Tayo ay Lalakad sa Pangalan ni Jehova Magpakailanman!
“Tayo . . . ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”—MIKAS 4:5.
1. Anong mga mensahe ang inihaharap sa Mikas kabanata 3 hanggang 5?
MAY sasabihin si Jehova sa kaniyang bayan, at ginagamit niya si Mikas bilang kaniyang propeta. Layunin ng Diyos na kumilos laban sa mga manggagawa ng kasamaan. Parurusahan niya ang Israel dahil sa kaniyang apostasya. Subalit nakatutuwa naman, pagpapalain ni Jehova yaong mga lumalakad sa kaniyang pangalan. Ang mga mensaheng ito ay malinaw na ipinahahayag sa kabanata 3 hanggang 5 ng hula ni Mikas.
2, 3. (a) Anong katangian ang dapat ipamalas ng mga lider ng Israel, subalit ano ang talagang ginagawa nila? (b) Paano mo ipaliliwanag ang patalinghagang mga salita na ginamit sa Mikas 3:2, 3?
2 Ipinahayag ng propeta ng Diyos: “Dinggin ninyo, pakisuyo, kayong mga ulo ng Jacob at kayong mga kumandante ng sambahayan ng Israel. Hindi ba tungkulin ninyo ang makaalam ng katarungan?” Oo, iyan sana ang dapat na tungkulin nila, subalit ano ba talaga ang ginagawa nila? Sinabi ni Mikas: “Kayong napopoot sa mabuti at maibigin sa kasamaan, na bumabakbak ng kanilang balat mula sa mga tao at ng kanilang laman mula sa kanilang mga buto; kayo na siyang kumakain din ng laman ng aking bayan, at tumutuklap ng kanila mismong balat mula sa kanila, at bumabali ng kanila mismong mga buto, at dumudurog sa kanila na gaya niyaong nasa palayok na maluwang ang bibig at gaya ng karne sa loob ng palayok.”—Mikas 3:1-3.
3 Aba, sinisiil ng mga lider ang mga dukha, ang walang-kalaban-labang mga tao! Ang patalinghagang mga salita na ginamit dito ay madaling mauunawaan ng mga nakikinig kay Mikas. Kapag ang isang kinatay na tupa ay inihahanda sa pamamagitan ng pagpapakulo rito, ito ay binabalatan muna at pagkatapos ay pinaghihiwa-hiwalay ang mga buto. Kung minsan, ang mga buto ay binibiyak upang lumabas ang utak. Kapuwa ang laman at ang mga buto ay pinakukuluan sa isang malaking sisidlan, kagaya niyaong binanggit ni Mikas. (Ezekiel 24:3-5, 10) Angkop na angkop ngang ilustrasyon ito hinggil sa mapang-abusong pagtrato na dinaranas ng mga tao noong panahon ni Mikas sa kamay ng kanilang buktot na mga lider!
Inaasahan ni Jehova na Magiging Makatarungan Tayo
4. Ano ang pagkakaiba ni Jehova at ng mga lider ng Israel?
4 Malaki ang pagkakaiba ng maibiging Pastol na si Jehova at ng mga lider ng Israel. Dahil hindi sila nagsasagawa ng katarungan, hindi nila natutupad ang kanilang atas na ipagsanggalang ang kawan. Sa halip, buong-kasakiman nilang pinagsasamantalahan ang makasagisag na mga tupa, anupat pinagkakaitan sila ng katarungan at ‘ibinububo ang kanilang dugo,’ gaya ng binanggit sa Mikas 3:10. Ano ang matututuhan natin mula sa situwasyong ito?
5. Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga nangunguna sa kaniyang bayan?
5 Inaasahan ng Diyos na magsasagawa ng katarungan ang mga nangunguna sa kaniyang bayan. Ito ang nakikita nating ginagawa ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Karagdagan pa, kasuwato ito ng Isaias 32:1, na doon ay mababasa natin: “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, mamamahala sila bilang mga prinsipe ukol sa katarungan.” Subalit noong panahon ni Mikas, ano ang ating makikita? Ang katarungan ay patuloy na binabaluktot ng mga “napopoot sa mabuti at maibigin sa kasamaan.”
Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?
6, 7. Anong mahalagang punto ang itinatampok sa Mikas 3:4?
