Paglakad na Kasama ng Diyos—Ang mga Unang Hakbang
“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—SANTIAGO 4:8.
1, 2. Bakit masasabi mo na isang malaking pribilehiyo ang paglingkuran si Jehova?
MARAMING taon nang nagdusa sa bilangguan ang lalaki. Pagkatapos ay ipinatawag siya upang humarap sa tagapamahala ng lupain. Mabilis ang mga pangyayari. Biglang-bigla, nasumpungan ng bilanggo ang sarili na naglilingkod sa pinakamakapangyarihang hari noon sa lupa. Ang dating bilanggo ay inilagay sa posisyon na may malaking pananagutan at di-pangkaraniwang karangalan. Si Jose—ang lalaki na ang mga paa’y dating nakatali sa mga pataw—ay lumalakad ngayon na kasama ng hari!—Genesis 41:14, 39-43; Awit 105:17, 18.
2 Sa ngayon, may pagkakataon ang mga tao na maglingkod sa isa na lalong higit na dakila sa Paraon ng Ehipto. Ang Kataas-taasang Isa sa uniberso ay nag-aanyaya sa ating lahat na paglingkuran siya. Tunay na isang dakilang pribilehiyo na gawin iyon at maglinang ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova, ang Diyos na makapangyarihan sa lahat! Sa Kasulatan, ang maringal na kapangyarihan at kaluwalhatian gayundin ang kapayapaan, kagandahan, at kasiyahan ay iniuugnay sa kaniya. (Ezekiel 1:26-28; Apocalipsis 4:1-3) Pag-ibig ang nangingibabaw sa lahat ng kaniyang pakikitungo. (1 Juan 4:8) Hindi siya kailanman nagsisinungaling. (Bilang 23:19) At hindi kailanman binibigo ni Jehova yaong mga matapat sa kaniya. (Awit 18:25) Sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang matuwid na mga kahilingan, makapagtatamasa tayo ng maligaya at makabuluhang buhay ngayon, taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Walang sinumang tagapamahalang tao ang makapagbibigay ng anuman na bahagya mang maihahambing sa gayong mga pagpapala at pribilehiyo.
3. Sa anong paraan ‘lumakad [si Noe] na kasama ng tunay na Diyos’?
3 Noong unang panahon, nagpasiya ang patriyarkang si Noe na mamuhay na kasuwato ng kalooban at layunin ng Diyos. Hinggil sa kaniya, ganito ang sabi ng Bibliya: “Si Noe ay isang matuwid na tao. Pinatunayan niya ang sarili na walang-pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kontemporaryo. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9) Sabihin pa, si Noe ay hindi literal na lumakad na kasama ni Jehova, yamang walang sinumang tao ang “nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Sa halip, si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos sa bagay na ginawa niya ang iniutos ng Diyos sa kaniya. Dahil sa iniukol ni Noe ang kaniyang buhay sa paggawa ng kalooban ni Jehova, nagtamasa siya ng magiliw at matalik na kaugnayan sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Tulad ni Noe, milyun-milyon sa ngayon ang ‘lumalakad na kasama ng Diyos’ sa pamamagitan ng pamumuhay na kasuwato ng payo at tagubilin ni Jehova. Paano sinisimulan ng isang tao ang gayong landasin?
Kailangan ang Tumpak na Kaalaman
4. Paano tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan?
4 Upang makalakad na kasama ni Jehova, dapat muna nating makilala siya. Inihula ni propeta Isaias: “Mangyayari sa kahuli-hulihang bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag nang mataas kaysa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay matataas pa nga kaysa sa mga burol; at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa. At maraming bayan ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem.” (Isaias 2:2, 3) Oo, makapagtitiwala tayo na tuturuan ni Jehova ang lahat ng naghahangad na lumakad sa kaniyang daan. Inilaan ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, at tinutulungan niya tayo na maunawaan ito. Ang isang paraan sa paggawa niya nito ay sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ginagamit ni Jehova ‘ang tapat na alipin’ upang maglaan ng espirituwal na tagubilin sa pamamagitan ng salig-Bibliya na mga publikasyon, mga pulong Kristiyano, at kaayusan ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Tinutulungan din ng Diyos ang kaniyang bayan na maunawaan ang kaniyang Salita sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.—1 Corinto 2:10-16.
