Gaano Katibay ang Iyong Pananampalataya?
“Dahil sa inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.”—2 CORINTO 1:24.
1, 2. Bakit dapat tayong magkaroon ng pananampalataya, at paano ito lalong mapatitibay?
ALAM ng mga lingkod ni Jehova na dapat silang magkaroon ng pananampalataya. Sa katunayan, ‘kung walang pananampalataya ay imposibleng maging kalugud-lugod sa Diyos.’ (Hebreo 11:6) Kaya naman, may-katalinuhan tayong nananalangin ukol sa banal na espiritu at pananampalataya, na isa sa mga kanais-nais na bunga nito. (Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23) Ang pagtulad sa pananampalataya ng mga kapananampalataya ay makapagpapatibay rin sa katangiang ito na taglay natin.—2 Timoteo 1:5; Hebreo 13:7.
2 Lalong titibay ang ating pananampalataya kung patuloy nating itataguyod ang landasing itinatakda ng Salita ng Diyos para sa lahat ng mga Kristiyano. Maaaring magbunga ng mas matibay na pananampalataya ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at masikap na pag-aaral ng Kasulatan sa tulong ng mga publikasyon na inilalaan sa pamamagitan ng “tapat na katiwala.” (Lucas 12:42-44; Josue 1:7, 8) Napasisigla tayo ng pananampalataya ng isa’t isa sa pamamagitan ng ating regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon. (Roma 1:11, 12; Hebreo 10:24, 25) At napatitibay ang ating pananampalataya kapag nakikipag-usap tayo sa iba sa ministeryo.—Awit 145:10-13; Roma 10:11-15.
3. Kung tungkol sa pananampalataya, anong tulong ang natatamo natin mula sa maibiging Kristiyanong matatanda?
3 Sa pagbibigay ng maka-Kasulatang payo at pampatibay-loob, tinutulungan tayo ng maibiging Kristiyanong matatanda na patibayin ang ating pananampalataya. Mayroon silang saloobin na gaya niyaong kay apostol Pablo, na nagsabi sa mga taga-Corinto: “Mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan, sapagkat dahil sa inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.” (2 Corinto 1:23, 24) Isa pang salin ang kababasahan ng ganito: “Gumagawa kaming kasama ninyo upang mapagalak kayo, dahil matibay ang inyong pananampalataya.” (Contemporary English Version) Ang matuwid ay nabubuhay dahil sa pananampalataya. Sabihin pa, walang sinuman ang maaaring manampalataya para sa atin o magpangyari sa atin na maging matapat na tagapag-ingat ng integridad. Sa bagay na ito, ‘kailangang dalhin natin ang ating sariling pasan.’—Galacia 3:11; 6:5.
4. Paano makatutulong ang mga ulat ng Kasulatan hinggil sa tapat na mga lingkod ng Diyos upang mapatibay ang ating pananampalataya?
4 Ang Kasulatan ay punô ng mga ulat ng mga may pananampalataya. Maaaring alam natin ang marami sa kanilang namumukod-tanging mga gawa, subalit may alam din ba tayo sa pananampalatayang ipinamalas nila araw-araw, marahil sa isang mahabang yugto ng kanilang buhay? Ang pagbubulay-bulay ngayon kung paano nila ipinamalas ang katangiang ito sa mga kalagayang katulad ng sa atin ay makatutulong upang mapatibay ang ating pananampalataya.
Ang Pananampalataya ay Nagbibigay sa Atin ng Lakas ng Loob
5. Ano ang maka-Kasulatang patotoo na pinatitibay tayo ng pananampalataya upang ipahayag ang salita ng Diyos nang may lakas ng loob?
5 Pinatitibay tayo ng pananampalataya upang ipahayag ang salita ng Diyos nang may lakas ng loob. Lakas-loob na inihula ni Enoc ang pagsasakatuparan ng hatol ng Diyos. “Narito!” ang sabi niya, “si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Nang marinig ang mga salitang iyon, tiyak na ninais ng walang-diyos na mga kaaway ni Enoc na patayin siya. Gayunman, matapang siyang nagsalita nang may pananampalataya, at “kinuha siya” ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatulog sa kaniya sa kamatayan, anupat lumilitaw na hindi ipinaranas sa kaniya ang hapding dulot nito. (Genesis 5:24; Hebreo 11:5) Hindi natin nararanasan ang gayong mga himala, ngunit sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin upang maipahayag natin ang kaniyang salita nang may pananampalataya at lakas ng loob.—Gawa 4:24-31.
