Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Joel at Amos
ANG sinabi lamang niya tungkol sa kaniyang sarili ay siya si “Joel na anak ni Petuel.” (Joel 1:1) Sa aklat na nagtataglay ng pangalan niya, walang gaanong binanggit si Joel maliban sa kaniyang mensahe kaya maging ang panahon ng kaniyang paghula ay matatantiya lamang—mga 820 B.C.E., siyam na taon matapos maging hari sa Juda si Uzias. Bakit walang gaanong binanggit si Joel tungkol sa kaniyang sarili? Malamang na nais niyang idiin ang mensahe at hindi ang kaniyang sarili.
Gayundin noong panahon ni Uzias, si Amos na taga-Juda at isang “tagapag-alaga ng kawan at tagaputi ng mga igos ng mga puno ng sikomoro,” ay inatasang maging propeta. (Amos 7:14) Di-tulad ni Joel na nanghula sa Juda, si Amos ay ipinadala sa hilaga sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Ang aklat ng Amos ay isinulat sa simple pero napakagandang istilo, at natapos ito noong mga 804 B.C.E., pagkabalik ng propeta sa Juda.
“SA ABA NG ARAW NA IYON”—BAKIT?
Pagsalakay ng mga higad, balang, at ipis ang nakita ni Joel sa pangitain. Ang mga sumasalakay na ito ay tinukoy na “isang bayan na malaki at makapangyarihan” at gaya ng “makapangyarihang mga lalaki.” (Joel 1:4; 2:2-7) “Sa aba ng araw na iyon,” ang buntunghininga ni Joel, “sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at iyon ay darating na gaya ng pananamsam mula sa Makapangyarihan-sa-lahat!” (Joel 1:15) Pinayuhan ni Jehova ang mga nakatira sa Zion: “Manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso.” Kung gagawin nila ito, si Jehova ay “mahahabag sa kaniyang bayan” at ilalayo niya “ang taga-hilaga”—ang sumasalakay na mga insekto. Pero bago dumating ang kaniyang dakilang araw, ‘ibubuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa bawat uri ng laman’ at “magbibigay ng mga palatandaan sa mga langit at sa lupa.”—Joel 2:12, 18-20, 28-31.
Hinamon ang mga bansa: “Pukpukin ninyo ang inyong mga sudsod upang maging mga tabak at ang inyong mga karit na pampungos upang maging mga sibat” at maghanda kayo para sa digmaan. Sila ay inutusang “umahon sa mababang kapatagan ni Jehosapat,” kung saan sila hahatulan at mapupuksa. “Ngunit kung tungkol sa Juda, hanggang sa panahong walang takda ay tatahanan ito.”—Joel 3:10, 12, 20.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:15; 2:1, 11, 31; 3:14—Ano ang “araw ni Jehova”? Ang araw ni Jehova ay ang panahon ng paglalapat ni Jehova ng hatol sa kaniyang mga kaaway, na mangangahulugan ng pagkapuksa nila subalit kaligtasan para sa tunay na mga mananamba. Halimbawa, dumating ang gayong araw sa sinaunang Babilonya noong 539 B.C.E., nang ito ay talunin ng mga Medo at Persiano. (Isaias 13:1, 6) Malapit na ang isa pang “araw ni Jehova,” kapag ilalapat na niya ang banal na hatol sa “Babilonyang Dakila”—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:1-4, 21.
2:1-10, 28—Paano natupad ang hula tungkol sa pagsalakay ng mga insekto? Walang napaulat sa Bibliya na pananalakay ng mga insekto sa lupain ng Canaan na kasintindi ng inilarawan sa aklat ng Joel. Kaya ang pagsalakay na inilalarawan ni Joel ay lumilitaw na hula tungkol sa pagbubuhos ni Jehova ng kaniyang espiritu noong 33 C.E. sa unang mga tagasunod ni Kristo at nagpasimula silang mangaral ng mensahe na lumigalig sa huwad na mga lider ng relihiyon. (Gawa 2:1, 14-21; 5:27-33) Pribilehiyo natin ngayon na makibahagi sa gayunding gawain.
