Mamuhay Kaayon ng Modelong Panalangin—Bahagi 1
“Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”—MAT. 6:9.
1. Paano natin ginagamit sa ministeryo ang panalanging nakaulat sa Mateo 6:9-13?
KABISADO ng marami ang Panalangin ng Panginoon. Madalas natin itong gamitin sa ministeryo para tulungan ang mga tao na maintindihang tunay na gobyerno ang Kaharian ng Diyos at na magdudulot iyon ng napakagandang mga pagbabago sa lupa. Ginagamit din natin ang unang bahagi ng panalangin para ipakitang may pangalan ang Diyos at dapat itong pakabanalin.—Mat. 6:9.
2. Gusto ba ni Jesus na ang mga salita sa modelong panalangin ang paulit-ulit nating sasabihin kapag nananalangin tayo? Ipaliwanag.
2 Gusto ba ni Jesus na ang mga salita sa panalanging ito ang paulit-ulit nating sasabihin kapag nananalangin tayo, gaya ng ginagawa ng marami? Hindi. Sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit.” (Mat. 6:7) Minsan, inulit niya ang panalanging ito pero gumamit siya ng ibang pananalita. (Luc. 11:1-4) Sa pamamagitan nito, tinulungan tayo ni Jesus na malaman kung ano ang mga kailangan nating hilingin at kung alin ang dapat nating unahin. Kaya naman matatawag itong modelong panalangin.
3. Anong mga tanong ang puwede nating pag-isipan habang sinusuri ang modelong panalangin?
3 Sa artikulong ito at sa susunod, susuriin natin ang nilalaman ng modelong panalangin. Habang ginagawa iyan, tanungin ang sarili, ‘Paano makatutulong ang panalanging ito para mapasulong ko ang aking panalangin? Namumuhay ba ako kaayon ng modelong panalangin?’
“AMA NAMIN NA NASA LANGIT”
4. Ano ang ipinaaalaala sa atin ng pananalitang “Ama namin”? Bakit masasabing si Jehova ay “Ama” ng mga Kristiyanong may makalupang pag-asa?
4 Ipinaaalaala sa atin ng pananalitang “Ama namin,” at hindi “Ama ko,” na kabilang tayo sa “samahan ng mga kapatid” na may tunay na pag-ibig sa isa’t isa. (1 Ped. 2:17) Napakaganda ngang pribilehiyo! Ang mga pinahirang Kristiyano na pinili ni Jehova na mabuhay sa langit ay inampon bilang mga anak ng Diyos, kaya matatawag nilang “Ama” si Jehova sa ganap na diwa. (Roma 8:15-17) Si Jehova ay matatawag ding “Ama” ng mga Kristiyanong may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Siya ang Tagapagbigay-Buhay nila, at maibigin niyang inilalaan ang pangangailangan ng lahat ng kaniyang tunay na mananamba. Ang mga may makalupang pag-asa ay magiging anak ng Diyos sa ganap na diwa kapag sakdal na sila at nanatiling tapat sa huling pagsubok.—Roma 8:21; Apoc. 20:7, 8.
5, 6. Ano ang pinakamagandang regalo na maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak? Ano ang dapat gawin ng bawat anak sa regalong ito? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
5 Napakagandang regalo ang maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak kung tuturuan nila ang mga ito na manalangin at tutulungang maunawaan na si Jehova ay mapagmalasakit na Ama sa langit. Isang brother na naglilingkod ngayon bilang tagapangasiwa ng sirkito sa South Africa ang nagsabi: “Mula nang isilang ang mga anak ko, magkakasama na kaming nananalangin gabi-gabi, maliban na lang kapag wala ako sa bahay. Madalas nilang sabihin na hindi nila natatandaan ang eksaktong salita sa mga panalanging iyon. Pero naaalaala nila ang sama-sama at taimtim na pakikipag-usap namin sa ating Ama, si Jehova, at ang kapanatagan at kapayapaan ng isip na nadarama nila. Noong kaya na nila, hinimok ko silang manalangin nang malakas para marinig ko kung paano nila sinasabi kay Jehova ang mga iniisip at nadarama nila. Magandang pagkakataon iyon para malaman ko ang laman ng puso nila. Pagkatapos, nasasabi ko sa kanila na isama ang mahahalagang bahagi ng modelong panalangin para lalong maging makabuluhan ang panalangin nila.”
6 Sumulong sa espirituwal ang mga anak ng brother. Kasama ng kani-kanilang mister, masaya silang naglilingkod ngayon nang buong panahon kay Jehova. Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova at ito ang pinakamagandang regalo na maibibigay nila. Siyempre pa, pananagutan ng bawat anak na ingatan ang kaugnayan nila sa Diyos. Para magawa iyan, kailangan nilang matutuhang ibigin ang pangalan ng Diyos at lubos na igalang.—Awit 5:11, 12; 91:14.