6. Paano tumulong kay Noe ang bigay-Diyos na pananampalataya at lakas ng loob?
6 Sa pananampalataya, “nagtayo [si Noe] ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan.” (Hebreo 11:7; Genesis 6:13-22) Si Noe ay isa ring “mangangaral ng katuwiran” na lakas-loob na nagpahayag ng babala ng Diyos sa kaniyang mga kapanahon. (2 Pedro 2:5) Malamang na tinuya nila ang kaniyang mensahe hinggil sa dumarating na Delubyo, kung paanong nanunuya ang ilan kapag nagbibigay tayo ng maka-Kasulatang patotoo na malapit nang puksain ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. (2 Pedro 3:3-12) Gayunman, tulad nina Enoc at Noe, maipahahayag natin ang gayong mensahe dahil sa ating bigay-Diyos na pananampalataya at lakas ng loob.
Nagiging Matiisin Tayo Dahil sa Pananampalataya
7. Paano nagpamalas ng pananampalataya at pagtitiis si Abraham at ang iba pa?
7 Kailangan natin ng pananampalataya at pagtitiis, lalo na habang hinihintay natin ang wakas ng balakyot na sistemang ito. Ang may-takot-sa-Diyos na patriyarkang si Abraham ay kabilang sa mga ‘sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay magmamana ng mga pangako.’ (Hebreo 6:11, 12) Sa pananampalataya ay iniwan niya ang lunsod ng Ur, pati na ang lahat ng bentaha nito, at naging dayuhan sa isang banyagang lupain na ipinangako sa kaniya ng Diyos. Sina Isaac at Jacob ay mga tagapagmana ng pangako ring iyon. Gayunman, “sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako.” Sa pananampalataya ay ‘inabot nila ang isang mas mabuting dako, samakatuwid nga, yaong nauukol sa langit.’ Alinsunod dito, “inihanda [ng Diyos] ang isang lunsod para sa kanila.” (Hebreo 11:8-16) Oo, sina Abraham, Isaac, at Jacob—at ang kani-kanilang makadiyos na mga asawa—ay matiising naghintay sa makalangit na Kaharian ng Diyos, na sa ilalim ng pamamahala nito ay bubuhayin silang muli sa lupa.
8. Sa kabila ng ano nagpamalas ng pagtitiis at pananampalataya sina Abraham, Isaac, at Jacob?
8 Hindi nawalan ng pananampalataya sina Abraham, Isaac, at Jacob. Hindi napasailalim sa kanilang kontrol ang Lupang Pangako, at hindi nila nakitang pinagpala ng lahat ng bansa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. (Genesis 15:5-7; 22:15-18) Bagaman ang ‘lunsod na itinayo ng Diyos’ ay hindi umiral kundi pagkalipas lamang ng maraming siglo, patuloy na nagpamalas ng pananampalataya at pagtitiis ang mga lalaking ito sa buong buhay nila. Tiyak na gayundin ang dapat nating gawin yamang ang Mesiyanikong Kaharian ay umiiral na sa langit.—Awit 42:5, 11; 43:5.
Nagkakaroon Tayo ng Pinakamatayog na mga Tunguhin Dahil sa Pananampalataya
9. Ano ang kinalaman ng pananampalataya sa mga tunguhin at mga mithiin?
9 Hindi kailanman ginaya ng tapat na mga patriyarka ang masamang istilo ng pamumuhay ng mga Canaanita, sapagkat sila ay may lubhang mas matayog na mga tunguhin at mga mithiin. Gayundin, dahil sa pananampalataya ay nagkakaroon tayo ng espirituwal na mga tunguhin na tumutulong sa atin na labanan ang pagiging bahagi ng sanlibutan na nasa kapangyarihan ng isa na balakyot, si Satanas na Diyablo.—1 Juan 2:15-17; 5:19.
