Tapat na mga Babaing Kristiyano—Mahahalagang Mananamba ng Diyos
“Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.”—KAWIKAAN 31:30.
1. Ano ang pagkakaiba ng pangmalas ni Jehova sa kagandahan kung ihahambing sa pangmalas ng sanlibutan?
MALAKI ang pagpapahalaga ng sanlibutan sa panlabas na anyo, lalo na pagdating sa mga babae. Subalit si Jehova ay pangunahin nang interesado sa panloob na pagkatao, na maaaring maging higit na maganda kahit sa pagtanda. (Kawikaan 16:31) Kaya naman, ang Bibliya ay nagpapayo sa mga babae: “Ang inyong kagayakan ay huwag yaong panlabas na pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”—1 Pedro 3:3, 4.
2, 3. Paano nakatulong ang mga babae sa paglaganap ng mabuting balita noong unang siglo, at paano ito inihula?
2 Ang gayong kapuri-puring espiritu ay ipinakita ng maraming babae na binanggit sa Bibliya. Noong unang siglo, ang ilan sa mga ito ay nagkapribilehiyong maglingkod kay Jesus at sa kaniyang mga apostol. (Lucas 8:1-3) Nang maglaon, ang mga babaing Kristiyano ay naging masisigasig na ebanghelisador; ang iba ay nagbigay ng mahalagang suporta sa nangungunang mga lalaking Kristiyano, pati na kay apostol Pablo; at ang ilan ay nagpakita ng natatanging pagkamapagpatuloy, anupat ipinagamit pa nga ang kani-kanilang tahanan para sa mga pulong ng kongregasyon.
3 Inihula sa Kasulatan na gagamitin ni Jehova ang mga babae sa makapangyarihang paraan sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Halimbawa, inihula sa Joel 2:28, 29 na kapuwa ang mga lalaki at babae, bata at matanda, ay tatanggap ng banal na espiritu at makikibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian. Nagsimulang matupad ang hulang iyon noong Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:1-4, 16-18) Ang ilang babaing pinahiran ng espiritu ay binigyan ng makahimalang mga kaloob, tulad ng kaloob na panghuhula. (Gawa 21:8, 9) Sa pamamagitan ng kanilang sigasig sa ministeryo, ang malaking espirituwal na hukbong ito ng tapat na mga kapatid na babae ay nakatulong sa mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo noong unang siglo. Sa katunayan, noong mga 60 C.E., isinulat ni apostol Pablo na ang mabuting balita ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.’—Colosas 1:23.
Pinuri Dahil sa Kanilang Lakas ng Loob, Sigasig, at Pagkamapagpatuloy
4. Bakit may makatuwirang dahilan si Pablo upang purihin ang ilang babae sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano?
4 Bilang halimbawa, si apostol Pablo ay mapagpahalaga sa ministeryong ginampanan ng ilang partikular na babae—kung paanong pinahahalagahan ng mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon ang ministeryong ginagampanan ng masisigasig na babae. Kabilang sa mga babaing tinukoy ni Pablo sa pangalan ay sina “Trifena at Trifosa, mga babaing nagpapagal sa Panginoon,” at si “Persis na ating minamahal, sapagkat gumawa siya ng maraming pagpapagal sa Panginoon.” (Roma 16:12) Sumulat si Pablo na sina Euodias at Sintique ay “nagpunyaging kaagapay [niya] sa mabuting balita.” (Filipos 4:2, 3) Si Priscila, pati na ang kaniyang asawang si Aquila, ay naglingkod ding kasama ni Pablo. Silang dalawa ni Aquila ay “nagsapanganib [pa nga] ng kanilang sariling mga leeg” alang-alang kay Pablo, anupat napakilos itong sumulat: “Hindi lamang ako ang nagpapasalamat kundi gayundin ang lahat ng kongregasyon ng mga bansa.”—Roma 16:3, 4; Gawa 18:2.
5, 6. Sa anu-anong paraan nagpakita ng mainam na halimbawa si Priscila para sa mga kapatid na babae sa ngayon?