2:32—Ano ang ibig sabihin ng ‘tumawag sa pangalan ni Jehova’? Ang pagtawag sa pangalan ng Diyos ay nangangahulugang alamin ang pangalang ito, matindi itong igalang, at umasa at magtiwala sa nagtataglay ng pangalang ito.—Roma 10:13, 14.
3:14—Ano ang “mababang kapatagan ng pasiya”? Ito ay makasagisag na lugar kung saan ilalapat ng Diyos ang kaniyang hatol. Noong panahon ng Judeanong si Haring Jehosapat, na ang pangalan ay nangangahulugang si “Jehova ay Hukom,” iniligtas ng Diyos ang Juda mula sa nakapalibot na mga bansa sa pamamagitan ng paglito sa kanilang mga puwersang militar. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag ding “mababang kapatagan ni Jehosapat.” (Joel 3:2, 12) Sa ating panahon, ito ay tumutukoy sa makasagisag na lugar kung saan dudurugin ang mga bansa gaya ng mga ubas sa pisaan nito.—Apocalipsis 19:15.
Mga Aral Para sa Atin:
1:13, 14. Mahalaga ang tunay na pagsisisi at pagkilala kay Jehova bilang tunay na Diyos upang maligtas.
2:12, 13. Ang tunay na pagsisisi ay taos-puso. Nangangahulugan ito ng taos-pusong ‘paghapak sa ating mga puso,’ hindi ng pakitang-taong ‘paghapak sa mga kasuutan.’
2:28-32. Tanging siya lamang “na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang makaliligtas” sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” Laking pasasalamat natin dahil ibinuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa bawat uri ng laman at naudyukan ang mga bata at matanda, lalaki at babae, na makibahagi sa panghuhula, samakatuwid nga, sa paghahayag ng “mariringal na mga bagay ng Diyos”! (Gawa 2:11) Habang papalapit ang araw ni Jehova, dapat tayong maging abala sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.”—2 Pedro 3:10-12.
3:4-8, 19. Inihula ni Joel na ang mga bansang nakapalibot sa Juda ay hahatulan sa kanilang pagmamalupit sa piniling bayan ng Diyos. Bilang katuparan ng hulang ito, ang lunsod na nasa mismong kontinente ng Tiro ay nawasak sa pangunguna ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor. Sa kalaunan, nang bumagsak ang lunsod na ito sa kamay ni Alejandrong Dakila, libu-libong militar at mga prominenteng tao roon ang pinatay at 30,000 tumatahan doon ang ipinagbili sa pagkaalipin. Naranasan din ng mga Filisteo ang ganitong pagtrato sa kamay ni Alejandro at ng kaniyang mga kahalili. Pagsapit ng ikaapat na siglo B.C.E., naging tiwangwang ang Edom. (Malakias 1:3) Dahil sa natupad na mga hulang ito, napatitibay ang ating pananampalataya kay Jehova bilang ang Tagatupad ng kaniyang mga pangako. Ipinakikita rin nito kung ano ang gagawin ni Jehova sa mga bansa na umuusig sa kaniyang mga mananamba ngayon.
3:16-21. “Ang langit at ang lupa ay tiyak na uuga,” at mararanasan ng mga bansa ang hatol ni Jehova. “Ngunit si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan,” bibigyan niya sila ng buhay sa isang paraisong kalagayan. Kaya dapat tayong maging determinado na manatiling malapít sa kaniya habang papalapit na ang araw ng kaniyang paghatol sa masamang sanlibutan.
“HUMANDA KANG HARAPIN ANG IYONG DIYOS”
May mensahe si Amos para sa kaaway na mga bansang nakapalibot sa Israel, at sa Juda at Israel mismo. Mapupuksa ang Sirya, Filistia, Edom, at Moab dahil sa kanilang pagmamalupit sa bayan ng Diyos. Mapupuksa ang mga tumatahan sa Juda “dahil sa pagtatakwil nila sa kautusan ni Jehova.” (Amos 2:4) Ano naman ang naghihintay sa sampung-tribong kaharian ng Israel? Nagkasala siya ng kasakiman, pagmamalupit sa mahihirap, imoralidad, at paglapastangan sa mga propeta ng Diyos. Nagbabala si Amos na ‘pagsusulitin ni Jehova ang mga altar ng Bethel’ at ‘pababagsakin niya ang bahay na pantaglamig bukod pa sa bahay na pantag-araw.’—Amos 3:14, 15.
