“Ang Inyong Ama ay Maawain”
“Patuloy na maging maawain, kung paanong ang inyong Ama ay maawain.”—LUCAS 6:36.
1, 2. Paano ipinakikita ng mga salita ni Jesus sa mga eskriba at Pariseo at sa kaniyang mga tagasunod na kaayaayang katangian ang pagiging maawain?
ANG Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises ay binubuo ng mga 600 batas. Bagaman mahalagang sundin ang mga batas sa Kautusang Mosaiko, mahalaga rin ang pagiging maawain. Isaalang-alang ang sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, mga taong hindi maawain sa iba. Sa dalawang pagkakataon, sinaway niya sila, na sinasabi kung ano ang iniutos ng Diyos: “Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.” (Mateo 9:10-13; 12:1-7; Oseas 6:6) Noong malapit nang matapos ang kaniyang ministeryo, sinabi ni Jesus: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino, ngunit winalang-halaga ninyo ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.”—Mateo 23:23.
2 Maliwanag na para kay Jesus, napakahalaga ng kaawaan. Sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy na maging maawain, kung paanong ang inyong Ama ay maawain.” (Lucas 6:36) Subalit para matularan ang Diyos may kaugnayan dito, dapat nating malaman kung ano ang tunay na kaawaan. (Efeso 5:1) Bukod diyan, kapag naunawaan natin ang mga kapakinabangan ng pagiging maawain, mapapakilos tayo nito na higit na linangin ang katangiang ito sa ating buhay.
Pagpapakita ng Awa sa mga Nangangailangan
3. Bakit dapat nating pag-aralan ang halimbawa ni Jehova para malaman kung ano ang tunay na kaawaan?
3 Umawit ang salmista: “Si Jehova ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-kabaitan. Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Awit 145:8, 9) Si Jehova “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Ang kaawaan ay pagpapakita ng kabaitan at simpatiya sa iba. Ito ay mahalagang aspekto ng personalidad ng Diyos. Ang kaniyang halimbawa at mga tagubilin ay makatutulong sa atin para malaman kung ano ang tunay na kaawaan.
4. Ano ang matututuhan natin sa Isaias 49:15 hinggil sa kaawaan?
4 Ganito ang sinabi ni Jehova sa Isaias 49:15: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan?” Ang mga salitang Hebreo na may malapit na kaugnayan sa salitang ginamit sa tekstong ito na isinaling “kahahabagan” ay nauugnay sa kaawaang binabanggit sa Awit 145:8, 9, na sinipi sa sinundang parapo. Ang damdaming nag-uudyok kay Jehova na maging maawain ay inihambing sa magiliw na damdaming likas na nadarama ng nagpapasusong ina sa kaniyang anak. Marahil ay gutom ang sanggol o may iba pa itong pangangailangan. Dahil sa pagkahabag o pagkadama ng simpatiya, aasikasuhin ng ina ang pangangailangan ng kaniyang sanggol. Ganiyan ang nadarama ni Jehova sa mga pinagpapakitaan niya ng awa.
5. Paano ipinakita ni Jehova sa Israel na siya ay “mayaman sa awa”?
5 Bagaman kapuri-puri ang mahabag sa iba, mas kapuri-puri ang kumilos para tulungan ang nangangailangan. Isaalang-alang kung paano tumugon si Jehova nang maging alipin sa Ehipto ang kaniyang mga mananamba mga 3,500 taon na ang nakalipas. Sinabi niya kay Moises: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis. At bababa ako upang hanguin sila mula sa kamay ng mga Ehipsiyo at upang iahon sila mula sa lupaing iyon tungo sa isang lupaing mabuti at maluwang, sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:7, 8) Mga 500 taon pagkatapos palayain ang mga Israelita mula sa Ehipto, ipinaalaala sa kanila ni Jehova: “Ako ang nag-ahon sa Israel mula sa Ehipto at nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Ehipto at mula sa kamay ng lahat ng mga kaharian na sumisiil sa inyo.” (1 Samuel 10:18) Dahil sa pagsuway ng mga Israelita sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos, madalas na dumaranas sila ng kagipitan. Pero nahabag sa kanila si Jehova at paulit-ulit niya silang inililigtas. (Hukom 2:11-16; 2 Cronica 36:15) Ipinakikita nito kung paano tumutugon ang maibiging Diyos sa mga nangangailangan, sa mga nasa panganib, o nasa kagipitan. Si Jehova ay “mayaman sa awa.”—Efeso 2:4.
