Mag-ingat Laban sa Panlilinlang
“Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng . . . walang-katuturang panlilinlang.”—COLOSAS 2:8.
1-3. (a) Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na lumalaganap ang panlilinlang sa halos lahat ng aspekto ng araw-araw na pamumuhay? (b) Bakit hindi natin dapat pagtakhan ang panlilinlang na nararanasan sa daigdig?
“ILAN sa inyo ang hindi pa kailanman pinagsinungalingan ng isang kliyente?” Sa nakalipas na ilang taon, isang propesor sa batas ang nagsagawa ng isang surbey sa pamamagitan ng pagbabangon ng ganiyang tanong. Ang tugon? Ipinaliwanag niya: “Sa libu-libong abogado, isa lamang ang hindi kailanman pinagsinungalingan ng isang kliyente.” Ang dahilan? “Kasisimula pa lamang magtrabaho ng abogado sa isang malaking kompanya at wala pa siyang nakausap na kliyente.” Inilalarawan ng karanasang ito ang isang malungkot na katotohanan—ang pagsisinungaling at panlilinlang ay karaniwan na sa daigdig sa ngayon.
2 Maraming anyo ang panlilinlang at lumaganap ito sa halos lahat ng aspekto ng makabagong-panahong pamumuhay. Sagana sa halimbawa ang mga ulat ng media—ang mga pulitiko na nagsisinungaling tungkol sa kanilang mga ginawa, mga akawntant at abogado na nagpapalabis sa mga kinita ng kompanya, mga tagapag-anunsiyo na nanlilinlang sa mga mamimili, mga may kaso na nandaraya sa mga kompanya ng seguro, ay ilan lamang sa mga ito. Nariyan din ang relihiyosong panlilinlang. Inililigaw ng klero ang karamihan sa pamamagitan ng pagtuturo ng huwad na mga doktrina, tulad ng imortalidad ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, at Trinidad.—2 Timoteo 4:3, 4.
3 Dapat ba nating pagtakhan ang lahat ng panlilinlang na ito? Hindi naman. Hinggil sa “mga huling araw,” nagbabala ang Bibliya: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.” (2 Timoteo 3:1, 13) Bilang mga Kristiyano, kailangan tayong maging alisto sa nagliligaw na mga ideya na makapaglalayo sa atin mula sa katotohanan. Dalawang tanong ang likas na bumabangon: Bakit napakalaganap ng panlilinlang sa ngayon, at paano tayo mag-iingat upang hindi malinlang?
Bakit Napakalaganap ng Panlilinlang sa Ngayon?
4. Paano ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit laganap ang panlilinlang sa daigdig?
4 Malinaw na ipinaliliwanag ng Bibliya ang dahilan kung bakit laganap ang panlilinlang sa daigdig na ito. Isinulat ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang “isa na balakyot” na iyon ay si Satanas na Diyablo. Hinggil sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” Kung gayon, nakapagtataka ba na ipinamamalas ng sanlibutang ito ang saloobin, mga pamantayan, at mapanlinlang na mga katangian ng tagapamahala nito?—Juan 8:44; 14:30; Efeso 2:1-3.
5. Paano pinag-iibayo ni Satanas ang kaniyang mapanlinlang na mga pagsisikap sa panahong ito ng kawakasan, at sino ang lalo nang pinupuntirya niya?
