“Patatagin ang Inyong mga Puso”
“Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang, pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos, ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako.”—HEBREO 10:36.
1, 2. (a) Ano ang nangyari sa maraming Kristiyano noong unang siglo? (b) Bakit madaling humina ang pananampalataya?
SA LAHAT ng manunulat ng Bibliya, walang sinuman ang mas madalas bumanggit ng pananampalataya kaysa kay apostol Pablo. At malimit, bumabanggit siya ng tungkol sa mga taong nanghina o namatay ang pananampalataya. Halimbawa, sina Himeneo at Alejandro ay “dumanas ng pagkawasak may kinalaman sa kanilang pananampalataya.” (1 Timoteo 1:19, 20) Iniwan ni Demas si Pablo dahil “inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.” (2 Timoteo 4:10) Ang ilan ay ‘nagtatwa sa pananampalataya’ sa pamamagitan ng kanilang di-makakristiyano at iresponsableng pagkilos. Ang iba naman ay nalinlang ng huwad na karunungan at “lumihis mula sa pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8; 6:20, 21.
2 Bakit nabigo ang mga pinahirang Kristiyanong iyon sa ganitong mga paraan? Buweno, “ang pananampalataya ay ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Nananampalataya tayo sa hindi natin nakikita. Hindi natin kailangan iyon para sa mga bagay na nakikita. Mas madaling magpagal para sa nakikitang kayamanan kaysa sa di-nakikitang espirituwal na kayamanan. (Mateo 19:21, 22) Maraming nakikitang bagay—gaya ng “pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata”—ang lubhang kaakit-akit sa ating di-sakdal na laman at makapagpapahina ng ating pananampalataya.—1 Juan 2:16.
3. Anong uri ng pananampalataya ang dapat linangin ng isang Kristiyano?
3 Gayunman, sabi ni Pablo, “siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” Si Moises ay may pananampalatayang katulad nito. “Tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran” at “nagpatuloy siyang matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:6, 24, 26, 27) Kailangan ng isang Kristiyano ang ganitong uri ng pananampalataya. Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, si Abraham ay isang mainam na halimbawa sa bagay na ito.
Ang Halimbawa ni Abraham sa Pananampalataya
4. Paano naapektuhan ng pananampalataya ni Abraham ang kaniyang landasin sa buhay?
4 Nasa Ur si Abraham nang matanggap niya ang pangako ng Diyos na magkakaanak siya ng isang binhi na magiging pagpapala sa mga tao ng lahat ng bansa. (Genesis 12:1-3; Gawa 7:2, 3) Salig sa pangakong iyan, sinunod ni Abraham si Jehova, anupat lumipat muna sa Haran at pagkatapos ay sa Canaan. Doon, nangako si Jehova na ibibigay ang lupain sa binhi ni Abraham. (Genesis 12:7; Nehemias 9:7, 8) Gayunman, ang kalakhang bahagi ng ipinangako ni Jehova ay matutupad pagkamatay pa ni Abraham. Halimbawa, si Abraham mismo ay hindi kailanman nagmay-ari ng anumang bahagi ng Canaan—maliban sa kuweba ng Macpela, na binili niya bilang isang dakong libingan. (Genesis 23:1-20) Gayunpaman, nanampalataya siya sa salita ni Jehova. Higit sa lahat, nanampalataya siya sa isang panghinaharap na “lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.” (Hebreo 11:10) Inalalayan siya ng gayong pananampalataya sa buong buhay niya.
5, 6. Sa anong paraan nasubok ang pananampalataya ni Abraham kung tungkol sa pangako ni Jehova?