6 Maaasahan kaya ng balakyot na mga kapanahon ni Mikas ang paglingap ni Jehova? Siyempre, hindi! Ang Mikas 3:4 ay nagsasabi: “Hihingi sila ng saklolo kay Jehova, ngunit hindi niya sila sasagutin. At ikukubli niya ang kaniyang mukha mula sa kanila sa panahong iyon, ayon sa kasamaang ginawa nila sa kanilang mga pakikitungo.” Itinatampok nito ang isang napakahalagang punto.
7 Hindi sasagutin ni Jehova ang ating mga panalangin kung tayo ay namimihasa sa pagkakasala. Lalo nang totoo ito kung tayo’y may dobleng pamumuhay, anupat pinagtatakpan ang ating masamang gawa samantalang nagkukunwaring tapat na naglilingkod sa Diyos. Ayon sa Awit 26:4, umawit si David: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.” Lalo nang hindi sasagutin ni Jehova ang mga panalangin niyaong mga sadyang lumalabag sa kaniyang Salita!
Pinalakas ng Espiritu ng Diyos
8. Ano ang babala sa bulaang mga propeta noong panahon ni Mikas?
8 Talaga namang laganap ang napakasamang mga gawa ng espirituwal na mga lider ng Israel! Inililigaw sa espirituwal na paraan ng mga bulaang propeta ang bayan ng Diyos. Ang sakim na mga lider ay sumisigaw ng “Kapayapaan!” ngunit ang totoo ay pinababanal nila ang pakikidigma sa sinumang hindi nagbibigay sa kanila ng anumang makakain. “Kaya,” ang sabi ni Jehova, “magkakaroon kayo ng gabi, anupat hindi magkakaroon ng pangitain; at magkakaroon kayo ng kadiliman, upang hindi makapanghula. At lulubugan ng araw ang mga propeta, at ang araw ay magdidilim sa kanila. At ang mga tagapangitain ay mapapahiya, at ang mga manghuhula ay mabibigo. At tatakpan nila ang bigote.”—Mikas 3:5-7a.
9, 10. Ano ang kahulugan ng ‘pagtatakip ng bigote,’ at bakit walang dahilan si Mikas para gawin iyon?
9 Bakit ‘tatakpan ang bigote’? Ito ay ginagawa ng mga balakyot na kapanahon ni Mikas dahil sa kahihiyan. At dapat ngang mahiya ang balakyot na mga taong ito. Para sa kanila, “walang sagot mula sa Diyos.” (Mikas 3:7b) Si Jehova ay hindi nagbibigay-pansin sa mga panalangin ng sinumang palalo at balakyot na tao.
10 Walang dahilan si Mikas upang ‘magtakip ng bigote.’ Hindi siya nahihiya. Sinasagot ni Jehova ang kaniyang mga panalangin. Pansinin ang Mikas 3:8, na doon ay sinasabi ng tapat na propeta: “Sa kabilang dako, ako naman ay napuspos ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova, at ng katarungan at kalakasan.” Kaylaking pasasalamat ni Mikas na sa loob ng kaniyang matagal at tapat na ministeryo, lagi siyang ‘puspos ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova’! Ito ang nagbigay sa kaniya ng lakas “upang sabihin sa Jacob ang kaniyang pagsalansang at sa Israel ang kaniyang kasalanan.”
11. Paano pinalalakas ang mga tao upang ipahayag ang mga mensahe ng Diyos?
11 Higit pa kaysa sa lakas lamang ng tao ang kailangan ni Mikas upang maipahayag ang mensahe ng Diyos hinggil sa di-kaayaayang hatol. Kailangan ang espiritu, o makapangyarihang aktibong puwersa, ni Jehova. Kumusta naman tayo? Maisasakatuparan lamang natin ang ating atas na mangaral kung palalakasin tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Ang mga pagtatangkang mangaral ay lubos na mabibigo kung tayo ay sadyang mamimihasa sa pagkakasala. Kung magkagayon ay hindi sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin ukol sa kalakasan upang maisakatuparan ang gawaing ito. Tiyak na hindi natin maipahahayag ang mga mensahe ng kahatulan ng ating makalangit na Ama malibang sumasaatin “ang espiritu ni Jehova.” Sa pamamagitan ng mga dinirinig na panalangin at sa tulong ng banal na espiritu, maipahahayag natin ang salita ng Diyos nang may lakas ng loob, tulad ni Mikas.