5 Sa panahong ito ng kawakasan, pinag-iibayo ni Satanas ang kaniyang mga pagsisikap. Inihagis na siya rito sa lupa. Alam niya na kakaunti na lamang ang kaniyang panahon, at may “malaking galit” siya. Palibhasa’y determinadong ipahamak ang pinakamaraming tao hangga’t maaari, ‘inililigaw niya ang buong tinatahanang lupa.’ (Apocalipsis 12:9, 12) Hindi paminsan-minsan ang panlilinlang ni Satanas. Sa halip, wala siyang tigil sa kaniyang mga pagsisikap na iligaw ang sangkatauhan.a Ginagamit niya ang lahat ng mapanlinlang na pamamaraan sa kaniyang arsenal—kasali na ang pandaraya at kataksilan—upang bulagin ang mga kaisipan ng mga di-sumasampalataya at panatilihin silang malayo sa Diyos. (2 Corinto 4:4) Ang dalubhasang manlilinlang na ito ay lalo nang determinadong silain ang mga sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24; 1 Pedro 5:8) Huwag kalimutan kailanman na, sa diwa, sinabi ni Satanas: ‘Maitatalikod ko sa Diyos ang sinuman.’ (Job 1:9-12) Isaalang-alang natin ang ilan sa “mapanlinlang na mga taktika” ni Satanas at kung paano mag-iingat laban sa mga ito.—Efeso 6:11, Jewish New Testament.
Mag-ingat Laban sa Panlilinlang ng mga Apostata
6, 7. (a) Anong pag-aangkin ang maaaring gawin ng mga apostata? (b) Paano malinaw na ipinakikita ng Kasulatan kung ano ang gusto ng mga apostata?
6 Matagal nang ginagamit ni Satanas ang mga apostata sa kaniyang mga pagsisikap upang hikayatin ang mga lingkod ng Diyos. (Mateo 13:36-39) Maaaring angkinin ng mga apostata na sinasamba nila si Jehova at pinaniniwalaan ang Bibliya, ngunit tinatanggihan naman nila ang nakikitang bahagi ng kaniyang organisasyon. Nagbalik pa nga ang ilan sa lumalapastangan sa Diyos na mga doktrina ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:5; 2 Pedro 2:19-22) Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, gumamit ng matitinding pananalita ang mga manunulat ng Bibliya upang ibunyag ang mga motibo at pamamaraan ng mga apostata.
7 Ano ba ang gusto ng mga apostata? Hindi kontento ang karamihan na basta iwan ang pananampalataya na marahil ay dati nilang minalas na totoo. Madalas, gusto nilang magsama ng iba pa. Sa halip na humayo at gumawa ng sarili nilang mga alagad, sinisikap ng maraming apostata na ‘ilayo ang mga alagad [samakatuwid nga, ang mga alagad ni Kristo] upang pasunurin sa kanila.’ (Gawa 20:29, 30) Hinggil sa huwad na mga guro, ipinatalastas ni apostol Pablo ang apurahang babalang ito: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila.” (Colosas 2:8) Hindi ba’t inilalarawan nito ang sinisikap gawin ng maraming apostata? Tulad ng isang kidnaper na inilalayo ang walang kamalay-malay na biktima mula sa pamilya nito, binibiktima ng mga apostata ang nagtitiwalang mga miyembro ng kongregasyon, anupat sinisikap silang tangayin palayo sa kawan.
8. Anu-anong pamamaraan ang ginagamit ng mga apostata upang matamo ang kanilang tunguhin?
8 Anu-anong pamamaraan ang ginagamit ng mga apostata upang matamo ang kanilang tunguhin? Malimit silang gumamit ng pilipit na mga bagay, bahagyang mga katotohanan, at ganap na kabulaanan. Alam ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay bibiktimahin ng mga “magsasabi ng lahat ng uri ng masasamang kasinungalingan laban” sa kanila. (Mateo 5:11, Today’s English Version) Ang gayong may masamang balak na mga mananalansang ay magsasabi nang hindi totoo sa layuning linlangin ang iba. Nagbabala si apostol Pedro hinggil sa mga apostata na gagamit ng “huwad na mga salita,” magkakalat ng “mga turong mapanlinlang,” at ‘pipilipit sa Kasulatan’ upang matamo ang kanilang sariling mga tunguhin. (2 Pedro 2:3, 13; 3:16) Nakalulungkot, nagtagumpay ang mga apostata sa ‘paggupo sa pananampalataya ng ilan.’—2 Timoteo 2:18.
