Kung Paano Magpapakita ng Awa
“Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.”—GALACIA 6:10.
1, 2. Ano ang matututuhan natin sa talinghaga tungkol sa madamaying Samaritano hinggil sa kaawaan?
HABANG nakikipag-usap kay Jesus, isang lalaking bihasa sa Kautusan ang nagtanong sa kaniya: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Bilang sagot, inilahad ni Jesus ang talinghagang ito: “Isang tao ang bumababa mula sa Jerusalem patungong Jerico at nahulog sa kamay ng mga magnanakaw, na siya ay kapuwa hinubaran at pinaghahampas, at nagsialis, na iniwan siyang halos patay na. At, nagkataon naman, isang saserdote ang bumababa sa daang iyon, ngunit, nang makita siya nito, dumaan ito sa kabilang tabi. Gayundin, ang isang Levita rin, nang makababa ito sa dakong iyon at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi. Ngunit isang Samaritano na naglalakbay sa daang iyon ang dumating sa kaniya at, sa pagkakita sa kaniya, siya ay nahabag. Kaya nilapitan niya siya at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binubuhusan iyon ng langis at alak. Nang magkagayon ay isinakay niya siya sa kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-tuluyan at inalagaan siya. At nang sumunod na araw ay naglabas siya ng dalawang denario, ibinigay iyon sa may-ari ng bahay-tuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at anuman ang gugugulin mo bukod pa rito, babayaran ko sa iyo pagbalik ko rito.’” Pagkatapos ay itinanong ni Jesus sa kaniyang tagapakinig: “Sino sa tatlong ito sa wari mo ang naging kapuwa ng taong nahulog sa kamay ng mga magnanakaw?” Sumagot ang lalaki: “Ang isa na kumilos nang may awa sa kaniya.”—Lucas 10:25, 29-37a.
2 Napakalinaw ngang makikita sa pagtulong ng Samaritano sa nasugatang lalaki kung ano ang tunay na kaawaan! Palibhasa’y nahabag, kumilos ang Samaritano para tulungan ang lalaki. Bukod diyan, hindi naman kilala ng Samaritano ang lalaking iyon. Ang tunay na maawain ay tumutulong sa lahat ng tao, anuman ang kanilang lahi, relihiyon, o kultura. Pagkatapos banggitin ang ilustrasyon hinggil sa madamaying Samaritano, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang tagapakinig: “Humayo ka at gayundin ang gawin mo.” (Lucas 10:37b) Maaari nating sundin ang payong iyan at sikaping maging maawain sa iba. Pero paano? Sa anu-anong paraan natin maipapakita ang kaawaan sa ating pang-araw-araw na buhay?
“Kung ang Isang Kapatid . . . ay Nasa Hubad na Kalagayan”
3, 4. Bakit tayo dapat higit na magpakita ng kaawaan sa loob ng kongregasyong Kristiyano?
3 “Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito,” ang sabi ni apostol Pablo, “gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Kung gayon, isaalang-alang muna natin kung paano natin maipapakita ang awa sa ating mga kapananampalataya sa iba’t ibang paraan.
4 Nang payuhan niya ang mga tunay na Kristiyano na maging maawain sa isa’t isa, sumulat ang alagad na si Santiago: “Ang hindi nagpapakita ng awa ay tatanggap ng kaniyang hatol nang walang awa.” (Santiago 2:13) Ipinakikita ng konteksto ng kinasihang mga salitang ito ang ilang paraan kung paano natin maipapakita ang kaawaan. Halimbawa, ganito ang mababasa natin sa Santiago 1:27: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.” Sinasabi naman sa Santiago 2:15, 16: “Kung ang isang kapatid na lalaki o isang kapatid na babae ay nasa hubad na kalagayan at nagkukulang ng pagkaing sapat para sa araw, gayunman ay sinasabi sa kanila ng isa sa inyo: ‘Yumaon kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,’ ngunit hindi ninyo sila binibigyan ng mga pangangailangan para sa kanilang katawan, ano nga ang pakinabang dito?”