6. Paano tinularan ni Jesu-Kristo ang kaniyang Ama sa pagpapakita ng awa?
6 Noong siya’y naririto pa sa lupa, lubusang tinularan ni Jesu-Kristo ang kaniyang Ama sa pagpapakita ng awa. Paano tumugon si Jesus nang mamanhik sa kaniya ang dalawang bulag na lalaki, na nagsasabi: “Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David”? Nagmamakaawa sila kay Jesus na makahimalang isauli ang kanilang paningin. Ginawa naman ito ni Jesus, pero hindi basta para makagawa lamang ng himala. “Sa pagkahabag,” ang sabi ng Bibliya, “hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata, at kaagad silang nagkaroon ng paningin.” (Mateo 20:30-34) Pagkahabag ang nagpakilos kay Jesus na gumawa ng maraming himala na isauli ang paningin ng mga bulag, palayain ang mga inaalihan ng demonyo, pagalingin ang mga may ketong, at tulungan ang mga magulang na may mga anak na nagdurusa.—Mateo 9:27; 15:22; 17:15; Marcos 5:18, 19; Lucas 17:12, 13.
7. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak hinggil sa kaawaan?
7 Ipinakikita ng halimbawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo na may dalawang aspekto ang kaawaan—pagkadama ng simpatiya o habag sa mga nangangailangan at pagkilos upang tulungan ang mga ito. Kailangan ang dalawang aspektong ito para masabing maawain ang isa. Sa Kasulatan, ang kaawaan ay madalas na tumutukoy sa pagpapakita ng kabaitan sa mga nangangailangan. Pero paano ipinakikita ang kaawaan sa hudisyal na kaso? Nasasangkot ba rito ang hindi paglalapat ng parusa?
Pagpapakita ng Awa sa mga Nagkasala
8, 9. Paano pinagpakitaan ng awa si David nang magkasala sila ni Bat-sheba?
8 Isaalang-alang ang nangyari matapos kausapin ni propeta Natan si Haring David ng sinaunang Israel hinggil sa pangangalunya nito kay Bat-sheba. Nanalangin ang nagsisising si David: “Pagpakitaan mo ako ng lingap, O Diyos, ayon sa iyong maibiging-kabaitan. Ayon sa kasaganaan ng iyong kaawaan ay pawiin mo ang aking mga pagsalansang. Lubusan mo akong hugasan mula sa aking kamalian, at linisin mo ako mula sa aking kasalanan. Sapagkat alam ko ang aking mga pagsalansang, at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko. Laban sa iyo, sa iyo lamang, ako ay nagkasala, at ang masama sa iyong paningin ay nagawa ko.”—Awit 51:1-4.
9 Sising-sisi si David. Pinatawad ni Jehova ang kaniyang kasalanan at naglapat ng mas magaan na parusa kaysa sa nararapat sa kanila ni Bat-sheba. Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat patayin sina David at Bat-sheba. (Deuteronomio 22:22) Bagaman naranasan nila ang lahat ng epekto ng kanilang kasalanan, hindi sila pinatay. (2 Samuel 12:13) Kasama sa awa ng Diyos ang pagpapatawad sa kasalanan. Pero naglalapat din siya ng angkop na parusa.
10. Bagaman maawain si Jehova kapag humahatol, bakit hindi natin dapat abusuhin ang kaniyang awa?
10 Yamang “sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan” at “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” nararapat mamatay ang lahat ng tao. (Roma 5:12; 6:23) Laking pasasalamat natin na nagpapakita si Jehova ng kaawaan kapag humahatol siya! Subalit tandaan na hindi natin dapat abusuhin ang awa ng Diyos. “Ang lahat ng . . . mga daan [ni Jehova] ay katarungan,” ang sabi sa Deuteronomio 32:4. Sa pagpapakita ng awa, hindi ipinagwawalang-bahala ng Diyos ang kaniyang sakdal na pamantayan ng katarungan.
