“Lumalakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa Pamamagitan ng Paningin”
“Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”—2 CORINTO 5:7.
1. Ano ang ibig sabihin ng ‘paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya’?
SA TUWING mananalangin tayo kasuwato ng mga tagubilin na nakasaad sa Salita ng Diyos, ipinakikita natin na kahit paano ay mayroon tayong pananampalataya. Kapag nagsimula tayong magpatotoo sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos, ito rin naman ay nagpapakita ng pananampalataya. At kapag inialay natin ang ating buhay kay Jehova, pinatutunayan natin ang ating hangaring ‘lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya,’ samakatuwid nga, ang tumahak sa isang landasin ng buhay na inuugitan ng pananampalataya.—2 Corinto 5:7; Colosas 1:9, 10.
2. Bakit ang pakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon ay hindi laging patotoo na ang isa ay may pananampalataya?
2 Upang tayo’y talagang makapamuhay sa gayong paraan, kailangang matibay ang saligan ng ating pananampalataya. (Hebreo 11:1, 6) Maraming tao ang naaakit sa mga Saksi ni Jehova dahil sa matataas na pamantayang moral at pag-ibig na nakikita nila sa mga Saksi. Magandang pasimula ito, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang gayong mga tao ay may pananampalataya. Baka ang iba ay may asawa o magulang na matatag sa pananampalataya, at maaaring nakikibahagi sila sa ilang gawain ng isa na kanilang minamahal. Tunay na isang pagpapala ang pagkakaroon ng gayong uri ng impluwensiya sa tahanan, ngunit ito man ay hindi maaaring maging kapalit ng personal na pag-ibig sa Diyos at personal na pananampalataya.—Lucas 10:27, 28.
3. (a) Upang magkaroon tayo ng pananampalatayang may matibay na saligan, anong pananalig ang dapat nating taglayin hinggil sa Bibliya? (b) Bakit ang ilang tao ay mas madaling nagiging kumbinsido kaysa sa iba sa pagiging kinasihan ng Bibliya?
3 Yaong mga tunay na lumalakad sa pananampalataya ay lubusang kumbinsido na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Labis-labis ang ebidensiya na ang Banal na Kasulatan ay, tunay ngang, “kinasihan ng Diyos.”a (2 Timoteo 3:16) Gaano karami sa mga ebidensiyang ito ang kailangang suriin bago makumbinsi ang isang tao? Maaaring depende ito sa kaniyang karanasan. Ang sapat na ebidensiya para sa isa ay baka hindi makakumbinsi sa iba. May mga kaso na, kahit na pakitaan pa ang isang tao ng napakaraming matibay na ebidensiya, maaaring hindi pa rin niya matanggap ang maliwanag na konklusyon nito. Bakit? Dahil sa mga hangaring nakabaon nang malalim sa kaniyang puso. (Jeremias 17:9) Kaya, kahit ang isang tao ay nag-aangking may interes sa layunin ng Diyos, ang kaniyang puso ay maaaring naghahangad ng pagsang-ayon ng sanlibutan. Baka ayaw niyang iwan ang istilo ng buhay na salungat sa mga pamantayan ng Bibliya. Gayunman, kung talagang gutom sa katotohanan ang sinuman, kung tapat siya sa kaniyang sarili, at kung siya’y mababang-loob, darating ang panahong makikilala niya na ang Bibliya ay Salita ng Diyos.
4. Ano ang kailangan upang ang isa ay magtamo ng pananampalataya?
4 Madalas na sa loob lamang ng ilang buwan, nauunawaan na ng mga taong tinutulungan sa pag-aaral ng Bibliya na napakarami na ang natutuhan nilang patotoo na ito ang Salita ng Diyos. Kung mapakilos sila nito na buksan ang kanilang puso upang maturuan ni Jehova, kung gayon ang kanilang kaloob-loobang kaisipan, mga hangarin, at mga motibo ay unti-unting mahuhubog ng kanilang natututuhan. (Awit 143:10) Sinasabi ng Roma 10:10 na sumasampalataya ang isang tao “sa pamamagitan ng puso.” Isinisiwalat ng gayong pananampalataya kung ano talaga ang nadarama ng isang tao, at mahahayag ito sa kaniyang paraan ng pamumuhay.
Kumilos si Noe Dahil sa Pananampalatayang May Matibay na Saligan
5, 6. Ano ang saligan ng pananampalataya ni Noe?