5. Bakit napakahalaga ng katotohanan sa Kasulatan?
5 Bagaman hindi tayo nagbabayad ng salapi para sa katotohanan sa Bibliya, mahalaga ito. Habang pinag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, natututo tayo tungkol sa Diyos mismo—ang kaniyang pangalan, kaniyang personalidad, kaniyang layunin, at ang paraan ng pakikitungo niya sa mga tao. Napag-aalaman din natin ang nakapagpapalayang sagot sa mga pangunahing tanong tungkol sa buhay: Bakit tayo narito? Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Ano ang maaasahan sa hinaharap? Bakit tayo tumatanda at namamatay? Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Bukod dito, natututuhan natin kung ano ang kalooban ng Diyos para sa atin, samakatuwid nga, kung paano tayo dapat lumakad upang lubusan siyang mapaluguran. Nalalaman natin na ang kaniyang mga kahilingan ay makatuwiran at lubhang kapaki-pakinabang kapag tinutupad natin ang mga ito. Kung walang tagubilin ng Diyos, hindi natin kailanman mauunawaan ang gayong mga bagay.
6. Anong landasin ang pinapangyayari ng tumpak na kaalaman sa Bibliya na maitaguyod natin?
6 Ang katotohanan sa Bibliya ay may puwersa at nagpapakilos sa atin na gumawa ng mga pagbabago sa ating buhay. (Hebreo 4:12) Bago nagkaroon ng kaalaman sa Kasulatan, nakalalakad lamang tayo “ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito.” (Efeso 2:2) Ngunit ang tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos ay naghahanda ng isang naiibang daan para sa atin upang magawa nating “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos.” (Colosas 1:10) Anong laking kagalakan na humakbang sa araw-araw na kasama ni Jehova, ang pinakadakilang Persona sa buong sansinukob!—Lucas 11:28.
Dalawang Mahalagang Hakbang—Pag-aalay at Bautismo
7. Habang pinag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, anong katotohanan tungkol sa pamamahala ng tao ang nagiging maliwanag?
7 Kapag lumago ang ating kaunawaan sa Bibliya, sinisimulan nating suriin ang mga gawain ng tao at ang ating sariling buhay sa espirituwal na liwanag ng Salita ng Diyos. Kaya nagiging maliwanag ang isang mahalagang katotohanan. Ang katotohanang iyan ay matagal nang ipinahayag ni propeta Jeremias, na sumulat: “Talastas ko, O Jehova, na hindi nauukol sa makalupang tao ang kaniyang lakad. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang mga tao—tayong lahat—ay nangangailangan ng patnubay ng Diyos.
8. (a) Ano ang nagpapakilos sa mga tao para mag-alay sa Diyos? (b) Ano ba ang Kristiyanong pag-aalay?
8 Ang pagkaunawa sa mahalagang katotohanang ito ay gumaganyak sa atin na humanap ng patnubay mula kay Jehova. At pag-ibig sa Diyos ang nagpapakilos sa atin na ialay sa kaniya ang ating buhay. Ang pag-aalay sa Diyos ay nangangahulugan ng paglapit sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin at taimtim na pangakong gagamitin ang ating buhay upang paglingkuran siya at lalakad nang may katapatan sa kaniyang mga daan. Sa paggawa nito, sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus, na iniharap ang kaniyang sarili kay Jehova taglay ang matatag na determinasyong isagawa ang kalooban ng Diyos.—Hebreo 10:7.
9. Bakit iniaalay ng mga indibiduwal ang kanilang buhay kay Jehova?
9 Hindi kailanman ginigipit o pinipilit ng Diyos na Jehova ang sinuman upang mag-alay sa kaniya. (Ihambing ang 2 Corinto 9:7.) Bukod dito, hindi inaasahan ng Diyos na ang sinuman ay mag-aalay ng kaniyang buhay sa Kaniya dahil sa isang bugso ng emosyon. Bago mabautismuhan, ang isang tao ay dapat munang maging alagad, at iyan ay nangangailangan ng marubdob na pagsisikap na kumuha ng kaalaman. (Mateo 28:19, 20) Yaong mga nabautismuhan na ay hinimok ni Pablo na ‘iharap ang kanilang mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran.’ (Roma 12:1) Sa pamamagitan ng katulad na paggamit ng ating kakayahan sa pangangatuwiran ay makapag-aalay tayo sa Diyos na Jehova. Matapos malaman kung ano ang nasasangkot at mangatuwirang mabuti sa bagay na ito, may pagkukusa at kagalakan nating iniaalay ang ating buhay sa Diyos.—Awit 110:3.