“PAKABANALIN NAWA ANG IYONG PANGALAN”
7. Anong pribilehiyo ang taglay ng bayan ng Diyos, at ano ang dapat nating gawin?
7 Isang pribilehiyo na malaman natin ang personal na pangalan ng Diyos at taglayin ito bilang “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14; Isa. 43:10) Hinihiling natin sa ating Ama: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” Dahil ipinananalangin natin iyan, mapakikilos tayo nito na hilingin kay Jehova na tulungan tayong huwag makagawa o makapagsalita ng anumang magdudulot ng kapintasan sa kaniyang banal na pangalan. Ayaw nating maging gaya ng ilan noong unang siglo na hindi ginagawa ang ipinangangaral nila. Isinulat sa kanila ni Pablo: “Ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan dahil sa inyo sa gitna ng mga bansa.”—Roma 2:21-24.
8, 9. Magbigay ng halimbawa kung paano pinagpapala ni Jehova ang mga nagnanais na pakabanalin ang kaniyang pangalan.
8 Gusto nating pakabanalin ang pangalan ng Diyos. Isang sister sa Norway na may dalawang-taóng-gulang na anak ang biglang namatayan ng asawa. “Hirap na hirap ako noon,” ang sabi niya. “Araw-araw akong nananalangin, halos oras-oras, para mapanatiling balanse ang emosyon ko nang hindi matuya ni Satanas si Jehova dahil sa anumang maling desisyon ko o kawalang-katapatan. Gusto kong pakabanalin ang pangalan ni Jehova, at gusto kong makitang muli ng aking anak ang tatay niya sa Paraiso.”—Kaw. 27:11.
9 Sinagot ba ni Jehova ang panalanging iyon? Oo. Dahil sa regular na pakikisama sa mapagmalasakit na mga kapatid, napatibay ang sister na ito. Makalipas ang limang taon, nakapag-asawa siya ng isang elder. Bautisado na ang kaniyang anak, na 20 anyos na ngayon. “Masayang-masaya ako,” ang sabi niya, “dahil tinulungan ako ng mister ko na palakihin siya.”
10. Ano ang kailangan para lubusang mapabanal ang pangalan ng Diyos?
10 Ano ang kailangan para lubusang mapabanal ang pangalan ng Diyos at malinis ito mula sa lahat ng upasala? Kailangang alisin ni Jehova ang lahat ng ayaw tumanggap sa kaniya bilang kanilang Tagapamahala. (Basahin ang Ezekiel 38:22, 23.) Pagkatapos, unti-unting isasauli sa kasakdalan ang mga tao. Tiyak na sabik na sabik na tayong dumating ang panahon kung kailan ang pangalan ni Jehova ay ituturing na banal ng lahat ng matatalinong nilalang! At sa wakas, ang ating maibiging Ama sa langit ay magiging “lahat ng bagay sa bawat isa.”—1 Cor. 15:28.
“DUMATING NAWA ANG IYONG KAHARIAN”
11, 12. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ano ang naunawaan ng mga tunay na Kristiyano sa tulong ni Jehova?
11 Bago umakyat sa langit si Jesus, nagtanong ang mga apostol: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Makikita sa sagot ni Jesus na hindi iyon ang panahon para malaman nila kung kailan magsisimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na magpokus sa mahalagang gawain na kailangan nilang gawin—ang pangangaral. (Basahin ang Gawa 1:6-8.) Pero itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na asamin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. Kaya mula pa noong panahon ng mga apostol, ipinananalangin na ng mga Kristiyano na dumating ito.
12 Noong malapit nang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos sa pamumuno ni Jesus, tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na maunawaan kung kailan iyon mangyayari. Noong 1876, isang artikulo na isinulat ni Charles Taze Russell ang inilathala sa magasing Bible Examiner. Sa artikulong iyon na “Mga Panahong Gentil: Kailan Matatapos?,” tinukoy ang 1914 bilang isang mahalagang taon. Ang “pitong panahon” sa hula ni Daniel ay iniugnay ng artikulo sa “mga takdang panahon ng mga bansa” na binanggit ni Jesus.a—Dan. 4:16; Luc. 21:24.
13. Ano ang nangyari noong 1914? Ano ang pinatutunayan ng mga pangyayari sa daigdig mula noong panahong iyon?
13 Noong 1914, sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga bansa sa Europa—isang digmaan na naging pambuong-daigdig. Nang matapos ito noong 1918, nagkaroon ng matitinding kakapusan sa pagkain at epidemya ng trangkaso na pumatay ng mas maraming tao kaysa sa digmaan. Sa gayon, nagsimulang matupad ang ibinigay ni Jesus na “tanda” ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto bilang bagong Hari ng lupa. (Mat. 24:3-8; Luc. 21:10, 11) Maraming ebidensiya ang nagpapatunay na noong 1914 ibinigay sa Panginoong Jesu-Kristo ang “isang korona.” “Humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” (Apoc. 6:2) Nilinis niya ang langit—nakipagdigma siya kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo at inihagis sila sa lupa. Mula noon, naranasan ng mga tao ang katuparan ng kinasihang pananalitang ito: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apoc. 12:7-12.