5 Ano ang dahilan ng sigasig at lakas ng loob ni Priscila? Ang isang pahiwatig dito ay masusumpungan sa Gawa 18:24-26, kung saan mababasa natin na sinuportahan niya ang kaniyang asawa sa pagtulong kay Apolos, isang mahusay na tagapagsalita, na makaalinsabay sa bagong kaalaman tungkol sa isiniwalat na katotohanan. Kung gayon, maliwanag na si Priscila ay isang mahusay na estudyante ng Salita ng Diyos at ng turo ng mga apostol. Bilang resulta, nagkaroon siya ng mahuhusay na katangian na naging dahilan upang maging mahalaga siya sa Diyos at sa kaniyang asawa at kapaki-pakinabang na miyembro ng sinaunang kongregasyon. Gayundin kahalaga ang maraming masisipag na kapatid na babaing Kristiyano sa ngayon na masikap na nag-aaral ng Bibliya at kumukuha rin ng espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat na katiwala.”—Lucas 12:42.
6 Pambihira ang pagkamapagpatuloy nina Aquila at Priscila. Nanuluyan si Pablo sa kanilang tahanan nang magtrabaho siyang kasama nila sa kanilang negosyo ng paggawa ng tolda sa Corinto. (Gawa 18:1-3) Nang lumipat ang mag-asawa sa Efeso at nang maglaon ay sa Roma, patuloy silang nagpamalas ng Kristiyanong pagkamapagpatuloy, anupat ipinagamit pa nga ang kanilang tahanan para sa mga pulong ng kongregasyon. (Gawa 18:18, 19; 1 Corinto 16:8, 19) Ipinagamit din nina Nimfa at Maria na ina ni Juan Marcos ang kani-kanilang tahanan para sa mga pulong ng kongregasyon.—Gawa 12:12; Colosas 4:15.
Isang Mahalagang Bahagi sa Ngayon
7, 8. Anong kapuri-puring rekord ng sagradong paglilingkod ang taglay ng maraming babaing Kristiyano sa makabagong-panahon, at sa ano sila makatitiyak?
7 Gaya noong unang siglo, ang tapat na mga babaing Kristiyano sa ngayon ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos, lalo na sa gawaing pag-eebanghelyo. At tunay ngang napakainam ng rekord ng mga kapatid na babaing ito! Kuning halimbawa si Gwen, na buong-katapatang naglingkod kay Jehova sa loob ng 50 taon hanggang sa mamatay siya noong taóng 2002. “Ang sigasig ni Gwen bilang ebanghelisador ay halos nalalaman ng lahat sa aming lunsod,” ang sabi ng kaniyang asawang lalaki. “Para sa kaniya, ang bawat tao ay may potensiyal na tumanggap ng pag-ibig at mga pangako ni Jehova. Ang kaniyang pagkamatapat sa Diyos, sa organisasyon Niya, at sa aming pamilya—bukod pa sa kaniyang maibiging pampatibay-loob kapag kami ay nasisiraan ng loob—ay isang malaking suporta sa akin at sa aming mga anak sa buong panahon ng aming ganap at kasiya-siyang pamumuhay nang magkakasama. Talagang hinahanap-hanap namin siya.” Si Gwen at ang kaniyang asawa ay 61 taon nang kasal.
8 Sampu-sampung libong babaing Kristiyano, may asawa at wala, ang naglilingkod bilang mga ministrong payunir at mga misyonero, anupat kontento na sa pangunahing mga pangangailangan sa buhay habang pinalalaganap nila ang mensahe ng Kaharian mula sa mga teritoryong gaya ng abalang mga lunsod hanggang sa nabubukod na mga rehiyon. (Gawa 1:8) Marami ang hindi na naghangad na magmay-ari ng bahay o magkaroon ng mga anak upang lubusang mapaglingkuran si Jehova. Nariyan ang matatapat na sumusuporta sa kani-kanilang asawang lalaki na naglilingkod bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa, samantalang libu-libo namang mga kapatid na babae ang naglilingkod sa mga tahanang Bethel sa buong daigdig. Walang alinlangan, ang mapagsakripisyong mga babaing ito ay kabilang sa “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa” na pumupunô ng kaluwalhatian sa bahay ni Jehova.—Hagai 2:7.