5 Lalo itong nakita kung tungkol sa pangako na ang binhi ni Abraham ay magiging isang malaking bansa. Upang mangyari ito, kailangan ni Abraham ng isang anak na lalaki, at naghintay siya ng matagal na panahon bago siya pinagpalang magkaanak ng isa. Hindi natin alam kung gaano siya katanda nang una niyang marinig ang pangako ng Diyos, ngunit nang magbiyahe siya nang malayo patungo sa Haran, hindi pa siya binibigyan ni Jehova ng anak. (Genesis 11:30) Sapat ang panahong inilagi niya sa Haran para ‘makapagtipon ng pag-aari at makakuha ng mga kaluluwa,’ at nang lumipat siya sa Canaan, siya ay 75 taong gulang at 65 naman si Sara. Sa kabila nito, wala pa rin silang anak na lalaki. (Genesis 12:4, 5) Nang sumapit si Sara sa edad na mga 75, naisip niya na napakatanda na niya ngayon para mabigyan pa si Abraham ng isang anak. Kaya naman, bilang pagsunod sa kaugalian ng panahong iyon, ibinigay niya kay Abraham ang kaniyang aliping babae na si Hagar, at nagkaanak ito sa kaniya ng isang lalaki. Ngunit hindi ito ang ipinangakong anak. Si Hagar at ang kaniyang anak na si Ismael ay pinalayas nang dakong huli. Gayunman, nang makiusap si Abraham alang-alang sa kanila, nangako si Jehova na pagpapalain si Ismael.—Genesis 16:1-4, 10; 17:15, 16, 18-20; 21:8-21.
6 Sa panahong itinakda mismo ng Diyos—matagal na matagal na panahon mula nang una nilang marinig ang pangako—ang 100-taóng-gulang na si Abraham at ang 90-taóng-gulang na si Sara ay nagkaanak ng lalaki, si Isaac. Tiyak na tuwang-tuwa sila! Para sa matanda nang mag-asawang ito, para bang iyon ay isang pagkabuhay-muli nang magluwal ng isang bagong buhay ang kanilang “patay na[ng]” mga katawan. (Roma 4:19-21) Matagal ang paghihintay, ngunit nang sa wakas ay matupad ang pangako, sulit naman ang paghihintay na iyon.
7. Paano iniuugnay ang pananampalataya sa pagbabata?
7 Ipinaaalaala sa atin ng halimbawa ni Abraham na ang pananampalataya ay hindi dapat na panandalian lamang. Iniugnay ni Pablo ang pananampalataya sa pagbabata nang sumulat siya: “Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang, pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos, ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako. . . . Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa, kundi ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:36-39) Marami ang naghintay nang matagal na panahon para sa katuparan ng pangako. Ang ilan ay naghintay nang buong buhay nila. Inalalayan sila ng kanilang matibay na pananampalataya. At, tulad ni Abraham, sila ay tatanggap ng gantimpala sa panahong itinakda ni Jehova.—Habacuc 2:3.
Pakikinig sa Diyos
8. Paano tayo nakikinig sa Diyos ngayon, at bakit patitibayin nito ang ating pananampalataya?
8 Di-kukulangin sa apat na bagay ang nagpatibay sa pananampalataya ni Abraham, at makatutulong din sa atin ang mga bagay na iyon. Una, ipinamalas niya ang kaniyang ‘paniniwala na ang Diyos ay umiiral’ sa pamamagitan ng pakikinig nang magsalita si Jehova. Sa gayon, naiiba siya sa mga Judio noong panahon ni Jeremias, na naniwala kay Jehova ngunit hindi nanampalataya sa kaniyang mga salita. (Jeremias 44:15-19) Sa ngayon, nagsasalita sa atin si Jehova sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya, ang kaniyang kinasihang Salita, na ayon kay Pedro ay gaya ng “isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim . . . sa inyong mga puso.” (2 Pedro 1:19) Kapag matama nating binabasa ang Bibliya, tayo ay “tinutustusan ng mga salita ng pananampalataya.” (1 Timoteo 4:6; Roma 10:17) Bukod dito, sa mga huling araw na ito, “ang tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon,” patnubay sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya at unawa sa mga hula sa Bibliya. (Mateo 24:45-47) Ang pakikinig kay Jehova sa mga pamamaraang ito ay kailangan para magkaroon ng matibay na pananampalataya.
9. Ano ang magiging resulta kapag talagang naniniwala tayo sa Kristiyanong pag-asa?
9 Ang pananampalataya ni Abraham ay may malapit na kaugnayan sa kaniyang pag-asa. “Salig sa pag-asa ay nagkaroon siya ng pananampalataya, upang siya ay maging ama ng maraming bansa.” (Roma 4:18) Ito ang pangalawang bagay na makatutulong sa atin. Hindi natin dapat kalimutan na si Jehova ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” Sinabi ni apostol Pablo: “Gumagawa tayo nang masikap at nagpupunyagi, sapagkat inilagak natin ang ating pag-asa sa isang Diyos na buháy.” (1 Timoteo 4:10) Kung talagang naniniwala tayo sa Kristiyanong pag-asa, ang ating buong landasin sa buhay ay magiging isang pagtatanghal ng ating pananampalataya, gaya sa naging kalagayan ni Abraham.
