Genesis
27 At nang matanda na si Isaac at napakalabo na ng mga mata niya para makakita, tinawag niya si Esau+ na nakatatanda niyang anak at sinabi: “Anak ko!” Sumagot ito: “Narito ako!” 2 Sinabi niya: “Matanda na ako. Hindi ko alam kung gaano katagal na lang ako mabubuhay. 3 Kaya pakisuyo, kunin mo ngayon ang mga gamit mo sa pangangaso, ang iyong mga palaso at búsog, at manghuli ka ng mailap na hayop para sa akin.+ 4 At ipagluto mo ako ng masarap na pagkaing paborito ko at dalhin mo iyon sa akin. Pagkatapos kong kainin iyon ay pagpapalain kita bago ako mamatay.”
5 Pero nakikinig si Rebeka habang nakikipag-usap si Isaac sa anak niyang si Esau. At umalis si Esau para manghuli ng hayop at maiuwi ito.+ 6 At sinabi ni Rebeka sa anak niyang si Jacob:+ “Karirinig ko lang na sinabi ng iyong ama sa kapatid mong si Esau, 7 ‘Manghuli ka ng hayop para sa akin at ipagluto mo ako ng masarap na pagkain. Pagkatapos kong kainin iyon ay pagpapalain kita sa harap ni Jehova bago ako mamatay.’+ 8 At ngayon, anak ko, makinig kang mabuti at gawin mo ang iuutos ko sa iyo.+ 9 Pakisuyo, pumunta ka sa kawan at ikuha mo ako ng dalawang matataba at batang kambing para maipaghanda ko ang iyong ama ng masarap na pagkain, gaya ng lutong gusto niya. 10 At dalhin mo iyon sa iyong ama para makain niya at pagkatapos ay pagpapalain ka niya bago siya mamatay.”
11 Sinabi ni Jacob kay Rebeka na kaniyang ina: “Pero balbon ang kapatid kong si Esau,+ at ako ay hindi. 12 Paano po kung hipuin ako ng ama ko?+ Tiyak na iisipin niyang niloloko ko siya, at magdadala ako sa sarili ko ng sumpa imbes na pagpapala.” 13 Kaya sinabi ng kaniyang ina: “Mapasaakin nawa ang sumpa sa iyo, anak ko. Basta gawin mo ang sinabi ko at kunin mo ang mga iyon para sa akin.”+ 14 Kaya umalis siya, kinuha ang mga iyon, at dinala sa kaniyang ina; at naghanda ang kaniyang ina ng masarap na pagkain, gaya ng lutong gusto ng kaniyang ama. 15 Pagkatapos, kinuha ni Rebeka sa bahay niya ang pinakamagagandang damit ng nakatatanda niyang anak na si Esau, at isinuot ang mga iyon sa nakababata niyang anak na si Jacob.+ 16 Inilagay rin niya ang balat ng mga batang kambing sa mga braso nito at sa bahagi ng leeg nito na walang buhok.+ 17 Pagkatapos, ibinigay niya sa anak niyang si Jacob ang masarap na pagkain at ang tinapay na ginawa niya.+
18 Kaya pinuntahan ni Jacob ang kaniyang ama at sinabi: “Ama ko!” Sinabi nito: “Narito ako! Sino ka, anak ko?” 19 Sinabi ni Jacob: “Ako po ang inyong panganay na si Esau.+ Nagawa ko na ang sinabi ninyo sa akin. Umupo kayo, pakisuyo, at kumain ng nahuli kong hayop at pagkatapos ay pagpalain ninyo* ako.”+ 20 Sinabi ni Isaac: “Paano nangyari na napakabilis mong nakahuli, anak ko?” Sumagot ito: “Dahil tinulungan ako ni Jehova na inyong Diyos.” 21 Pagkatapos, sinabi ni Isaac kay Jacob: “Pakisuyo, anak ko, lumapit ka para mahipo kita at malaman ko kung talagang ikaw ang anak kong si Esau.”+ 22 Kaya lumapit si Jacob, at hinipo siya ng ama niyang si Isaac at sinabi: “Ang tinig ay tinig ni Jacob, pero ang mga braso ay kay Esau.”+ 23 Hindi siya nakilala ng ama niya dahil ang mga braso niya ay balbon na tulad ng sa kapatid niyang si Esau. Kaya pinagpala siya ng kaniyang ama.+
24 Pagkatapos, nagtanong ito: “Ikaw ba talaga ang anak kong si Esau?” Sumagot siya: “Ako nga.” 25 Kaya sinabi nito: “Anak ko, dalhin mo sa akin ang karne ng mailap na hayop para makain ko, at pagkatapos ay pagpapalain kita.” At dinala niya iyon sa kaniya at kinain iyon, at nagdala siya ng alak at uminom ito. 26 At sinabi sa kaniya ni Isaac na ama niya: “Pakisuyo, anak ko, lumapit ka at halikan mo ako.”+ 27 Kaya lumapit siya at hinalikan ito, at naamoy nito ang amoy ng mga damit niya.+ At pinagpala siya nito at sinabi:
