Jerome—Isang Kontrobersiyal na Taong Nanguna sa Pagsasalin ng Bibliya
NOONG Abril 8, 1546, ang Konseho ng Trent ay nagpalabas ng dekreto na ang Latin Vulgate “ay sinang-ayunan ng Simbahang [Katoliko] . . . at walang sinuman ang maglalakas-loob o mangangahas sa ilalim ng anumang pagpapanggap na tatanggi rito.” Bagaman mahigit na sanlibong taon nang natapos ang Vulgate, ito at ang tagapagsalin nito, si Jerome, ay malaon nang naging sentro ng kontrobersiya. Sino ba si Jerome? Bakit kontrobersiyal siya at ang kaniyang salin ng Bibliya? Paano nakaiimpluwensiya ang kaniyang akda sa pagsasalin ng Bibliya ngayon?
Ang Paglitaw ng Isang Iskolar
Ang pangalang Latin ni Jerome ay Eusebius Hieronymus. Isinilang siya noong mga 346 C.E. sa Stridon, sa Romanong lalawigan ng Dalmatia, malapit sa kasalukuyang hangganan sa pagitan ng Italya at Slovenia.a Nakaririwasa ang kaniyang mga magulang, at naranasan niya ang mga bentaha ng salapi sa murang gulang, anupat nag-aral siya sa Roma sa ilalim ng kilalang dalubhasa sa gramatika na si Donatus. Likas na matalinong estudyante sa gramatika, retorika, at pilosopiya si Jerome. Nang panahong ito ay nagsimula rin siyang mag-aral ng Griego.
Pagkatapos umalis sa Roma noong 366 C.E., si Jerome ay gumala-gala at sa wakas ay napunta sa Aquileia, Italya, kung saan natutuhan niya ang ideya ng asetisismo. Palibhasa’y naakit sa mga pangmalas na ito ng labis na pagkakait sa sarili, ginugol niya at ng isang pangkat ng mga kaibigan ang sumunod na ilang taon sa pagsasanay sa asetikong paraan ng pamumuhay.
Noong 373 C.E., dahil sa hindi maipaliwanag na kaguluhan ay nagkahiwa-hiwalay ang grupo. Sa pagkasiphayo, naglibot si Jerome pasilangan sa ibayo ng Bitinia, Galacia, at Cilicia at sa wakas ay nakarating sa Antioquia, Sirya.
Nakapinsala sa kaniyang kalusugan ang mahabang paglalakbay. Pagod na pagod at mahina ang kalusugan, si Jerome ay halos igupo ng lagnat. “O, kung maihahatid lamang sana ako kaagad ng Panginoong Jesu-Kristo sa iyo,” aniya, sa pagsulat sa isang kaibigan. “Ang aking mahinang katawan, mahina kahit na walang sakit, ay lubhang napinsala.”
Parang hindi pa sapat ang karamdaman, kapanglawan, at panloob na pagtatalo, di-nagtagal ay napaharap si Jerome sa isa pang krisis—isang espirituwal na krisis. Sa isang panaginip ay nakita niya ang kaniyang sarili na “kinakaladkad sa harap ng luklukan ng paghatol” ng Diyos. Nang hilingin na ipakilala ang kaniyang sarili, sumagot si Jerome: “Ako’y isang Kristiyano.” Subalit sumagot ang isa na nangangasiwa: “Ikaw na sinungaling, ikaw ay isang tagasunod ni Cicero at hindi ni Kristo.”
Bago nito, ang labis na hilig ni Jerome sa pag-aaral ay pangunahin nang nakasentro sa pag-aaral ng mga klasikong pagano sa halip na sa Salita ng Diyos. “Pinahirapan ako,” aniya, “ng apoy ng budhi.” Sa pag-asang maituwid ang mga bagay-bagay, nanata si Jerome sa kaniyang panaginip: “Panginoon, kung ako’y magtataglay muli ng makasanlibutang mga aklat, o kung muli akong magbabasa ng mga ito, ay itinakwil Kita.”
Nang maglaon, nangatuwiran si Jerome na hindi siya maaaring managot sa isang panata na ginawa sa isang panaginip. Gayunman, determinado siyang tuparin ang kaniyang panata—sa paano man sa simulain. Kaya umalis si Jerome sa Antioquia at nagpakalayo sa Chalcis, sa disyerto ng Sirya. Namumuhay na parang isang ermitanyo, naging abalang-abala siya sa pag-aaral ng Bibliya at literaturang panteolohiya. Sabi ni Jerome: “Binasa ko ang mga aklat ng Diyos taglay ang mas matinding sigasig kaysa sa taglay ko noon sa pagbabasa ng mga aklat ng tao.” Natuto rin siya ng lokal na wikang Siriac at nagsimulang mag-aral ng Hebreo sa tulong ng isang Judio na nakumberte sa Kristiyanismo.
