Magalak sa Paggawa ng Alagad
“Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.”—MAT. 28:19.
1-3. (a) Ano ang nadarama ng marami kapag nagdaraos sila ng mga pag-aaral sa Bibliya? (b) Anu-anong tanong ang ating tatalakayin?
“MAGTATATLONG buwan na akong nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang pamilyang taga-Pakistan,” ang isinulat ng isang sister na taga-Estados Unidos na naglilingkod kasama ng isang grupong gumagamit ng wikang Hindi. “Mangyari pa,” ang patuloy niya, “naging kaibigan ko sila. Sa tuwing maiisip ko na malapit na silang umuwi sa Pakistan, napapaiyak ako hindi lamang dahil sa nalulungkot ako sa pag-alis nila, kundi dahil din sa kagalakang nadarama ko habang itinuturo sa kanila ang tungkol kay Jehova.”
2 Ikaw, nadama mo na rin ba ang kagalakang dulot ng pagtuturo ng Bibliya sa iba, gaya ng sister na ito? Si Jesus at ang kaniyang mga alagad noong unang siglo ay nakadama ng malaking kagalakan sa paggawa ng alagad. Nang may-kagalakang bumalik at mag-ulat ang 70 alagad na sinanay ni Jesus, “nag-umapaw siya sa kagalakan sa banal na espiritu.” (Luc. 10:17-21) Marami rin sa ngayon ang nakadarama ng malaking kagalakan sa paggawa ng mga alagad. Sa katunayan, noong 2007, nasa katamtamang bilang na anim at kalahating milyong pag-aaral sa Bibliya bawat buwan ang naidaos ng masisipag at masasayang mamamahayag!
3 Pero may ilang mamamahayag na hindi pa nakapagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Ang iba naman ay matagal-tagal na rin sigurong hindi nakapagdaraos nito sa iba. Anu-anong hamon ang maaaring mapaharap sa atin sa pagsisikap na makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya? Paano natin mapagtatagumpayan ang mga hamong iyon? At anong mga gantimpala ang matatanggap natin kung gagawin natin ang ating buong makakaya para masunod ang utos ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad”?—Mat. 28:19.
Mga Hamon na Posibleng Mag-alis ng Ating Kagalakan
4, 5. (a) Paano tumutugon ang maraming tao sa ilang lugar sa daigdig? (b) Anu-anong hamon naman ang kinakaharap ng mga mamamahayag sa ibang mga lugar?
4 Sa ilang lugar sa daigdig, sabik na sabik ang mga tao sa ating mga literatura at gustung-gusto nilang makipag-aral ng Bibliya. Ganito ang isinulat ng mag-asawang taga-Australia na pansamantalang naglilingkod sa Zambia: “Totoo ang balita. Napakasarap ngang mangaral sa Zambia. Talagang nakatutuwang magpatotoo sa lansangan! Ang mga tao na mismo ang lumalapit sa amin, at may mga humihingi pa nga ng partikular na mga isyu ng magasin.” Sa isang nakalipas na taon kamakailan, ang mga kapatid sa Zambia ay nakapagdaos ng mahigit 200,000 pag-aaral sa Bibliya—samakatuwid nga, sa katamtaman, bawat mamamahayag ay may mahigit isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Pero sa ibang mga lugar naman, ang mga mamamahayag ay nahihirapang makapag-iwan ng mga literatura at makapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya nang regular. Bakit kaya? Kasi, madalas na hindi nila nadaratnan sa bahay ang mga tao, at kung may madatnan man sila, wala namang interes sa relihiyon ang mga ito. Baka lumaki ang mga ito sa isang sambahayang hindi relihiyoso o hindi masikmura ang pagpapaimbabaw ng huwad na relihiyon. Sa espirituwal na paraan, maraming tao ang nasaktan—nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan ng huwad na mga pastol. (Mat. 9:36) Maaaring ito ang dahilan kung bakit umiiwas na silang makipag-usap tungkol sa Bibliya.
6. Anu-anong limitasyon ang maaaring makahadlang sa ilang mamamahayag?
6 Ang ilang tapat na mamamahayag ay napapaharap naman sa ibang hamon na posibleng mag-alis ng kanilang kagalakan. Bagaman napakaaktibo nila noon sa paggawa ng alagad, nahahadlangan na sila ngayon ng pagkakasakit o pagtanda. Posible rin namang tayo na mismo ang naglalagay ng limitasyon sa ating sarili. Halimbawa, iniisip mo ba na hindi mo kayang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya? Baka tulad ka rin ni Moises noong atasan siya ni Jehova na makipag-usap kay Paraon. Ang sabi ni Moises: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova, ngunit hindi ako bihasang tagapagsalita, kahit kahapon man ni bago pa niyaon.” (Ex. 4:10) Kakambal na ng pagkadama ng kawalang-kakayahan ang pagkatakot na mabigo. Baka nangangamba tayong hindi maging alagad ang isang tao dahil hindi tayo perpektong guro. Kaya para maiwasan iyon, baka ipasiya nating huwag na lang magdaos ng pag-aaral. Paano kaya natin haharapin ang nabanggit na mga hamong ito?