9, 10. (a) Paano tayo makapag-iingat upang hindi malinlang ng mga apostata? (b) Bakit hindi tayo nababagabag kapag kinakailangang magkaroon ng mga pagbabago sa ating unawa hinggil sa layunin ng Diyos?
9 Paano tayo makapag-iingat upang hindi malinlang ng mga apostata? Sa pamamagitan ng pakikinig sa payo mula sa Salita ng Diyos, na nagsasabi: “Mataan ninyo yaong mga lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi at mga dahilang ikatitisod na salungat sa turo na inyong natutuhan, at iwasan ninyo sila.” (Roma 16:17) ‘Iniiwasan natin sila’ sa pamamagitan ng pagtanggi sa kanilang mga pangangatuwiran—sa personal na paraan man, sa anyong lathalain, o sa Internet. Bakit ganoon ang ating paninindigan? Una, dahil iniuutos ito sa atin ng Salita ng Diyos, at nagtitiwala tayo na laging nagmamalasakit si Jehova para sa ating ikabubuti.—Isaias 48:17, 18.
10 Ikalawa, iniibig natin ang organisasyon na nagturo sa atin ng mahahalagang katotohanan na malinaw na naghihiwalay sa atin mula sa Babilonyang Dakila. Kasabay nito, kinikilala natin na hindi sakdal ang ating kaalaman hinggil sa layunin ng Diyos; nagkaroon ng mga pagbabago sa ating unawa sa paglipas ng panahon. Kontento ang matatapat na Kristiyano na maghintay kay Jehova para sa lahat ng gayong mga pagbabago. (Kawikaan 4:18) Samantala, hindi natin iiwan ang organisasyon na kinalulugdang gamitin ng Diyos, sapagkat nakikita natin ang malinaw na katibayan ng kaniyang pagpapala rito.—Gawa 6:7; 1 Corinto 3:6.
Mag-ingat Laban sa Panlilinlang sa Sarili
11. Bakit may hilig ang di-sakdal na mga tao na linlangin ang kanilang sarili?
11 May hilig ang di-sakdal na mga tao na mabilis na sinasamantala ni Satanas—ang panlilinlang sa sarili. “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib,” ang sabi ng Jeremias 17:9. At sumulat si Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.” (Santiago 1:14) Kapag naaakit ang ating puso, maaaring sa diwa ay mapang-akit na ikinakaway nito sa atin ang kasalanan, anupat pinagmumukha itong kahali-halina at di-nakapipinsala. Mapanlinlang ang gayong pangmalas, sapagkat ang pagbibigay-daan sa kasalanan ay humahantong sa kapahamakan sa dakong huli.—Roma 8:6.
12. Sa anu-anong paraan tayo maaaring masilo ng panlilinlang sa sarili?
12 Madali tayong masilo ng panlilinlang sa sarili. Maaaring ipagmatuwid ng mapandayang puso ang isang malubhang kapintasan sa personalidad o ipagdahilan ang isang malubhang kasalanan. (1 Samuel 15:13-15, 20, 21) Maaari ring humanap ng mga paraan ang ating mapanganib na puso upang ipagmatuwid ang kuwestiyunableng paggawi. Kuning halimbawa ang hinggil sa libangan. Ang ilang libangan ay mabuti at kasiya-siya. Gayunman, ang karamihan sa iniaalok ng sanlibutang ito—sa mga pelikula at mga programa sa telebisyon at sa mga site sa Internet—ay malalaswa at imoral. Madaling kumbinsihin ang ating sarili na makapanonood tayo ng maruming libangan nang hindi napipinsala. Nangangatuwiran pa nga ang ilan, “Hindi naman ito nakababagabag sa aking budhi, kaya anong problema roon?” Ngunit ang gayong mga indibiduwal ay ‘lumilinlang sa kanilang sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.’—Santiago 1:22.