10. Paano natin nalalaman na itinaguyod ni Jose ang isang tunguhin na lubhang mas matayog kaysa sa makasanlibutang katanyagan?
10 Dahil sa patnubay ng Diyos, ang anak ni Jacob na si Jose ay naglingkod bilang administrador ng pagkain sa Ehipto, ngunit hindi niya tunguhin na maging dakilang tao sa sanlibutang ito. Palibhasa’y may pananampalataya sa katuparan ng mga pangako ni Jehova, sinabi ng 110-taóng-gulang na si Jose sa kaniyang mga kapatid: “Ako ay mamamatay na; ngunit walang pagsalang ibabaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa inyo, at tiyak na iaahon niya kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na isinumpa niya kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob.” Hiniling ni Jose na siya ay ilibing sa lupang pangako. Nang siya’y mamatay, siya ay inembalsamo at inilagay sa isang kabaong sa Ehipto. Ngunit nang iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, dinala ng propetang si Moises ang mga buto ni Jose upang ilibing ang mga ito sa Lupang Pangako. (Genesis 50:22-26; Exodo 13:19) Ang pananampalatayang katulad ng kay Jose ay dapat mag-udyok sa atin na itaguyod ang mga tunguhin na lubhang mas matayog kaysa sa makasanlibutang katanyagan.—1 Corinto 7:29-31.
11. Sa anong paraan pinatunayan ni Moises na mayroon siyang espirituwal na mga tunguhin?
11 ‘Mas pinili pa ni Moises na mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan’ bilang isang lubhang edukadong miyembro ng maharlikang pamilya ng Ehipto. (Hebreo 11:23-26; Gawa 7:20-22) Dahil dito ay naiwala niya ang prestihiyo sa sanlibutan at marahil ang isang maringal na libing sa pinalamutiang kabaong sa isang kilalang lugar sa Ehipto. Ngunit ano ang halaga niyaon kung ihahambing sa pribilehiyo na maging isang “lalaki ng tunay na Diyos,” tagapamagitan ng tipang Kautusan, propeta ni Jehova, at manunulat ng Bibliya? (Ezra 3:2) Ang hangad mo ba ay prestihiyosong sekular na promosyon, o dahil sa pananampalataya ay nagkaroon ka ng mas matayog na espirituwal na mga tunguhin?
Nagbubunga ng Kasiya-siyang Buhay ang Pananampalataya
12. Ano ang naging epekto ng pananampalataya sa buhay ni Rahab?
12 Hindi lamang nagkakaroon ng pinakamatayog na mga tunguhin ang mga tao kundi ng kasiya-siyang buhay rin naman dahil sa pananampalataya. Malamang na hindi gaanong makabuluhan para kay Rahab na taga-Jerico ang buhay niya bilang isang patutot. Gayunman, talagang nagbago iyon nang siya’y manampalataya! “Ipinahayag [siya] na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa [ng pananampalataya], pagkatapos niyang magiliw na tanggapin ang mga [Israelitang] mensahero at palabasin sila sa ibang daan,” anupat natakasan nila ang kanilang mga kaaway na Canaanita. (Santiago 2:24-26) Palibhasa’y kinilala si Jehova bilang ang tunay na Diyos, nagpamalas din si Rahab ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagtalikod sa kaniyang buhay bilang isang patutot. (Josue 2:9-11; Hebreo 11:30, 31) Pinakasalan niya ang isang lingkod ni Jehova, hindi ang isang di-mananampalatayang Canaanita. (Deuteronomio 7:3, 4; 1 Corinto 7:39) Si Rahab ay nagkaroon ng dakilang pribilehiyo na maging ninuno ng Mesiyas. (1 Cronica 2:3-15; Ruth 4:20-22; Mateo 1:5, 6) Katulad ng iba, na ang ilan ay tumalikod sa imoral na pamumuhay, siya ay tatanggap ng isa pang gantimpala—pagkabuhay-muli tungo sa buhay sa isang paraisong lupa.