9, 10. Paano ipinahayag ng ilang miyembro ng pamilya ang pagpapahalaga sa mainam na halimbawang ipinakita ng mga Kristiyanong asawang babae at mga ina?
9 Sabihin pa, maraming Kristiyanong babae ang may mga pananagutan sa pamilya na kailangang asikasuhin; gayunman, patuloy nilang inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Isang walang-asawang kapatid na babaing payunir ang sumulat: “Dahil sa kaniyang di-nagmamaliw na pananampalataya at mainam na halimbawa, may malaking papel na ginampanan ang aking ina sa aking pagiging regular pioneer. Sa katunayan, isa siya sa pinakamahusay na payunir na nakapareha ko.” Isang asawang lalaki ang nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang kabiyak, na ina ng limang malalaki nang anak na babae: “Ang tahanan namin ay laging malinis at masinop. Pinananatili itong simple at maayos ni Bonnie upang ang aming pamilya ay makapagtuon ng pansin sa espirituwal na mga tunguhin. Ang kaniyang tulong sa maingat na pangangasiwa sa aming pananalapi ay nagpangyari sa akin na makapagtrabaho nang part-time sa loob ng 32 taon, anupat nakapag-ukol ako ng higit na panahon sa aming pamilya at sa espirituwal na mga bagay. Itinuro rin ng aking asawa sa aming mga anak ang kahalagahan ng kasipagan. Wala akong masabi tungkol sa kaniya kundi puro papuri.” Sa ngayon, silang mag-asawa ay naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova.
10 Isang asawang lalaki ang sumulat tungkol sa kaniyang kabiyak, na ina ng malalaki nang mga anak: “Ang mga katangian na lubhang hinahangaan ko kay Susan ay ang kaniyang masidhing pag-ibig sa Diyos at sa tao, gayundin ang kaniyang pagkamaunawain, empatiya, at pagkamatapat. Lagi niyang pinanghahawakan ang pangmalas na si Jehova ay karapat-dapat sa pinakamainam na maibibigay natin sa kaniya—isang simulain na ikinakapit niya sa kaniyang sarili kapuwa bilang isang lingkod ng Diyos at bilang isang ina.” Dahil sa suporta ng kaniyang kabiyak, ang asawang lalaking ito ay nakatanggap ng ilang espirituwal na mga pribilehiyo, kasali na ang paglilingkod bilang isang matanda, payunir, kahaliling tagapangasiwa ng sirkito, at miyembro ng Hospital Liaison Committee. Tunay ngang napakahalaga ng gayong mga babae sa kani-kanilang asawa, sa mga kapuwa Kristiyano, at higit sa lahat, kay Jehova!—Kawikaan 31:28, 30.
Mahahalagang Babae na Walang Asawa
11. (a) Paano isiniwalat ni Jehova ang kaniyang pagmamalasakit sa tapat na mga babae, lalo na sa mga babaing balo? (b) Sa ano makatitiyak ang mga Kristiyanong babaing balo at iba pang tapat na mga kapatid na babae na walang asawa?
11 Madalas na ipinahayag ni Jehova ang kaniyang pagmamalasakit sa kapakanan ng mga babaing balo. (Deuteronomio 27:19; Awit 68:5; Isaias 10:1, 2) Hindi siya nagbabago. May masidhi pa rin siyang interes hindi lamang sa mga babaing balo kundi maging sa mga nagsosolong ina at sa mga babaing nagpasiyang huwag mag-asawa o hindi nakatagpo ng isang angkop na asawang Kristiyano. (Malakias 3:6; Santiago 1:27) Kung ikaw ay kabilang sa mga tapat na naglilingkod kay Jehova nang walang suporta ng isang kabiyak na Kristiyano, makatitiyak ka na mahalaga ka sa paningin ng Diyos.