5, 6. Sa anu-anong paraan natin maipapakita ang awa sa mga kakongregasyon natin?
5 Ang pangangalaga sa iba at pagtulong sa mga nangangailangan ay isang pagkakakilanlan ng tunay na relihiyon. Sa ating paraan ng pagsamba, hindi sapat na basta sabihin lamang natin na sana’y bumuti ang kanilang kalagayan. Sa halip, pinakikilos tayo ng magiliw na pagkahabag na tulungan ang mga lubhang nangangailangan. (1 Juan 3:17, 18) Oo, ang paghahanda ng pagkain para sa maysakit, pagtulong sa may-edad na sa mga gawaing-bahay, pagsundo at paghahatid sa mga kapatid sa mga Kristiyanong pagpupulong kung kinakailangan, at ang hindi pagmamaramot sa mga nararapat tulungan ay ilan sa mga paraan upang maipakita natin ang ating awa sa iba.—Deuteronomio 15:7-10.
6 Mas mahalaga sa pagbibigay ng materyal na tulong ang pagbibigay ng espirituwal na tulong sa mga miyembro ng lumalaking kongregasyong Kristiyano. Pinapayuhan tayo na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina.” (1 Tesalonica 5:14) Pinasisigla ang “matatandang babae” na maging “mga guro ng kabutihan.” (Tito 2:3) Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga tagapangasiwang Kristiyano: “Ang bawat isa ay magiging gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.”—Isaias 32:2.
7. Ano ang matututuhan natin hinggil sa pagpapakita ng awa sa iba mula sa mga alagad sa Antioquia ng Sirya?
7 Bukod sa pangangalaga sa mga babaing balo, ulila, at sa mga nangangailangan ng tulong at pampatibay-loob sa lokal na mga kongregasyon, may mga pagkakataong gumagawa ng kaayusan ang mga kongregasyon noong unang siglo upang tulungan ang mga kapananampalatayang nasa ibang mga lugar. Halimbawa, nang ihula ni propeta Agabo na “isang malaking taggutom ang malapit nang dumating sa buong tinatahanang lupa,” ang mga alagad sa Antioquia ng Sirya ay “nagpasiya, bawat isa sa kanila ayon sa makakayanan ng sinuman, na magpadala ng tulong bilang paglilingkod sa mga kapatid na nakatira sa Judea.” Ang tulong na ito ay ipinadala sa matatanda roon “sa pamamagitan ng kamay nina Bernabe at Saul.” (Gawa 11:28-30) Kumusta naman sa ngayon? “Ang tapat at maingat na alipin” ay nag-oorganisa ng mga komite sa pagtulong para asikasuhin ang mga pangangailangan ng ating mga kapatid na maaaring naapektuhan ng mga likas na kasakunaan, gaya ng mga bagyo, lindol, o tsunami. (Mateo 24:45) Kapag kusa nating ginagamit ang ating panahon, lakas, at ari-arian upang suportahan ang gayong mga kaayusan, nagpapakita tayo ng awa sa iba.
“Kung Patuloy Kayong Nagpapakita ng Paboritismo”
8. Paano nagiging salungat ang paboritismo sa kaawaan?
8 Nagbabala si Santiago laban sa isang pag-uugali na salungat sa kaawaan at sa “makaharing kautusan” ng pag-ibig. Sumulat siya: “Kung patuloy kayong nagpapakita ng paboritismo, kayo ay gumagawa ng kasalanan, sapagkat sinasaway kayo ng kautusan bilang mga mananalansang.” (Santiago 2:8, 9) Kapag nagpapakita tayo ng paboritismo sa mga mayayaman o prominente, maaaring hindi na natin gaanong mapansin ang “daing ng maralita.” (Kawikaan 21:13) Hinahadlangan ng paboritismo ang pagiging maawain. Kaya kung tayo ay maawain, hindi tayo magtatangi.
