Liham sa mga Hebreo
12 Kung gayon, dahil napapalibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagtitiis ang takbuhan na nasa harap natin, 2 habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Kinatawan at Tagapagpasakdal ng pananampalataya natin, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay tiniis* niya ang pahirapang tulos* at binale-wala ang kahihiyan, at umupo siya sa kanan ng trono ng Diyos. 3 Isipin ninyong mabuti ang isa na nagtiis* ng gayong malupit na pananalita mula sa mga makasalanan laban sa sarili nilang kapakanan, para hindi kayo mapagod at sumuko.
4 Sa pakikipaglaban ninyo sa kasalanang iyon, hindi pa kayo kailanman nakipaglaban hanggang sa punto na mamamatay na kayo. 5 At lubusan ninyong nakalimutan ang payo sa inyo bilang mga anak: “Anak ko, huwag mong maliitin ang disiplina mula kay Jehova,* at huwag kang masiraan ng loob kapag itinutuwid ka niya; 6 dahil dinidisiplina ni Jehova* ang mga mahal niya, sa katunayan, hinahagupit* niya ang bawat isa na tinatanggap niya bilang anak.”
7 Kailangan ninyong magtiis bilang bahagi ng disiplina* sa inyo. Itinuturing kayo ng Diyos na mga anak niya. May anak ba na hindi dinidisiplina ng kaniyang ama? 8 Pero kung lahat kayo ay hindi pa tumatanggap ng disiplinang ito, mga anak kayo sa labas, at hindi tunay na mga anak. 9 Isa pa, dinisiplina tayo ng mga ama natin,* at iginalang natin sila. Hindi ba dapat na lalo tayong magpasakop sa Ama ng ating espirituwal na buhay para mabuhay tayo? 10 Dahil dinisiplina nila tayo sa maikling panahon ayon sa kung ano ang iniisip nilang mabuti, pero siya, ginagawa niya iyon para sa kabutihan natin para maging banal din tayo na gaya niya. 11 Totoo, hindi tayo masaya kapag dinidisiplina tayo, kundi nasasaktan* tayo; pero pagkatapos nito, nagbubunga ito ng kapayapaan at katuwiran sa mga sinanay rito.
12 Kaya palakasin ninyo ang mga kamay na nakalaylay at ang mga tuhod na nanghihina, 13 at patuloy ninyong gawing tuwid ang landas ng mga paa ninyo, para ang pílay ay hindi lumala, kundi gumaling. 14 Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao at magpakabanal, dahil kung hindi banal ang isang tao, hindi niya makikita ang Panginoon. 15 Mag-ingat kayo para walang sinuman sa inyo ang hindi makatanggap ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nang sa gayon ay walang nakalalasong ugat ang sumibol at magsimula ng gulo at makaapekto sa marami; 16 at mag-ingat kayo para matiyak na walang sinuman sa inyo ang nagkakasala ng seksuwal na imoralidad* o hindi nagpapahalaga sa sagradong mga bagay, gaya ni Esau, na ipinagpalit sa pagkain ang karapatan niya bilang panganay. 17 Dahil alam ninyo na pagkatapos nito, nang gusto na niyang makuha ang pagpapala, hindi iyon ibinigay sa kaniya; dahil kahit na sinikap niyang baguhin ang isip ng kaniyang ama nang may pagluha, hindi pa rin niya nakuha iyon.*
18 Dahil kayo ay hindi lumapit sa isang bagay na maaaring mahawakan at pinagliyab sa apoy, at sa isang maitim na ulap at matinding kadiliman at isang bagyo, 19 at sa malakas na tunog ng trumpeta at sa tinig na nagsasalita, na nang marinig ng bayan ay nakiusap silang huwag na silang kausapin pa nito. 20 Dahil hindi nila makayanan ang utos: “Kahit hayop pa ang tumuntong sa bundok, dapat itong batuhin.” 21 Gayundin, ang tanawin ay talagang nakakatakot, kaya nasabi ni Moises: “Natatakot ako at nangangatog.” 22 Pero kayo ay lumapit sa isang Bundok Sion at isang lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem, at sa napakaraming* anghel 23 na nagkakatipon, at sa kongregasyon ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa espirituwal na buhay ng mga matuwid na ginawa nang perpekto, 24 at kay Jesus na tagapamagitan ng isang bagong tipan, at sa iwinisik na dugo, na nagsasalita nang nakahihigit kaysa sa dugo ni Abel.
25 Tiyakin ninyong hindi ninyo babale-walain ang* nagsasalita. Dahil kung hindi nakatakas ang mga bumale-wala sa nagbibigay ng babala ng Diyos dito sa lupa, lalo nga tayong hindi makatatakas kung tatalikuran natin ang nagsasalita mula sa langit! 26 Nang panahong iyon ay niyanig ng tinig niya ang lupa, pero ngayon ay ipinangako niya: “Minsan pa ay uugain ko hindi lang ang lupa kundi pati ang langit.” 27 Ngayon, ang pananalitang “minsan pa” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis sa mga bagay na inuuga, mga bagay na ginawa, para ang mga bagay na hindi inuuga ay manatili. 28 Kaya dahil tatanggap tayo ng isang Kaharian na hindi mauuga, patuloy tayong tumanggap ng walang-kapantay* na kabaitan, dahil sa pamamagitan nito, maaaring malugod ang Diyos sa ating sagradong paglilingkod sa kaniya nang may makadiyos na takot at paggalang. 29 Dahil ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.