Kapag Hindi Nangyari ang Inaasahan
PAGKABIGO ang posibleng madama ng mag-asawa sa kanilang pagsasama, kahit sabihin pang bagay na bagay ang dalawa sa panahon ng pagliligawan. Ngunit bakit nga ba ang dalawang tao na mukhang para sa isa’t isa bago ikasal ay hindi pala magkasundo nang magsama na sila?
Sinasabi ng Bibliya na ang mga nag-aasawa ay magkakaroon ng “kirot at pighati.” (1 Corinto 7:28, The New English Bible) Madalas na ang isang dahilan ng gayong kapighatian ay ang di-kasakdalan ng tao. (Roma 3:23) Bukod diyan, baka hindi naikakapit ng isa o ng mag-asawa ang mga simulain ng Bibliya. (Isaias 48:17, 18) Pero kung minsan, hindi naman makatotohanan ang inaasahan ng isang lalaki o isang babae kapag sila’y nag-aasawa. Kapag nangyari ito, ang di-pagkakaunawaan ay maaaring humantong sa malulubhang problema.
Di-makatotohanang Inaasahan
Kung ikaw ay isang asawang lalaki o isang asawang babae, malamang na marami kang inaasahan sa iyong pag-aasawa; ganiyan ang maraming tao. Pag-isipan sandali ang uri ng buhay na inasam mo. Nangyari ba ang inaasahan mo sa iyong pag-aasawa? Kung hindi, huwag mong isiping hindi na malulutas ang mga problema. Ang pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na maituwid ang mga bagay-bagay.a (2 Timoteo 3:16) Samantala, makabubuting suriin mo ang ilan sa maaaring inaasahan mo tungkol sa pag-aasawa.
Halimbawa, inaakala ng ilan na ang pag-aasawa ay puro lambingan lamang, gaya ng napapanood sa mga telenobela. O baka naman iniisip mong palagi na kayo ngayong magkákasáma o na malulutas ninyong dalawa ang bawat pagtatalo sa maganda at maayos na paraan. Marami ang nag-aakalang hindi na kailangang magpigil sa pagtatalik dahil mag-asawa na sila. Palibhasa’y di-makatotohanan sa paanuman ang lahat ng karaniwang inaasahang ito, tiyak na pagkabigo ang kahahantungan ng ilan.—Genesis 3:16.
Ang isa pang di-makatotohanang inaasahan ay ang pag-aakalang magiging maligaya ang isang tao kapag nag-asawa na siya. Mangyari pa, maaari ngang magdulot ng malaking kagalakan ang pagkakaroon ng kapareha sa buhay. (Kawikaan 18:22; 31:10; Eclesiastes 4:9) Pero dapat bang asahan na ang pag-aasawa ay gamot sa lahat ng pagtatalo? Karaniwan nang nagigising sa masaklap na katotohanan ang mga nag-aakala nito!
Di-nasasabing Inaasahan
Hindi naman lahat ng inaasahan ay di-makatotohanan. Sa katunayan, may mga hangaring makatuwiran naman. Gayunman, bumabangon ang mga problema dahil sa ilang inaasahan. “May nakikita akong mga mag-asawang nagkakagalit dahil may gustong mangyari ang isa, samantalang wala namang kamalay-malay ang kabila kung ano iyon,” ang sabi ng isang tagapayo sa pag-aasawa. Upang maunawaan kung paano nangyayari ito, tingnan natin ang isang senaryo.
Pinakasalan ni Maria si Juan, na daan-daang kilometro ang layo sa kanilang lugar. Bago pa ikasal, alam na ni Maria na magkakaproblema siya paglipat sa ibang lugar—lalo na nga’t likas siyang mahiyain. Pero umasa siyang tutulungan siya ni Juan na makibagay. Halimbawa, inasahan ni Maria na hindi hihiwalay si Juan sa kaniya habang nakikihalubilo siya sa mga kaibigan nito. Pero hindi ganito ang nangyari. Wiling-wili si Juan sa pakikipagkuwentuhan sa marami niyang kaibigan—at naiwang mag-isa si Maria, ang baguhan sa grupo. Pakiramdam ni Maria ay kinaligtaan na siya, at pinabayaan pa nga. ‘Bakit ba napakamanhid ni Juan?’ ang sabi niya sa kaniyang sarili.