Ihanda ang Iyong Puso
7. Ano ang nag-udyok kay Jesus na ganapin ang kaniyang ministeryo?
7 Ang unang hakbang ay ihanda ang ating puso. Sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang . . . bibig.” (Luc. 6:45) Ginanap ni Jesus ang kaniyang ministeryo udyok ng taimtim na pagmamalasakit sa kapakanan ng iba. Halimbawa, nang makita niya ang di-magandang kalagayan sa espirituwal ng kaniyang mga kapuwa Judio, “nahabag siya sa kanila.” Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami . . . Magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.”—Mat. 9:36-38.
8. (a) Ano ang makabubuting alalahanin natin? (b) Ano ang matututuhan natin sa sinabi ng isang estudyante sa Bibliya?
8 Kapag nakikibahagi tayo sa paggawa ng alagad, makabubuting alalahanin kung gaano kalaking pagpapala ang natamo natin dahil may isang indibiduwal na naglaan ng panahon para turuan tayo ng Bibliya. Isipin din ang mga taong makakausap natin sa ministeryo at kung paano sila makikinabang sa mensaheng dala natin. Isang babae ang sumulat sa tanggapang pansangay sa kanilang bansa: “Gusto ko po sanang ipaalam sa inyo ang laki ng pasasalamat ko sa mga Saksing nagturo sa akin sa aming tahanan. Alam kong nakukulitan sila sa akin kung minsan dahil napakarami kong tanong, kaya napapatagal tuloy sila sa amin. Pero pinagtiyagaan nila ako at gustung-gusto nilang maituro sa akin ang kanilang mga napag-aaralan. Nagpapasalamat po ako kay Jehova at kay Jesus dahil dumating sa buhay ko ang mga Saksing iyon.”
9. Saan itinuon ni Jesus ang kaniyang pansin, at paano natin siya matutularan?
9 Mangyari pa, hindi lahat ay tumanggap noon sa mga turo ni Jesus. (Mat. 23:37) Ang ilan ay sumunod sa kaniya nang ilang panahon, pero pagkaraan ay tumutol sa kaniyang mga turo at “hindi na lumakad na kasama niya.” (Juan 6:66) Pero hindi inisip ni Jesus na walang halaga ang kaniyang mensahe dahil sa negatibong pagtugon ng ilan. Bagaman hindi nagbunga ang karamihan sa binhing inihasik niya, itinuon ni Jesus ang kaniyang pansin sa mabuting bagay na ginagawa niya. Nakita niyang maputi na ang bukirin para sa pag-aani at nakadama siya ng malaking kagalakan sa pagtulong sa pag-aaning ito. (Basahin ang Juan 4:35, 36.) Kaya sa halip na ang tingnan lamang ay ang di-nagbubungang teritoryo, bakit hindi natin ituon ang ating pansin sa pakikibahagi sa pag-aani at sa maaaring anihin sa ating teritoryo? Suriin natin kung paano tayo makapananatiling positibo.
Maghasik Para Umani
10, 11. Ano ang puwede mong gawin para mapanatili ang iyong kagalakan?
10 Ang isang magsasaka ay naghahasik para umani. Gayundin naman, nangangaral tayo para makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Subalit paano kaya kung regular ka namang nangangaral sa ministeryo pero halos wala kang makausap sa mga bahay o parang hindi mo naman madatnan-datnan ang iyong mga dinadalaw-muli? Nakapanghihina nga ito ng loob. Titigil ka na ba sa pagbabahay-bahay dahil dito? Hinding-hindi! Marami pa rin ang nakakausap sa kauna-unahang pagkakataon sa pamamagitan ng paraang ito ng pangangaral na subók na sa panahon.
11 Pero para mapanatili ang iyong kagalakan, mapalalawak mo ba ang iyong mga pamamaraan sa pangangaral, anupat sumusubok ng ibang mga paraan para makausap ang mga tao? Halimbawa, nasubukan mo na bang magpatotoo sa mga tao sa lansangan o sa kanilang pinagtatrabahuhan? Nasubukan mo na bang kausapin sa telepono ang mga tao o kunin ang mga numero ng telepono ng mga napapangaralan mo tungkol sa mensahe ng Kaharian para matawagan sila? Kung matiyaga ka at madaling makibagay sa iyong ministeryo, makadarama ka ng kagalakan kapag nakatagpo ka ng mga indibiduwal na tutugon sa mensahe ng Kaharian.