Pakikipag-usap sa Diyos
10. Anong uri ng panalangin ang magpapatibay sa ating pananampalataya?
10 Nakipag-usap si Abraham sa Diyos, at ito ang pangatlong bagay na nagpatibay sa kaniyang pananampalataya. Ngayon, maaari rin nating makausap si Jehova, na ginagamit ang kaloob na panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Juan 14:6; Efeso 6:18) Matapos ilahad ang isang talinghaga na nagdiriin sa pangangailangan ng palagiang pananalangin nang magtanong si Jesus: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang matatagpuan niya ang pananampalataya sa lupa?” (Lucas 18:8) Ang nakapagpapatibay-pananampalatayang panalangin ay hindi pabigla-bigla o awtomatiko. Malalim ang kahulugan nito. Halimbawa, kailangan ang taos-pusong panalangin kapag gumagawa tayo ng mahahalagang pasiya o kapag dumaranas tayo ng matinding kaigtingan.—Lucas 6:12, 13; 22:41-44.
11. (a) Paano pinatibay si Abraham nang idulog niya sa Diyos ang laman ng kaniyang puso? (b) Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Abraham?
11 Nang tumatanda na si Abraham at hindi pa rin ibinibigay sa kaniya ni Jehova ang ipinangakong binhi, ipinakipag-usap niya sa Diyos ang kaniyang ikinababalisa. Siya’y binigyang-katiyakan ni Jehova. Ang resulta? Si Abraham ay ‘nanampalataya kay Jehova; at iyon ay ibinilang niya na katuwiran sa kaniya.’ Pagkatapos, naglaan si Jehova ng isang tanda upang patunayan ang kaniyang nakaaaliw na mga salita. (Genesis 15:1-18) Kung idudulog natin kay Jehova ang laman ng ating puso sa pamamagitan ng panalangin, tatanggapin ang paniniyak ni Jehova sa kaniyang Salita, ang Bibliya, at susundin siya taglay ang lubos na pananampalataya, kung magkagayo’y patitibayin din ni Jehova ang ating pananampalataya.—Mateo 21:22; Judas 20, 21.
12, 13. (a) Paano pinagpala si Abraham nang sundin niya ang patnubay ni Jehova? (b) Anong uri ng mga karanasan ang magpapatibay sa ating pananampalataya?
12 Ang ikaapat na bagay na nagpatibay sa pananampalataya ni Abraham ay ang pag-alalay ni Jehova sa kaniya nang sinusunod niya ang patnubay ng Diyos. Nang humayo si Abraham upang iligtas si Lot mula sa sumasalakay na mga hari, pinapagtagumpay siya ni Jehova. (Genesis 14:16, 20) Habang namumuhay si Abraham tulad ng isang pansamantalang naninirahan sa lupain na mamanahin ng kaniyang binhi, pinagpala siya ni Jehova sa materyal na paraan. (Ihambing ang Genesis 14:21-23.) Pinatnubayan ni Jehova ang pagsisikap ng kaniyang katiwala na makasumpong ng angkop na kabiyak para kay Isaac. (Genesis 24:10-27) Oo, “pinagpala ni Jehova si Abraham sa lahat ng bagay.” (Genesis 24:1) Gayon na lamang katibay ang kaniyang pananampalataya bilang resulta at gayon na lamang kalapit ang kaugnayan niya sa Diyos na Jehova anupat tinawag siya ni Jehova na “aking kaibigan.”—Isaias 41:8; Santiago 2:23.
13 Makapagtataglay kaya tayo ngayon ng gayong matibay na pananampalataya? Oo. Kung susubukin natin, tulad ni Abraham, si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos, pagpapalain din naman niya tayo, at iyan ang magpapatibay sa ating pananampalataya. Halimbawa, ang isang pagsulyap sa Taunang Ulat sa 1998 Taon ng Paglilingkod ay nagpapakitang marami ang pinagpala sa isang kahanga-hangang paraan nang sundin nila ang kaniyang utos na ipangaral ang mabuting balita.—Marcos 13:10.