12. Bakit nagawa ng sinaunang mga alagad ni Jesus na ‘patuloy na salitain ang salita ng Diyos nang buong katapangan’?
12 Marahil ay natatandaan mo ang ulat sa Gawa 4:23-31. Gunigunihin na ikaw ay kabilang sa unang-siglong mga alagad ni Jesus. Sinisikap ng panatikong mga mang-uusig na itikom ang bibig ng mga tagasunod ni Kristo. Subalit ang matapat na mga taong ito ay nananalangin sa kanilang Soberanong Panginoon, na nagsusumamo: “Jehova, pagtuunan mo ng pansin ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” Ano ang resulta? Nang makapagsumamo na sila, ang dako na pinagtitipunan nila ay nayanig, at ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng banal na espiritu at nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan. Palagi nawa tayong lumapit kay Jehova sa panalangin at manalig sa tulong niya sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu habang isinasakatuparan natin ang ating ministeryo.
13. Ano ang mangyayari sa Jerusalem at Samaria, at bakit?
13 Pag-isipan muli ang panahon ni Mikas. Ayon sa Mikas 3:9-12, ang mga tagapamahala na may pagkakasala sa dugo ay humahatol dahil sa suhol, ang mga saserdote ay nagtuturo kapalit ng isang halaga, at ang mga bulaang propeta ay nanghuhula dahil sa salapi. Hindi nga kataka-taka na ipinahayag ng Diyos na ang kabisera ng Juda, ang Jerusalem, ay “magiging mga bunton lamang ng mga guho”! Yamang laganap din sa Israel ang huwad na pagsamba at kabulukan sa moral, si Mikas ay kinasihang magbabala na gagawin ng Diyos ang Samaria na “isang bunton ng mga guho.” (Mikas 1:6) Sa katunayan, malamang na nakita ni Mikas ang katuparan ng inihulang pagkawasak ng Samaria sa pamamagitan ng mga hukbo ng Asirya noong 740 B.C.E. (2 Hari 17:5, 6; 25:1-21) Maliwanag na ang mapuwersang mga mensaheng ito laban sa Jerusalem at Samaria ay maipahahayag lamang dahil sa lakas ni Jehova.
14. Paano natupad ang hulang nakaulat sa Mikas 3:12, at paano ito dapat makaapekto sa atin?
14 Tiyak na hindi makatatakas ang Juda sa di-kaayaayang hatol ni Jehova. Bilang katuparan ng hulang nakaulat sa Mikas 3:12, ang Sion ay “aararuhing gaya lamang ng isang bukid.” Mula sa ating punto de vista ngayong ika-21 siglo, alam natin na ang mga bagay na ito ay nangyari nang wasakin ng mga taga-Babilonya ang Juda at Jerusalem noong 607 B.C.E. Nangyari ito maraming taon na ang lumipas matapos humula si Mikas, subalit sigurado siya na darating ito. Tiyak na dapat din tayong magtiwala na ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay magwawakas sa inihulang “araw ni Jehova.”—2 Pedro 3:11, 12.
Itinutuwid ni Jehova ang mga Bagay-bagay
15. Sa iyong sariling pananalita, paano mo ilalarawan ang hula na nakaulat sa Mikas 4:1-4?
15 Kung magbabalik-tanaw tayo, makikita natin na ang sumunod namang ipinahahayag ni Mikas ay ang isang kapana-panabik na mensahe ng pag-asa. Tunay na nakapagpapatibay-loob ang mga salitang masusumpungan natin sa Mikas 4:1-4! Ganito ang bahagi ng sinabi ni Mikas: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang mga bayan. . . . At siya ay maggagawad ng kahatulan sa gitna ng maraming bayan, at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa makapangyarihang mga bansa sa malayo. At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma. At uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”
16, 17. Paano natutupad sa ngayon ang Mikas 4:1-4?
16 Sinu-sino ang “maraming bayan” at ang “makapangyarihang mga bansa” na binanggit dito? Hindi sila ang mga bansa at mga pamahalaan ng sanlibutang ito. Sa halip, ang hula ay kumakapit sa mga indibiduwal mula sa lahat ng bansa na nagkakaisa ngayon sa sagradong paglilingkod sa bundok ng tunay na pagsamba kay Jehova.
