Felipe—Isang Masigasig na Ebanghelisador
MARAMING ulat ang Kasulatan tungkol sa mga lalaki’t babae na ang pananampalataya ay karapat-dapat tularan. Kuning halimbawa si Felipe, isang misyonerong Kristiyano noong unang siglo. Hindi siya isang apostol, gayunman ay ginamit siya nang husto sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian. Sa katunayan, nakilala si Felipe bilang “ang ebanghelisador.” (Gawa 21:8) Bakit gayon ang naging katawagan kay Felipe? At ano ang matututuhan natin sa kaniya?
Lumilitaw si Felipe sa ulat ng Bibliya karaka-raka pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Nang panahong iyon ang mga Judiong nagsasalita ng Griego ay nagbubulung-bulungan laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, anupat nagsasabing pinababayaan ang kanilang mga babaing balo kapag namamahagi ng pagkain sa araw-araw. Upang malutas ang bagay na ito, inatasan ng mga apostol ang “pitong pinatotohanang mga lalaki.” Kabilang sa napili si Felipe.—Gawa 6:1-6.
Ang pitong lalaking ito ay “pinatotohanan.” Sinasabi ng salin ni James Moffatt na sila’y “may mabuting reputasyon.” Oo, noong panahon ng pag-aatas sa kanila, kilala na sila bilang mga lalaking espirituwal na may kakayahan sa praktikal na pag-iisip. Katulad ito ng mga naglilingkod bilang mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon. Ang mga lalaking ito’y hindi inatasan nang madalian. (1 Timoteo 5:22) Sila’y dapat na may “mainam na testimonyo mula sa mga tao sa labas,” at kilala ng mga kapuwa Kristiyano na sila’y may makatuwiran at matinong pag-iisip.—1 Timoteo 3:2, 3, 7; Filipos 4:5.
Ayon sa katibayan,ginampanang mainam ni Felipe ang kaniyang atas sa Jerusalem. Gayunman, di-nagtagal ay nagkaroon ng matinding pag-uusig at nangalat ang mga tagasunod ni Kristo. Tulad ng iba pa, nilisan ni Felipe ang lunsod, subalit hindi pa tapos ang kaniyang ministeryo. Di-nagtagal, naging abala siya sa pangangaral sa isang bagong teritoryo—sa Samaria.—Gawa 8:1-5.
Pagbubukas ng Bagong mga Teritoryo
Inihula ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay mangangaral “kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sa pangangaral sa Samaria, may bahagi si Felipe sa pagtupad ng mga salitang ito. Karaniwan nang minamaliit ng mga Judio ang mga Samaritano. Subalit hindi patiunang hinatulan ni Felipe ang mga taong ito, at pinagpala ang kaniyang hindi pagtatangi. Tunay, maraming Samaritano ang nabautismuhan, pati na ang isang dating salamangkerong nagngangalang Simon.—Gawa 8:6-13.
Nang maglaon, inutusan ng anghel ni Jehova si Felipe na magtungo sa isang daan sa disyerto mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza. Doon nakita ni Felipe ang isang karo na sakay ang isang opisyal na Etiope na nagbabasa nang malakas mula sa hula ni Isaias. Tumakbo si Felipe sa tabi ng karo at nakipag-usap. Bagaman ang Etiope ay isang proselita na may ilang kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kasulatan, mapakumbaba niyang inamin na kailangan niya ang tulong upang maunawaan ang kaniyang binabasa. Kaya, inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa karo at umupong kasama niya. Nang makapagpatotoo, dumating sila sa isang dakong may tubig. “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” ang tanong ng Etiope. Agad na binautismuhan siya ni Felipe, at ang Etiope ay patuloy na humayo na nagsasaya. Malamang, pinalaganap ng bagong alagad na ito ang mabuting balita pagbalik sa kaniyang lupang tinubuan.—Gawa 8:26-29.