Ang Utos ng Papa
Pagkaraan ng limang taon ng monastikong pamumuhay, nagbalik si Jerome sa Antioquia upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Subalit pagdating doon, nasumpungan niyang lubhang nababahagi ang simbahan. Sa katunayan, samantalang siya’y nasa disyerto, humingi ng payo si Jerome kay Papa Damasus, na nagsasabi: “Ang simbahan ay nahahati sa tatlong grupo, at ang bawat isa’y nagnanais na suportahan ko ang kanilang grupo.”
Nang maglaon, nagpasiya si Jerome na pumanig kay Paulinus, isa sa tatlong lalaki na nag-aangkin sa titulo na obispo ng Antioquia. Sumang-ayon si Jerome na maordena ni Paulinus sa dalawang kondisyon. Una, nais niya na malayang ipagpatuloy ang kaniyang monastikong mga ambisyon. At ikalawa, iginiit niya ang pananatiling libre sa anumang makaparing pananagutan na maglingkod sa isang partikular na simbahan.
Noong 381 C.E., sinamahan ni Jerome si Paulinus sa Konseho ng Constantinople at pagkatapos ay nagpatuloy na kasama niya patungo sa Roma. Agad na napansin ni Papa Damasus ang talino at kasanayan ni Jerome sa wika. Sa loob ng isang taon si Jerome ay naiangat sa marangal na posisyon na personal na kalihim ni Damasus.
Bilang kalihim, hindi umiwas si Jerome sa kontrobersiya. Sa halip, waring naaakit niya ito. Halimbawa, patuloy siyang namuhay bilang isang asetiko sa maluhong palasyo ng papa. Karagdagan pa, sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kaniyang napakasimpleng istilo ng pamumuhay at sa pamamagitan ng galit na galit na pagsasalita laban sa makasanlibutang pagpapakalabis ng klero, nagkaroon ng maraming kaaway si Jerome.
Gayunman, sa kabila ng mga pumupuna sa kaniya, si Jerome ay lubusang sinuportahan ni Papa Damasus. May mabuting dahilan ang papa na himukin si Jerome na ipagpatuloy ang kaniyang pananaliksik sa Bibliya. Nang panahong iyon, maraming nagagamit na Bibliya sa bersiyong Latin. Marami sa mga ito ay hindi maingat na naisalin, anupat nagtataglay ng kitang-kitang mga kamalian. Isa pang ikinababahala ni Damasus ay na nababahagi ang Silangan at Kanlurang sakop ng simbahan dahil sa wika. Kakaunti sa Silangan ang marunong ng Latin; kakaunti naman sa Kanluran ang marunong ng Griego.
Kaya naman sabik si Papa Damasus na marebisa ang saling Latin ng mga Ebanghelyo. Nais ni Damasus ang isang salin na may katumpakang magpapabanaag sa orihinal na Griego, gayunma’y maging magaling at maliwanag ang Latin nito. Si Jerome ang isa sa iilang iskolar na makagagawa ng gayong salin. Palibhasa’y matatas sa Griego, Latin, at Siriac at may sapat na kaalaman sa Hebreo, talagang kuwalipikado siya sa gawain. Kaya sa utos ni Damasus, sinimulan ni Jerome ang isang proyekto na gugugol ng higit pa kaysa sa susunod na 20 taon ng kaniyang buhay.
Tumindi ang Kontrobersiya
Bagaman napakabilis sa pagsasalin ng mga Ebanghelyo, si Jerome ay kakikitaan ng isang malinaw at matalinong pamamaraan. Inihahambing ang lahat ng manuskritong Griego na umiiral noon, gumawa siya ng mga pagwawasto sa tekstong Latin, kapuwa sa istilo at sa nilalaman, upang gawing mas malapit ang pagkakasuwato nito sa tekstong Griego.