Isang Rekord ng Pananampalataya Ngayon
14. Paano pinagpala ni Jehova ang kampanya sa Kingdom News Blg. 35?
14 Noong Oktubre 1997, ang pambuong-daigdig na kampanya sa Kingdom News Blg. 35 ay naging isang malaking tagumpay, dahil sa sigasig at kasiglahan ng milyun-milyong indibiduwal na Saksi. Halimbawa’y ang nangyari sa Ghana. Halos 2.5 milyong kopya ang naipamahagi sa apat na wika, at halos 2,000 pag-aaral sa Bibliya ang hiniling bunga nito. Sa Cyprus, napansin ng dalawang Saksi na namamahagi ng Kingdom News ang isang pari na sumusunod sa kanila. Pagkaraan ng ilang sandali, inalukan nila siya ng isang kopya ng Kingdom News. Nakatanggap na pala siya ng isang kopya at ganito ang sabi niya: “Hanga ako sa mensahe nito anupat ibig kong batiin ang mga taong gumawa nito.” Sa Denmark, 1.5 milyong kopya ng Kingdom News ang naipamahagi na may maiinam na resulta. Ganito ang sabi ng isang babaing tagaroon na ang trabaho ay may kinalaman sa ugnayang pampubliko: “Ang tract ay may mensahe para sa lahat. Ito ay madaling maintindihan, at nakaaantig, anupat nag-uudyok sa iyo na higit pang makaalam. Talagang natumbok nito ang problema!”
15. Anong mga karanasan ang nagpapakita na pinagpala ni Jehova ang pagsisikap na maabot ang mga tao sa lahat ng dako?
15 Noong 1998, gumawa ng pagsisikap na mangaral sa mga tao hindi lamang sa kanilang tahanan kundi sa lahat ng dako. Sa Côte d’Ivoire, isang mag-asawang misyonero ang dumalaw sa 322 barko sa mga daungan. Nakapagpasakamay sila ng 247 aklat, 2,284 na magasin, 500 brosyur, at daan-daang tract, gayundin ng mga video para mapanood ng mga marinero habang nasa dagat. Sa Canada, isang Saksi ang nagpunta sa talyer ng mga awto. Interesado ang may-ari, at ang kapatid ay nanatili sa loob ng apat at kalahating oras, bagaman ang panahong ginugol sa pagpapatotoo ay may kabuuan lamang na mahigit sa isang oras sa pagitan ng pagdating ng mga parokyano. Nang dakong huli, isang pag-aaral ang naisaayos sa alas 10:00 n.g. Subalit kung minsan, hatinggabi na sila kung magsimula at umaabot iyon nang hanggang alas dos ng madaling araw. Malamang na naging isang hamon ang iskedyul, ngunit nagkaroon ng mabubuting resulta. Ipinasiya ng lalaki na isara ang kaniyang talyer kung Linggo upang makadalo sa mga pulong. Di-nagtagal ay naging mainam ang pagsulong niya at ng kaniyang pamilya.
16. Anong mga karanasan ang nagpapakita na ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman ay mabibisang kasangkapan sa gawaing pangangaral at pagtuturo?
16 Ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ay patuloy na nagiging mabibisang kasangkapan sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Sa Italya, isang madre na naghihintay ng bus ang tumanggap ng isang kopya ng Kingdom News. Kinabukasan, muli siyang nilapitan at tumanggap siya ng brosyur na Hinihiling. Araw-araw mula noon, nakagugugol siya ng 10- hanggang 15-minutong pag-aaral sa Bibliya sa hintuan ng bus. Pagkaraan ng isa at kalahating buwan, siya’y nagpasiyang umalis sa kumbento at umuwi sa Guatemala upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Sa Malawi, isang masugid magsimba na nagngangalang Lobina ang nagalit nang magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang mga anak na babae. Gayunman, ibinabahagi ng mga anak sa kanilang ina ang katotohanan sa Bibliya kailanma’t magagawa nila. Noong Hunyo 1997, nakita ni Lobina ang aklat na Kaalaman at naintriga siya sa pananalitang “Kaalaman na Umaakay.” Noong Hulyo, pumayag siyang mag-aral ng Bibliya. Noong Agosto, dumalo siya sa pandistritong kombensiyon at matamang nakinig sa buong programa. Sa pagtatapos ng buwang iyon, iniwan na niya ang kaniyang relihiyon at naging kuwalipikado siya bilang isang di-bautisadong mamamahayag. Nabautismuhan siya noong Nobyembre 1997.