Ang inaasahan ba ni Maria ay di-makatotohanan? Hindi naman. Gusto lamang niyang tulungan siya ng kaniyang asawa na makibagay sa kaniyang bagong kapaligiran. Mahiyain si Maria, at nagugulat siya sa napakaraming taong ipinakikilala sa kaniya. Kaya lamang, hindi sinabi ni Maria kay Juan ang nasa kalooban niya. Kaya naman, walang kamalay-malay si Juan sa pinagdaraanan ni Maria. Ano kaya ang maaaring mangyari kung laging ganito? Posibleng bumigat nang bumigat ang loob ni Maria, at sa kalaunan, baka isipin niya na talaga ngang walang pakialam ang kaniyang asawa sa kaniyang damdamin.
Marahil ay sumasama rin ang loob mo kapag binabale-wala ng iyong asawa ang mga pangangailangan mo. Kung ganoon, ano ang maaari mong gawin?
Mag-usap
Nakalulungkot nga kapag hindi nangyari ang iyong mga inaasahan. (Kawikaan 13:12) Pero may magagawa ka pang paraan sa ganitong situwasyon. “Iniisip ng matalino ang kaniyang sasabihin, kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 16:23, Magandang Balita Biblia) Kaya kapag mayroon kang makatuwirang inaasahan na hindi nangyari, ipakipag-usap ito sa iyong asawa.
Pumili ka ng tamang panahon, tamang lugar, at tamang salita para sabihin ang iyong ikinababahala. (Kawikaan 25:11) Maging mahinahon at magalang sa pagsasalita. Huwag mong kalilimutan ang iyong tunguhin—hindi upang paratangan ang iyong asawa kundi upang ipaalam sa kaniya ang iyong mga inaasahan at nararamdaman.—Kawikaan 15:1.
Bakit naman kailangan mo pa itong gawin? Hindi ba’t dapat ay naiisip na ito ng isang maalalahaning asawa? Buweno, baka iba naman ang tingin ng asawa mo sa mga bagay-bagay at magiliw naman niyang pakikinggan ang iyong problema kung ipaliliwanag mo ito. Kapag sinabi mo kung ano ang gusto mo o ang pangangailangan mo, hindi naman ito nangangahulugang mabuway na ang inyong pagsasama, o pahiwatig na manhid ang iyong asawa.
Kaya huwag mag-atubiling ipakipag-usap ito sa iyong asawa. Halimbawa, sa nabanggit na situwasyon kanina, puwede sanang sinabi ni Maria kay Juan: “Talagang nahihirapan akong makihalubilo sa napakaraming tao. Puwede bang dito ka muna sa tabi ko hangga’t hindi pa palagay ang loob ko?”
“Maging Matulin sa Pakikinig”
Tingnan naman natin ngayon ang situwasyon sa ibang anggulo. Halimbawang lumapit sa iyo ang asawa mo, at nalulungkot siya dahil hindi mo nagagawa ang isang makatuwirang inaasahan sa iyo. Kapag nangyari ito, pakinggan mo siya! Huwag kang mangangatuwiran agad. Sa halip, “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19; Kawikaan 18:13) Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 Corinto 10:24.
Magagawa mo ito kung ilalagay mo ang iyong sarili sa situwasyon ng iyong asawa. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyu-inyong asawa] sa katulad na paraan ayon sa kaalaman,” o gaya ng sabi sa salin ni J.B. Phillips, “kayong mga lalaki, dapat ninyong pagsikapang unawain ang inyu-inyong asawang kasama ninyo sa buhay.” (1 Pedro 3:7) Mangyari pa, dapat ding magsikap ang mga asawang babae sa pakikitungo sa kani-kanilang asawa.