Ang salin ni Jerome sa apat na Ebanghelyo ay mainam na tinanggap sa pangkalahatan, gaya ng kaniyang Latin na rebisyon ng Mga Awit, na batay sa teksto ng Griegong Septuagint. Gayunpaman, may mga pumupuna pa rin sa kaniya. “May napakasamang mga nilalang,” sulat ni Jerome, “na kusang tumutuligsa sa akin sa paratang na sinikap kong ituwid ang mga banggit sa ebanghelyo, nang laban sa awtoridad ng mga sinaunang taong sibilisado at ng opinyon ng buong daigdig.” Tumindi ang mga pagtuligsang ito pagkamatay ni Papa Damasus noong 384 C.E. Palibhasa’y hindi gaanong kalugud-lugod ang kaugnayan ni Jerome sa bagong papa, kaya nagpasiya siyang umalis ng Roma. Minsan pa, nagtungo si Jerome sa silangan.
Ang Paglitaw ng Isang Iskolar na Hebreo
Noong 386 C.E., nanirahan si Jerome sa Betlehem, kung saan niya ginugol ang natitirang bahagi ng kaniyang buhay. Kasama niya ang isang maliit na pangkat ng matapat na mga tagasunod, pati na si Paula, isang mayamang babae ng maharlikang angkan mula sa Roma. Sinunod ni Paula ang asetikong paraan ng pamumuhay bunga ng pangangaral ni Jerome. Taglay ang pinansiyal na tulong nito, isang monasteryo ang naitatag sa ilalim ng pangunguna ni Jerome. Ipinagpatuloy niya roon ang kaniyang napakahusay na gawain at tinapos ang pinakadakilang akda sa kaniyang buhay.
Ang pamumuhay sa Palestina ay nagbigay kay Jerome ng pagkakataon na mapasulong ang kaniyang pagkaunawa sa Hebreo. Nagbayad siya sa ilang tagapagturong Judio upang tulungan siyang maunawaan ang ilan sa mahihirap na aspekto ng wika. Gayunman, hindi ito madali kahit na may tagapagturo. May kinalaman sa isang guro, si Baraninas ng Tiberias, ganito ang sabi ni Jerome: “Napakalaking hirap at gastos ang ipinuhunan ko upang maturuan ni Baraninas sa gabi.” Bakit sila nag-aral sa gabi? Sapagkat ikinatatakot ni Baraninas ang pangmalas ng pamayanang Judio tungkol sa pakikisama niya sa isang “Kristiyano”!
Noong panahon ni Jerome, madalas na tinutuya ng mga Judio ang mga Gentil na nagsasalita ng Hebreo dahil sa kanilang kawalan ng kakayahang bigkasin nang tama ang paimpit na bigkas. Sa kabila nito, pagkaraan ng malaking pagsisikap, naging dalubhasa si Jerome sa mga tunog na ito. Binaybay rin ni Jerome sa Latin ang maraming salitang Hebreo. Ang hakbang na ito ay hindi lamang nakatulong sa kaniya na matandaan ang mga salita kundi naingatan din nito ang Hebreong bigkas nang panahong iyon.
Pinakamalaking Kontrobersiya ni Jerome
Hindi maliwanag kung gaano kalaking bahagi ng Bibliya ang balak ni Papa Damasus na ipasalin kay Jerome. Ngunit may kaunting pag-aalinlangan sa kung paano minalas ni Jerome ang bagay na ito. Buhos na buhos ang isip at determinado rito si Jerome. Ang kaniyang nag-aalab na hangarin ay makagawa ng isang bagay na “kapaki-pakinabang sa Simbahan, mahalaga sa lahat ng darating na salinlahi.” Kaya naipasiya niyang gumawa ng isang rebisadong salin ng buong Bibliya sa Latin.
Para sa Hebreong Kasulatan, binalak ni Jerome na ibatay ang kaniyang paggawa sa Septuagint. Ang Griegong bersiyon na ito ng Hebreong Kasulatan, na orihinal na isinalin noong ikatlong siglo B.C.E., ay minalas ng marami bilang tuwirang kinasihan ng Diyos. Kaya, nagkaroon ng malaganap na sirkulasyon ang Septuagint sa mga Kristiyanong nagsasalita ng Griego noong panahong iyon.
Subalit habang sumusulong si Jerome sa kaniyang gawain, nasumpungan niya ang mga di-pagkakatugma sa mga manuskritong Griego, na nahahawig sa mga nakita niya sa Latin. Sumidhi ang pagkasiphayo ni Jerome. Sa wakas, naghinuha siya na upang makagawa ng isang mapananaligang salin, kailangan niyang laktawan ang mga manuskritong Griego, pati na ang lubhang pinagpipitaganang Septuagint, at magtungo nang tuwiran sa orihinal na tekstong Hebreo.