13. Paano nagkasala si David may kaugnayan kay Bat-sheba, ngunit anong saloobin ang kaniyang ipinamalas?
13 Pagkaraang talikuran ang kaniyang makasalanang buhay, lumilitaw na nanatili si Rahab sa matuwid na landasin. Gayunman, ang ilan na matagal nang nakaalay sa Diyos ay nagkasala nang malubha. Si Haring David ay nangalunya kay Bat-sheba, ipinapatay niya ang asawa nito sa digmaan, at pagkatapos ay kinuha niya si Bat-sheba bilang kaniyang asawa. (2 Samuel 11:1-27) Palibhasa’y nagsisisi taglay ang matinding kalungkutan, nagsumamo si David kay Jehova: “Ang iyong banal na espiritu ay huwag mo sanang alisin sa akin.” Hindi naiwala ni David ang espiritu ng Diyos. May pananampalataya siya na dahil sa Kaniyang awa ay hindi hahamakin ni Jehova ang isang “pusong wasak at durog” bunga ng kasalanan. (Awit 51:11, 17; 103:10-14) Dahil sa kanilang pananampalataya, tinamasa nina David at Bat-sheba ang isang kasiya-siyang dako sa talaangkanan ng Mesiyas.—1 Cronica 3:5; Mateo 1:6, 16; Lucas 3:23, 31.
Pananampalatayang Pinatibay ng Katiyakan
14. Anong mga katiyakan ang tinanggap ni Gideon, at paano maaaring makaapekto ang ulat na ito sa ating pananampalataya?
14 Bagaman lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, kung minsan ay nangangailangan tayo ng katiyakan na tutulong ang Diyos. Iyan ay totoo kay Hukom Gideon, isa sa mga “sa pamamagitan ng pananampalataya ay lumupig ng mga kaharian sa labanan.” (Hebreo 11:32, 33) Nang salakayin ng mga Midianita at ng kanilang mga kaalyado ang Israel, nilipos ng espiritu ng Diyos si Gideon. Palibhasa’y nais matiyak na sumasakaniya si Jehova, nagmungkahi siya ng mga pagsubok na nagsasangkot ng balahibong lana na magdamag na inilantad sa isang giikan. Sa unang pagsubok, nagkaroon lamang ng hamog sa balahibong lana, samantalang ang lupa ay nanatiling tuyo. Ang situwasyon ay nabaligtad sa ikalawang pagsubok. Dahil napatibay-loob sa mga katiyakang ito, kumilos nang may pananampalataya ang maingat na si Gideon at nilupig ang mga kaaway ng Israel. (Hukom 6:33-40; 7:19-25) Kung naghahanap tayo ng katiyakan kapag napapaharap sa isang pagpapasiya, hindi ito nangangahulugan na nagkukulang tayo ng pananampalataya. Ang totoo ay nagpapakita tayo ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagsangguni sa Bibliya at sa mga publikasyong Kristiyano at sa pamamagitan ng pananalangin ukol sa patnubay ng banal na espiritu kapag gumagawa ng mga pasiya.—Roma 8:26, 27.
15. Paano tayo matutulungan ng pagbubulay-bulay sa pananampalataya ni Barak?
15 Ang pananampalataya ni Hukom Barak ay pinatibay ng katiyakan sa anyong pampatibay-loob. Pinasigla siya ng propetisang si Debora na manguna sa pagpapalaya sa mga Israelita mula sa paniniil ng Canaanitang si Haring Jabin. Dahil sa pananampalataya at katiyakan na tutulong ang Diyos, pinamunuan ni Barak ang 10,000 di-gaanong nasasandatahang mga lalaki tungo sa digmaan at nagtagumpay laban sa mas malalakas na puwersa ni Jabin na pinamumunuan ni Sisera. Ang tagumpay na iyon ay ipinagdiwang sa kapana-panabik na awitin nina Debora at Barak. (Hukom 4:1–5:31) Pinasigla ni Debora si Barak na kumilos bilang hinirang-ng-Diyos na pinuno ng Israel, at siya ay isa sa mga lingkod ni Jehova na sa pamamagitan ng pananampalataya ay “dumaig sa mga hukbo ng mga banyaga.” (Hebreo 11:34) Ang pagbubulay-bulay sa kung paano pinagpala ng Diyos si Barak dahil sa pagkilos nang may pananampalataya ay maaaring mag-udyok sa atin na kumilos kung tayo ay waring nag-aatubiling gampanan ang isang mahirap na atas sa paglilingkod kay Jehova.