Tandaan, gaano man kayo magkabagay na mag-asawa, hindi naman palaging pareho ang inyong pananaw sa lahat ng bagay. (Tingnan ang kahong “Iisang Tanawin, Iba’t iba ang Tingin.”) Ang totoo, isa itong pagpapala, dahil makabubuti rin naman na tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng iba. Kayong mag-asawa ay may kani-kaniyang pananaw ayon sa inyong kinalakihan at kultura. Dahil dito, maaari pa ring maging matimyas ang inyong pagmamahalan bagaman hindi magkapareho ang inyong inaasahan.
Halimbawa, alam na alam ng mga mag-asawang Kristiyano ang simulain ng Bibliya tungkol sa pagkaulo. (Efeso 5:22, 23) Subalit paano partikular na ikakapit ang pagkaulo sa inyong pamilya, at paano rin naman ipakikita ang pagpapasakop? Pinapatnubayan ba kayong dalawa ng simulaing ito ng Bibliya, at talaga bang nagsisikap kayong ikapit ito?
Maaaring magkaiba rin ang inyong palagay sa iba pang isyu ng pang-araw-araw na buhay. Sino ang mag-aasikaso sa ilang gawaing bahay? Kailan kayo magsasama-samang magkakamag-anak, at gaano katagal? Paano maipakikita ng mag-asawang Kristiyano na inuuna nila sa kanilang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian? (Mateo 6:33) Pagdating sa pananalapi, madali para sa isa na malubog sa utang, kaya makabubuting magtipid at maging mapamaraan. Gayunman, ano ba ang eksaktong ibig sabihin ng pagiging matipid at mapamaraan? Ang ganitong mga bagay ay dapat pag-usapan sa tapat at magalang na paraan. Magdudulot ng malaking kapakinabangan ang paggawa nito.
Ang gayong pag-uusap ay tutulong sa iyo na matamo ang malaking kapayapaan sa iyong pag-aasawa, kahit hindi pa nangyayari hanggang ngayon ang ilang inaasahan. Oo, mas madali mong maikakapit ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”—Colosas 3:13.
[Talababa]
a Naglalaman ng maraming magagandang payo para sa mga mag-asawa ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
IISANG TANAWIN, IBA’T IBA ANG TINGIN
‘Gunigunihin ang isang pangkat ng mga turistang nakatingin sa isang napakagandang tanawin. Bagaman iisang tanawin ang pinagmamasdan ng buong grupo, iba’t iba naman ang tingin doon ng bawat isa. Bakit? Sapagkat bawat indibiduwal ay nakatingin mula sa magkakaibang anggulo. Walang dalawang tao ang eksaktong nakatayo sa iisang lugar. Bukod diyan, hindi lahat ay nakatingin sa iisang bahagi ng tanawin. Bawat tao ay may kani-kaniyang pananaw sa kung ano ang kaakit-akit. Ganiyan din sa pag-aasawa. Kahit bagay na bagay sila, walang mag-asawa ang may eksaktong magkatulad na pangmalas sa mga bagay-bagay. Kasali sa komunikasyon ang pagsisikap na pagkasunduin ang mga pagkakaibang ito upang maging maganda ang kanilang pagsasama. Kailangang maglaan ng panahon para mag-usap.’—Ang Bantayan, Agosto 1, 1993, pahina 4.
[Kahon sa pahina 11]
KUNG ANO ANG MAGAGAWA MO NGAYON
• Suriing muli ang iyong mga inaasahan. Makatotohanan ba ang mga ito? Makatuwiran ba ang iyong inaasahan sa iyong asawa?—Filipos 2:4; 4:5.
• Sikaping baguhin ang anumang di-makatotohanang inaasahan. Halimbawa, sa halip na sabihing, “Hinding-hindi kami magtatalo,” ipasiya mong magsisikap kang ayusin ang mga di-pagkakaunawaan sa mapayapang paraan.—Efeso 4:32.
• Ipakipag-usap ang iyong mga inaasahan. Ang pag-uusap ay isang mahalagang hakbang upang maipakita ang pag-ibig at paggalang sa isa’t isa.—Efeso 5:33.
[Larawan sa pahina 9]
Maging “matulin sa pakikinig” sa mga ikinababahala ng iyong asawa