Ano ang matututuhan natin mula sa ministeryo ni Felipe may kinalaman sa mga Samaritano at sa opisyal na Etiope? Huwag nating ipalagay kailanman na ang mga tao mula sa isang bansa, lahi, o katayuan sa buhay ay hindi magiging interesado sa mabuting balita. Sa halip, dapat nating ipahayag ang mensahe ng Kaharian sa “lahat ng uri ng tao.” (1 Corinto 9:19-23) Kung ginagawa nating handa ang ating sarili sa pangangaral sa lahat, maaari tayong gamitin ni Jehova sa gawain na ‘paggawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa’ bago dumating ang wakas ng balakyot na sistemang ito.—Mateo 28:19, 20.
Higit Pang mga Pribilehiyo ni Felipe
Pagkatapos mangaral sa opisyal na Etiope, si Felipe ay nagpatotoo sa Asdod, “at humayo siya sa teritoryo at patuloy na ipinahayag ang mabuting balita sa lahat ng mga lunsod hanggang sa makarating siya sa Cesarea.” (Gawa 8:40) Noong unang siglo, maraming populasyong Gentil ang dalawang lunsod na ito. Sa kaniyang paghayo pahilaga tungo sa Cesarea, malamang na nangaral si Felipe sa kilalang mga sentrong Judio, gaya ng Lidda at Joppe. Marahil iyan ang dahilan kung bakit may nasumpungang mga alagad sa mga lugar na ito noong dakong huli.—Gawa 9:32-43.
Ang huling pagbanggit kay Felipe ay nangyari pagkalipas ng mga 20 taon. Sa pagtatapos ng kaniyang ikatlong misyonerong paglalakbay, bumaba si Pablo sa Tolemaida. “Nang sumunod na araw,” ang sabi ng kasamang naglalakbay ni Pablo na si Lucas, “humayo kami at dumating sa Cesarea, at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelisador.” Nang panahong ito, si Felipe ay may “apat na anak na babae, mga birhen, na nanghuhula.”—Gawa 21:8, 9.
Sa wari, si Felipe ay nanirahan sa Cesarea. Subalit hindi niya naiwala ang kaniyang espiritu ng pagmimisyonero, sapagkat tinawag siya ni Lucas na “ang ebanghelisador.” Ang ekspresyong ito ay karaniwang nagpapahiwatig ng isa na lumisan sa sariling bayan upang ipangaral ang mabuting balita sa mga rehiyon na hindi pa nagagawa. Ang bagay na si Felipe ay may apat na anak na babae na nanghuhula ay nagpapahiwatig na sinunod nila ang masigasig na halimbawa ng kanilang ama.
Dapat tandaan ng Kristiyanong mga magulang sa ngayon na ang kanilang mga anak ang kanilang pinakamahalagang mga alagad. Kahit na kinailangang bitiwan ng mga magulang na ito ang ilang teokratikong pribilehiyo dahil sa mga pananagutang pampamilya, maaari silang manatiling buong-puso na mga lingkod ng Diyos at huwarang mga magulang na gaya ni Felipe.—Efeso 6:4.
Ang pagdalaw ni Pablo at ng kaniyang mga kasama ay nagbigay ng mainam na pagkakataon sa pamilya ni Felipe na magpakita ng pagiging mapagpatuloy. Isip-isipin ang pagpapalitan ng pampatibay-loob! Marahil noong okasyong ito natipon ni Lucas ang mga detalye tungkol sa mga gawain ni Felipe, na isinama niya nang maglaon sa Gawa mga kabanata 6 at 8.
Ginamit nang husto ng Diyos na Jehova si Felipe upang ipalaganap ang mga kapakanan ng Kaharian. Ang sigasig ni Felipe ang nagpangyari sa kaniya na ipalaganap ang mabuting balita sa bagong mga teritoryo at itaguyod ang isang mahusay na espirituwal na kapaligiran sa kaniyang tahanan. Gusto mo bang magtamasa ng gayunding mga pribilehiyo at mga pagpapala? Kung gayon ay makabubuting tularan mo ang mga katangiang ipinakita ni Felipe na ebanghelisador.