Pagharap sa Kawalan ng Interes
12. Ano ang puwede nating gawin kung parang walang interes ang marami sa ating teritoryo?
12 Paano kung marami sa inyong teritoryo ang walang interes sa relihiyon? Maibabagay mo ba ang iyong presentasyon sa paraang pupukaw sa kanilang interes? Sumulat si apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya sa Corinto: “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio . . . Doon sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan, bagaman hindi ako walang kautusan sa Diyos.” Ano kaya ang motibo ni Pablo? “Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao,” ang sabi niya, “upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.” (1 Cor. 9:20-22) May naiisip din ba tayong mga paksang tatawag sa pansin ng mga nakakausap natin sa ating teritoryo? Marami rin namang mga di-relihiyosong tao ang naghahangad na maging maganda ang pagsasamahan ng kanilang pamilya. Baka naman nagtatanong din sila kung ano ang layunin ng buhay. Masasabi ba natin sa mga taong ito ang mensahe ng Kaharian sa paraang mapupukaw ang kanilang interes?
13, 14. Paano tayo makapagtatamasa ng higit na kagalakan sa paggawa ng alagad?
13 Parami nang paraming mamamahayag ang nagtatamasa ng higit na kagalakan sa paggawa ng alagad, kahit sa mga lugar na walang interes ang karamihan sa mga tao. Paano? Nag-aral sila ng banyagang wika. Napansin ng isang mag-asawa, na mahigit nang 60 anyos, ang libu-libong estudyanteng Tsino at mga pamilya ng mga ito na naninirahan sa teritoryo ng kanilang kongregasyon. “Dahil dito, naganyak kaming mag-asawa na mag-aral ng wikang Tsino,” ang sabi ng asawang lalaki. “Bagaman nangangahulugan ito na maglalaan kami ng oras araw-araw para pag-aralan ang wika,” ang patuloy niya, “nagbunga naman ito ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa mga Tsino sa aming lugar.”
14 Kung wala ka man sa kalagayang mag-aral ng banyagang wika, magagamit mo naman ang buklet na Good News for People of All Nations kapag may nakausap kang iba ang wika. Puwede ka ring kumuha ng mga literatura sa wika ng iyong nakakausap. Oo, kailangan ang ekstrang panahon at pagsisikap sa pakikipag-usap sa mga taong iba ang wika at kultura. Pero huwag nating kalilimutan ang simulain sa Salita ng Diyos: “Siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.”—2 Cor. 9:6.
May Bahagi ang Buong Kongregasyon
15, 16. (a) Bakit may bahagi ang buong kongregasyon sa paggawa ng alagad? (b) Anong papel ang ginagampanan ng mga may-edad?
15 Gayunman, ang paggawa ng alagad ay hindi nakadepende sa pagsisikap ng iisang tao lamang. Sa halip, pagsisikap ito ng buong kongregasyon. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) At sa katunayan, kapag dumadalo sa mga pulong ang mga estudyante sa Bibliya, madalas na humahanga sila sa maibiging pagsasamahan ng mga kapatid sa ating mga pagtitipon. Sumulat ang isang estudyante sa Bibliya: “Gustung-gusto kong dumalo sa mga pulong. Ang babait ng mga naroroon!” Sinabi ni Jesus na ang mga nagiging tagasunod niya ay posibleng salansangin ng kanilang sariling pamilya. (Basahin ang Mateo 10:35-37.) Pero nangako naman siya na sa loob ng kongregasyon, magkakaroon sila ng maraming “kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak.”—Mar. 10:30.
16 Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng ating may-edad nang mga kapatid sa pagtulong na sumulong ang mga estudyante sa Bibliya. Sa anong paraan? Kahit hindi na nakapagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ang ilang may-edad na, ang kanila namang nakapagpapatibay na mga komento sa mga pulong sa kongregasyon ay nagpapalakas sa pananampalataya ng mga nakikinig. Ang kanilang mga karanasan sa paglakad “sa daan ng katuwiran” ay lalong nagpapaganda sa kongregasyon at nakaaakit sa tapat-pusong mga tao tungo sa organisasyon ng Diyos.—Kaw. 16:31.