13, 14. (a) Anong maka-Kasulatang halimbawa ang nagpapakita na hindi laging ligtas na giya ang ating budhi? (b) Paano tayo makapag-iingat laban sa panlilinlang sa sarili?
13 Paano tayo makapag-iingat laban sa panlilinlang sa sarili? Una sa lahat, kailangan nating tandaan na hindi laging mapananaligan ang budhi ng tao. Isaalang-alang ang nangyari kay apostol Pablo. Bago maging isang Kristiyano, inusig niya ang mga tagasunod ni Kristo. (Gawa 9:1, 2) Maaaring hindi siya binagabag ng kaniyang budhi nang panahong iyon. Subalit maliwanag, mali ang idinidikta nito. “Ako ay walang-alam at kumilos dahil sa kawalan ng pananampalataya,” ang sabi ni Pablo. (1 Timoteo 1:13) Kaya ang hindi pagkabagabag ng ating budhi hinggil sa isang libangan ay hindi tiyak na garantiya na tama ang ating landasin. Tanging ang malusog na budhi na wastong sinanay ng Salita ng Diyos ang maaaring maging ligtas na giya.
14 Upang maiwasan ang panlilinlang sa sarili, may ilang nakatutulong na mungkahi na kailangan nating tandaan. Suriin ang iyong sarili nang may pananalangin. (Awit 26:2; 2 Corinto 13:5) Maaaring isiwalat sa iyo ng matapat na pagsusuri sa sarili ang pangangailangang gumawa ng ilang pagbabago sa iyong pangmalas o mga paraan. Makinig sa iba. (Santiago 1:19) Yamang may tendensiyang maimpluwensiyahan ng ating sariling opinyon ang pagsusuri sa sarili, matalinong makinig sa walang pagkiling na mga salita ng may-gulang na mga kapuwa Kristiyano. Kung masumpungan mo na nagpapasiya o kumikilos ka sa paraang kuwestiyunable sa paningin ng timbang at makaranasang mga kapananampalataya, maaari mong tanungin ang iyong sarili, ‘Posible kaya na di-wastong nasanay ang aking budhi o nililinlang ako ng aking puso?’ Regular na magbasa ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon. (Awit 1:2) Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na mapanatiling kasuwato ng makadiyos na mga simulain ang iyong mga kaisipan, saloobin, at damdamin.
Mag-ingat Laban sa mga Kasinungalingan ni Satanas
15, 16. (a) Sa kaniyang mga pagsisikap na linlangin tayo, anu-anong kasinungalingan ang ginagamit ni Satanas? (b) Paano natin maiiwasang malinlang ng gayong mga kasinungalingan?
15 Ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang kasinungalingan sa kaniyang pagsisikap na linlangin tayo. Sinisikap niyang kumbinsihin tayo na nagdudulot ng kaligayahan at kasiyahan ang materyal na mga pag-aari, subalit ang kabaligtaran ang kadalasang napatutunayang totoo. (Eclesiastes 5:10-12) Nais niyang maniwala tayo na magpapatuloy magpakailanman ang balakyot na sanlibutang ito, bagaman malinaw ang katibayan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Pinasisigla ni Satanas ang ideya na walang masama sa pagtataguyod ng imoral na istilo ng pamumuhay, bagaman kadalasang umaani ng masasaklap na bunga ang mga mahilig sa kaluguran. (Galacia 6:7) Paano natin maiiwasang malinlang ng gayong mga kasinungalingan?
