Liham sa mga Taga-Roma
14 Tanggapin ninyo ang taong may pag-aalinlangan sa kaniyang paniniwala,*+ at huwag ninyo siyang hatulan dahil iba ang opinyon niya.* 2 Kinakain ng taong may matibay na pananampalataya ang lahat ng uri ng pagkain, pero gulay lang ang kinakain ng taong mahina ang pananampalataya. 3 Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain, at huwag hatulan ng hindi kumakain ang kumakain,+ dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka para hatulan ang lingkod ng iba?+ Ang panginoon lang niya ang makapagsasabi kung makatatayo siya o mabubuwal.*+ At makatatayo siya dahil kaya siyang tulungan ni Jehova.
5 Para sa isang tao, mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang araw;+ para naman sa iba, magkakapareho lang ang lahat ng araw;+ ang bawat tao ay dapat na maging lubusang kumbinsido sa sarili niyang pasiya. 6 Ang taong nagpapahalaga sa isang araw ay gumagawa nito para kay Jehova. At ang kumakain ng lahat ng uri ng pagkain ay gumagawa nito para kay Jehova, dahil nagpapasalamat siya sa Diyos;+ at ang hindi kumakain ng lahat ng uri ng pagkain ay gumagawa nito para kay Jehova, pero nagpapasalamat din siya sa Diyos.+ 7 Ang totoo, walang sinuman sa atin ang nabubuhay para lang sa sarili,+ at walang namamatay para lang sa sarili. 8 Dahil kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para kay Jehova,+ at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo para kay Jehova. Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay kay Jehova.+ 9 Ito ang dahilan kaya namatay si Kristo at nabuhay-muli, para maging Panginoon siya ng mga patay at mga buháy.+
10 Kaya bakit mo hinahatulan ang kapatid mo?+ O bakit mo rin hinahamak ang kapatid mo?+ Tayong lahat ay tatayo sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos.+ 11 Nasusulat: “‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’+ sabi ni Jehova, ‘ang bawat tuhod ay luluhod sa akin, at ang bawat dila ay magsasabing kinikilala nito ang Diyos.’”+ 12 Kaya ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.+
13 Kaya huwag na nating hatulan ang isa’t isa,+ kundi maging determinado tayong huwag maglagay ng katitisuran o harang sa harap ng isang kapatid.+ 14 Bilang isang tagasunod ng Panginoong Jesus, alam ko at kumbinsido ako na walang bagay na likas na marumi;+ nagiging marumi lang ang isang bagay para sa isang tao kapag itinuturing niya itong marumi. 15 Dahil kung nababagabag* ang iyong kapatid dahil sa kinakain mo, hindi ka na lumalakad kaayon ng pag-ibig.+ Namatay si Kristo para sa kaniya, kaya huwag mo siyang ipahamak dahil sa kinakain mo.+ 16 Kaya huwag mong hayaang ang ginawa mong mabuti ay mapagsalitaan ng di-maganda. 17 Dahil ang Kaharian ng Diyos ay walang kinalaman sa* pagkain at pag-inom,+ kundi sa pagkakaroon ng katuwiran, kapayapaan, at kagalakan sa tulong ng banal na espiritu. 18 Dahil ang sinumang alipin ni Kristo na may ganitong mga katangian ay kalugod-lugod sa Diyos at sa mga tao.
19 Kaya itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan+ at nakapagpapatibay sa isa’t isa.+ 20 Huwag mong* sirain ang gawa ng Diyos dahil lang sa pagkain.+ Totoo, malinis ang lahat ng bagay, pero hindi mabuti* para sa isang tao na kainin ang mga ito kung makakatisod iyon sa iba.+ 21 Mas mabuting huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na makakatisod sa iyong kapatid.+ 22 Ang pananampalataya mo ay sa pagitan mo at ng Diyos. Maligaya ang taong ginagawa ang katanggap-tanggap sa kaniya at hindi hinahatulan ng sarili niya. 23 Pero kung may mga alinlangan siya, nahatulan na siya kapag kumain siya, dahil hindi siya kumain batay sa pananampalataya. Talaga ngang ang lahat ng bagay na hindi batay sa pananampalataya ay kasalanan.