ARALING ARTIKULO 43
Huwag Tayong Titigil!
“Huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti.”—GAL. 6:9.
AWIT 68 Paghahasik ng Binhi ng Kaharian
NILALAMANa
1. Bakit masaya tayo at ipinagmamalaki natin na mga Saksi ni Jehova tayo?
MASAYANG-MASAYA tayo at ipinagmamalaki natin na tayo ay mga Saksi ni Jehova! Bilang bayan ni Jehova, nangangaral tayo at gumagawa ng mga alagad para patunayang mga Saksi niya tayo. Masaya tayo kapag natulungan natin na maging mananampalataya ang isa na “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Ganiyang-ganiyan din si Jesus. “Nag-umapaw siya sa kagalakan dahil sa banal na espiritu” nang maging matagumpay ang pangangaral ng mga alagad niya.—Luc. 10:1, 17, 21.
2. Paano natin maipapakita na napakahalaga sa atin ng gawaing pangangaral?
2 Napakahalaga sa atin ng gawaing pangangaral dahil buhay ang nakataya. Pinayuhan ni apostol Pablo si Timoteo: “Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo . . . , dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.” (1 Tim. 4:16) Lagi nating binibigyang-pansin ang sarili natin dahil sakop tayo ng Kaharian ng Diyos. Gusto natin na ang lahat ng ginagawa natin ay magbibigay ng papuri kay Jehova at kaayon ng mabuting balita na ipinapangaral natin. (Fil. 1:27) ‘Binibigyang-pansin din natin ang itinuturo natin.’ Naghahanda tayong mabuti para sa ministeryo at hinihingi natin ang tulong ni Jehova bago tayo mangaral.
3. Ano ang posibleng maging reaksiyon ng mga tao sa pangangaral natin? Magbigay ng halimbawa.
3 Pero kahit ginagawa na natin ang buong makakaya natin sa pangangaral tungkol sa Kaharian, baka kaunti lang o wala pa ngang nakikinig sa atin. Iyan ang naranasan ni Brother Georg Lindal. Mag-isa siyang nangaral sa buong Iceland mula 1929 hanggang 1947. Nakapamahagi siya ng libo-libong publikasyon, pero wala man lang ni isa na naging Saksi ni Jehova. Sinabi niya na parang ayaw talaga ng ilan sa katotohanan at ang karamihan ay walang pakialam. Kahit may mga ipinadala nang misyonero na nakapag-aral sa Gilead para tumulong sa gawain doon, lumipas pa ang siyam na taon bago nagkaroon ng mga Icelander na nag-alay ng sarili nila kay Jehova at nagpabautismo.b
4. Ano ang posibleng maramdaman natin kapag ayaw makinig ng mga tao sa mabuting balita?
4 Nalulungkot tayo kapag ayaw makinig ng mga tao sa mabuting balita. Baka nararamdaman natin ang gaya ng naramdaman ni Pablo. ‘Labis siyang namighati at hindi nawala ang kirot sa puso niya’ dahil hindi tinanggap ng karamihan sa mga Judio si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas. (Roma 9:1-3) Paano kung ginawa mo na ang buong makakaya mo at ipinanalangin mo na ang Bible study mo pero hindi pa rin siya sumusulong at kailangan na ninyong itigil ang pag-aaral? O paano kung wala ka pang Bible study na nabautismuhan? Sisisihin mo ba ang sarili mo at iisipin na hindi pinagpapala ni Jehova ang ministeryo mo? Sa artikulong ito, sasagutin ang dalawang tanong: (1) Kailan masasabing matagumpay ang ministeryo natin? (2) Ano ang dapat nating asahan?
KAILAN MASASABING MATAGUMPAY ANG MINISTERYO NATIN?
5. Bakit hindi laging nangyayari ang resultang gusto natin sa lahat ng ginagawa natin para kay Jehova?
5 Sinasabi ng Bibliya tungkol sa isa na gumagawa ng kalooban ng Diyos: “Ang lahat ng ginagawa niya ay magtatagumpay.” (Awit 1:3) Pero hindi ibig sabihin nito na sa lahat ng ginagawa natin para kay Jehova, mangyayari ang resultang gusto natin. Ang buhay ay “punô ng problema” dahil hindi tayo perpekto, pati ang iba. (Job 14:1) Minsan, marami ring humahadlang kaya hindi tayo lubusang makapangaral. (1 Cor. 16:9; 1 Tes. 2:18) Kaya kailan nagiging matagumpay para kay Jehova ang ministeryo natin? Talakayin natin ang ilang prinsipyo sa Bibliya para masagot ang tanong na iyan.