17, 18. Paano napatunayang kapaki-pakinabang ang mga video ng samahan sa pagtulong sa mga indibiduwal na “makita” ang espirituwal na mga bagay?
17 Ang mga video ng Samahan ay nakatulong sa marami upang “makita” ang espirituwal na mga bagay. Sa Mauritius, iniwan ng isang lalaki ang kanilang simbahan dahil sa pagkakabaha-bahagi roon. Ipinakita sa kaniya ng isang misyonero ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova, na ginagamit ang video na United by Divine Teaching. Palibhasa’y humanga, sinabi ng lalaki: “Nasa Paraiso na kayong mga Saksi ni Jehova!” Pumayag siyang mag-aral ng Bibliya. Ipinapanood ng isang sister sa Hapon sa kaniyang di-nananampalatayang asawa ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name, at ito ay nagpakilos sa kaniya na magkaroon ng regular na pag-aaral sa Bibliya. Matapos mapanood ang United by Divine Teaching, ibig na niyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang tatlong-bahaging serye na pinamagatang The Bible—A Book of Fact and Prophecy ay tumulong sa kaniya na ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa kaniyang buhay. Sa wakas, ipinakita sa kaniya ng Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault na pinatitibay ni Jehova ang Kaniyang bayan laban sa mga pagsalakay ni Satanas. Nabautismuhan ang lalaking ito noong Oktubre 1997.
18 Ito ay ilan lamang sa napakaraming karanasan na tinamasa noong nakaraang taon ng paglilingkod. Ipinakikita ng mga ito na ang mga Saksi ni Jehova ay may aktibong pananampalataya at na pinatitibay ni Jehova ang pananampalatayang iyan sa pamamagitan ng pagpapala sa kanilang gawain.—Santiago 2:17.
Maglinang ng Pananampalataya Ngayon
19. (a) Paanong tayo ay nasa mas mabuting kalagayan kaysa kay Abraham? (b) Ilan ang nagtipon noong nakaraang taon upang alalahanin ang sakripisyong kamatayan ni Jesus? (c) Anong mga bansa ang may natatanging bilang ng mga dumalo sa Memoryal noong nakaraang taon? (Tingnan ang tsart sa pahina 12 hanggang 15.)
19 Sa maraming paraan, mas mabuti ang kalagayan natin ngayon kaysa kay Abraham. Alam natin na tinupad ni Jehova ang lahat ng kaniyang pangako kay Abraham. Talagang minana ng mga supling ni Abraham ang Canaan, at sila nga’y naging isang malaking bansa. (1 Hari 4:20; Hebreo 11:12) Bukod dito, mga 1,971 taon matapos lisanin ni Abraham ang Haran, isa sa kaniyang mga inapo, si Jesus, ang binautismuhan sa tubig ni Juan na Tagapagbautismo at pagkatapos ay ng banal na espiritu sa pamamagitan ni Jehova mismo upang maging ang Mesiyas, ang Binhi ni Abraham sa ganap at espirituwal na diwa nito. (Mateo 3:16, 17; Galacia 3:16) Noong Nisan 14, 33 C.E., inihandog ni Jesus ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa mga mananampalataya sa kaniya. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Maaari nang pagpalain ngayon ng milyun-milyon ang kanilang sarili sa pamamagitan niya. Nitong nakaraang taon, 13,896,312 ang nagtipon noong Nisan 14 upang gunitain ang kahanga-hangang gawang ito ng pag-ibig. Tunay na isang pagbabangong-puri kay Jehova, ang Dakilang Tagatupad ng mga pangako!
20, 21. Paano pinagpala ng mga tao mula sa lahat ng bansa noong unang siglo ang kanilang sarili sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham, at paano nila pinagpapala ang kanilang sarili sa ngayon?