Nagtataguyod ng Kapayapaan ang Pananampalataya
16. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Abraham sa pagtataguyod ng kapayapaan kay Lot?
16 Kung paanong ang pananampalataya ay tumutulong sa atin na gampanan ang mahihirap na atas sa paglilingkod sa Diyos, nagtataguyod din ito ng kapayapaan at kapanatagan. Hinayaan ng matanda nang si Abraham ang kaniyang nakababatang pamangkin na si Lot na piliin ang pinakamaiinam na pastulan nang mag-away ang kanilang mga tagapag-alaga ng kawan anupat kinailangang maghiwalay sila. (Genesis 13:7-12) Malamang na nanalangin si Abraham nang may pananampalataya ukol sa tulong ng Diyos sa paglutas sa suliraning ito. Sa halip na unahin ang kaniyang sariling mga kapakanan, nilutas niya nang mapayapa ang mga bagay-bagay. Kung masumpungan natin ang ating sarili na nakikipagtalo sa ating kapatid na Kristiyano, manalangin tayo nang may pananampalataya at ‘hanapin ang kapayapaan,’ na isinasaisip ang halimbawa ni Abraham hinggil sa maibiging konsiderasyon.—1 Pedro 3:10-12.
17. Bakit natin masasabi na naayos sa mapayapang paraan ang malinaw na di-pagkakasundo na kinasangkutan nina Pablo, Bernabe, at Marcos?
17 Isaalang-alang kung paanong ang pagkakapit sa mga simulaing Kristiyano nang may pananampalataya ay makatutulong sa atin na magtaguyod ng kapayapaan. Nang magpapasimula na si Pablo sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, sumang-ayon si Bernabe sa mungkahi na dalawin nilang muli ang mga kongregasyon sa Ciprus at Asia Minor. Gayunman, gustong isama ni Bernabe ang kaniyang pinsan na si Marcos. Hindi sumang-ayon si Pablo dahil iniwan sila noon ni Marcos sa Pamfilia. Nagkaroon ng “isang matinding pagsiklab ng galit,” at ang pagtatalong ito ay nagbunga ng paghihiwalay. Isinama ni Bernabe si Marcos patungong Ciprus, samantalang pinili naman ni Pablo si Silas bilang kaniyang kasama at ‘lumibot sa Sirya at Cilicia, na pinalalakas ang mga kongregasyon.’ (Gawa 15:36-41) Nang maglaon, ang malinaw na di-pagkakasundo ay naayos, sapagkat si Marcos ay nakasama ni Pablo sa Roma, at kaayaaya ang komento ng apostol hinggil sa kaniya. (Colosas 4:10; Filemon 23, 24) Nang si Pablo ay isang bilanggo sa Roma noong mga 65 C.E., sinabi niya kay Timoteo: “Kunin mo si Marcos at isama mo siya, sapagkat kapaki-pakinabang siya sa akin sa paglilingkod.” (2 Timoteo 4:11) Malamang na ginawa ni Pablo na paksa ng kaniyang mga panalangin nang may pananampalataya ang kaugnayan niya kina Bernabe at Marcos, at nagbunga ito ng kapanatagan na nauugnay sa “kapayapaan ng Diyos.”—Filipos 4:6, 7.
18. Ano ang posibleng nangyari kina Euodias at Sintique?
18 Sabihin pa, palibhasa’y di-sakdal, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Bumangon ang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang Kristiyanong babae, na tungkol sa kanila ay sumulat si Pablo: “Pinapayuhan ko si Euodias at pinapayuhan ko si Sintique na magkaroon ng magkatulad na kaisipan sa Panginoon. . . . Patuloy na tulungan ang mga babaing ito na nagpunyaging kaagapay ko sa mabuting balita.” (Filipos 4:1-3) Malamang na nilutas ng makadiyos na mga babaing ito ang kanilang problema sa mapayapang paraan sa pamamagitan ng pagkakapit sa payo na gaya ng nakaulat sa Mateo 5:23, 24. Ang pagkakapit sa maka-Kasulatang mga simulain nang may pananampalataya ay may malaking magagawa upang itaguyod ang kapayapaan sa ngayon.