Sa kabila ng iba’t ibang parusang inilapat, nagmatigas pa rin ang idolatrosong mga Israelita. Sinabi sa kanila ni Amos: “Humanda kang harapin ang iyong Diyos.” (Amos 4:12) Para sa mga Israelita, ang araw ni Jehova ay mangangahulugang sila’y “itatapon sa ibayo pa ng Damasco,” samakatuwid nga, sa Asirya. (Amos 5:27) Inuusig si Amos ng isang saserdote ng Bethel pero hindi pa rin siya natatakot. “Ang kawakasan ay dumating na sa aking bayang Israel,” ang sabi ni Jehova kay Amos. “Hindi ko na sila pagpapaumanhinan pa.” (Amos 8:2) Hindi nila matatakasan ang hatol ng Diyos kahit pumunta pa sila sa Sheol o sa matataas na bundok. (Amos 9:2, 3) Ngunit ipinangangakong magkakaroon ng pagsasauli. “Titipunin kong muli ang mga nabihag sa aking bayang Israel,” ang sabi ni Jehova, “at kanila ngang itatayo ang mga nakatiwangwang na lunsod at tatahanan ang mga iyon, at magtatanim sila ng mga ubasan at iinumin ang alak ng mga iyon, at gagawa sila ng mga hardin at kakainin ang bunga ng mga iyon.”—Amos 9:14.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
4:1—Kanino lumalarawan ang “mga baka ng Basan”? Ang mataas na talampas ng Basan, isang lugar sa silangan ng Dagat ng Galilea, ay kilala sa magagandang lahi ng mga hayop, kasama na ang mga baka. Madamo kasi ang mga pastulan dito. Itinulad ni Amos sa mga baka ng Basan ang maluluhong babae sa Samaria. Tiyak na ginigipit ng mga babaing ito ang kani-kanilang “panginoon,” o asawa, na mandaya sa mga dukha para lamang mapaluguran ang kanilang paghahangad sa kayamanan.
4:6—Ano ang ibig sabihin ng katagang “kalinisan ng mga ngipin”? Tulad ng “kakapusan sa tinapay,” maaaring tumukoy ang pariralang ito sa panahon ng taggutom na ang mga ngipin ay malinis dahil walang makain.
5:5—Ano ang ibig sabihin ng sinabi sa mga Israelita na “huwag ninyong hanapin ang Bethel”? Pinasimulan ni Jeroboam sa Bethel ang pagsamba sa guya. Mula noon, naging sentro na ng huwad na pagsamba ang lunsod na iyon. Maaaring nagkaroon din ng apostatang pagsamba sa Gilgal at Beer-sheba. Para matakasan ang inihulang kapahamakan, kailangang tigilan na ng Israel ang paglalakbay sa mga lugar na iyon para sumamba at simulan nilang hanapin si Jehova.
7:1—Saan tumutukoy ang “tinabas na damo para sa hari”? Malamang na tumutukoy ito sa buwis na ipinapataw ng hari para sa pangangalaga ng mga mangangabayo at mga hayop. Kailangang bayaran ang buwis na ito “sa pasimula ng pagdating ng huling paghahasik.” Pagkatapos nito, puwede nang anihin ang mga pananim. Pero bago nila ito magawa, nagkulupon ang mga balang at nilamon ang kanilang mga aanihin pati na ang ibang pananim.
8:1, 2—Ano ang ipinahihiwatig ng “isang basket ng bungang pantag-araw”? Ipinahihiwatig nito na malapit na ang araw ni Jehova. Pinipitas ang bungang pantag-araw sa bandang dulo ng panahon ng pag-aani, samakatuwid nga, sa pagtatapos ng taon ng pagsasaka. Nang ipakita ni Jehova kay Amos ang “isang basket ng bungang pantag-araw,” nangangahulugan ito na malapit na ang kawakasan para sa Israel. Kaya sinabi ng Diyos kay Amos: “Ang kawakasan ay dumating na sa aking bayang Israel. Hindi ko na sila pagpapaumanhinan pa.”
