Pagtatayo sa Paganong mga Pundasyon
KABILANG sa maraming kahanga-hangang monumento na dinadalaw ng mga turista sa Roma, Italya, ay ang Panteon. Ang obra-maestrang ito ng Romanong arkitektura ay isa sa ilang sinaunang gusali roon na halos hindi nagbago. Pinasimulan ni Agripa noong mga 27 B.C.E., ito ay muling itinayo ni Hadrian noong mga 120 C.E. Ang isang natatanging bahagi ng istrakturang ito ay ang malaki nitong simburyo na 43 metro ang diyametro, na tanging ang lapad lamang ang nahigitan sa modernong panahon. Ang Panteon ay dating isang paganong templo, isang “dako para sa lahat ng diyos,” na siyang kahulugan ng orihinal na salitang Griego. Sa ngayon, ito ay itinuturing pa rin na isang simbahang Romano Katoliko. Paano naging posible ang gayong nakapagtatakang pagbabago?
Noong 609 C.E., muling inialay ni Papa Boniface IV ang matagal nang di-ginagamit na templong ito bilang isang “Kristiyanong” simbahan. Nang panahong iyon, pinanganlan itong Church of the Santa Maria Rotunda. Ayon sa isang artikulong inilathala noong 1900 sa magasing La Civiltà Cattolica ng mga Italyanong Jesuita, ang partikular na naisip ni Boniface na paggagamitan nito ay para sa “sama-samang pagluwalhati sa lahat ng mga martir sa lipunang Kristiyano, o sa ibang salita, sa lahat ng santo, ngunit pangunahin na ang Birheng Ina ng Diyos.” Ang mga pangalan ng Panteon na ibinigay ng Simbahang Romano Katoliko ngayon—Santa Maria ad Martyres (Si Sta. Maria Kasama ng mga Martir) o kaya ay, Santa Maria Rotunda—ay nagpapabanaag ng di-makakasulatang layuning iyan.—Ihambing ang Gawa 14:8-15.
Upang ibagay ang Panteon sa bago nitong gamit, “kakaunti lamang ang kailangang gawin,” ang patuloy ng artikulo ring iyon. “Sinunod ni Boniface ang simple at mapagparayang alituntunin na itinatag na ni St. Gregory the Great [Papa Gregory I], ang kaniyang hinalinhan, isang maestro at huwaran sa pag-aangkop ng mga paganong templo upang magamit sa Kristiyanong pagsamba.” Ano ang mga alituntuning iyon?
Sa isang liham para sa isang misyonerong patungo sa paganong Britanya noong 601 C.E., ganito ang iniutos ni Gregory: “Ang mga templo ng mga idolo sa nasabing bansa ay hindi dapat sirain; kundi ang mga idolo lamang na nasa loob ng mga iyon . . . Kung ang nasabing mga templo ay nasa mabuting kalagayan, kinakailangang baguhin ang mga ito mula sa pagsamba sa mga diyablo tungo sa paglilingkod sa tunay na Diyos.” Sa hinuha ni Gregory, kapag nakita ng mga pagano na hindi nasira ang kanilang dating mga templo, mas malamang na mahihilig silang magpatuloy sa pagpunta sa mga ito. Bagaman ang mga pagano ay “pumapatay ng maraming baka sa paghahain sa mga diyablo,” ang sulat ng papa, inaasahan ngayon na “hindi na sila maghahain ng mga hayop sa diyablo kundi papatayin ang mga ito upang masiyahan ang kanilang sarili ukol sa kapurihan ng Diyos.”
“Pinawalang-saysay” rin ng Romanong Katolisismo ang paganong pagsamba sa pamamagitan ng pagtatatag, sa tabi ng dating mga templo, ng mga simbahang inialay sa “Kristiyanong” mga patron. Ang sinaunang mga pagdiriwang ay tinularan at binigyan ng “Kristiyanong” kahulugan. Ipinahayag ito ng La Civiltà Cattolica sa ganitong mga pananalita: “Alam ng lahat ng kasalukuyang mga iskolar na ang ilang kaugalian at relihiyosong mga pagdiriwang ng sinaunang mga Kristiyano ay may malapit na kaugnayan sa ilang paganong gawain at pamamaraan. Ito’y mga gawain na mahal na mahal ng mga tao, mga kaugalian na napakalalim ang pagkakaugat at bahagi na ng pampubliko at pampribadong buhay ng sinaunang daigdig. Ang inang simbahan, mabait at matalino, ay hindi naniwala na dapat niyang alisin ang mga ito; sa halip, sa pamamagitan ng pagbabago sa mga ito sa isang Kristiyanong diwa, anupat binigyan ang mga ito ng bagong karangalan at bagong buhay, nanaig siya sa mga ito dahil sa paggamit ng makapangyarihan ngunit malumanay na paraan, upang mawagi niya kapuwa ang mga kaluluwa ng masa at ng mga edukado nang walang gulo.”
Ang isang kilalang halimbawa ng pagtulad sa isang paganong kapistahan ay, sabihin pa, ang Pasko. Sa katunayan, ang Disyembre 25 ang siyang petsa ng pagdiriwang ng sinaunang mga Romano sa dies natalis Solis Invicti, alalaong baga, “ang kapanganakan ng di-malulupig na araw.”
Sa hangarin nitong mawagi ang puso ng mga pagano, hindi na kung gayon nanghawakan ang simbahan sa katotohanan. Binigyang-katuwiran nito ang gawaing syncretism, ang pagtanggap sa paganong mga paniniwala at kaugalian na “mahal na mahal ng masa.” Ang resulta ay isang haluan at apostatang simbahan, na malayung-malayo sa mga turo ng tunay na Kristiyanismo. Sa liwanag na ito, marahil ay hindi na gaanong kataka-taka na ang isang dating Romanong templo para sa “lahat ng mga diyos”—ang Panteon—ay maging isang Romano Katolikong simbahan na inialay kay Maria at sa “lahat ng mga santo.”
Gayunman, maliwanag pa rin na hindi sapat ang pagbago sa pag-aalay ng isang templo o sa pangalan ng isang pagdiriwang upang mabago ang ‘pagsamba sa mga diyablo tungo sa pagsamba sa tunay na Diyos.’ “Anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?” ang tanong ni apostol Pablo. “ ‘Lumabas kayo mula sa gitna nila, at ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili,’ sabi ni Jehova, ‘at tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’ ‘At ako ay magiging isang ama sa inyo, at kayo ay magiging mga anak na lalaki at mga anak na babae sa akin,’ sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat.”—2 Corinto 6:16-18.