12. (a) Paano ipinakikita ng ilang kapatid na babaing Kristiyano ang kanilang pagkamatapat kay Jehova? (b) Anong mga damdamin ang kinakaharap ng ilan sa ating mga kapatid na babae?
12 Halimbawa, isaalang-alang ang ating mga kapatid na babaing Kristiyano na hindi nag-asawa dahil matapat nilang sinusunod ang payo ni Jehova na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39; Kawikaan 3:1) Tinitiyak sa kanila ng Salita ng Diyos: “Sa matapat ay kikilos [si Jehova] nang may pagkamatapat.” (2 Samuel 22:26) Gayunman, para sa marami sa kanila, ang pananatiling walang asawa ay isang hamon. Sinabi ng isang kapatid na babae: “Nagpasiya akong mag-asawa tangi lamang sa Panginoon, ngunit maraming beses na akong lumuha habang nakikita ko ang aking mga kaibigan na nakapag-aasawa ng mahuhusay na lalaking Kristiyano, samantalang ako ay patuloy na nag-iisa.” Ganito naman ang sinabi ng isa pang kapatid na babae: “Dalawampu’t limang taon na akong naglilingkod kay Jehova. Determinado akong manatiling matapat sa kaniya, ngunit madalas ay nalulungkot ako dahil sa damdamin ng pag-iisa.” Sinabi pa niya: “Ang mga kapatid na babaing katulad ko ay nananabik na mapatibay-loob.” Paano natin matutulungan ang gayong matatapat na kapatid?
13. (a) Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawang ipinakita ng mga dumadalaw sa anak na babae ni Jepte? (b) Sa ano pang mga paraan natin maipakikita ang pagmamalasakit sa mga kapatid na babaing walang asawa sa ating kongregasyon?
13 Ang isang paraan ay makikita sa isang sinaunang halimbawa. Nang talikuran ng anak na babae ni Jepte ang kaniyang pagkakataong makapag-asawa, natanto ng bayan na nagsakripisyo siya. Ano ang ginawa nila upang mapatibay ang kaniyang loob? “Taun-taon ay yumayaon ang mga anak na babae ng Israel upang magbigay ng papuri sa anak ni Jepte na Gileadita, apat na araw sa isang taon.” (Hukom 11:30-40) Sa katulad na paraan, dapat tayong magbigay ng taos-pusong papuri sa mga kapatid na babaing walang asawa na matapat na sumusunod sa kautusan ng Diyos.a Ano ang isa pang paraan na maipakikita natin ang ating pagmamalasakit? Sa ating mga panalangin ay dapat tayong magsumamo kay Jehova na suportahan ang gayong minamahal at tapat na mga kapatid na babae upang makapagpatuloy sila sa kanilang matapat na paglilingkod. Karapat-dapat silang muling bigyan ng katiyakan na sila ay malugod na minamahal at lubhang pinahahalagahan ni Jehova at ng buong kongregasyong Kristiyano.—Awit 37:28.
Kung Paano Nagtatagumpay ang mga Nagsosolong Magulang
14, 15. (a) Bakit dapat humingi ng tulong kay Jehova ang mga Kristiyano na nagsosolong ina? (b) Paano maaaring kumilos ang mga nagsosolong magulang kasuwato ng kanilang mga panalangin?
