakias 2:14) Sa gayon, hindi niya walang-awang kukunin ang kaniyang pinaghirapang salapi at lulustayin iyon nang hindi man lamang isinasaalang-alang ang kaniyang damdamin. Sa kabaligtaran, silang mag-asawa ay ‘magsasanggunian’ at titiyakin kung paano pinakamahusay na magagamit ang kanilang salapi sa kapakinabangan ng buong pamilya. (Kawikaan 13:10) Kung posible, bibigyan pa man din ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak ng kalayaan na humawak ng pera, gaya ng tinatamasa ng “may-kakayahang asawang babae” noong panahon ng Bibliya. (Kawikaan 31:10, 11, 16) Ang pagsunod sa payo ng Bibliya hinggil sa gayong mga bagay ay nagtataguyod ng kaligayahan at pagkakontento ng pamilya.
Pagharap sa Hamon ng Kawalan ng Trabaho
Isaalang-alang ang suliranin tungkol sa kawalan ng trabaho. Kapag kakaunti ang trabaho at mababa ang suweldo, maraming ulo ng pamilyang Aprikano ang humahanap ng trabaho na malayo sa tahanan—sa mga minahan, pagawaan, bukid, at mga taniman. Kung ganito ang situwasyon ng isang lalaking Kristiyano, baka mapalayo siya sa mga kapuwa mananamba at malantad sa masasamang kasama. (Kawikaan 18:1; 1 Corinto 15:33) Bagaman sisikapin ng kaniyang pamilya na pagtiisan ang kalagayan, malamang na mahirapan sila dahil sa walang ama sa tahanan na mangunguna sa espirituwal o maglalaan ng emosyonal na tulong. Bilang kabaligtaran, ang matagal na pagkawala ay maaari ring magbunga ng mismong bagay na iniiwasan—pinansiyal na kagipitan.
Ganito ang sabi ng isang ina: “Umalis ang aking asawa upang maghukay ng ginto. Balak niyang bumalik pagkaraan ng isang buwan o sa pinakamatagal ay dalawang buwan. Nangyari na umabot iyon nang isang taon! Ako ang naiwan upang mag-asikaso sa anim na anak. Pagkatapos ay nariyan ang upa na dapat bayaran. Dahil maysakit ako, kinailangan pa akong magbayad sa ospital. Kailangan namin ng mga damit, at kailangan naming kumain sa araw-araw. Wala akong trabaho. Talagang mahirap. Ang pinakamahirap na parte ay ang pangangalaga sa espirituwalidad ng mga bata—pampamilyang pag-aaral, mga pulong, at ang pangangaral. Sa tulong ni Jehova, kahit paano ay nakaraos kami.”
Kahit ang ilang ina ay napipilitang iwan ang kanilang pamilya sa loob ng mga buwan upang makapagtrabaho. Nagtatrabaho ang ilan bilang naglalakbay na mangangalakal at bihirang makita sa bahay. Kaya naman napipilitan ang nakatatandang mga anak na gampanan ang tungkulin ng mga magulang at asikasuhin ang pagkain, gawaing bahay, at maging ang pagdidisiplina sa nakababatang mga kapatid. Naaapektuhan ang pakikibahagi sa espirituwal na mga gawain. Oo, napakalaking hirap ang maaaring mapaharap sa pamilya!
Mangyari pa, kapag mahirap ang kalagayan ng ekonomiya, walang ibang magagawa ang isang magulang kundi ang humanap ng trabaho sa malayo upang makapaglaan para sa kaniyang pamilya. Maliwanag na noong panahon ng Bibliya ay kinailangang iwan ng mga anak na lalaki ni Jacob ang kanilang pamilya upang kumuha ng pagkain sa Ehipto. (Genesis 42:1-5) Kaya kapag bumangon ang katulad na situwasyon sa ngayon, dapat na pagtimbang-timbangin ng mga ulo ng pamilya ang materyal na pakinabang sa isang trabaho sa malayong lugar at ang espirituwal at emosyonal na pinsala na ibubunga ng matagal na pagkakalayo. Minabuti ng maraming pamilya na pagtiisan ang kahirapan sa buhay kaysa sa magkahiwalay sa mahabang panahon. Isinaisip nila ang mga salita ni Pablo na masusumpungan sa 1 Timoteo 6:8: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.”—Ihambing ang Kawikaan 15:17.
Madalas na may maipapalit sa paglalakbay. Sa pagkukusa at pagiging maparaan, ang ilan ay nakalikha ng trabaho sa pamamagitan ng paglalaan ng kapaki-pakinabang na mga serbisyo.a (Ihambing ang Kawikaan 31:24.) O baka iyon ay ang pagtanggap ng mababang trabaho na itinuturing na hamak ng iba. (Efeso 4:28) Si apostol Pablo mismo ay ‘nagtrabaho at nagpagal gabi at araw’ upang maiwasang maging magastos na pasanin sa iba. (2 Tesalonica 3:8) Maaaring tularan ng mga Kristiyanong lalaki sa ngayon ang halimbawang iyan.