10. Paano nauugnay sa bautismo ang pag-aalay?
10 Matapos lumapit nang sarilinan sa Diyos sa panalangin upang ipahayag ang ating determinasyon na lumakad sa kaniyang mga daan, gagawin natin ang susunod na hakbang. Ihahayag natin sa madla ang ating pag-aalay sa pamamagitan ng ating pagpapabautismo sa tubig. Ito ay isang pangmadlang pagpapahayag na sumumpa tayong gawin ang kalooban ng Diyos. Sa pasimula ng kaniyang ministeryo sa lupa, si Jesus ay binautismuhan ni Juan, sa gayo’y nagpakita ng halimbawa para sa atin. (Mateo 3:13-17) Nang maglaon, inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad at bautismuhan sila. Samakatuwid, ang pag-aalay at bautismo ay mahahalagang hakbang para sa sinuman na nagnanais na lumakad kasama ni Jehova.
11, 12. (a) Paano maihahalintulad ang bautismo sa isang kasalan? (b) Anong pagkakatulad ang makikita sa pagitan ng ating kaugnayan kay Jehova at yaong namamagitan sa isang mag-asawa?
11 Ang pagiging nakaalay at bautisadong alagad ni Jesu-Kristo ay waring katulad ng pagpapakasal. Sa maraming lupain, may ilang pangyayaring nagaganap bago ang araw ng kasal. Ang isang lalaki at isang babae ay nagkatagpo, nagkakilala, at nag-ibigan. Sumunod ang tipanan. Ginawang publiko ng kasal kung ano ang napagkasunduan sa pribado—ang magpakasal at pagkatapos ay magsama bilang mag-asawa. Ang kasal ang siyang pangmadlang palatandaan ng pasimula ng natatanging kaugnayang iyan. Ang petsang iyan ang tanda ng pasimula ng pag-aasawa. Sa katulad na paraan, ang bautismo ang siyang tanda ng pasimula ng isang buhay na iniukol sa paglakad na kasama ni Jehova sa isang nakaalay na kaugnayan.
12 Tingnan ang isa pang pamarisan. Pagkatapos ng araw ng kanilang kasal, ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa ay dapat na lumalim at tumatag. Upang lalong mapalapit sa isa’t isa, ang mag-asawa ay dapat na kapuwa magsikap nang walang pag-iimbot na panatilihin at patibayin ang kanilang ugnayan bilang mag-asawa. Bagaman hindi tayo nagpapakasal sa Diyos, pagkatapos na mabautismuhan ay dapat tayong magsikap na mapanatili ang isang malapit na kaugnayan kay Jehova. Kaniyang tinitingnan at pinahahalagahan ang ating pagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban at siya ay lumalapit sa atin. “Lumapit kayo sa Diyos,” ang isinulat ng alagad na si Santiago, “at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Paglakad sa Yapak ni Jesus
13. Sa paglakad na kasama ng Diyos, kaninong halimbawa ang dapat nating tularan?
13 Upang makalakad na kasama ni Jehova, dapat nating sundan ang halimbawang inilaan ni Jesu-Kristo. Sumulat si apostol Pedro: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Yamang si Jesus ay sakdal at tayo naman ay di-sakdal, hindi natin ganap na matutularan ang halimbawa na iniwan niya. Gayunpaman, inaasahan ni Jehova na gagawin natin ang buong makakaya natin. Isaalang-alang natin ang limang pitak sa buhay at ministeryo ni Jesus na dapat sikaping tularan ng nakaalay na mga Kristiyano.
14. Ano ang nasasangkot sa pagkaalam ng Salita ng Diyos?
14 Si Jesus ay may tumpak at ganap na kaalaman sa Salita ng Diyos. Sa panahon ng kaniyang ministeryo, malimit na bumanggit si Jesus mula sa Hebreong Kasulatan. (Lucas 4:4, 8) Mangyari pa, ang balakyot na relihiyosong mga lider noon ay bumanggit din mula sa Kasulatan. (Mateo 22:23, 24) Ang pagkakaiba, naunawaan ni Jesus ang ibig sabihin ng Kasulatan, at ikinapit niya ito sa kaniyang buhay. Batid niya hindi lamang ang sinasabi ng Batas kundi maging ang kahulugan nito. Habang sinusundan natin ang halimbawa ni Kristo, dapat din naman nating sikapin na maunawaan ang Salita ng Diyos, makuha ang diwa, o kahulugan nito. Sa paggawa nito, maaari tayong maging mga kamanggagawang sinang-ayunan ng Diyos na nagagawang ‘gamitin nang wasto ang salita ng katotohanan.’—2 Timoteo 2:15.