6. Kailan nagiging matagumpay para kay Jehova ang ministeryo natin?
6 Tinitingnan ni Jehova ang pagtitiyaga at pagsisikap natin. Para kay Jehova, matagumpay ang ministeryo natin kapag nakikita niyang masigasig tayong nangangaral dahil mahal natin siya, kahit hindi makinig ang mga tao. Isinulat ni Pablo: “Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal.” (Heb. 6:10) Hindi man mabautismuhan ang Bible study natin, makakasiguro tayo na tinatandaan ni Jehova ang pagsisikap at pag-ibig na ipinakita natin. Kaya gaya ng sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto, “hindi masasayang ang pagpapagal [natin] para sa Panginoon,” kahit hindi mangyari ang resultang inaasahan natin.—1 Cor. 15:58.
7. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni apostol Pablo tungkol sa ministeryo niya?
7 Si apostol Pablo ay isang mahusay na misyonero, at may mga naitatag siyang kongregasyon sa iba’t ibang lunsod. Pero nang kailangan niyang ipagtanggol ang kuwalipikasyon niya bilang isang ministro ni Kristo, hindi niya binanggit kung gaano karami ang natulungan niya na maging mananampalataya. Sa halip, sinabi niya: “Mas marami akong ginawa.” (2 Cor. 11:23) Gaya ni Pablo, tandaan natin na ang pinakamahalaga kay Jehova ay ang pagsisikap at pagtitiyaga natin.
8. Ano ang dapat nating maintindihan tungkol sa ating ministeryo?
8 Napapasaya natin si Jehova kapag nangangaral tayo. Matapos ang pangangaral ng 70 alagad na isinugo ni Jesus, ‘masaya silang bumalik.’ Bakit? Sinabi nila: “Maging ang mga demonyo ay napapasunod namin sa pamamagitan ng pangalan mo.” Pero itinuwid sila ni Jesus: “Huwag kayong magsaya dahil napapasunod ninyo ang mga espiritu, kundi magsaya kayo dahil ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.” (Luc. 10:17-20) Alam ni Jesus na hindi sila laging magkakaroon ng magagandang karanasan sa ministeryo. Sa katunayan, hindi natin alam kung ilan sa mga nakinig sa mga alagad ni Jesus ang naging Kristiyano. Dapat maintindihan ng mga alagad na ang kagalakan nila ay nakadepende hindi lang sa magandang resulta ng pangangaral nila kundi dahil alam nila na napapasaya nila si Jehova sa mga pagsisikap nila.
9. Ayon sa Galacia 6:7-9, ano ang magiging resulta kung hindi tayo titigil sa pangangaral?
9 Kung hindi tayo titigil sa pangangaral, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Habang ginagawa natin ang ating buong makakaya sa paghahasik at pagdidilig ng mga binhi ng katotohanan, ‘naghahasik din tayo para sa espiritu’ dahil hinahayaan natin ang banal na espiritu ng Diyos na gabayan tayo. Kung “hindi tayo titigil,” tinitiyak ni Jehova na mag-aani tayo ng buhay na walang hanggan kahit wala tayong Bible study na nabautismuhan.—Basahin ang Galacia 6:7-9.
ANO ANG DAPAT NATING ASAHAN?
10. Saan nakadepende ang reaksiyon ng mga tao sa ating ministeryo?
10 Nakadepende ang reaksiyon ng mga tao sa kalagayan ng puso nila. Ipinaliwanag iyan ni Jesus sa ilustrasyon niya tungkol sa isang magsasaka na naghasik ng binhi sa iba’t ibang klase ng lupa, pero ang namunga lang ay ang itinanim sa matabang lupa. (Luc. 8:5-8) Sinabi ni Jesus na ang iba’t ibang klase ng lupa ay kumakatawan sa iba’t ibang kalagayan ng puso ng mga tao na nakakarinig sa “salita ng Diyos.” (Luc. 8:11-15) Gaya ng magsasaka, hindi natin kontrolado kung mamumunga ang mga inihasik natin dahil nakadepende iyon sa kalagayan ng puso ng mga tao. Pero dapat na tuloy lang tayo sa paghahasik ng binhi ng katotohanan. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, “ang bawat isa ay gagantimpalaan ayon sa sarili niyang gawa,” hindi ayon sa resulta ng kaniyang gawa.—1 Cor. 3:8.
