Alam Mo Ba?
Bakit tinawag ni Jesus si Jehova na “Abba, Ama” sa kaniyang panalangin?
Ang salitang Aramaiko na ʼab·baʼʹ ay maaaring mangahulugang “ang ama” o “O Ama.” Ang pananalitang iyan ay tatlong beses na lumitaw sa Kasulatan bilang bahagi ng panalangin at tumutukoy kay Jehova, ang ating Ama sa langit. Ano ang ibig sabihin ng salitang iyan?
Ganito ang sinabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Noong panahon ni Jesus, ang salitang ʼabbāʼ ay karaniwan nang ginagamit ng mga anak para ipakita ang malapít nilang kaugnayan at paggalang sa kanilang ama.” Ito ay malambing na paraan ng pagtawag sa ama at isa sa unang mga salitang natututuhan ng bata. Ginamit ni Jesus ang salitang ito noong minsang manalangin siya nang marubdob sa kaniyang Ama. Nang manalangin si Jesus kay Jehova sa hardin ng Getsemani, ilang oras bago siya mamatay, tinawag niya si Jehova sa mga salitang “Abba, Ama.”—Marcos 14:36.
“Ang ʼabbāʼ ay isang paraan ng pagtawag sa Diyos at hindi ito makikita sa panitikang Judio noong panahon ng Griego-Romano, tiyak na dahil magiging kawalang-galang na tawagin ang Diyos gamit ang karaniwang terminong ito,” ang sabi pa ng binanggit na reperensiya. Pero sinabi rin nito na ang paggamit ni Jesus sa terminong ito sa kaniyang panalangin ay nagpapatunay ng napakalapít na kaugnayan niya sa Diyos. Ang dalawa pang pagbanggit sa salitang “Abba” sa Kasulatan—sa mga liham ni apostol Pablo—ay nagpapakitang ginamit din ng unang-siglong mga Kristiyano ang salitang ito sa kanilang mga panalangin.—Roma 8:15; Galacia 4:6.
Bakit isinulat sa wikang Griego ang isang bahagi ng Bibliya?
“Ang mga sagradong kapahayagan ng Diyos” ay ipinagkatiwala sa mga Judio, ayon kay apostol Pablo. (Roma 3:1, 2) Kaya ang karamihan ng aklat sa unang bahagi ng Bibliya ay isinulat sa wikang Hebreo, ang wika ng mga Judio. Pero ang Kristiyanong Kasulatan ay isinulat sa wikang Griego.a Bakit?
Noong ikaapat na siglo B.C.E., ang mga sundalo sa hukbo ni Alejandrong Dakila ay nagsasalita ng iba’t ibang diyalekto ng klasikal na Griego, na noo’y pinagsasama-sama upang maging Koine, o ang karaniwang Griego. Ang mga pananakop ni Alejandro ay nakatulong para maging internasyonal na wika noon ang Koine. Noong panahon ding iyon, marami na sa mga Judio ang nakatira sa iba’t ibang lugar sa labas ng Palestina. Marami ang hindi na bumalik sa Palestina mula sa pagkatapon sa Babilonya ilang siglo na ang nakararaan. Dahil dito, marami sa mga Judio ang hindi na marunong magsalita ng wikang Hebreo, kundi Griego na lamang. (Gawa 6:1) Para makinabang sila, ginawa ang Septuagint, ang salin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Koine, o karaniwang Griego.
Ayon sa Dictionnaire de la Bible, ang wikang Griego ay may napakalawak na bokabularyo, napakadaling gamitin, at nagugustuhan ng mga tao ng iba’t ibang bansa. Dahil sa napakalawak at espesipikong bokabularyo nito, detalyadong balarila at mga pandiwa na angkop na nagpapahayag ng iba’t ibang kahulugan, ito ang ‘wikang ginagamit at nauunawaan ng maraming tao noon—ang mismong wika na kailangan ng mga Kristiyano.’ Angkop ngang gamitin ang wikang Griego upang isulat ang mensahe para sa mga Kristiyano!
[Talababa]
a Ang ilang aklat sa Hebreong Kasulatan ay isinulat sa wikang Aramaiko. Ang Ebanghelyo ni Mateo ay lumilitaw na isinulat muna ni Mateo sa wikang Hebreo at saka malamang na isinalin niya sa wikang Griego.
[Larawan sa pahina 13]
Piraso ng isang manuskrito ng Griegong Septuagint
[Credit Line]
Courtesy of Israel Antiquities Authority