14 Ang mga babaing Kristiyano na mga nagsosolong magulang ay napapaharap din sa napakaraming hamon. Gayunman, maaari silang humingi ng tulong kay Jehova sa pagpapalaki sa kanilang mga anak ayon sa mga simulain ng Bibliya. Totoo, kung ikaw ay isang nagsosolong magulang, hindi ka maaaring maging kapuwa ina at ama sa lahat ng bagay. Gayunman, tutulungan ka ni Jehova na maasikaso mo ang iyong maraming pananagutan kung hihiling ka nang may pananampalataya sa kaniya. Upang ilarawan: Gunigunihin na may dala kang isang napakabigat na sako ng patatas na galing sa iyong hardin at iuuwi mo sa iyong bahay na napakalayo pa. Pipilitin mo bang buhatin itong mag-isa kung may kaibigan ka naman na dumaan sakay ng kaniyang trak at nag-alok na isakay ka? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, huwag mong sikaping dalhing mag-isa ang mabibigat na emosyonal na pasanin kung makahihingi ka naman ng tulong kay Jehova. Sa katunayan, inaanyayahan ka niya na humingi ng tulong sa kaniya. Sinasabi ng Awit 68:19: “Pagpalain nawa si Jehova, na sa araw-araw ay siyang nagdadala ng pasan para sa atin.” Gayundin naman, inaanyayahan ka ng 1 Pedro 5:7 na ihagis ang iyong mga kabalisahan kay Jehova “sapagkat siya ay nagmamalasakit sa [iyo].” Kaya kapag pinabibigatan ka ng mga problema at kabalisahan, ihagis ang iyong pasan sa iyong makalangit na Ama, anupat ginagawa iyon nang “walang lubay.”—1 Tesalonica 5:17; Awit 18:6; 55:22.
15 Halimbawa, kung ikaw ay isang ina, walang alinlangan na nababahala ka sa maaaring maging impluwensiya sa iyong mga anak ng mga kasamahan nila sa paaralan o sa mga pagsubok sa katapatan na maaaring mapaharap sa kanila. (1 Corinto 15:33) Makatuwiran namang ikabahala ang mga ito. Ngunit mga bagay rin ito na maaaring ipanalangin. Sa katunayan, bakit hindi ipanalangin ang gayong mga bagay kasama ng iyong mga anak bago sila magtungo sa paaralan, marahil pagkatapos isaalang-alang nang magkasama ang pang-araw-araw na teksto? Ang taos-puso at espesipikong mga panalangin ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa murang mga isipan. Higit sa lahat, hinihingi mo ang pagpapala ni Jehova kapag matiisin mong sinisikap na ikintal ang kaniyang Salita sa puso ng iyong mga anak. (Deuteronomio 6:6, 7; Kawikaan 22:6) Tandaan, “ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.”—1 Pedro 3:12; Filipos 4:6, 7.
16, 17. (a) Ano ang sinabi ng isang anak na lalaki tungkol sa pag-ibig na ipinakita ng kaniyang ina? (b) Paano nakaapekto ang espirituwal na pangmalas ng ina sa kaniyang mga anak?
16 Isaalang-alang ang halimbawa ni Olivia, na ina ng anim na anak. Iniwan ng kaniyang di-sumasampalatayang asawang lalaki ang kanilang pamilya nang maisilang ang bunsong anak nila, ngunit buong-puso niyang binalikat ang pananagutang sanayin ang kaniyang mga anak sa mga daan ng Diyos. Ang anak na lalaki ni Olivia na si Darren, na 31 taóng gulang na ngayon at naglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda at payunir, ay mga 5 taóng gulang pa lamang noon. Nakaragdag pa sa mga kabalisahan ni Olivia ang pagkakaroon ni Darren ng malubhang karamdaman na hanggang ngayo’y problema pa rin niya. Sa pagbubulay-bulay sa panahon ng kaniyang pagkabata, sumulat si Darren: “Naaalaala ko pa na umuupo ako sa aking higaan sa ospital at sabik na naghihintay kay Inay. Uupo siya sa tabi ko at babasahin ang Bibliya araw-araw. Pagkatapos ay aawitin niya ang awiting pang-Kaharian na ‘Nagpapasalamat Kami sa Iyo, Jehova.’b Hanggang sa ngayon, iyan pa rin ang paborito kong awiting pang-Kaharian.”