11. Bakit nagtagumpay si Noe bilang “isang mángangarál ng katuwiran”? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
11 Hindi rin nakikinig ang mga tao noon sa pangangaral ng mga lingkod ni Jehova. Halimbawa, si Noe ay “isang mángangarál ng katuwiran” sa loob ng mga 40 o 50 taon. (2 Ped. 2:5) Siguradong umasa si Noe na makikinig ang mga tao sa pangangaral niya, pero walang ganoong ipinahiwatig si Jehova. Nang utusan siya ng Diyos na magtayo ng arka, ang sabi sa kaniya: “Pumasok ka sa arka, ikaw, ang iyong mga anak, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak.” (Gen. 6:18) At batay sa sukat at laki ng arka na sinabi ng Diyos na itayo niya, malamang na nagkaideya si Noe na hindi ganoon karami ang makikinig sa kaniya. (Gen. 6:15) At gaya ng alam natin, walang nakinig kay Noe kahit isa. (Gen. 7:7) Inisip ba ni Jehova na nabigo si Noe sa pangangaral? Hindi! Para sa Diyos, nagtagumpay si Noe sa pangangaral kasi sinunod niya ang lahat ng iniutos Niya sa kaniya.—Gen. 6:22.
12. Bakit naging masaya pa rin si propeta Jeremias sa pangangaral kahit ayaw makinig ng mga tao sa kaniya at may mga humahadlang?
12 Si propeta Jeremias ay nangaral din nang maraming taon kahit hindi nakikinig ang mga tao sa kaniya at may mga humahadlang. Dahil sa ‘pang-iinsulto at pang-aalipusta’ sa kaniya, nasiraan siya ng loob at naisip pa nga niyang tumigil na sa pangangaral. (Jer. 20:8, 9) Pero hindi sumuko si Jeremias! Ano ang nakatulong para manatili siyang positibo at maging masaya sa kaniyang ministeryo? Nagpokus siya sa dalawang mahalagang bagay. Una, ang mensaheng dala niya ay tungkol sa “magandang kinabukasan at pag-asa.” (Jer. 29:11) Ikalawa, pinili siya ni Jehova na maging tagapagsalita niya. (Jer. 15:16) Ang ipinapangaral natin ay nagbibigay rin ng pag-asa sa mga tao, at inatasan din tayo ni Jehova na maging mga Saksi niya. Kung magpopokus tayo sa dalawang mahalagang bagay na ito, magiging masaya tayo kahit ano ang maging reaksiyon ng mga tao.
13. Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus sa Marcos 4:26-29?
13 Ang pagsulong sa espirituwal ay unti-unti. Ganiyan ang paglaki ng binhi sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa magsasakang natutulog. (Basahin ang Marcos 4:26-29.) Nang maihasik ng magsasaka ang mga binhi, unti-unting lumaki ang mga ito. At hindi niya kayang madaliin ang paglago nito. Baka hindi rin natin agad nakikita ang resulta ng pagsisikap natin na gumawa ng alagad. Kung paanong hindi puwedeng madaliin ng isang magsasaka ang paglago ng mga itinanim niya, hindi rin natin puwedeng madaliin ang pagsulong ng Bible study natin. Kaya huwag kang madismaya o sumuko kung medyo nababagalan ka sa pagsulong ng tinuturuan mo sa Bibliya. Gaya ng pagsasaka, kailangan ng tiyaga sa paggawa ng alagad.—Sant. 5:7, 8.
14. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang hindi agad nakikita ang resulta ng ministeryo natin.