“Ang amoy ng anak ko ay tulad ng amoy ng parang na pinagpala ni Jehova. 28 Ibigay nawa sa iyo ng tunay na Diyos ang mga hamog ng langit+ at ang matatabang lupain sa lupa+ at ang kasaganaan ng butil at bagong alak.+ 29 Maglingkod nawa sa iyo ang mga bayan, at yumukod nawa sa iyo ang mga bansa. Maging panginoon ka sa iyong mga kapatid, at yumukod nawa sa iyo ang mga anak ng iyong ina.+ Sumpain ang lahat ng sumusumpa sa iyo, at pagpalain ang lahat ng humihiling na pagpalain ka ng Diyos.”+
30 Katatapos lang pagpalain ni Isaac si Jacob at kaaalis lang ni Jacob sa harap ng ama niyang si Isaac nang dumating ang kapatid niyang si Esau mula sa pangangaso.+ 31 Naghanda rin ito ng masarap na pagkain at dinala iyon sa ama niya at sinabi: “Ama, bumangon po kayo at kainin ang karne ng hayop na hinuli ng inyong anak, at pagkatapos ay pagpalain ninyo* ako.” 32 Kaya sinabi sa kaniya ng ama niyang si Isaac: “Sino ka?” Sumagot siya: “Ako po ang inyong anak, ang panganay ninyong si Esau.”+ 33 At nangatog nang husto si Isaac at sinabi: “Sino, kung gayon, ang nanghuli ng hayop at nagdala nito sa akin? Kinain ko na iyon bago ka pa dumating at pinagpala ko siya—at tiyak na pagpapalain siya!”
34 Nang marinig ni Esau ang sinabi ng ama niya, umiyak siya nang napakalakas at sinabi niya sa kaniyang ama: “Pagpalain po ninyo ako, ako rin, ama ko!”+ 35 Pero sinabi nito: “Pinuntahan ako ng kapatid mo at nilinlang ako para makuha ang pagpapalang para sa iyo.” 36 Kaya sinabi niya: “Bagay talaga sa kaniya ang pangalang Jacob* dahil dalawang beses niya akong inagawan.+ Kinuha na niya sa akin ang karapatan ko bilang panganay,+ at ngayon naman, ang pagpapalang para sa akin!”+ Sinabi pa niya: “Wala ba kayong itinirang pagpapala para sa akin?” 37 Sumagot si Isaac kay Esau: “Inatasan ko na siya bilang panginoon mo,+ ibinigay ko na sa kaniya ang lahat ng kapatid niya bilang mga lingkod, at ibinigay ko na ang butil at bagong alak bilang panustos niya.+ Kaya ano pa ang maibibigay ko sa iyo, anak ko?”
38 Sinabi ni Esau: “Iisa lang ba ang pagpapala ninyo, ama ko? Pagpalain mo rin ako, ama ko!” At umiyak nang malakas si Esau.+ 39 Kaya sinabi ng ama niyang si Isaac:
“Ang magiging tahanan mo ay malayo sa matatabang lupain sa lupa at malayo sa hamog ng langit sa itaas.+ 40 At sa pamamagitan ng espada mo ay mabubuhay ka,+ at maglilingkod ka sa kapatid mo.+ Pero kapag hindi mo na kaya, babaliin mo ang pamatok niya sa iyong leeg.”*+
41 Pero si Esau ay nagkimkim ng matinding galit kay Jacob dahil sa pagpapalang ibinigay rito ng kaniyang ama,+ at sinasabi ni Esau sa sarili* niya: “Malapit na ang mga araw ng pagdadalamhati para sa aking ama.+ Pagkatapos nito, papatayin ko ang kapatid kong si Jacob.” 42 Nang ibalita kay Rebeka ang sinabi ng nakatatanda niyang anak na si Esau, ipinatawag niya agad ang nakababata niyang anak na si Jacob at sinabi rito: “Nagpaplanong maghiganti ang kapatid mong si Esau, at gusto ka niyang patayin.* 43 Ngayon, anak ko, gawin mo ang sasabihin ko sa iyo. Maghanda ka at tumakas papunta sa kapatid kong si Laban na nasa Haran.+ 44 Makitira ka muna sa kaniya hanggang sa kumalma ang kapatid mo, 45 hanggang sa mawala ang galit niya sa iyo at makalimutan niya ang ginawa mo sa kaniya. Pagkatapos, ipasusundo kita mula roon. Ayokong mawala kayong dalawa sa akin sa isang araw.”
46 Pagkatapos nito, laging sinasabi ni Rebeka kay Isaac: “Naging miserable ang buhay ko dahil sa mga babaeng Hiteo.+ Kung mag-aasawa rin si Jacob ng mga babaeng Hiteo, na gaya ng mga babaeng nakatira sa lupain, mabuti pang mamatay na lang ako.”+