Kahit sa Isang Patay na Wika, Buháy ang Bibliya
SA NAKALIPAS na mga siglo, mga kalahati ng mga wika sa daigdig ang naglaho na. Namamatay ang isang wika kapag wala na ang mga taal na nagsasalita nito. Kaya ang Latin ay karaniwang sinasabing isang “patay na wika,” bagaman pinag-aaralan ito ng marami at nananatiling opisyal na wika ng Vatican City.
Ang Latin din ang wikang ginamit sa ilang nauna at kilalang salin ng Bibliya. Ang gayon bang mga salin ng Bibliya sa isang patay na wika ay makaaapekto sa mga mambabasa nito ngayon? Tutulungan tayo ng kawili-wiling kasaysayan ng gayong mga salin na sagutin ang tanong na iyan.
Ang Pinakaunang mga Salin sa Latin
Ang Latin ang unang wika ng Roma. Pero nang sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa lunsod na iyon, wikang Griego ang ginamit niya.a Hindi iyan naging problema dahil karaniwan na sa mga tao roon na magsalita ng Latin at Griego. Yamang marami sa naninirahan sa Roma ay galing sa isang bahagi ng Asia Minor na nagsasalita ng wikang Griego, sinasabing ang lunsod ay nagiging Griego. Ang mga wikang sinasalita sa Imperyo ng Roma ay magkakaiba sa bawat rehiyon, ngunit habang lumalawak ang imperyo, dumarami rin ang nagsasalita ng Latin. Dahil dito, ang Banal na Kasulatan sa wikang Griego ay isinalin sa Latin. Nagsimula ito noong ikalawang siglo C.E. sa Hilagang Aprika.
Ang iba’t ibang salin ay tinawag na Vetus Latina, o ang Matandang Latin na mga bersiyon. Wala tayong makukuha ngayon na sinaunang manuskrito ng kumpletong salin ng Kasulatan sa Latin. Ang mga bahagi na umiiral pa rin at ang mga bahaging sinipi ng sinaunang mga manunulat ay waring nagpapakitang ang Vetus Latina ay hindi lamang iisang aklat. Sa halip, lumilitaw na ito ay ginawa ng ilang tagapagsalin sa iba’t ibang panahon at lugar. Kaya mas tamang sabihin na isa itong koleksiyon ng mga salin mula sa wikang Griego.
Nagkaroon ng kalituhan dahil sinikap ng ilang indibiduwal na magkaniya-kaniya sa pagsasalin sa Latin ng mga bahagi ng Kasulatan. Sa pagtatapos ng ikaapat na siglo C.E., naniniwala si Augustine na “ang bawat tao na may manuskritong Griego at nag-aakalang mayroon siyang kaalaman—kaunti man ito—sa dalawang wika ay nagsikap magsalin” sa Latin. Iniisip ni Augustine at ng iba pa na nagkaroon ng napakaraming salin at nag-aalinlangan sila kung tumpak ang mga ito.
Ang Bersiyon ni Jerome
Ang taong nagsikap na wakasan ang kalituhang ito sa pagsasalin ay si Jerome, na naging kalihim ni Damasus, ang obispo ng Roma, noong 382 C.E. Inanyayahan ng obispo si Jerome na rebisahin ang salin ng mga Ebanghelyo sa Latin. Natapos ni Jerome ang atas na ito sa loob lamang ng ilang taon. Pagkatapos, sinimulan niya ang pagrerebisa sa salin sa Latin ng iba pang aklat sa Bibliya.
Ang salin ni Jerome, na tinawag na Vulgate nang maglaon, ay mula sa iba’t ibang salin. Ang bersiyon ni Jerome ng Mga Awit ay mula sa Septuagint, ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan na natapos noong ikalawang siglo B.C.E. Nirebisa niya ang mga Ebanghelyo, at isinalin din ang marami sa Hebreong Kasulatan mula sa orihinal na Hebreo. Ang iba pang aklat sa Kasulatan ay malamang na nirebisa ng iba. Nang maglaon, ang mga bahagi ng Vetus Latina ay muling isinama sa Vulgate ni Jerome.
Noong una, ang salin ni Jerome ay hindi tinanggap ng marami. Pinintasan pa nga ito ni Augustine. Pero sa kalaunan, ginamit itong pamantayan para sa mga Bibliya na nasa iisang tomo. Noong ikawalo at ikasiyam na siglo, iwinasto ng mga iskolar na gaya nina Alcuin at Theodulf ang mga pagkakamali sa bersiyon ni Jerome dahil sa paulit-ulit na pagkopya rito. Hinati naman ng iba sa mga kabanata ang mga teksto para mas madaling hanapin ang mga ito sa Kasulatan. Nang maimbento ang pag-iimprenta sa isahang tipong letra, ang bersiyon ni Jerome ang unang Bibliya na naimprenta.
Sa Konsilyo ng Trent noong 1546, tinawag ng Simbahang Katoliko ang bersiyon ni Jerome na Vulgate. Sinabi ng konsilyo na ang Bibliyang ito ay “mapananaligan,” at ito ang ginamit ng mga Katoliko. Pero iniutos din ng konsilyo na rebisahin ito. Ang rebisyon ay iniatas sa pantanging mga komite. Pero gusto ni Pope Sixtus V na matapos na ito at dahil iniisip niyang kaya naman niyang magrebisa, siya na ang gumawa nito. Kasisimula pa lamang imprentahin ang kaniyang nirebisang edisyon nang mamatay ang papa noong 1590. Agad na tinanggihan ng mga kardinal ang edisyong ito na itinuturing nilang maraming pagkakamali, at ipinahinto ang pamamahagi nito.