17 Kasuwato ng hula ni Mikas, ang malinis na pagsamba kay Jehova ay malapit nang isagawa nang lubusan sa buong lupa. Sa ngayon, ang mga taong “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ay tinuturuan na sa mga daan ni Jehova. (Gawa 13:48) Si Jehova ay naggagawad ng kahatulan at nagtutuwid ng mga bagay-bagay sa espirituwal na paraan para sa mga mananampalataya na naninindigan sa panig ng Kaharian. Sila ay makaliligtas sa “malaking kapighatian” bilang bahagi ng “malaking pulutong.” (Apocalipsis 7:9, 14) Palibhasa’y pinukpok na nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, ngayon pa lamang ay namumuhay na sila sa kapayapaan kasama ng kapuwa nila mga Saksi ni Jehova at ng iba pa. Tunay ngang nakalulugod na mapabilang sa kanila!
Determinadong Lumakad sa Pangalan ni Jehova
18. Ano ang isinasagisag ng ‘pag-upo sa ilalim ng sariling punong ubas at puno ng igos’?
18 Sa panahon natin na ang mga tao sa buong lupa ay takót na takót, natutuwa tayo na marami ang natututo sa mga daan ni Jehova. Inaasam-asam natin ang panahon, na ngayo’y malapit na, kapag ang lahat ng gayong mga umiibig sa Diyos ay hindi na mag-aaral ng pakikidigma kundi uupo sa ilalim ng kanilang sariling punong ubas at puno ng igos. Ang mga puno ng igos ay madalas na itinatanim sa mga ubasan. (Lucas 13:6) Ang pag-upo sa ilalim ng sariling punong ubas at puno ng igos ay sumasagisag sa mapayapa, masagana, at matiwasay na mga kalagayan. Maging sa ngayon, ang ating kaugnayan kay Jehova ay nagbibigay sa atin ng kapayapaan ng isip at espirituwal na katiwasayan. Kapag umiiral na ang gayong mga kalagayan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, hindi na tayo matatakot at tayo’y magiging lubusang tiwasay.
19. Ano ang ibig sabihin ng lumakad sa pangalan ni Jehova?
19 Upang matamasa ang paglingap at pagpapala ng Diyos, dapat tayong lumakad sa pangalan ni Jehova. Ito ay buong-puwersang ipinahayag sa Mikas 4:5, na doo’y sinabi ng propeta: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” Ang paglakad sa pangalan ni Jehova ay hindi nangangahulugan ng basta pagsasabing siya ang ating Diyos. Hindi lamang ito humihiling ng basta pakikibahagi natin sa mga Kristiyanong pagpupulong at sa gawaing pangangaral ng Kaharian, bagaman ang gayong mga gawain ay mahalaga rin naman. Kung tayo ay lumalakad sa pangalan ni Jehova, tayo ay nakaalay sa kaniya at nagsisikap na maglingkod sa kaniya nang tapat udyok ng buong-kaluluwang pag-ibig. (Mateo 22:37) At bilang kaniyang mga mananamba, tiyak na determinado tayong lumakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos magpakailanman.
20. Ano ang inihula sa Mikas 4:6-13?
20 Ngayon ay pakisuyong isaalang-alang ang makahulang mga salita sa Mikas 4:6-13. Ang “anak na babae ng Sion” ay kailangang ipatapon “hanggang sa Babilonya.” Iyon nga ang eksaktong nangyari sa mga naninirahan sa Jerusalem noong ikapitong siglo B.C.E. Gayunman, ipinakikita ng hula ni Mikas na isang nalabi ang babalik sa Juda, at kapag isinauli na ang Sion, titiyakin ni Jehova na ang kaniyang mga kaaway ay mapupulbos.
21, 22. Paano natupad ang Mikas 5:2?
21 Inihuhula ng Mikas kabanata 5 ang iba pang madulang kaganapan. Halimbawa, pansinin ang sinasabi sa Mikas 5:2-4. Inihula ni Mikas na ang hinirang-ng-Diyos na Tagapamahala—ang isa “na ang pinanggalingan ay mula noong unang mga panahon”—ay lalabas mula sa Betlehem. Siya’y mamamahala bilang isang pastol “sa lakas ni Jehova.” Karagdagan pa, ang Tagapamahalang ito ay magiging dakila, hindi lamang sa Israel, kundi hanggang sa “mga dulo ng lupa.” Maaaring maging palaisipan para sa sanlibutan sa pangkalahatan kung sino siya, subalit hindi ito isang misteryo para sa atin.