Tinutulungan Tayong Magbata ng Pananampalataya
19. Anong mahirap na kalagayan ang hindi kailanman sumira sa pananampalataya nina Isaac at Rebeka?
19 Sa pamamagitan ng pananampalataya, mababata rin natin ang mahihirap na kalagayan. Marahil ay napipighati tayo dahil isang bautisadong miyembro ng ating pamilya ang sumuway sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa ng di-mananampalataya. (1 Corinto 7:39) Nagdusa sina Isaac at Rebeka dahil nag-asawa ang kanilang anak na si Esau ng di-makadiyos na mga babae. Ang mga asawang Hiteo ni Esau ay “naging sanhi ng kapaitan ng [kanilang] espiritu”—anupat nasabi ni Rebeka: “Namumuhi na ako sa buhay kong ito dahil sa mga anak ni Het. Kung si Jacob ay kukuha rin ng asawa mula sa mga anak ni Het na tulad ng mga ito mula sa mga anak na babae ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?” (Genesis 26:34, 35; 27:46) Gayunpaman, ang mahirap na situwasyong ito ay hindi kailanman sumira sa pananampalataya nina Isaac at Rebeka. Mapanatili nawa natin ang matibay na pananampalataya sakaling maging hamon sa atin ang mahihirap na kalagayan.
20. Anong mga halimbawa ng pananampalataya ang makikita natin kina Noemi at Ruth?
20 Ang matandang balo na si Noemi ay isang Judeano at alam niya na ang ilang babae sa Juda ay maaaring magsilang ng mga anak na lalaki na magiging mga ninuno ng Mesiyas. Subalit yamang nangamatay nang walang mga anak ang kaniyang mga anak na lalaki at siya naman ay lampas na sa edad ng panganganak, talagang napakaliit ng tsansa ng kaniyang pamilya na maging bahagi ng talaangkanan ng Mesiyas. Gayunpaman, ang kaniyang balong manugang na babae na si Ruth ay naging asawa ng may-edad nang si Boaz, nagsilang ng anak na lalaki, at naging ninunong babae ni Jesus, ang Mesiyas! (Genesis 49:10, 33; Ruth 1:3-5; 4:13-22; Mateo 1:1, 5) Ang pananampalataya nina Noemi at Ruth ay nanaig sa mahirap na kalagayan at nagdulot ito sa kanila ng kagalakan. Malaking kagalakan din ang mapapasaatin kung pananatilihin natin ang ating pananampalataya sa kabila ng mahihirap na kalagayan.
21. Ano ang nagagawa para sa atin ng pananampalataya, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
21 Bagaman hindi natin alam kung ano ang idudulot ng susunod na araw sa bawat isa sa atin, sa pamamagitan ng pananampalataya ay makakaya nating harapin ang anumang hamon. Lumalakas ang ating loob at nagiging matiisin tayo dahil sa pananampalataya. Nagkakaroon tayo ng pinakamatayog na mga tunguhin at kasiya-siyang buhay dahil dito. Ang pananampalataya ay may positibong mga epekto sa ating kaugnayan sa iba at napananaigan nito ang mahihirap na kalagayan. Kung gayon, tayo nawa ay maging “ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Sa pamamagitan ng lakas ng ating maibiging Diyos, si Jehova, at sa ikaluluwalhati niya, patuloy tayong magpamalas ng matibay na pananampalataya.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang maka-Kasulatang patotoo na mapalalakas-loob tayo ng pananampalataya?
• Bakit natin masasabi na nagbibigay sa atin ng kasiya-siyang buhay ang pananampalataya?
• Paano nagtataguyod ng kapayapaan ang pananampalataya?
• Ano ang patotoo na tinutulungan tayo ng pananampalataya na mabata ang mahihirap na kalagayan?
[Mga larawan sa pahina 16]
Dahil sa pananampalataya ay nagkaroon ng lakas ng loob sina Noe at Enoc na ipahayag ang mga mensahe ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang pananampalataya na kagaya niyaong kay Moises ay nag-uudyok sa atin na itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang katiyakan na tutulong ang Diyos ay nagpatibay sa pananampalataya nina Barak, Debora, at Gideon