Mga Aral Para sa Atin:
1:3, 6, 9, 11, 13; 2:1, 4, 6. Dahil sa kaniyang galit sa Israel, Juda, at sa anim na bansang nasa palibot nila, sinabi ni Jehova: “Hindi ko iyon iuurong.” Hindi matatakasan ang kahatulan ni Jehova.—Amos 9:2-5.
2:12. Hindi natin dapat pahinain ang loob ng masisipag na payunir, mga naglalakbay na tagapangasiwa, mga misyonero, o mga miyembro ng pamilyang Bethel. Huwag natin silang udyukang huminto na sa buong-panahong paglilingkod para lamang sa diumano’y normal na buhay. Sa halip, dapat natin silang himuking magpatuloy sa kanilang mainam na gawain.
3:8. Kung paanong natatakot ang isa kapag narinig ang ungol ng leon, naudyukan si Amos na mangaral dahil narinig niyang sinabi ni Jehova: “Yumaon ka, manghula ka sa aking bayang Israel.” (Amos 7:15) Dapat tayong mapakilos ng makadiyos na takot na maging masisigasig na mángangarál ng mensahe ng Kaharian.
3:13-15; 5:11. Sa tulong ni Jehova, ang hamak na tagapag-alaga ng kawan na si Amos ay ‘nakapagpatotoo’ sa mayayamang nagwawalang-bahala. Kaya maihahanda rin tayo ni Jehova para ihayag ang mensahe ng Kaharian gaanuman kahirap mangaral sa isang teritoryo.
4:6-11; 5:4, 6, 14. Sa kabila ng paulit-ulit na pagkabigo ng mga Israelita na ‘manumbalik’ kay Jehova, hinimok pa rin sila na ‘hanapin si Jehova, at patuloy na mabuhay.’ Hangga’t nagtitiis si Jehova at hinahayaan niyang magpatuloy ang masamang sistemang ito ng mga bagay, dapat nating himukin ang mga tao na bumaling sa Diyos.
5:18, 19. Ang ‘paghahangad sa araw ni Jehova’ nang hindi naman talaga naghahanda para dito ay isang kamangmangan. Ang gayong tao ay tulad ng isa na tumakas mula sa leon pero nakasalubong naman ang oso at tumakas mula sa oso pero natuklaw naman ng serpiyente. Isang katalinuhan para sa atin na “manatiling gising” sa espirituwal na diwa at maging laging handa.—Lucas 21:36.
7:12-17. Dapat tayong maging matapang at walang-takot sa paghahayag ng mensahe ng Diyos.
9:7-10. Kahit na inapo ng tapat na mga patriyarka at ng mga iniligtas mula sa Ehipto bilang piniling bayan ng Diyos, hindi pa rin naging maganda ang katayuan ng mga Israelita sa harap ng Diyos tulad ng mga Cusita. Hindi nakadepende sa pinagmulang lahi, ang pagkakaroon ng sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos, kundi sa ‘pagkatakot sa kaniya at paggawa ng katuwiran.’—Gawa 10:34, 35.
Kung Ano ang Dapat Nating Gawin
Malapit nang ilapat ng Diyos ang kaniyang hatol sa sanlibutan ni Satanas. Ibinuhos na ng Diyos ang kaniyang espiritu sa kaniyang mga mananamba para makapagbigay sila ng babala sa mga tao tungkol sa pagdating ng kaniyang araw. Hindi ba’t dapat tayong lubusang makibahagi sa pagtulong sa iba na makilala si Jehova at ‘tumawag sa kaniyang pangalan’?—Joel 2:31, 32.
“Kapootan ninyo ang kasamaan,” ang payo ni Amos, “at ibigin ang kabutihan, at ang katarungan ay bigyan ninyo ng dako sa pintuang-daan.” (Amos 5:15) Habang papalapit na ang araw ni Jehova, isang katalinuhan na maging malapít sa Diyos at manatiling hiwalay sa masamang sanlibutan at sa mga nakasisirang kasama. Para magawa ito, talaga ngang napapanahon na matuto tayo sa mga aral mula sa mga aklat ng Bibliya na Joel at Amos!—Hebreo 4:12.
[Larawan sa pahina 12]
Humula si Joel:
“Ang araw ni Jehova ay malapit na!”
[Mga larawan sa pahina 15]
Tulad ni Amos, dapat tayong maging matapang at walang-takot na mga mamamahayag ng mensahe ng Diyos