11. Paano ipinakita ni Jehova ang katarungan sa kaniyang pakikitungo kay David nang magkasala sila ni Bat-sheba?
11 Bago pagaanin ang hatol na kamatayan sa kaso nina David at Bat-sheba, dapat munang patawarin ang kanilang kasalanan. Hindi awtorisado ang mga Israelitang hukom na gawin ito. Kung sila ang hahawak ng kaso, malamang na kamatayan ang igagawad nilang hatol. Iyan ang hinihiling ng Kautusan. Pero dahil sa pakikipagtipan ni Jehova kay David, tiningnan Niya kung may basehan para patawarin si David. (2 Samuel 7:12-16) Kaya ipinasiya ng Diyos na Jehova, ang “Hukom ng buong lupa” at “tagasuri ng puso,” na siya mismo ang humawak ng kaso. (Genesis 18:25; 1 Cronica 29:17) May kakayahan ang Diyos na basahin ang puso ni David, alamin kung tunay itong nagsisisi, at patawarin ito.
12. Paano maaaring makinabang ang makasalanang mga tao sa kaawaan ng Diyos?
12 Ipinakita ni Jehova ang kaniyang awa sa atin nang gumawa siya ng paraan para mapalaya tayo sa minanang kasalanan at kamatayan. Kasuwato ito ng kaniyang katarungan. Upang mapatawad ang mga kasalanan nang hindi nilalabag ang pamantayan ng katarungan, inilaan ni Jehova ang haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ito ang pinakadakilang kapahayagan ng kaawaan. (Mateo 20:28; Roma 6:22, 23) Upang makinabang sa kaawaan ng Diyos, na makapagliligtas sa atin mula sa parusang kamatayan dulot ng minanang kasalanan, dapat tayong ‘manampalataya sa Anak.’—Juan 3:16, 36.
Isang Diyos ng Kaawaan at Katarungan
13, 14. Pinagagaan ba ng kaawaan ng Diyos ang kaniyang katarungan? Ipaliwanag.
13 Bagaman hindi nilalabag ng kaawaan ni Jehova ang kaniyang pamantayan ng katarungan, nakaaapekto ba ang kaawaan sa kaniyang katarungan sa paanuman? Pinagagaan ba ng kaawaan ang katarungan ng Diyos? Ang sagot ay hindi.
14 Ganito ang sinabi ni Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ni propeta Oseas: “Ipakikipagtipan kita sa akin hanggang sa panahong walang takda, at ipakikipagtipan kita sa akin sa katuwiran at sa katarungan at sa maibiging-kabaitan at sa kaawaan.” (Oseas 2:19) Maliwanag na ipinakikita ng mga salitang ito na ang awa ni Jehova ay palaging kasuwato ng iba pa niyang katangian, pati na ang katarungan. Si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, . . . nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Exodo 34:6, 7) Si Jehova ay isang Diyos ng kaawaan at katarungan. Ganito ang sinabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Sakdal ang katarungan ng Diyos, gayundin ang kaniyang kaawaan. Hindi nakahihigit ang kaawaan sa katarungan ni ang katarungan sa kaawaan. Hindi pinagagaan ng kaawaan ang kaniyang katarungan. Sa halip, lubusang magkasuwato ang dalawang katangiang ito.
15, 16. (a) Paano natin nalaman na hindi malupit ang katarungan ng Diyos? (b) Sa ano makatitiyak ang mga mananamba ni Jehova kapag inilapat na niya ang kaniyang hatol sa masamang sistemang ito ng mga bagay?
15 Hindi malupit ang katarungan ni Jehova. Karaniwan nang batas ang nasasangkot sa katarungan, at kadalasan nang kasama sa paghatol ang paglalapat ng nararapat na kaparusahan sa mga lumalabag sa batas. Pero bahagi rin ng makadiyos na katarungan ang pagliligtas sa mga karapat-dapat. Halimbawa, nang wasakin ang masasamang lunsod ng Sodoma at Gomorra, iniligtas ang patriyarkang si Lot at ang dalawa niyang anak na babae.—Genesis 19:12-26.
16 Makapagtitiwala tayo na kapag inilapat na ni Jehova ang kaniyang hatol sa masamang kasalukuyang sistema ng mga bagay, ang “malaking pulutong” ng tunay na mga mananamba, na ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,’ ay ililigtas. Sa gayon, ‘lalabas sila mula sa malaking kapighatian.’—Apocalipsis 7:9-14.