17 Ang pagtitiwala at pag-ibig ni Olivia kay Jehova ay nakatulong sa kaniya na magtagumpay bilang nagsosolong ina. (Kawikaan 3:5, 6) Ang kaniyang mainam na saloobin ay mamamalas sa mga tunguhing itinakda niya para sa kaniyang mga anak. “Lagi kaming pinasisigla ni Inay na itaguyod ang tunguhing buong-panahong ministeryo,” ang sabi ni Darren. “Bilang resulta, ako at ang apat sa aking limang kapatid na babae ay pumasok sa buong-panahong ministeryo. Gayunman, ang mga ito ay hindi kailanman ipinagmalaki ni Inay sa iba. Sinisikap kong tularan ang kaniyang mahuhusay na katangian.” Totoo, hindi lahat ng anak ay lumalaking naglilingkod sa Diyos na gaya ng mga anak ni Olivia. Ngunit kapag ginagawa ng isang ina ang buong makakaya niya upang mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya, makatitiyak siya sa patnubay at maibiging suporta ni Jehova.—Awit 32:8.
18. Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang paglalaan ni Jehova na kongregasyong Kristiyano?
18 Ang malaking bahagi ng suporta ng Diyos ay inilalaan sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano, sa tulong ng regular na programa nito ng espirituwal na pagpapakain, ng kapatirang Kristiyano nito, at ng may-gulang sa espirituwal na “mga kaloob na mga tao” nito. (Efeso 4:8) Ang tapat na matatanda ay nagpapagal upang patibayin ang lahat ng nasa kongregasyon, anupat nagbibigay ng pantanging pansin sa mga pangangailangan ng “mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” (Santiago 1:27) Kaya manatiling malapit sa bayan ng Diyos, at huwag kailanman ibukod ang iyong sarili.—Kawikaan 18:1; Roma 14:7.
Ang Kagandahan ng Pagpapasakop
19. Bakit ang pagpapasakop ng asawang babae ay hindi nagpapahiwatig ng pagiging nakabababa, at anong halimbawa sa Bibliya ang sumusuhay rito?
19 Nilalang ni Jehova ang babae bilang kapupunan ng lalaki. (Genesis 2:18) Kaya naman, ang pagpapasakop ng asawang babae sa kaniyang kabiyak ay hindi nangangahulugan ng pagiging nakabababa. Sa halip, nagdudulot ito ng dignidad sa isang babae, anupat nagpapahintulot sa kaniya na gamitin ang marami niyang kaloob at talino kasuwato ng kalooban ng Diyos. Inilalarawan ng Kawikaan kabanata 31 ang napakaraming iba’t ibang gawain ng isang may-kakayahang asawang babae sa sinaunang Israel. Tumutulong siya sa mga nangangailangan, nagtatanim ng mga ubasan, at bumibili ng lupain. Oo, “sa kaniya ay naglalagak ng tiwala ang puso ng nagmamay-ari sa kaniya, at walang nagkukulang na pakinabang.”—Talata 11, 16, 20.
20. (a) Paano dapat malasin ng isang babaing Kristiyano ang kaniyang bigay-Diyos na mga kakayahan, o mga kaloob? (b) Anong maiinam na katangian ang ipinamalas ni Esther, at paano siya ginamit ni Jehova dahil dito?
20 Ang isang babaing mahinhin at may takot sa Diyos ay hindi maambisyong nagtataguyod ng kaniyang sarili o nakikipagpaligsahan sa kaniyang asawang lalaki. (Kawikaan 16:18) Hindi niya sinisikap na bigyang-kasiyahan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pag-una sa sekular na mga tunguhin kundi ginagamit niya ang kaniyang bigay-Diyos na mga kaloob pangunahin na upang paglingkuran ang iba—ang kaniyang pamilya, kapuwa Kristiyano, kapitbahay, at higit sa lahat, si Jehova. (Galacia 6:10; Tito 2:3-5) Isaalang-alang ang halimbawa ni Reyna Esther na nasa Bibliya. Bagaman maganda siya sa pisikal, siya ay mahinhin at mapagpasakop. (Esther 2:13, 15) Nang mag-asawa siya, nagpakita siya ng matinding paggalang sa kaniyang asawa, si Haring Ahasuero, di-tulad ng dating asawa ng hari na si Vasti. (Esther 1:10-12; 2:16, 17) Magalang ding nagpasakop si Esther kay Mardokeo, ang kaniyang nakatatandang pinsan, sa angkop na mga bagay—kahit noong siya ay maging reyna na. Ngunit hindi mahina ang kaniyang loob! Buong-tapang niyang ibinunyag si Haman, isang makapangyarihan at walang-awang lalaki na nagpakanang lumipol sa mga Judio. Ginamit ni Jehova si Esther sa makapangyarihang paraan para iligtas ang Kaniyang bayan.—Esther 3:8–4:17; 7:1-10; 9:13.