15. Paano nagpakita si Jesus ng halimbawa sa pagsasalita tungkol sa Diyos?
15 Sinalita ni Kristo Jesus sa iba ang tungkol sa kaniyang makalangit na Ama. Hindi sinarili ni Jesus ang kaniyang kaalaman sa Salita ng Diyos. Maging ang kaniyang mga kaaway ay tumawag sa kaniya ng “Guro,” sapagkat saanman siya magpunta ay nagsasalita siya sa iba tungkol kay Jehova at sa Kaniyang mga layunin. (Mateo 12:38) Hayagang nangaral si Jesus sa lugar ng templo, sa mga sinagoga, sa mga lunsod, at sa mga lalawigan. (Marcos 1:39; Lucas 8:1; Juan 18:20) Siya’y nagturo nang may pagdamay at kabaitan, anupat nagpakita ng pag-ibig sa mga taong kaniyang tinulungan. (Mateo 4:23) Yaong mga sumunod sa halimbawa ni Jesus ay nakasumpong din ng maraming dako at paraan upang magturo sa iba tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang kahanga-hangang mga layunin.
16. Gaano kalapit ang kaugnayan ni Jesus sa mga kapuwa mananamba ni Jehova?
16 Nakadama si Jesus ng malapit na kaugnayan sa iba na sumasamba kay Jehova. Habang si Jesus ay nagsasalita sa mga pulutong sa isang pagkakataon, dumating ang kaniyang ina at ang kaniyang di-sumasampalatayang mga kapatid upang kausapin siya. Ganito ang ulat sa Bibliya: “May nagsabi sa kaniya: ‘Narito! Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay nakatayo sa labas, na nagnanasang makipag-usap sa iyo.’ Bilang sagot ay sinabi niya sa nagsasabi sa kaniya: ‘Sino ang aking ina, at sinu-sino ang aking mga kapatid?’ At iniuunat ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad, sinabi niya: ‘Narito! Ang aking ina at ang aking mga kapatid! Sapagkat ang sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, siya rin ang aking kapatid na lalaki, at kapatid na babae, at ina.’ ” (Mateo 12:47-50) Hindi ito nangangahulugang itinakwil na ni Jesus ang kaniyang pamilya, sapagkat pinatunayan ng sumunod na mga pangyayari na hindi niya ginawa iyon. (Juan 19:25-27) Gayunman, idiniriin ng ulat na ito ang pag-ibig ni Jesus sa mga kapananampalataya. Gayundin naman sa ngayon, yaong lumalakad na kasama ng Diyos ay naghahangad na makisama sa iba pang lingkod ni Jehova at natututuhan silang mahalin nang husto.—1 Pedro 4:8.
17. Ano ang nadama ni Jesus tungkol sa paggawa ng kalooban ng kaniyang makalangit na Ama, at paano iyon dapat na makaapekto sa atin?
17 Sa paggawa ng kalooban ng Diyos, ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa kaniyang makalangit na Ama. Sinunod ni Jesus si Jehova sa lahat ng bagay. Sinabi niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Sinabi rin ni Kristo: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa [Diyos].” (Juan 8:29) Gayon na lamang ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama anupat “nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Filipos 2:8) Pinagpala naman ni Jehova si Jesus, anupat itinaas siya sa isang posisyon ng awtoridad at karangalan na pangalawa lamang kay Jehova mismo. (Filipos 2:9-11) Tulad ni Jesus, ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos at paggawa ng kaniyang kalooban.—1 Juan 5:3.
18. Sa anong paraan nagpakita si Jesus ng halimbawa may kinalaman sa panalangin?
18 Si Jesus ay isang taong laging nananalangin. Nanalangin siya noong siya’y bautismuhan. (Lucas 3:21) Bago piliin ang kaniyang 12 apostol, ginugol niya ang magdamag sa pananalangin. (Lucas 6:12, 13) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad kung paano mananalangin. (Lucas 11:1-4) Noong gabi bago siya mamatay, nanalangin siya alang-alang sa kanila at na kasama ang kaniyang mga alagad. (Juan 17:1-26) Ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng buhay ni Jesus, kung paanong dapat na gayon din ito sa ating buhay, yamang tayo ay kaniyang mga tagasunod. Tunay na isang karangalan ang makipag-usap sa Soberano ng Sansinukob sa pamamagitan ng panalangin! Isa pa, sinasagot ni Jehova ang mga panalangin, sapagkat isinulat ni Juan: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin alinsunod sa kaniyang kalooban, ay pinakikinggan niya tayo. Karagdagan pa, kung alam nating pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi, alam natin na tataglayin natin ang mga bagay na hiningi yamang ating hiningi ang mga iyon sa kaniya.”—1 Juan 5:14, 15.