Ang pasiyang ito ay naging sanhi ng matinding pagtutol. Si Jerome ay binansagan ng ilan bilang isang palsipikador ng teksto, isa na lumalapastangan sa Diyos, tumatalikod sa mga tradisyon ng simbahan alang-alang sa mga Judio. Kahit si Augustine—ang nangungunang teologo ng simbahan nang panahong iyon—ay nakiusap kay Jerome na magbalik sa tekstong Septuagint, na nagsasabi: “Kung ang salin mo ay higit nang babasahin sa maraming simbahan, magiging isang bagay na nakalulungkot na, sa pagbabasa ng Kasulatan, ay bumangon ang mga pagkakaiba sa mga Simbahang Latin at mga Simbahang Griego.”
Oo, ikinatakot ni Augustine na mahati ang simbahan kung gagamitin ng mga simbahan sa Kanluran ang tekstong Latin ni Jerome—batay sa mga tekstong Hebreo—samantalang ginagamit pa ng mga simbahang Griego ang bersiyon na Septuagint.b Karagdagan pa, binanggit ni Augustine ang mga pangamba hinggil sa pagsasaisang-tabi sa Septuagint alang-alang sa salin na si Jerome lamang ang makapagtatanggol.
Ano ang naging reaksiyon ni Jerome sa lahat ng mga mananalansang na ito? Kasuwato ng kaniyang katangian, hindi pinansin ni Jerome ang mga pumupuna sa kaniya. Nagpatuloy siyang gumawa nang tuwiran mula sa Hebreo, at noong taóng 405 C.E., natapos niya ang kaniyang Bibliyang Latin. Pagkalipas ng mga taon ang kaniyang salin ay tinawag na Vulgate, na tumutukoy sa isang karaniwang tinatanggap na bersiyon (ang Latin na vulgatus ay nangangahulugang “karaniwan, isa na popular”).
Lubhang-Nagtatagal na mga Tagumpay
Ang salin ni Jerome na Hebreong Kasulatan ay higit pa sa isang rebisyon lamang ng umiiral na teksto. Para sa darating na mga salinlahi, binago nito ang pamamaraan ng pag-aaral at pagsasalin ng Bibliya. “Ang Vulgate,” sabi ng mananalaysay na si Will Durant, “ay nananatili bilang ang pinakadakila at pinakamaimpluwensiyang akdang nagawa sa ikaapat na siglo.”
Bagaman si Jerome ay mapang-uyam at palaaway, mag-isa niyang pinangasiwaang-muli ang pananaliksik sa Bibliya pabalik sa kinasihang tekstong Hebreo. Taglay ang matalas na paningin, pinag-aralan at pinaghambing niya ang sinaunang mga manuskrito ng Bibliya sa Hebreo at Griego na hindi na natin makukuha sa ngayon. Nauna rin ang kaniyang akda kaysa sa mga Judiong Masoretes. Kaya, isang mahalagang reperensiya ang Vulgate sa paghahambing ng kahaliling mga salin ng mga teksto sa Bibliya.
Bagaman hindi pinalalampas ang kaniyang kalabisan sa paggawi o relihiyosong mga pangmalas, mapahahalagahan ng mga umiibig sa Salita ng Diyos ang matiyagang pagsisikap ng kontrobersiyal na taong ito na nanguna sa pagsasalin ng Bibliya. At oo, natupad ni Jerome ang kaniyang tunguhin—nakagawa siya ng isang bagay na “mahalaga sa darating na mga salinlahi.”
[Mga talababa]
a Hindi sang-ayon ang lahat ng mananalaysay sa mga petsa at pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa buhay ni Jerome.
b Gaya ng nangyari, ang salin ni Jerome ay naging ang saligang Bibliya para sa Sangkakristiyanuhan sa Kanluran, samantalang ang Septuagint naman ay patuloy na ginagamit ng Sangkakristiyanuhan sa Silangan hanggang sa ngayon.
[Larawan sa pahina 28]
Istatuwa ni Jerome sa Betlehem
[Credit Line]
Garo Nalbandian
[Picture Credit Lines sa pahina 26]
Itaas sa kaliwa, manuskritong Hebreo: Sa kagandahang-loob ng Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem; Ibaba sa kaliwa, manuskritong Siriac: Kinopya sa mabait na pagpapahintulot ng The Trustees of the Chester Beatty Library, Dublin; Itaas sa gitna, manuskritong Griego: Courtesy of Israel Antiquities Authority