9. Bakit hindi naman mali na magpakita ng pantanging pagpapahalaga sa mga karapat-dapat?
9 Yamang hindi tayo dapat magtangi, nangangahulugan ba ito na hindi na rin tayo dapat magpakita ng pantanging pagpapahalaga sa iba? Hindi naman. Hinggil sa kaniyang kapuwa manggagawa na si Epafrodito, sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Patuloy ninyong ituring na mahalaga ang gayong uri ng mga tao.” Bakit? “Sapagkat dahil sa gawain ng Panginoon ay napasabingit siya ng kamatayan, na inilalantad sa panganib ang kaniyang kaluluwa, nang sa gayon ay lubusan niyang mapunan ang inyong pagiging wala rito upang mag-ukol ng pribadong paglilingkod sa akin.” (Filipos 2:25, 29, 30) Ang tapat na paglilingkod ni Epafrodito ay nararapat pahalagahan. Bukod diyan, mababasa natin sa 1 Timoteo 5:17: “Ang matatandang lalaki na namumuno sa mahusay na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo.” Nararapat din namang pahalagahan ang mga indibiduwal na may ganitong mabubuting espirituwal na katangian. Ang gayong pantanging pagpapahalaga sa iba ay hindi paboritismo.
‘Ang Karunungan Mula sa Itaas ay Punô ng Awa’
10. Bakit natin dapat kontrolin ang ating dila?
10 Ganito ang sinabi ni Santiago tungkol sa dila: “Isang di-masupil at nakapipinsalang bagay, ito ay punô ng nakamamatay na lason. Sa pamamagitan nito ay pinapagpapala natin si Jehova, ang Ama mismo, gayunman sa pamamagitan nito ay isinusumpa natin ang mga tao na umiral ‘sa wangis ng Diyos.’ Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpapala at pagsumpa.” Salig dito, sinabi pa ni Santiago: “Kung kayo ay may mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo sa inyong mga puso, huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungan na bumababa mula sa itaas, kundi yaong makalupa, makahayop, makademonyo. Sapagkat kung saan may paninibugho at hilig na makipagtalo, naroon ang kaguluhan at bawat buktot na bagay. Ngunit ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi, hindi mapagpaimbabaw.”—Santiago 3:8-10a, 14-17.
11. Paano natin ipinakikita ang kaawaan kapag ginagamit natin ang ating dila?
11 Kaya nakikita sa paggamit natin ng ating dila kung mayroon tayong karunungan na “punô ng awa.” Paano kung dahil sa inggit o hilig na makipagtalo ay magmalaki tayo, magsinungaling, o kaya’y magkalat ng nakapipinsalang tsismis? Ganito ang sinabi sa Awit 94:4: “Ang lahat ng nagsasagawa ng bagay na nakasasakit ay nagyayabang tungkol sa kanilang sarili.” At kaydaling sirain ng mapaminsalang usapan ang mabuting reputasyon ng isang inosente! (Awit 64:2-4) Karagdagan pa, isip-isipin ang pinsalang maidudulot ng “bulaang saksi [na] nagbubunsod ng mga kasinungalingan.” (Kawikaan 14:5; 1 Hari 21:7-13) Pagkatapos talakayin ang maling paggamit sa dila, sinabi ni Santiago: “Hindi wasto, mga kapatid ko, na ang mga bagay na ito ay patuloy na mangyari nang ganito.” (Santiago 3:10b) Kung tunay tayong maawain, gagamitin natin ang ating dila sa malinis, mapayapa, at makatuwirang paraan. Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo na bawat pananalitang hindi mapakikinabangan na sinasalita ng mga tao, magsusulit sila may kinalaman doon sa Araw ng Paghuhukom.” (Mateo 12:36) Napakahalaga ngang ipakita natin ang kaawaan kapag ginagamit natin ang ating dila!