14 Sa ilang teritoryo, baka umabot pa nang ilang taon bago natin makita ang resulta ng mga pagsisikap natin sa ministeryo. Tingnan ang karanasan ng magkapatid na sina Gladys at Ruby Allen. Noong 1959, naatasan silang maging regular pioneer sa isang bayan sa Quebec, Canada.c Dahil sa takot sa tao at sa impluwensiya ng simbahang Katoliko, marami ang ayaw makinig sa mensahe ng Kaharian. Ikinuwento ni Gladys: “Nagbahay-bahay kami nang walong oras araw-araw sa loob ng dalawang taon nang walang sinumang nakakausap! Ang mga tao ay basta nagtutungo at sumisilip sa pinto at saka ibinababa ang mga venetian blind. Subalit hindi kami sumuko.” Pero unti-unti, naging palakaibigan ang mga tao at may mga nakikinig na. Ngayon, tatlo na ang kongregasyon sa bayang iyon.—Isa. 60:22.
15. Ano ang itinuturo sa atin ng 1 Corinto 3:6, 7 tungkol sa paggawa ng alagad?
15 Kailangan ang pagtutulungan sa paggawa ng alagad. May magagawa ang lahat sa kongregasyon para matulungan ang isa na mabautismuhan. (Basahin ang 1 Corinto 3:6, 7.) Isang brother ang nagbigay ng tract o magasin sa isang interesado. Pero nakita niya na hindi niya ito kayang balikan sa oras na gusto nito, kaya nakiusap siya sa ibang brother. Napasimulan ng pinakiusapang brother ang pagba-Bible study. Pagkatapos, nagsama siya ng iba’t ibang brother at sister sa pag-aaral at nakatulong ang mga ito sa Bible study sa iba’t ibang paraan. Ang bawat brother o sister na nakikilala ng Bible study ay nakakatulong sa pagdidilig sa binhi ng katotohanan. Kaya gaya ng sinabi ni Jesus, ang manghahasik at ang manggagapas ay magkasamang magsasaya sa panahon ng espirituwal na pag-aani.—Juan 4:35-38.
16. Bakit magiging masaya ka pa rin sa ministeryo kahit may sakit ka o nanghihina na?
16 Paano kung may sakit ka o nanghihina na at hindi na gaanong makasama sa pangangaral at pagtuturo? Puwede ka pa ring maging masaya dahil may maitutulong ka pa rin sa pag-aani. Tingnan ang nangyari nang bawiin ni Haring David at ng mga tauhan niya ang kanilang mga pamilya at pag-aari mula sa lumusob na mga Amalekita. Pagod na pagod na sa pakikipaglaban ang 200 tauhan ni David, kaya nagpaiwan sila para bantayan ang bagahe. Nang manalo sina David sa digmaan, ipinag-utos niya na hatiin nang pantay-pantay ang mga samsam. (1 Sam. 30:21-25) Parang ganiyan ang paggawa ng alagad sa buong mundo. Ang lahat ng gumagawa ng buong makakaya nila ay pare-parehong magiging masaya kapag may isang natulungan at naakay sa daang papunta sa buhay.
17. Bakit tayo nagpapasalamat kay Jehova?
17 Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil napakamaibigin ng batayan niya sa tagumpay natin sa ministeryo. Alam niya na hindi natin kayang pilitin ang mga tao na makinig sa mensaheng dala natin. Pero nakikita niya na nagsisikap tayo at mahal natin siya, kaya pinagpapala niya tayo. Sinasabi rin niya sa atin kung paano tayo magiging masaya habang tumutulong tayo sa espirituwal na pag-aani. (Juan 14:12) Siguradong mapapasaya natin ang Diyos kung hindi tayo titigil!
AWIT 67 Ipangaral ang Salita
a Masaya tayo kapag nakikinig ang mga tao sa mabuting balita. Nalulungkot naman tayo kapag ayaw nila. Paano kung hindi sumusulong ang Bible study mo? O kaya, wala ka pang Bible study na nabautismuhan? Ibig bang sabihin nito, bigo ka sa paggawa ng alagad? Sa artikulong ito, makikita natin kung bakit puwede pa rin tayong maging matagumpay at masaya sa ministeryo anuman ang maging reaksiyon ng mga tao.
b Tingnan ang 2005 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, p. 205-211.
c Tingnan ang talambuhay ni Gladys Allen, “Wala Akong Babaguhing Anuman!,” sa Setyembre 1, 2002 na isyu ng Bantayan.