16 Makinabang mula sa mga halimbawa sa Bibliya. Naglalaman ang Bibliya ng mga babalang halimbawa hinggil sa mga indibiduwal na nalinlang ng mga kasinungalingan ni Satanas. Inibig nila ang materyal na mga bagay, hindi sila nagtuon ng pansin sa mga panahong kinabubuhayan nila, o nagpadaig sila sa imoralidad—na pawang may masasamang bunga. (Mateo 19:16-22; 24:36-42; Lucas 16:14; 1 Corinto 10:8-11) Matuto mula sa makabagong-panahong mga halimbawa. Nakalulungkot, naiwawala kung minsan ng ilang Kristiyano ang pagkadama ng pagkaapurahan at napaniniwala sila na nawawalan sila ng pagkakataong matamasa ang mabuting bagay dahil sa paglilingkod sa Diyos. Maaaring iwan nila ang katotohanan upang itaguyod ang isang buhay na diumano’y punô ng kaluguran. Gayunman, nasa “madulas na dako” ang gayong mga indibiduwal, sapagkat sa malao’t madali ay mararanasan nila ang di-kaayaayang mga bunga ng kanilang di-makadiyos na paggawi. (Awit 73:18, 19) Katalinuhan para sa atin na matuto mula sa mga pagkakamali ng iba.—Kawikaan 22:3.
17. Bakit itinataguyod ni Satanas ang kasinungalingan na hindi tayo iniibig o pinahahalagahan ni Jehova?
17 May isa pang kasinungalingan na mabisang ginagamit ni Satanas—ang kasinungalingan na hindi tayo iniibig o pinahahalagahan ni Jehova. Libu-libong taon ang nagamit na ni Satanas upang pag-aralan ang di-sakdal na mga tao. Alam na alam niya na makapagpapatamlay sa atin ang panghihina ng loob. (Kawikaan 24:10) Dahil dito, itinataguyod niya ang kasinungalingan na wala tayong kabuluhan sa paningin ng Diyos. Kapag tayo ay ‘naibagsak’ at nakumbinsi na hindi nagmamalasakit sa atin si Jehova, maaari tayong matuksong sumuko na. (2 Corinto 4:9) Iyan mismo ang gusto ng pusakal na Manlilinlang! Kung gayon, paano tayo makapag-iingat upang hindi malinlang ng kasinungalingang ito ni Satanas?
18. Paano tayo binibigyang-katiyakan ng Bibliya na iniibig tayo ni Jehova?
18 Bulay-bulayin nang personal ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Gumagamit ng nakaaantig na mga paglalarawan ang Salita ng Diyos upang bigyan tayo ng katiyakan na napapansin tayo ni Jehova at iniibig niya tayo bilang mga indibiduwal. Inilalagay niya ang iyong mga luha sa kaniyang “sisidlang balat,” na nangangahulugang nakikita niya at naaalaala ang mga pagluha mo dahil sa iyong pakikipagpunyaging manatiling tapat. (Awit 56:8) Alam niya kapag “wasak ang [iyong] puso” at malapit siya sa iyo sa gayong mga panahon. (Awit 34:18) Batid niya ang bawat detalye hinggil sa iyo, pati na ang bilang ng “mismong mga buhok ng [iyong] ulo.” (Mateo 10:29-31) Higit sa lahat, “ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang bugtong na Anak” alang-alang sa iyo. (Juan 3:16; Galacia 2:20) Kung minsan, maaaring mahirapan kang maniwala na personal na kumakapit sa iyo ang gayong mga kasulatan. Gayunman, kailangan nating paniwalaan ang salita ni Jehova. Nais niyang maniwala tayo na iniibig niya tayo hindi lamang bilang isang grupo kundi bilang mga indibiduwal.
19, 20. (a) Bakit mahalaga na kilalanin at tanggihan ang kasinungalingan ni Satanas na hindi tayo iniibig ni Jehova? (b) Paano tinulungan ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang mga nasisiraan ng loob?
19 Kilalanin at tanggihan ang kasinungalingan. Kung alam mong may nagsisinungaling, maipagsasanggalang mo ang iyong sarili upang hindi ka malinlang. Gayundin naman, ang mismong pagkaalam na nais ni Satanas na papaniwalain ka na hindi ka iniibig ni Jehova ay isa nang malaking tulong. Bilang tugon sa isang artikulo sa Bantayan na nagbababala hinggil sa mga taktika ni Satanas, isang Kristiyano ang nagsabi: “Hindi ko inakala kailanman na sinisikap ni Satanas na gamitin ang aking damdamin upang pahinain ang loob ko. Ang kaalaman sa bagay na ito ang gumanyak sa akin na labanan ang mga damdaming ito.”