20 Noong unang siglo, marami mula sa lahat ng bansa—pasimula sa likas na Israel—ang nanampalataya sa Binhing ito ni Abraham at naging pinahirang mga anak ng Diyos, mga miyembro ng bago at espirituwal na “Israel ng Diyos.” (Galacia 3:26-29; 6:16; Gawa 3:25, 26) Buong-pananalig nilang inaasam ang imortal na espiritung buhay sa langit bilang mga kasamang tagapamahala sa Kaharian ng Diyos. Tanging 144,000 ang pagpapalain sa ganitong paraan, at iilan na lamang sa kanila ang nalalabi. (Apocalipsis 5:9, 10; 7:4) Noong nakaraang taon, 8,756 ang nagpatotoo sa kanilang paniniwala na sila ay bahagi ng bilang na ito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga emblema sa pagdiriwang ng Memoryal.
21 Halos lahat ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay kabilang sa “malaking pulutong” na inihula sa Apocalipsis 7:9-17. Dahil sa pinagpapala nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ni Jesus, taglay nila ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupang paraiso. (Apocalipsis 21:3-5) Ang 5,888,650 na nakibahagi sa gawaing pangangaral noong 1998 ay patotoo na ang pulutong na ito ay tunay na ‘malaki.’ Lalong nakatutuwang makita na nag-ulat kapuwa ang Russia at Ukraine ng mahigit sa 100,000 mamamahayag sa unang pagkakataon. Kapansin-pansin din ang ulat mula sa Estados Unidos—1,040,283 mamamahayag noong Agosto! Ito ay tatlo lamang sa 19 na bansa na nag-ulat ng mahigit sa 100,000 mamamahayag noong nakaraang taon.
Malapit Nang Matupad ang Pag-asa
22, 23. (a) Bakit dapat nating patatagin ang ating puso ngayon? (b) Paano tayo mapatutunayang katulad ni Abraham, anupat hindi tulad ng mga taong walang pananampalataya na binanggit ni Pablo?
22 Ipinagunita sa mga dumalo sa Memoryal kung nasaan na tayo sa katuparan ng mga pangako ni Jehova. Noong 1914, si Jesus ay iniluklok bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, bilang pasimula ng kaniyang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. (Mateo 24:3; Apocalipsis 11:15) Oo, naghahari na ngayon sa langit ang Binhi ni Abraham! Ganito ang sabi ni Santiago sa mga Kristiyano noong kaniyang panahon: “Magsagawa ng pagtitiis; patatagin ang inyong mga puso, sapagkat ang pagkanaririto ng Panginoon ay malapit na.” (Santiago 5:8) Buweno, nagaganap na ngayon ang pagkanariritong iyan! Lalong higit na dahilan ito upang patatagin ang ating puso!
23 Lagi nawang mag-ibayo ang ating pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya at makabuluhang panalangin. Huwag nawang tumigil ang pagtatamasa natin ng pagpapala ni Jehova habang sinusunod natin ang kaniyang Salita. Kung gayo’y magiging katulad tayo ni Abraham, anupat hindi tulad niyaong mga nanghina at namatay ang pananampalataya, gaya ng binanggit ni Pablo. Walang makapaghihiwalay sa atin mula sa ating kabanal-banalang pananampalataya. (Judas 20) Nananalangin tayo na magkatotoo nawa ito sa lahat ng mga lingkod ni Jehova sa 1999 taon ng paglilingkod at magpatuloy tungo sa walang-hanggang kinabukasan.
Alam Mo Ba?
◻ Paano tayo nakikinig ngayon sa Diyos?
◻ Anong mga pagpapala ang nagmumula sa makabuluhang mga panalangin sa Diyos?
◻ Kung masunurin tayo sa patnubay ni Jehova, paano mapatitibay ang ating pananampalataya?
◻ Anong mga bahagi ng taunang ulat (pahina 12 hanggang 15) ang nasumpungan mong lalo nang kapansin-pansin?
[Chart sa pahina 12-15]
1998 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Larawan sa pahina 16]
Kung nakikinig tayo sa Salita ni Jehova, mag-iibayo ang ating pagtitiwala sa kaniyang mga pangako
[Larawan sa pahina 18]
Napatitibay ang ating pananampalataya kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo