Liham sa mga Taga-Roma
3 Kaya ano ang kahigitan ng Judio o ang pakinabang ng pagtutuli? 2 Malaki! Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Diyos.+ 3 Pero paano kung hindi manampalataya ang ilan? Mababale-wala na ba ang katapatan ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya? 4 Hindi nga! Kundi mapatunayan nawang tapat ang Diyos,+ kahit pa magsinungaling ang lahat ng tao,+ gaya ng nasusulat: “Para mapatunayan kang matuwid sa iyong mga salita at magwagi ka kapag hinahatulan ka.”+ 5 Sinasabi ng iba na dahil sa kasamaan ng tao, lalong nakikita na matuwid ang Diyos. Pero nagbabangon ito ng tanong: Nagiging di-makatarungan ba ang Diyos kapag pinaparusahan niya tayo? (Iyan ang iniisip ng ilang tao.)+ 6 Hindi nga! Dahil kung ganiyan ang Diyos, paano niya mahahatulan ang sanlibutan?+
7 Kung dahil sa kasinungalingan ko ay lalong napatitingkad ang pagiging tapat ng Diyos at naluluwalhati siya, bakit hinahatulan pa rin ako bilang makasalanan? 8 At bakit hindi natin sabihin, gaya ng may-kasinungalingang ipinaparatang ng iba sa atin na sinasabi raw natin, “Gumawa tayo ng masama para may magandang mangyari sa atin”? Makatarungan na hatulan ang mga taong iyon.+
9 Kaya mas mabuti ba ang kalagayan natin? Talagang hindi! Dahil gaya ng nasabi na natin, ang mga Judio at ang mga Griego ay parehong nasa ilalim ng kasalanan;+ 10 gaya ng nasusulat: “Walang taong matuwid, wala kahit isa;+ 11 walang sinumang may kaunawaan; walang sinumang humahanap sa Diyos. 12 Ang lahat ng tao ay lumihis, lahat sila ay naging walang silbi; walang sinumang nagpapakita ng kabaitan, kahit isa man lang.”+ 13 “Ang lalamunan nila ay bukás na libingan; nanlinlang sila gamit ang kanilang dila.”+ “Kamandag ng mga aspid* ang nasa bibig nila.”+ 14 “At ang bibig nila ay punô ng pagsumpa at mapait na pananalita.”+ 15 “Ang mga paa nila ay nagmamadali para pumatay.”+ 16 “Lagi silang nagdudulot ng kapahamakan at pagdurusa, 17 at hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”+ 18 “Hindi sila natatakot sa Diyos.”+
19 Alam na natin ngayon na lahat ng bagay sa* Kautusan ay para sa mga nasa ilalim ng Kautusan, para mapatahimik ang lahat ng bibig at maipakita na ang buong sangkatauhan ay nararapat sa parusa ng Diyos.+ 20 Kaya walang sinuman ang maipahahayag na matuwid sa harap niya sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan,+ dahil malinaw na ipinapakita sa atin ng kautusan na makasalanan tayo.+
21 Pero naging malinaw na ngayon na puwede tayong maging matuwid sa harap ng Diyos nang hindi tumutupad sa Kautusan,+ gaya ng sinasabi sa Kautusan at mga Propeta.+ 22 Oo, lahat ng may pananampalataya ay puwedeng maging matuwid sa harap ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo.+ Dahil pantay-pantay ang lahat ng tao.+ 23 Ang lahat ay nagkakasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;+ 24 pero dahil sa kaniyang walang-kapantay* na kabaitan,+ nagbigay siya ng walang-bayad na regalo+—ipinahayag niya silang matuwid sa pamamagitan ng ibinayad na pantubos ni Kristo Jesus na nagpalaya sa kanila.+ 25 Iniharap siya ng Diyos bilang handog na magsisilbing pampalubag-loob+ sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo niya.+ Ginawa ito ng Diyos para ipakita ang katuwiran niya, dahil pinatawad niya ang mga kasalanan noon habang nagtitimpi siya. 26 Ginawa niya ito para ipakita ang katuwiran niya+ sa kasalukuyan, para maging matuwid pa rin siya kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.+
27 May dahilan ba para magyabang? Wala. Batay sa anong kautusan? Kautusan ng mga gawa?+ Hindi nga, kundi sa kautusan ng pananampalataya. 28 Dahil alam natin na ipinahahayag na matuwid ang isang tao sa pamamagitan ng pananampalataya niya at hindi dahil sa pagsasagawa ng kautusan.+ 29 Siya ba ay Diyos lang ng mga Judio?+ Hindi ba Diyos din siya ng mga tao ng ibang mga bansa?+ Oo, ng mga tao rin ng ibang mga bansa.+ 30 Ang Diyos ay iisa,+ kaya ang mga tuli ay ipahahayag niyang matuwid+ dahil sa pananampalataya nila at ang mga di-tuli ay ipahahayag niyang matuwid+ sa pamamagitan ng pananampalataya nila. 31 Kung gayon, pinawawalang-bisa ba natin ang kautusan dahil sa pananampalataya natin? Hinding-hindi! Ang totoo, pinagtitibay pa natin ang kautusan.+