20 Isaalang-alang ang karanasan ng isang naglalakbay na tagapangasiwa sa isang bansa sa Timog Amerika. Kapag dumadalaw siya bilang pastol sa mga kapananampalataya na nasisiraan ng loob, malimit niyang itinatanong sa kanila, ‘Naniniwala ba kayo sa Trinidad?’ Ang nanghihina ng loob ay karaniwan nang sasagot ng, ‘Siyempre hindi,’ yamang alam nila na isa ito sa mga kasinungalingan ni Satanas. Pagkatapos ay itatanong ng naglalakbay na matanda, ‘Naniniwala ba kayo sa apoy ng impiyerno?’ Muli ay ganito ang sagot, ‘Siyempre hindi!’ Saka ngayon sasabihin sa kanila ng naglalakbay na matanda na may isa pang kasinungalingan si Satanas na karaniwan nang hindi kinikilala bilang isang kasinungalingan. Inaakay niya ang kanilang pansin sa pahina 249, parapo 21, ng aklat na Maging Malapít kay Jehova,b na nagbubunyag sa kasinungalingan na hindi tayo iniibig ni Jehova bilang mga indibiduwal. Iniuulat ng naglalakbay na tagapangasiwa ang positibong mga resulta ng gayong pagtulong sa mga nanghihina ng loob na kilalanin at tanggihan ang kasinungalingang ito ni Satanas.
Ingatan ang Iyong Sarili Laban sa Panlilinlang
21, 22. Bakit hindi tayo nangangapa sa dilim hinggil sa mapanlinlang na mga taktika ni Satanas, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
21 Sa dulo ng mga huling araw na ito, aasahan natin na magpapatuloy si Satanas sa paglulunsad ng napakaraming kasinungalingan at panlilinlang. Mabuti na lamang, hindi tayo pinabayaan ni Jehova na mangapa sa dilim hinggil sa mapanlinlang na mga taktika ni Satanas. Ang Bibliya at ang salig-Bibliyang mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin” ay malinaw na nagbubunyag sa masasamang pamamaraan ng Diyablo. (Mateo 24:45) Palibhasa’y patiuna tayong nababalaan hinggil dito, handa nating harapin ito.—2 Corinto 2:11.
22 Kung gayon, manatili tayong nag-iingat laban sa mga pangangatuwiran ng mga apostata. Maging determinado nawa tayong umiwas sa tusong silo ng panlilinlang sa sarili. At kilalanin nawa natin at tanggihan ang lahat ng kasinungalingan ni Satanas. Sa paggawa ng gayon, maiingatan natin ang ating kaugnayan sa “Diyos ng katotohanan,” na nasusuklam sa panlilinlang.—Awit 31:5; Kawikaan 3:32.
[Mga talababa]
a Hinggil sa uri ng pandiwa na isinaling “nagliligaw” sa Apocalipsis 12:9, isang reperensiyang akda ang nagsasabi na “nagpapahiwatig [ito] ng patuloy na pagkilos na naging kaugalian na.”
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit napakaraming panlilinlang sa daigdig sa ngayon?
• Paano tayo makapag-iingat upang hindi malinlang ng mga apostata?
• Paano tayo makapag-iingat laban sa anumang hilig na linlangin ang sarili?
• Paano natin maiiwasan na malinlang ng mga kasinungalingan ni Satanas?
[Larawan sa pahina 17]
Huwag linlangin ang iyong sarili hinggil sa libangan
[Mga larawan sa pahina 18]
Sa pag-iingat laban sa panlilinlang sa sarili, suriin ang iyong sarili nang may pananalangin, makinig sa iba, at regular na magbasa ng Salita ng Diyos