Isang bagong bersiyon na inilathala noong 1592 sa pangangasiwa ni Pope Clement VIII ay tinawag na edisyong Sixtine Clementine nang maglaon. Ito ang ginamit ng Simbahang Katoliko sa loob ng ilang panahon. Ang Vulgate na edisyong Sixtine Clementine rin ang naging saligan para sa mga saling Katoliko sa ibang mga wika, gaya ng salin sa Italyano ni Antonio Martini na natapos noong 1781.
Isang Makabagong Bibliya sa Latin
Maliwanag na nakita mula sa pagsusuri sa mga manuskrito noong ika-20 siglo na ang Vulgate, gaya ng ibang mga bersiyon, ay kailangang rebisahin. Upang magawa ito, itinatag ng Simbahang Katoliko noong 1965 ang Komisyon Para sa Bagong Vulgate at ipinaubaya rito ang pagrerebisa ng salin sa Latin ayon sa bagong impormasyon. Ito ang gagamitin sa mga misang Katoliko sa wikang Latin.
Noong 1969, inilabas ang unang bahagi ng bagong salin, at noong 1979, inaprubahan ni Pope John Paul II ang Nova Vulgata. Ang unang edisyon ay may pangalan ng Diyos, na Iahveh, sa ilang talata, kabilang ang Exodo 3:15 at 6:3. Pagkatapos, sinabi ng isang miyembro ng komite na nagkamali sila, kaya sa ikalawang opisyal na edisyon nito na inilathala noong 1986, ibinalik nila ang Dominus, o Panginoon, na kahalili ng Iahveh.
Kung paanong pinintasan ang Vulgate ilang siglo na ang nakararaan, pinintasan din maging ng mga Katolikong iskolar ang Nova Vulgata. Noong una, ipinalalagay na mapagkakaisa ng saling ito ang iba’t ibang relihiyon, pero para sa marami, isa itong hadlang lalo na dahil iminungkahi na ito ang magiging batayan ng mga bagong bersiyon ngayon. Sa Alemanya, ang Nova Vulgata ay naging sentro ng pagtatalo ng mga Protestante at Katoliko may kaugnayan sa salin ng Bibliya na tatanggapin ng dalawang relihiyong ito. Sinasabi ng mga Protestante na iginigiit ng mga Katoliko na dapat iayon sa Nova Vulgata ang bagong saling ito.
Bagaman hindi na karaniwang sinasalita ang Latin, ang Bibliya sa Latin ay tuwiran at di-tuwirang nakaiimpluwensiya sa milyun-milyong mambabasa. Sa maraming wika, may mga terminong panrelihiyon na galing sa Bibliyang Latin. Ngunit sa anumang wika isinalin ang Salita ng Diyos, ito ay may lakas pa rin, anupat binabago ang buhay ng milyun-milyong tao na nagsisikap mamuhay ayon sa mahahalagang turo nito.—Hebreo 4:12.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon kung bakit isinulat sa wikang Griego ang Kristiyanong Kasulatan, tingnan ang artikulong “Alam Mo Ba?” sa pahina 13.
[Blurb sa pahina 23]
Inaprubahan ni Pope John Paul II ang Nova Vulgata. Ang unang edisyon ay may pangalan ng Diyos na Iahveh
[Kahon sa pahina 21]
MAHAHALAGANG SALIN
Ang Vetus Latina, na isinalin mula sa wikang Griego, ay maraming mahahalagang salin. Isa sa mga ito ang salin ng salitang Griego na di·a·theʹke, bilang testamentum, o “tipan.” (2 Corinto 3:14) Dahil diyan, tinatawag pa rin ng maraming tao ang Hebreo at Griegong Kasulatan bilang Lumang Tipan at Bagong Tipan.
[Kahon sa pahina 23]
ISANG PATAKARANG PINAGTALUNAN
Noong 2001, pagkatapos ng apat na taóng paggawa, inilathala ng Vatican Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ang patakaran nitong Liturgiam authenticam (Tunay na Liturhiya). Labis itong pinuna ng maraming Katolikong iskolar.
Ayon sa patakarang ito, yamang ang Nova Vulgata ang opisyal na edisyon ng simbahan, dapat itong gamiting batayan para sa iba pang mga salin, kahit iba ang sinasabi nito sa orihinal na mga akda. Tatanggapin lamang ng herarkiyang Katoliko ang isang Bibliya kung susunod ito sa patakarang iyon. Sinasabi ng patakarang iyon na sa mga bersiyong Katoliko, “ang pangalan ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat na kinakatawan ng Hebreong tetragrammaton (YHWH)” ay dapat isalin sa “anumang wika gamit ang salitang katumbas” ng Dominus, o “Panginoon,” gaya ng ikalawang edisyon ng Nova Vulgata—kahit na ginamit sa unang edisyon nito ang “Iahveh.”b
[Talababa]
b Tingnan ang artikulong “Sinisikap Alisin ng Vatican ang Pangalan ng Diyos,” sa pahina 30.
[Larawan sa pahina 22]
Ang bersiyon ni Alcuin ng Bibliyang Latin, noong 800 C.E.
[Credit Line]
From Paléographìe latine, by F. Steffens (www.archivi.beniculturali.it)
[Mga larawan sa pahina 22]
Vulgate na Edisyong Sixtine Clementine, 1592
[Mga larawan sa pahina 23]
Exodo 3:15, Nova Vulgata, 1979
[Credit Line]
© 2008 Libreria Editrice Vaticana