5 Si Noe ay isa na ang pananampalataya’y may matibay na saligan. (Hebreo 11:7) Ano ang saligan niya sa pagtataglay nito? Taglay ni Noe ang salita ng Diyos, hindi sa anyong nakasulat, kundi ayon sa pagkasabi sa kaniya. Sinasabi ng Genesis 6:13: “Sinabi ng Diyos kay Noe: ‘Ang wakas ng lahat ng laman ay sumapit sa harap ko, sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila.’ ” Inutusan ni Jehova si Noe na gumawa ng daong at nagbigay ng mga detalye hinggil sa pagtatayo nito. Pagkatapos ay idinagdag ng Diyos: “Kung tungkol sa akin, narito, dinadala ko ang delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may puwersa ng buhay sa ilalim ng langit. Bawat bagay na nasa lupa ay papanaw.”—Genesis 6:14-17.
6 Nagkaroon na ba ng ulan bago nito? Hindi sinasabi ng Bibliya. Ang Genesis 2:5 ay nagsasabi: “Ang Diyos na Jehova ay hindi pa nagpaulan.” Subalit, ang sinasabi rito ni Moises, na nabuhay pagkaraan ng mga siglo, ay hindi tumutukoy sa panahon ni Noe kundi sa isang matagal nang panahon bago nito. Gaya ng makikita sa Genesis 7:4, bumanggit ng ulan si Jehova nang nagsasalita kay Noe, at maliwanag na naunawaan naman ni Noe ang tinutukoy niya. Ngunit ang pananampalataya ni Noe ay hindi sa bagay na kaniyang nakikita. Sumulat si apostol Pablo na si Noe ay ‘nabigyan ng mula-sa-Diyos na babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita.’ Sinabi ng Diyos kay Noe na Kaniyang pasasapitin sa lupa “ang delubyo ng tubig,” o “ang makalangit na karagatan,” gaya ng pagkakasabi ng talababa ng Genesis 6:17 sa New World Translation. Hanggang sa panahong iyon, wala pang nangyayaring ganito. Subalit ang buong sangnilalang na nakikita ni Noe ay nagsilbing maliwanag na pagtatanghal na kayang-kayang pasapitin ng Diyos ang gayong mapangwasak na delubyo. Palibhasa’y pinakilos ng pananampalataya, itinayo ni Noe ang daong.
7. (a) Ano ang hindi na kailangan ni Noe upang magawa ang iniutos ng Diyos sa kaniya? (b) Paano tayo nakikinabang sa pagsasaalang-alang sa pananampalataya ni Noe, at paano magiging pagpapala sa iba ang ating pananampalataya?
7 Hindi sinabi ng Diyos kay Noe ang petsa kung kailan magsisimula ang Delubyo. Ngunit hindi ito ginamit na dahilan ni Noe upang maging kampante, anupat inilalagay sa pangalawahing dako sa kaniyang buhay ang pagtatayo ng daong at ang pangangaral. May sapat pang panahon nang sabihin ng Diyos kay Noe kung kailan papasok sa daong. Samantala, “ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:22) Si Noe ay lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin. Kaylaki ng ating pasasalamat na kaniyang ginawa ito! Buháy tayo ngayon dahil sa kaniyang pananampalataya. Sa ating kalagayan din naman, ang pananampalatayang ipinakikita natin ay magkakaroon ng malaking epekto hindi lamang sa kinabukasan natin kundi rin naman sa kinabukasan ng ating mga anak at ng ibang mga tao sa palibot natin.
Ang Pananampalataya ni Abraham
8, 9. (a) Ano ang pinagsaligan ni Abraham ng kaniyang pananampalataya? (b) Sa paanong paraan ‘nagpakita’ si Jehova kay Abraham?
8 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa—yaong kay Abraham. (Hebreo 11:8-10) Ano ang pinagsaligan ni Abraham ng kaniyang pananampalataya? Ang kinalakihan niyang kapaligiran sa Ur ng mga Caldeo ay idolatroso at materyalistiko. Ngunit may iba pang impluwensiya na humubog sa pangmalas ni Abraham. Walang-alinlangang nakasama niya ang anak ni Noe na si Sem, na ang huling 150 taon ng buhay nito ay inabutan pa niya. Nakumbinsi si Abraham na si Jehova ang “Kataas-taasang Diyos, na Maygawa ng langit at lupa.”—Genesis 14:22.