14. (a) Bakit mahalagang ipanalangin pa rin natin na dumating ang Kaharian ng Diyos? (b) Anong gawain ang dapat nating gawin ngayon?
14 Ipinaliliwanag ng hula sa Apocalipsis 12:7-12 kung bakit kasabay ng pagsilang ng Kaharian ng Diyos ay nagkaroon ng kalunos-lunos na mga pangyayari na patuloy na sumasalot sa sangkatauhan. Si Jesus, ang Hari ng Kaharian ng Diyos, ay nagsimulang maghari sa gitna ng kaniyang mga kaaway. Hangga’t hindi pa nalulubos ang kaniyang pananaig at hindi pa niya winawakasan ang masamang daigdig, patuloy nating ipananalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos. Dapat din tayong mamuhay kaayon ng panalanging iyan at makibahagi sa katuparan ng kamangha-manghang bahagi ng “tanda.” Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mat. 24:14.
“MANGYARI NAWA ANG IYONG KALOOBAN . . . SA LUPA”
15, 16. Paano tayo makapamumuhay kaayon ng kahilingang mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa?
15 Mga 6,000 taon na ang nakalilipas, ang kalooban ng Diyos ay ginagawa sa lupa. Kaya naman sinabi ni Jehova na ang lahat ay “napakabuti.” (Gen. 1:31) Pagkatapos ay nagrebelde si Satanas, at mula noon, iilang tao na lang ang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa lupa. Pero ngayon, mga walong milyong Saksi ang naglilingkod kay Jehova. Bukod sa ipinananalangin nila na mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa, sinisikap din nilang mamuhay kaayon ng panalanging iyan. Kitang-kita ito sa paraan ng kanilang pamumuhay at sa masigasig na paggawa ng alagad.
16 Halimbawa, isang sister na nabautismuhan noong 1948 at naging misyonera sa Africa ang nagsabi: “Kaayon ng bahaging ito ng modelong panalangin, madalas kong ipinananalangin na ang lahat ng tulad-tupang tao ay makausap at matulungang makilala si Jehova bago mahuli ang lahat. Bago magpatotoo, humihingi rin ako ng karunungan para maabot ko ang puso ng tao. At para sa mga natagpuang tulad-tupa, ipinananalangin ko na pagpalain ni Jehova ang mga pagsisikap na alagaan sila.” Kaya naman matagumpay sa ministeryo ang 80-anyos na sister na ito. Marami siyang natulungan na maging Saksi ni Jehova. Tiyak na may naiisip ka ring mga indibiduwal na naging magandang halimbawa dahil ibinuhos nila ang kanilang sarili sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa kabila ng katandaan.—Basahin ang Filipos 2:17.
17. Ano ang nadarama mo sa gagawin ni Jehova kapag sinagot na niya ang kahilingan natin na mangyari ang kalooban niya sa lupa?
17 Hangga’t hindi pa inaalis ni Jehova sa lupa ang mga kaaway ng Kaharian ng Diyos, patuloy nating ipananalangin na mangyari ang kaniyang kalooban. Makikita natin ang higit pang katuparan ng kalooban ng Diyos kapag binuhay-muli sa paraisong lupa ang bilyon-bilyong tao. “Huwag kayong mamangha rito,” ang sabi Jesus, “sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng [aking] tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Napakasarap ngang mabuhay sa panahong iyon at salubungin ang ating mga mahal sa buhay na binuhay-muli! “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa [ating] mga mata.” (Apoc. 21:4) Karamihan sa bubuhaying muli ay “di-matuwid,” mga taong namatay nang hindi nakaalam ng katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak. Pribilehiyo nating ituro sa mga bubuhaying muli ang tungkol sa kalooban at layunin ng Diyos, at tulungan silang makamit ang “buhay na walang hanggan.”—Gawa 24:15; Juan 17:3.
18. Ano ang pinakamahahalagang pangangailangan ng mga tao?
18 Magkakaroon ng lubos na kapayapaan at pagkakaisa kapag napabanal na ng Kaharian ng Diyos ang pangalan ni Jehova. Kaya ang pinakamahahalagang pangangailangan ng mga tao ay masasapatan kapag lubusan nang nasagot ang unang tatlong kahilingan sa modelong panalangin. Pero may iba pa tayong mahahalagang pangangailangan. Binabanggit ito sa natitirang apat na kahilingan sa modelong panalangin na itinuro ni Jesus. Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
a Para sa paliwanag kung paano natupad ang hulang ito noong 1914 nang isilang ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, tingnan ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? pahina 215-218.