22 Sino ang pinakamahalagang tao na isinilang kailanman sa Betlehem? At sino ang “magiging dakila hanggang sa mga dulo ng lupa”? Walang iba kundi ang Mesiyas, si Jesu-Kristo! Nang tanungin ni Herodes na Dakila ang mga punong saserdote at mga eskriba kung saan ipanganganak ang Mesiyas, sumagot sila: “Sa Betlehem ng Judea.” Sinipi pa nga nila ang mga salita sa Mikas 5:2. (Mateo 2:3-6) Alam din ito ng ilan sa ordinaryong mga tao, sapagkat ganito ang sinasabi nila ayon sa Juan 7:42: “Hindi ba sinasabi ng Kasulatan na ang Kristo ay manggagaling sa supling ni David, at mula sa Betlehem na nayon na dating kinaroroonan ni David?”
Tunay na Kaginhawahan Para sa mga Tao
23. Ano ngayon ang nagaganap bilang katuparan ng Mikas 5:7?
23 Ang Mikas 5:5-15 ay tumutukoy sa pagsalakay ng mga Asiryano na magkakaroon lamang ng panandaliang tagumpay at nagpapahiwatig na maghihiganti ang Diyos sa masuwaying mga bansa. Ang Mikas 5:7 ay nangangako na isasauli ang nagsisising mga nalabing Judio sa kanilang tinubuang lupain, ngunit kumakapit din ang mga salitang ito sa ating panahon. Si Mikas ay nagpahayag: “Ang mga nalalabi sa Jacob ay magiging tulad ng hamog mula kay Jehova sa gitna ng maraming bayan, tulad ng saganang ulan sa pananim.” Ginamit ang napakagandang simbolismong ito upang ihula na ang nalabi ng espirituwal na Jacob, o Israel, ay magiging isang pagpapala sa mga tao mula sa Diyos. Ang “ibang mga tupa” ni Jesus, na may makalupang pag-asa, ay nalulugod na maglingkod nang balikatan kasama ng makabagong-panahong nalabi ng “Israel ng Diyos,” anupat tinutulungan ang iba na maginhawahan sa espirituwal na paraan. (Juan 10:16; Galacia 6:16; Zefanias 3:9) May kaugnayan dito, may mahalagang punto na dapat bulay-bulayin. Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, dapat na pakamahalin nating lahat ang ating pribilehiyo na magdala ng tunay na kaginhawahan sa iba.
24. Anu-anong punto mula sa Mikas kabanata 3 hanggang 5 ang nakatawag ng iyong pansin?
24 Ano ang iyong natutuhan mula sa kabanata 3 hanggang 5 ng hula ni Mikas? Marahil ay mga puntong gaya nito: (1) Inaasahan ng Diyos na magsasagawa ng katarungan ang mga nangunguna sa kaniyang bayan. (2) Hindi sasagutin ni Jehova ang ating mga panalangin kung sinasadya nating mamihasa sa pagkakasala. (3) Maisasakatuparan lamang natin ang ating atas na mangaral kung palalakasin tayo ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (4) Upang matamasa ang paglingap ng Diyos, dapat tayong lumakad sa pangalan ni Jehova. (5) Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, dapat nating pakamahalin ang ating pribilehiyo na magdala ng tunay na kaginhawahan sa mga tao. Baka may iba pang mga punto na nakatawag ng iyong pansin. Ano pa ang ating matututuhan mula sa makahulang aklat na ito ng Bibliya? Ang susunod na artikulo ay tutulong sa atin na makakuha ng praktikal na mga aral mula sa huling dalawang kabanata ng nakapagpapatibay-pananampalatayang hula ni Mikas.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang inaasahan ng Diyos sa mga nangunguna sa kaniyang bayan?
• Bakit ang panalangin at banal na espiritu ay mahalaga may kaugnayan sa ating paglilingkod kay Jehova?
• Paano ba ‘lumalakad sa pangalan ni Jehova’ ang mga tao?
[Larawan sa pahina 15]
Maipaliliwanag mo ba ang ilustrasyon ni Mikas may kinalaman sa isang palayok?
[Mga larawan sa pahina 16]
Katulad ni Mikas, lakas-loob nating isinasakatuparan ang ating ministeryo