9 Mayroon pang nakaimpluwensiya nang malaki kay Abraham. Si Jehova ay “nagpakita [kay] . . . Abraham samantalang siya ay nasa Mesopotamia, bago siya nanahanan sa Haran, at sinabi niya sa kaniya, ‘Lumabas ka mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at pumaroon ka sa lupain na aking ipakikita sa iyo.’ ” (Gawa 7:2, 3) Sa paanong paraan ‘nagpakita’ si Jehova kay Abraham? Hindi tuwirang nakita ni Abraham ang Diyos. (Exodo 33:20) Gayunman, posible na nagpakita si Jehova kay Abraham sa isang panaginip, sa isang kahima-himalang pagtatanghal ng kaluwalhatian, o sa pamamagitan ng isang anghelikong mensahero, o kinatawan. (Ihambing ang Genesis 18:1-3; 28:10-15; Levitico 9:4, 6, 23, 24.) Anuman ang paraang ginamit upang magpakita si Jehova kay Abraham, may tiwala ang tapat na lalaking ito na binibigyan siya ng Diyos ng isang mahalagang pribilehiyo. Tumugon si Abraham taglay ang pananampalataya.
10. Paano pinatibay ni Jehova ang pananampalataya ni Abraham?
10 Ang pananampalataya ni Abraham ay hindi depende sa pagkaalam niya ng mga detalye hinggil sa lupaing pinagsuguan sa kaniya ng Diyos. Hindi ito depende sa kaniyang pagkaalam kung kailan ibibigay sa kaniya ang lupaing iyon. May pananampalataya siya sapagkat kilala niya si Jehova bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Exodo 6:3) Sinabi ni Jehova kay Abraham na magkakasupling siya, ngunit kung minsan ay pinag-iisipan ni Abraham kung paano mangyayari ito. Tumatanda na siya. (Genesis 15:3, 4) Pinatibay ni Jehova ang pananampalataya ni Abraham sa pagsasabi sa kaniya na tumingala siya sa mga bituin at bilangin ang mga ito kung kaya niya. “Magiging gayon ang iyong binhi,” sabi ng Diyos. Lubhang naantig si Abraham. Maliwanag na ang Maylalang ng kahanga-hangang mga bagay na ito sa langit ay makatutupad sa kaniyang ipinangako. Si Abraham ay ‘nanampalataya kay Jehova.’ (Genesis 15:5, 6) Hindi naniwala si Abraham dahil lamang sa nagustuhan niya ang kaniyang naririnig; ang kaniyang pananampalataya ay may matibay na saligan.
11. (a) Nang malapit na siyang mag-100 taóng gulang, paano tumugon si Abraham sa pangako ng Diyos na ang matanda nang si Sara ay magkakaanak ng lalaki? (b) Anong uri ng pananampalataya ang taglay ni Abraham nang harapin niya ang pagsubok na dalhin ang kaniyang anak sa Bundok Moria upang ihain?
11 Nang malapit nang mag-100 taóng gulang si Abraham at ang kaniyang asawang si Sara ay malapit na sa edad 90, inulit ni Jehova ang kaniyang pangako na magkakaanak ng lalaki si Abraham at si Sara ang magiging ina. Makatotohanang pinag-isipan ni Abraham ang kanilang situwasyon. “Ngunit dahilan sa pangako ng Diyos ay hindi siya nag-urong-sulong sa kawalan ng pananampalataya, kundi naging malakas sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya, na nagbibigay sa Diyos ng kaluwalhatian at sa pagiging lubusang kumbinsido na ang kaniyang ipinangako ay kaya rin niyang gawin.” (Roma 4:19-21) Alam ni Abraham na ang pangako ng Diyos ay hindi maaaring mabigo. Dahil sa kaniyang pananampalataya, nang dakong huli ay tumalima si Abraham nang utusan siya ng Diyos na dalhin ang kaniyang anak na si Isaac sa lupain ng Moria at ihandog ito bilang hain. (Genesis 22:1-12) May lubos na tiwala si Abraham na ang Diyos na makahimalang nagpangyari sa pagsilang ng anak na iyon ay may kakayahang bumuhay muli sa kaniya upang tuparin ang iba pang mga pangakong binitiwan Niya may kaugnayan sa kaniya.—Hebreo 11:17-19.
12. Gaano katagal nagpatuloy na lumakad si Abraham sa pamamagitan ng pananampalataya, at anong gantimpala ang naghihintay sa kaniya at sa mga miyembro ng kaniyang pamilya na nagpamalas ng matibay na pananampalataya?
