Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Yamang opisyal na nagsisimula ang pag-aani kapag lahat ng lalaking Israelita ay dumadalo sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, sino ang umaani ng mga unang bunga ng sebada na dinadala sa santuwaryo?
Ang Kautusang Mosaiko ay nag-uutos sa mga Israelita: “Tatlong ulit sa isang taon na ang bawat lalaki sa iyo ay dapat humarap kay Jehova na iyong Diyos sa dakong pipiliin niya: sa kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa at sa kapistahan ng mga sanlinggo at sa kapistahan ng mga kubol.” (Deuteronomio 16:16) Mula noong panahon ni Haring Solomon, ang dakong pinili ng Diyos ay ang templo sa Jerusalem.
Ginaganap sa pasimula ng tagsibol ang una sa tatlong kapistahan. Tinatawag itong Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Nagsisimula ito pagkaraan ng pagdiriwang ng Paskuwa tuwing Nisan 14 at nagpapatuloy sa loob ng pitong araw hanggang Nisan 21. Ang ikalawang araw ng kapistahan, Nisan 16, ang pasimula ng unang pag-aani ng taon batay sa sagradong kalendaryo. Sa araw na iyon, ang mataas na saserdote ay kukuha ng “isang tungkos ng mga unang bunga” sa pag-aani ng sebada at “ikakaway niya [ito] sa harap ni Jehova” sa santuwaryo. (Levitico 23:5-12) Yamang hinihilingan ang lahat ng mga lalaki na magpunta sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, sino ang umaani ng handog na ito?
Ang utos na maghandog ng mga unang bunga ng pag-aani kay Jehova sa panahon ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay ibinigay sa buong bansa. Hindi nito hinihiling sa bawat isa na magsimula sa pag-aani at magdala para sa kaniyang sarili ng mga unang bunga sa santuwaryo. Sa halip, may mga indibiduwal na kakatawan sa bansa upang sundin ang utos na ito. Kaya ang paggapas ng mga tungkos para sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay maaaring gawin ng isang grupo na isinugo sa isang kalapit na bukid ng sebada. Ganito ang sinabi ng Encyclopaedia Judaica hinggil dito: “Kinukuha ang hinog na sebada sa mga lugar na malapit sa Jerusalem; kung hindi pa hinog ang sebada roon, maaaring kumuha nito sa ibang lugar sa Israel. Ginagapas ito ng tatlong lalaki na bawat isa ay may kani-kaniyang karit at basket.” Pagkatapos nito, dadalhin ang tungkos ng sebada sa mataas na saserdote na siya namang maghahandog nito kay Jehova.
Ang kahilingan sa paghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ay nagbigay sa mga Israelita ng magandang pagkakataon na ipakita ang kanilang pasasalamat dahil pinagpala ng Diyos ang kanilang lupain at ang kanilang ani. (Deuteronomio 8:6-10) Pero higit sa lahat, ang seremonya ng paghahandog ay “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Hebreo 10:1) Kapansin-pansin, binuhay-muli si Jesus noong Nisan 16, 33 C.E., ang mismong araw kung kailan inihahandog kay Jehova ang mga unang bunga ng pag-aani. May kinalaman kay Jesus, sumulat si apostol Pablo: “Si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan. . . . Ngunit bawat isa ay sa kani-kaniyang katayuan: si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” (1 Corinto 15:20-23) Ang tungkos ng mga unang bunga na ikinakaway ng mataas na saserdote sa harap ni Jehova ay lumalarawan sa binuhay-muling si Jesu-Kristo—ang kauna-unahang ibinangon mula sa mga patay tungo sa walang-hanggang buhay. Bilang resulta, binuksan ni Jesus ang daan upang mapalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
© 2003 BiblePlaces.com