19. (a) Anong mga katangian ni Jesus ang dapat nating tularan? (b) Sa anu-anong paraan tayo nakikinabang sa pag-aaral sa buhay at ministeryo ni Jesus?
19 Marami pang matututuhan sa maingat na pagsusuri sa buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa! Bulay-bulayin ang mga katangiang ipinamalas niya: pag-ibig, pagkamadamayin, kabaitan, lakas, pagiging timbang, pagkamakatuwiran, kapakumbabaan, lakas ng loob, at kawalang pag-iimbot. Habang dumarami ang natututuhan natin tungkol kay Jesus, lalong sumisidhi ang ating hangarin na maging kaniyang tapat na mga tagasunod. Ang kaalaman kay Jesus ay lalong nagpapalapit sa atin kay Jehova. Sa katunayan, si Jesus ang sakdal na larawan ng kaniyang makalangit na Ama. Gayon na lamang katalik ang kaugnayan niya kay Jehova anupat nasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.
Magtiwalang Aalalayan Kayo ng Diyos
20. Paano tayo magkakaroon ng kumpiyansa sa paglakad na kasama ni Jehova?
20 Kapag ang mga bata ay nagsisimula pa lamang matutong lumakad, mabuway pa ang kanilang mga hakbang. Paano sila natututong lumakad nang may pagtitiwala? Tanging sa pamamagitan ng pagsasanay at pagtitiyaga. Buweno, yaong lumalakad na kasama ni Jehova ay nagsisikap na lumakad sa pamamagitan ng may-kumpiyansa at matatag na hakbang. Ito rin naman ay nangangailangan ng panahon at pagtitiyaga. Binanggit ni Pablo ang kahalagahan ng pagtitiyaga sa paglakad na kasama ng Diyos nang sumulat siya: “Sa katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at masidhing pinapayuhan kayo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, na kung paanong tinanggap ninyo ang tagubilin mula sa amin tungkol sa kung paano kayo dapat lumakad at magpalugod sa Diyos, gaya nga ng inyong paglakad, na patuloy ninyong gawin iyon nang lubus-lubusan.”—1 Tesalonica 4:1.
21. Habang lumalakad tayo na kasama ni Jehova, anong mga pagpapala ang maaari nating tamasahin?
21 Kung tayo’y lubusang nakatalaga sa Diyos, tutulungan niya tayo na magpatuloy sa paglakad na kasama niya. (Isaias 40:29-31) Walang maiaalok ang sanlibutang ito na maihahambing sa mga pagpapala na ipinagkakaloob niya sa mga lumalakad sa kaniyang mga daan. Siya ‘ang Isang nagtuturo sa atin upang makinabang, ang Isang pumapatnubay sa atin sa daan na dapat nating lakaran. At kung tayo ay magbibigay-pansin sa kaniyang mga utos, ang ating kapayapaan ay magiging tulad ng ilog, at ang ating katuwiran ay tulad ng mga alon sa dagat.’ (Isaias 48:17, 18) Sa pamamagitan ng pagtanggap sa paanyayang lumakad na kasama ng Diyos at sa pamamagitan ng buong-katapatang paggawa nito, matatamasa natin ang kapayapaan na kasama siya magpakailanman.
Paano Kayo Sasagot?
◻ Bakit isang karangalan ang paglakad na kasama ng tunay na Diyos?
◻ Bakit mga unang hakbang ang pag-aaral, pag-aalay, at bautismo sa paglakad na kasama ni Jehova?
◻ Paano natin maaaring sundan ang mga yapak ni Jesus?
◻ Paano natin nalalaman na aalalayan tayo ni Jehova habang lumalakad tayo na kasama niya?
[Mga larawan sa pahina 13]
Ang pag-aaral, pag-aalay, at bautismo ay mga unang hakbang sa paglakad na kasama ng Diyos