12 Ipinakita ni Abraham na siya ay inuugitan ng pananampalataya hindi lamang sa ilang okasyon kundi sa buong buhay niya. Nang nabubuhay siya ay walang natanggap si Abraham mula sa Diyos na anumang bahagi ng Lupang Pangako bilang mana. (Gawa 7:5) Gayunman, si Abraham ay hindi nanghimagod at nagbalik sa Ur ng mga Caldeo. Sa loob ng 100 taon hanggang sa kaniyang kamatayan, nanirahan siya sa mga tolda sa lupaing pinagsuguan ng Diyos sa kaniya. (Genesis 25:7) Tungkol sa kaniya at sa kaniyang asawang si Sara, sa kanilang anak na si Isaac, at sa kanilang apo na si Jacob, sinasabi ng Hebreo 11:16: “Hindi sila ikinahihiya ng Diyos, na matawag na kanilang Diyos, sapagkat inihanda niya ang isang lunsod para sa kanila.” Oo, may dako si Jehova para sa kanila sa makalupang sakop ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian.
13. Sino sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang nagbibigay-patotoo ng pagkakaroon ng pananampalatayang tulad ng kay Abraham?
13 Sa gitna ng mga lingkod ni Jehova ngayon ay may mga taong katulad ni Abraham. Marami nang taon silang lumalakad sa pananampalataya. Sa lakas na ibinibigay ng Diyos, napagtagumpayan nila ang gabundok na mga hadlang. (Mateo 17:20) Hindi sila nag-uurong-sulong sa pananampalataya dahil sa hindi nila alam kung kailan ibibigay ng Diyos sa kanila ang manang ipinangako niya. Alam nilang hindi maaaring mabigo ang salita ni Jehova, at itinuturing nilang isang walang-katumbas na pribilehiyo ang mapabilang sa kaniyang mga Saksi. Ganoon ba ang inyong nadarama?
Ang Pananampalataya na Nagpakilos kay Moises
14. Paano nagsimula ang saligan para sa pananampalataya ni Moises?
14 Ang isa pang halimbawa ng pananampalataya ay si Moises. Ano ang saligan ng kaniyang pananampalataya? Nagsimula ito sa pagkasanggol. Bagaman nakita ng anak na babae ni Faraon si Moises sa isang basket na papiro na nasa Ilog Nilo at inampon niya ito bilang kaniyang anak, ang sariling Hebreong ina ni Moises, si Jochebed, ang nag-alaga sa bata at nag-aruga sa kaniya sa mga unang taon nito. Maliwanag na tinuruan siyang mabuti ni Jochebed, na nagkintal ng pag-ibig kay Jehova at pagpapahalaga sa Kaniyang mga pangako kay Abraham. Nang dakong huli, bilang miyembro ng sambahayan ni Faraon, si Moises ay “tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gawa 7:20-22; Exodo 2:1-10; 6:20; Hebreo 11:23) Subalit sa kabila ng pantanging katayuan ni Moises, ang kaniyang puso ay naroon sa inaaliping bayan ng Diyos.
15. Ano ang naging kahulugan para kay Moises nang ibilang niya ang kaniyang sarili na kasama ng bayan ni Jehova?
15 Noong kaniyang ika-40 taon, pinatay ni Moises ang isang Ehipsiyo upang iligtas ang isang inaaping Israelita. Ipinakita ng pangyayaring ito kung paano minalas ni Moises ang bayan ng Diyos. Sa katunayan, “sa pananampalataya si Moises, nang malaki na, ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Faraon.” Sa halip na manatili sa “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan” bilang miyembro ng maharlikang sambahayan ng Ehipto, inudyukan siya ng pananampalataya na ibilang ang kaniyang sarili na kasama ng pinagmamalupitang bayan ng Diyos.—Hebreo 11:24, 25; Gawa 7:23-25.
16. (a) Anong atas ang ibinigay ni Jehova kay Moises, at paano siya tinulungan ng Diyos? (b) Sa pagtupad ng kaniyang atas, paano nagpakita ng pananampalataya si Moises?
16 Sabik si Moises na kumilos upang palayain ang mga kababayan niya, ngunit hindi pa ito ang panahon upang sila’y iligtas ng Diyos. Kinailangang takasan ni Moises ang Ehipto. Paglipas ng mga 40 taon ay saka lamang nag-utos si Jehova kay Moises, sa pamamagitan ng isang anghel, na bumalik sa Ehipto upang akayin ang mga Israelita palabas sa lupaing iyan. (Exodo 3:2-10) Paano tumugon si Moises? Hindi siya nag-alinlangan hinggil sa kakayahan ni Jehova na iligtas ang Israel, ngunit nadama niyang hindi siya kuwalipikado sa atas na ibinigay ng Diyos sa kaniya. Si Jehova ay maibiging naglaan ng pampatibay na kailangan ni Moises. (Exodo 3:11–4:17) Lumakas ang pananampalataya ni Moises. Siya’y bumalik sa Ehipto at paulit-ulit na nagbabala kay Faraon nang harapan tungkol sa mga salot na darating sa Ehipto kapag hindi pinalaya ng tagapamahalang ito ang Israel upang sumamba kay Jehova. Walang sariling kapangyarihan si Moises upang pangyarihin ang mga salot na iyon. Lumakad siya sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin. Sumampalataya siya kay Jehova at sa kaniyang salita. Pinagbantaan ni Faraon si Moises. Ngunit nagtiyaga si Moises. “Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, ngunit hindi natatakot sa galit ng hari, sapagkat nagpatuloy siyang matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Hindi sakdal si Moises. Nakagawa siya ng mga pagkakamali. (Bilang 20:7-12) Ngunit matapos siyang atasan ng Diyos, ang buong landasin ng kaniyang buhay ay inugitan ng pananampalataya.
17. Ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagbunga ng ano para kina Noe, Abraham, at Moises, bagaman hindi nila nakita noong kanilang kaarawan ang bagong sanlibutan ng Diyos?
17 Harinawang ang inyong pananampalataya ay maging tulad niyaong kina Noe, Abraham, at Moises. Totoo na hindi nila nakita ang bagong sanlibutan ng Diyos noong kanilang kaarawan. (Hebreo 11:39) Hindi pa sumapit noon ang takdang panahon ng Diyos; may iba pang pitak ng kaniyang layunin na kailangan pang maisagawa. Ngunit ang kanilang pananampalataya sa salita ng Diyos ay hindi nanghina, at ang kanilang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay ng Diyos.
18. Para sa mga tinawag sa makalangit na buhay, bakit kailangang lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya?
18 “May patiunang nakita ang Diyos na isang lalong mabuting bagay para sa atin,” ang sulat ni apostol Pablo. Alalaong baga, ang Diyos ay may patiunang nakita na lalong mabuting bagay para sa mga taong tulad ni apostol Pablo na tinawag sa makalangit na buhay kasama ni Kristo. (Hebreo 11:40) Ang mga ito ang pantanging nasa isip ni Pablo nang isulat niya ang mga salita sa 2 Corinto 5:7: “Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.” Nang isulat iyon, wala pa sa kanila ang nakapagtamo ng kanilang makalangit na gantimpala. Hindi nila ito nakikita ng kanilang literal na mga mata, ngunit ang pananampalataya nila rito ay may matibay na saligan. Si Kristo ay binuhay na mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga pagpapalain ng makalangit na buhay. At mahigit sa 500 saksi ang nakakita sa kaniya bago siya umakyat sa langit. (1 Corinto 15:3-8) Mayroon silang sapat na dahilan upang ugitan nila ang buong buhay nila ng gayong pananampalataya. Tayo man ay may matibay na mga dahilan upang lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya.
19. Gaya ng ipinakikita sa Hebreo 1:1, 2, sa pamamagitan nino nagsasalita ang Diyos sa atin?
19 Sa ngayon, hindi nakikipag-usap si Jehova sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng isang anghel, gaya ng ginawa niya kay Moises sa nagniningas na palumpong. Nakikipag-usap ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Hebreo 1:1, 2) Ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan niya ay ipinaulat Niya sa Bibliya, na naisalin sa mga wika ng mga tao sa palibot ng daigdig.
20. Paanong mas nakahihigit ang ating kalagayan kaysa sa naging kalagayan nina Noe, Abraham, at Moises?
20 Higit pa ang ating taglay kaysa sa tinaglay nina Noe, Abraham, at Moises. Nasa atin ang kumpletong Salita ng Diyos—at ang malaking bahagi nito ay natupad na. Batay sa lahat ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga lalaki at babae na napatunayang tapat na mga saksi ni Jehova sa harap ng lahat ng uri ng pagsubok, ganito ang paghimok ng Hebreo 12:1: “Alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin.” Ang ating pananampalataya ay hindi dapat ipagwalang-bahala. “Ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin” ay ang kawalan ng pananampalataya. Kailangan ang pakikipaglaban nang puspusan upang makapanatili tayong ‘lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya.’
[Talababa]
a Tingnan Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Ano ang Iyong Komento?
◻ Ano ang nasasangkot sa ‘paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya’?
◻ Paano tayo makikinabang sa paraan ng pagpapakita ni Noe ng pananampalataya?
◻ Paano tumutulong sa atin ang paraan ng pagsasagawa ni Abraham ng pananampalataya?
◻ Bakit tinutukoy ng Bibliya si Moises bilang isang halimbawa ng pananampalataya?
[Larawan sa pahina 10]
Si Abraham ay lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya
[Larawan sa pahina 10]
Nagpamalas ng pananampalataya sina Moises at Aaron nang nasa harap ni Faraon