Bakit Dapat Maging Maawain?
17. Ano ang isang pangunahing dahilan ng pagiging maawain?
17 Natutuhan natin mula sa halimbawa ni Jehova at ni Jesu-Kristo kung ano ang tunay na kaawaan. Sinasabi sa atin ng Kawikaan 19:17 ang isang pangunahing dahilan kung bakit dapat tayong maging maawain: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” Nalulugod si Jehova kapag tinutularan natin siya at ang kaniyang Anak sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa sa iba. (1 Corinto 11:1) At napasisigla rin natin ang iba na maging maawain, dahil kung tayo’y maawain sa iba, malamang na magiging maawain din sila sa atin.—Lucas 6:38.
18. Bakit tayo dapat magsikap na maging maawain?
18 Saklaw ng kaawaan ang maraming magagandang katangian gaya ng kagandahang-loob, pag-ibig, kabaitan, at kabutihan. Ang pagkadama ng kaawaan o simpatiya ay nagpapakilos sa isa na tumulong sa mga nangangailangan. Bagaman hindi pinagagaan ng makadiyos na kaawaan ang katarungan, si Jehova ay mabagal sa pagkagalit at nagtitiis upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga gumagawa ng masama na magsisi. (2 Pedro 3:9, 10) Kaya nauugnay ang kaawaan sa mahabang pagtitiis. Samakatuwid, kapag nagpapakita tayo ng awa sa iba, malilinang natin ang maraming kaayaayang katangian—pati na ang iba’t ibang aspekto ng mga bunga ng espiritu ng Diyos—yamang saklaw ng kaawaan ang mga katangiang ito. (Galacia 5:22, 23) Napakahalaga ngang magsikap na maging maawain!
“Maligaya ang mga Maawain”
19, 20. Sa anong paraan ang awa ay matagumpay na nagbubunyi laban sa hatol?
19 Sinasabi sa atin ng alagad na si Santiago kung bakit dapat tayong palaging magpakita ng awa sa iba. Sumulat siya: “Ang awa ay matagumpay na nagbubunyi laban sa hatol.” (Santiago 2:13b) Tinutukoy rito ni Santiago ang kaawaang ipinakikita ng isang mananamba ni Jehova sa iba. Matagumpay na nagbubunyi ito laban sa hatol sa diwa na kapag sumapit ang panahon na ang isa ay “magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili,” isasaalang-alang ni Jehova ang ipinakitang kaawaan ng taong iyon sa iba at patatawarin siya batay sa haing pantubos ng Kaniyang Anak. (Roma 14:12) Walang-alinlangang isa sa mga dahilan kung bakit pinagpakitaan ng awa si David nang magkasala siya kay Bat-sheba ay sapagkat siya mismo ay maawain. (1 Samuel 24:4-7) Sa kabilang dako naman, “ang hindi nagpapakita ng awa ay tatanggap ng kaniyang hatol nang walang awa.” (Santiago 2:13a) Hindi nga kataka-taka na ang “mga walang-awa” ay kabilang sa mga itinuturing ng Diyos na “karapat-dapat sa kamatayan”!—Roma 1:31, 32.
20 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.” (Mateo 5:7) Tunay ngang idiniriin ng mga salitang ito na dapat maging maawain ang mga naghahangad na makamit ang awa ng Diyos! Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano natin maipapakita ang kaawaan sa ating pang-araw-araw na buhay.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Ano ang kaawaan?
• Sa anu-anong paraan naipakikita ang kaawaan?
• Bakit masasabing si Jehova ay isang Diyos ng kaawaan at katarungan?
• Bakit tayo dapat maging maawain?
[Larawan sa pahina 21]
Ang magiliw na damdamin ni Jehova para sa mga nangangailangan ay katulad ng nadarama ng isang ina sa kaniyang sanggol
[Larawan sa pahina 23]
Ano ang matututuhan natin hinggil sa kaawaan mula sa mga himala ni Jesus?
[Larawan sa pahina 24]
Nilabag ba ni Jehova ang pamantayan ng kaniyang katarungan nang pagpakitaan niya ng awa si David?
[Larawan sa pahina 25]
Ang kaawaan ng Diyos sa makasalanang mga tao ay kasuwato ng kaniyang katarungan