‘Patawarin ang mga Tao sa Kanilang mga Pagkakamali’
12, 13. (a) Ano ang matututuhan natin hinggil sa kaawaan mula sa talinghaga ng aliping may malaking utang sa kaniyang panginoon? (b) Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus na patawarin ang ating kapatid nang “hanggang sa pitumpu’t pitong ulit”?
12 Ang isa pang paraan para maipakita natin ang kaawaan ay matututuhan natin sa talinghaga ni Jesus hinggil sa aliping may utang na 60,000,000 denario sa kaniyang panginoon na isang hari. Palibhasa’y walang kakayahang bayaran ang utang, nagmakaawa ang alipin. “Sa pagkahabag,” kinansela ng panginoon ang utang ng alipin. Pero nang lumabas ang aliping ito at makita ang isang kapuwa alipin na may utang sa kaniya na sandaang denario lamang, walang-awa niyang ipinabilanggo ito. Nang malaman ng panginoon ang nangyari, ipinatawag niya ang pinatawad na alipin at sinabi rito: “Balakyot na alipin, kinansela ko ang lahat ng utang na iyon para sa iyo, nang mamanhik ka sa akin. Hindi ba dapat na ikaw naman ay maawa sa iyong kapuwa alipin, kung paanong ako rin ay naawa sa iyo?” Dahil dito, ipinadala ng panginoon ang alipin sa mga tagapagbilanggo. Tinapos ni Jesus ang kaniyang talinghaga sa pagsasabi: “Sa katulad na paraan din makikitungo sa inyo ang aking makalangit na Ama kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.”—Mateo 18:23-35.
13 Tunay ngang idiniriin ng binanggit na talinghaga na kasama sa pagpapakita ng kaawaan ang pagiging handang magpatawad! Pinatatawad ni Jehova ang malaking utang natin sa kaniya—ang ating mga kasalanan. Hindi ba’t dapat din nating ‘patawarin ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali’? (Mateo 6:14, 15) Bago inilahad ni Jesus ang talinghaga hinggil sa walang-awang alipin, tinanong siya ni Pedro: “Panginoon, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at magpapatawad ako sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?” Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.” (Mateo 18:21, 22) Oo, ang maawain ay handang magpatawad nang “hanggang sa pitumpu’t pitong ulit,” o nang walang takdang bilang.
14. Ayon sa Mateo 7:1-4, paano natin maipapakita sa araw-araw ang kaawaan?
14 Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus ang isa pang paraan upang maipakita ang kaawaan: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo . . . Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata? O paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Pahintulutan mo akong alisin ang dayami mula sa iyong mata’; gayong, narito! isang tahilan ang nasa iyong sariling mata?” (Mateo 7:1-4) Kaya maipapakita natin sa araw-araw ang kaawaan kung palalampasin natin ang kahinaan ng iba, anupat iiwasang maging mapanghatol o mapamintas.
‘Gumawa ng Mabuti sa Lahat’
15. Bakit tayo dapat magpakita ng awa hindi lamang sa ating mga kapananampalataya?
15 Bagaman itinatampok ng aklat ng Bibliya na Santiago ang kaawaang ipinakikita ng mga mananampalataya sa isa’t isa, hindi ito nangangahulugan na ang dapat pagpakitaan ng awa ay yaon lamang nasa loob ng kongregasyong Kristiyano. “Si Jehova ay mabuti sa lahat,” ang sabi ng Awit 145:9, “at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.” Pinapayuhan tayo na ‘maging mga tagatulad sa Diyos’ at ‘gumawa ng mabuti sa lahat.’ (Efeso 5:1; Galacia 6:10) Bagaman hindi natin iniibig ang “sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan,” hindi naman natin ipinagwawalang-bahala ang mga pangangailangan ng mga tao sa sanlibutan.—1 Juan 2:15.
16. Sa anong mga salik nakadepende ang pagpapakita natin ng awa sa iba?
16 Bilang mga Kristiyano, hindi tayo nag-aatubiling tumulong sa abot ng ating makakaya sa mga biktima ng “di-inaasahang pangyayari” o sa mga lubhang nangangailangan. (Eclesiastes 9:11) Sabihin pa, nakadepende sa ating kalagayan kung ano ang magagawa natin o kung gaano kalaki ang maibibigay natin para tumulong sa iba. (Kawikaan 3:27) Kapag nagbibigay ng materyal na tulong, nais nating tiyakin na hindi kinukunsinti ng ating mabuting gawa ang katamaran. (Kawikaan 20:1, 4; 2 Tesalonica 3:10-12) Kaya ang tunay na maawain ay tumutulong nang may magiliw na pagkamahabagin o simpatiya at kasabay nito, nagpapakita rin naman ng pagkamakatuwiran.
17. Ano ang pinakamainam na paraan upang maipakita natin ang awa sa mga hindi kabilang sa kongregasyong Kristiyano?
17 Ang pinakamainam na paraan upang maipakita natin ang awa sa mga hindi kabilang sa kongregasyong Kristiyano ay ang ibahagi sa kanila ang mga katotohanan ng Bibliya. Bakit? Kasi karamihan sa sangkatauhan ay nangangapa sa espirituwal na kadiliman. Yamang hindi nila alam kung paano haharapin ang kanilang mga problema at wala silang tunay na pag-asa sa hinaharap, karamihan sa mga tao ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Ang mensahe ng Salita ng Diyos ay maaaring maging ‘lampara sa kanilang paa,’ anupat tinutulungan silang harapin ang mga problema sa buhay. Maaari din itong maging ‘liwanag sa kanilang landas’ yamang inihuhula ng Bibliya ang layunin ng Diyos sa hinaharap, na nagbibigay ng magandang pag-asa. (Awit 119:105) Kaylaking pribilehiyo na ibahagi ang kamangha-manghang mensahe ng katotohanan sa mga talagang nangangailangan nito! Yamang napakalapit nang dumating ang “malaking kapighatian,” ito na ang panahon para maging masigasig sa pangangaral tungkol sa Kaharian at sa paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:3-8, 21, 22, 36-41; 28:19, 20) Ito ang pinakamahalagang paraan para maipakita natin ang kaawaan.
Ibigay ang “mga Bagay na Nasa Loob”
18, 19. Bakit dapat nating higit na pagsikapan sa ating buhay na maging maawain?
18 “Ibigay ninyo bilang mga kaloob ng awa ang mga bagay na nasa loob,” ang sabi ni Jesus. (Lucas 11:41) Para masabing tunay na kaawaan ang isang mabuting gawa, dapat na ito ay isang kaloob na nagmumula sa loob natin—isang pusong nagmamalasakit at handang tumulong. (2 Corinto 9:7) Sa isang daigdig kung saan karamihan sa mga tao ay malupit, makasarili, at walang-pakialam sa pagdurusa at mga problema ng iba, talaga ngang nakalulugod ang gayong kaawaan!
19 Kaya higit nating pagsikapan sa ating buhay na maging maawain. Habang lalo tayong nagiging maawain, lalo nating natutularan ang Diyos. Ito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng isang makabuluhan at kasiya-siyang buhay.—Mateo 5:7.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Bakit lalo nang mahalaga na maging maawain sa mga kapananampalataya?
• Paano natin maipapakita ang kaawaan sa loob ng kongregasyong Kristiyano?
• Paano tayo makagagawa ng mabuti sa mga hindi kabilang sa kongregasyong Kristiyano?
[Larawan sa pahina 26]
Dahil sa awa, tinulungan ng Samaritano ang lalaki
[Mga larawan sa pahina 27]
Ipinakikita ng mga Kristiyano ang kaawaan sa iba’t ibang paraan
[Larawan sa pahina 30]
Ang pinakamainam na paraan upang maipakita natin ang awa sa mga hindi kabilang sa kongregasyon ay ibahagi ang katotohanan ng Bibliya sa kanila