Mga Suliranin sa Pag-aaral
Ang isa pang suliranin ay may kinalaman sa pag-aaral. Sa ilang malalayong lugar, pangkaraniwan na sa mga magulang na patirahin sa mga kamag-anak ang kanilang mga anak sa loob ng mahabang panahon upang makapag-aral nang maayos. Palibhasa’y malayo sa kanilang mga magulang, ang gayong mga anak ay malimit na nahihirapang dumalo sa mga pulong o makibahagi sa ministeryo sa larangan. Yamang kulang sa kinakailangang disiplina, madali silang nasasangkot sa masasamang kasama. Bunga nito, marami ang tumalikod sa Kristiyanong paraan ng pamumuhay.
Walang alinlangan na may kapakinabangan ang sekular na edukasyon. Subalit higit na pinahahalagahan ng Bibliya ang espirituwal na edukasyon, at binigyan ng Diyos ang mga magulang ng pananagutan na maglaan ng gayong pagtuturo. (Deuteronomio 11:18, 19; Kawikaan 3:13, 14) Gayunman, ang pagpapadala sa anak sa malayo nang mahabang panahon ay malamang na magpahina sa pagsisikap ng magulang na palakihin siya “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”—Efeso 6:4.b
Kapag waring di-sapat sa kanilang lugar ang mga pagkakataon para sa edukasyon, baka walang mapagpipilian ang mga magulang kundi gawin ang makakaya nila upang maturuan ng saligang mga kakayahan ang kanilang mga anak. Naglalaan din ng tulong ang ating “Dakilang Tagapagturo,” si Jehova. (Isaias 30:20) May ilang paglalaan para sa edukasyon ang lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Maraming kongregasyon ang nagdaraos ng mga klase sa pagbasa at pagsulat. Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay isa ring nakatutulong na paglalaan na makapagpapatalas sa kakayahan ng isang bata na bumasa at magsalita nang maliwanag.
Isang Timbang na Pangmalas sa Pag-aanak
Lalo nang mahirap ang paglalaan para sa mga anak kung marami sila. Madalas na sabihin ng Aprikanong mga magulang na gustung-gusto nila ang mga bata; kaya naman, nag-aanak sila ng marami hangga’t kaya nila! Bagaman maaaring malasin na ang mga anak ay makatutulong sa kabuhayan, maraming magulang ang hindi makapaglaan ng sapat para sa maraming anak.
Mangyari pa, sinasabi ng Bibliya na “ang mga anak ay mana buhat kay Jehova.” (Awit 127:3) Subalit bigyang-pansin na ang mga salitang ito ay isinulat noong panahon na maginhawa ang mga kalagayan sa Israel. Nang maglaon, naging napakahirap ang pag-aanak dahil sa matinding taggutom at digmaan. (Panaghoy 2:11, 20; 4:10) Dahil sa mahirap na kalagayan na umiiral sa maraming nagpapaunlad na lupain, dapat pag-isipang mabuti ng responsableng mga Kristiyano kung ilang anak ang talagang kaya nilang pakanin, damtan, bigyan ng tirahan, at sanayin. Pagkatapos matantiya ang magugugol, nagpasiya ang maraming mag-asawa na makabubuting huwag sumunod sa tradisyon at limitahan ang bilang ng magiging mga anak nila.c—Ihambing ang Lucas 14:28.
Maliwanag, ito ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Habang papalapit na ang sistemang ito ng mga bagay sa di-maiiwasang wakas nito, tiyak na lalong darami ang kaigtingan sa mga pamilya sa nagpapaunlad na mga lupain. Gayunpaman, sa maingat na pagsunod sa mga simulain ng Salita ng Diyos, magtatagumpay ang mga ulo ng pamilya sa pag-aasikaso kapuwa sa pisikal at espirituwal na pangangailangan ng kanilang pamilya, sapagkat ganito ang pangako ni Jehova sa mga matapat na naglilingkod sa kaniya: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Oo, kahit sa naghihikahos na mga lupain, matagumpay na mahaharap ng mga Kristiyano ang hamon ng paglalaan para sa kanilang sambahayan!
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Paglikha ng mga Trabaho sa Nagpapaunlad na mga Bansa” sa Oktubre 22, 1994, isyu ng aming kasamahang magasin, ang Gumising!
b Para sa higit pang detalye, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1983.
c Nakatutulong na impormasyon ang inilaan sa seryeng “Pagpaplano ng Pamilya—Isang Pangglobong Isyu,” na lumabas sa Gumising! ng Pebrero 22, 1993.