21. Paano maaaring maging lalong mahalaga kay Jehova ang isang babaing Kristiyano?
21 Maliwanag, noon at ngayon, ipinakita ng makadiyos na mga babae ang kanilang bukod-tanging debosyon kay Jehova at sa pagsamba sa kaniya. Samakatuwid, mahalaga sa paningin ni Jehova ang mga babaing may takot sa Diyos. Mga kapatid na babaing Kristiyano, hayaan ninyong unti-unti kayong hubugin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu tungo sa pagiging higit pang kanais-nais na “sisidlan,” isa na “naihanda para sa bawat gawang mabuti.” (2 Timoteo 2:21; Roma 12:2) Hinggil sa gayong mahahalagang mananamba, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Bigyan ninyo siya ng mga bunga ng kaniyang mga kamay, at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-daan.” (Kawikaan 31:31) Maging totoo nawa ito sa bawat isa sa inyo.
[Mga talababa]
a Tungkol sa kung paano magbigay ng gayong papuri, tingnan Ang Bantayan ng Marso 15, 2002, pahina 26-8.
b Awit bilang 212 sa Umawit ng mga Papuri kay Jehova, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano napatunayang mahalaga sa paningin ni Jehova ang ilang unang-siglong babaing Kristiyano?
• Paano ginagawang mahalaga ng maraming kapatid na babae sa ating panahon ang kanilang sarili sa Diyos?
• Sa anu-anong paraan sinusuportahan ni Jehova ang mga nagsosolong ina at ang iba pang mga kapatid na babae na walang asawa?
• Paano makapagpapakita ng taos-pusong paggalang sa kaayusan ng pagkaulo ang isang babae?
[Kahon sa pahina 17]
MGA HALIMBAWA PARA SA PAGBUBULAY-BULAY
Gusto mo bang isaalang-alang ang ilan pang halimbawa ng tapat na mga babaing binanggit sa Bibliya? Kung oo, pakisuyong basahin ang mga kasulatang binanggit sa ibaba. Habang binubulay-bulay mo ang tungkol sa iba’t ibang indibiduwal na nakatala, sikaping maunawaan ang mga simulaing maaari mong higit na maikapit sa iyong buhay.—Roma 15:4.
◆ Sara: Genesis 12:1, 5; 13:18a; 21:9-12; 1 Pedro 3:5, 6.
◆ Bukas-palad na mga babaing Israelita: Exodo 35:5, 22, 25, 26; 36:3-7; Lucas 21:1-4.
◆ Debora: Hukom 4:1–5:31.
◆ Ruth: Ruth 1:4, 5, 16, 17; 2:2, 3, 11-13; 4:15.
◆ Babae ng Sunem: 2 Hari 4:8-37.
◆ Babaing taga-Fenicia: Mateo 15:22-28.
◆ Marta at Maria: Marcos 14:3-9; Lucas 10:38-42; Juan 11:17-29; 12:1-8.
◆ Tabita: Gawa 9:36-41.
◆ Apat na anak na babae ni Felipe: Gawa 21:9.
◆ Febe: Roma 16:1, 2.
[Larawan sa pahina 15]
Pinapupurihan mo ba ang mga kapatid na babaing walang asawa na matapat na sumusunod sa kautusan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 16]
Anong espesipikong mga kahilingan ang maaaring banggitin sa panalangin bago magtungo sa paaralan ang mga anak?