Daigin ang Takot
17. Paano natin madaraig ang pagkadamang hindi natin kayang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya?
17 Paano kung iniisip mong hindi mo kayang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya? Alalahanin natin na tinulungan ni Jehova si Moises sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng banal na espiritu at ng isang kasama, ang kaniyang kapatid na si Aaron. (Ex. 4:10-17) Nangako si Jesus na tutulungan tayo ng espiritu ng Diyos sa ating gawaing pagpapatotoo. (Gawa 1:8) Isa pa, isinugo ni Jesus ang mga manggagawa nang dala-dalawa. (Luc. 10:1) Kaya kung nahihirapan kang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya, humiling ka ng banal na espiritu ng Diyos para bigyan ka ng karunungan at saka ka sumama sa isang makaranasang kapareha na makatutulong sa iyo at makapagpapalakas ng iyong loob na mangaral. Nakapagpapatibay ng pananampalataya na isiping mga ordinaryong tao lamang—“mahihinang bagay ng sanlibutan”—ang pinili ni Jehova para ganapin ang pambihirang gawaing ito.—1 Cor. 1:26-29.
18. Paano natin madaraig ang takot na mabigo?
18 Paano natin madaraig ang takot na mabigo? Dapat nating alalahanin na ang paggawa ng alagad ay hindi gaya ng pagluluto ng pagkain. Kung maging masarap man ito o hindi, pangunahin na itong nakadepende sa iisang tao—ang nagluto. Sa halip, tatlo ang may bahagi sa paggawa ng alagad. Si Jehova ang may pinakamahalagang bahagi, anupat inilalapit niya sa kaniya ang isang indibiduwal. (Juan 6:44) Tayo at ang iba pa sa kongregasyon ay gumagawa ng ating buong makakaya na gamitin ang sining ng pagtuturo para tulungan ang estudyante na sumulong. (Basahin ang 2 Timoteo 2:15.) At ang estudyante naman ay kailangang kumilos ayon sa kaniyang mga natututuhan. (Mat. 7:24-27) Kapag hindi nagpatuloy sa pakikipag-aral ng Bibliya ang isa, maaari tayong panghinaan ng loob. Umaasa tayong sana’y makagawa ng tamang desisyon ang mga estudyante sa Bibliya; gayunman, ang bawat indibiduwal ay “magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:12.
Mga Gantimpala
19-21. (a) Anong mga kapakinabangan ang natatanggap natin kapag nagdaraos tayo ng mga pag-aaral sa Bibliya? (b) Ano ang pangmalas ni Jehova sa lahat ng nakikibahagi sa gawaing pangangaral?
19 Kapag nagdaraos tayo ng mga pag-aaral sa Bibliya, nananatiling nakatuon ang ating pansin sa paghanap muna sa Kaharian. Lalo rin nitong naititimo sa ating puso’t isip ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Bakit? Ganito ang paliwanag ng payunir na si Barak: “Kapag nagdaraos ka ng mga pag-aaral sa Bibliya, obligado kang pagbutihin pa ang iyong pagiging estudyante ng Salita ng Diyos. Nakita kong dapat ko munang patibayin ang aking pananalig bago ko maturuan nang husto ang iba.”
20 Kung wala kang pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya, nangangahulugan ba ito na wala nang halaga ang iyong paglilingkod sa Diyos? Hinding-hindi! Napakalaki ng pagpapahalaga ni Jehova sa ating pagsisikap na purihin siya. Ang lahat ng nakikibahagi sa pangangaral ay “mga kamanggagawa ng Diyos.” Pero nadaragdagan ang ating kagalakan kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral sa Bibliya at nakikita nating pinalalago ng Diyos ang binhing itinanim natin. (1 Cor. 3:6, 9) “Kapag nakikita mong sumusulong ang isang estudyante sa Bibliya,” ang sabi ng payunir na si Amy, “nag-uumapaw ang iyong pasasalamat kay Jehova dahil ikaw ang ginamit niya para ibigay sa indibiduwal na iyon ang isang napakagandang regalo—ang pagkakataong makilala si Jehova at magkaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan.”
21 Kung gagawin natin ang ating buong makakaya para makapagpasimula at makapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya, mapananatili nating nakatuon ang ating pansin sa paglilingkod sa Diyos sa ngayon at titibay ang ating pag-asang makaligtas tungo sa bagong sanlibutan. Sa tulong ni Jehova, baka matulungan din nating maligtas ang mga taong nakikinig sa atin. (Basahin ang 1 Timoteo 4:16.) Napakalaki ngang dahilan ito para magalak!
Natatandaan Mo Ba?
• Anu-anong hamon ang posibleng makahadlang sa ilan na magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya?
• Ano ang puwede nating gawin kung marami sa ating teritoryo ang walang interes?
• Anong mga gantimpala ang natatanggap natin kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral sa Bibliya?
[Mga larawan sa pahina 9]
Pinalalawak mo ba ang iyong mga pamamaraan sa pangangaral para makasumpong ng mga tapat-pusong indibiduwal?