Buhay na Walang Hanggan sa Lupa—Isang Pag-asang Muling Nabigyang-liwanag
“O Daniel, ilihim mo ang mga salita . . . hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.”—DAN. 12:4.
1, 2. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
MALINAW na nauunawaan ng milyun-milyong tao sa ngayon na ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa ay nakasalig sa Kasulatan. (Apoc. 7:9, 17) Sa simula pa lang ng kasaysayan ng tao, isiniwalat na ng Diyos na ang tao ay nilayong mabuhay hindi lamang nang ilang taon kundi magpakailanman.—Gen. 1:26-28.
2 Ang pagsasauli ng kasakdalang naiwala ni Adan ay bahagi ng pag-asa ng mga Israelita. Ipinaliwanag din sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang paraan na gagamitin ng Diyos para maging posible ang buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa. Kaya bakit kailangang muling bigyang-liwanag ang pag-asang ito ng sangkatauhan? Paano ito isiniwalat? Paano ito nalaman ng milyun-milyong tao?
Isang Nakubling Pag-asa
3. Bakit hindi nakapagtatakang naikubli sa mga tao ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa?
3 Inihula ni Jesus na pipilipitin ng mga huwad na propeta ang kaniyang mga turo at ililigaw ang karamihan sa mga tao. (Mat. 24:11) Nagbabala si apostol Pedro sa mga Kristiyano: “Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo.” (2 Ped. 2:1) Sinabi ni apostol Pablo na darating “ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila [ng mga tao] titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga.” (2 Tim. 4:3, 4) Iniligaw ni Satanas ang mga tao at ginamit ang apostatang Kristiyanismo upang ikubli ang katotohanan tungkol sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa.—Basahin ang 2 Corinto 4:3, 4.
4. Anong pag-asa ng sangkatauhan ang hindi pinaniwalaan ng mga apostatang lider ng relihiyon?
4 Sinasabi sa Kasulatan na ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan sa langit. Dudurugin at wawakasan nito ang lahat ng pamahalaan ng tao. (Dan. 2:44) Sa loob ng isang libong taóng paghahari ni Kristo, ibubulid sa kalaliman si Satanas, bubuhaying muli ang mga patay, at ibabalik sa kasakdalan ang mga tao. (Apoc. 20:1-3, 6, 12; 21:1-4) Pero iba ang itinuturo ng mga apostatang lider ng Sangkakristiyanuhan. Halimbawa, kinondena ng Ama ng Simbahan noong ikatlong siglo na si Origen ng Alejandria ang mga naniniwala sa mga pagpapala sa lupa sa panahon ng Milenyo. Ang teologong Katoliko na si Augustine ng Hippo (354-430 C.E.) ay “naniniwala na walang milenyo,” ang sabi ng The Catholic Encyclopedia.a
5, 6. Bakit ayaw maniwala nina Origen at Augustine sa Milenyo?
5 Bakit ayaw maniwala nina Origen at Augustine sa Milenyo? Si Origen ay estudyante ni Clemente ng Alejandria, na naniniwala sa imortal na kaluluwa na itinuturo ng mga Griego. Palibhasa’y naiimpluwensiyahan ni Plato, “isinama [ni Origen] sa doktrinang Kristiyano ang ideya ni Plato hinggil sa kaluluwa at kapalaran,” ang sabi ng teologong si Werner Jaeger. Bilang resulta, itinuro ni Origen na ang mga pagpapala sa Milenyo ay makakamtan hindi sa lupa kundi sa daigdig ng mga espiritu.
6 Si Augustine ay isang Neoplatonist—tagapagtaguyod ng pilosopiya ni Plato na bahagyang binago ni Plotinus noong ikatlong siglo. Sa edad na 33, naging “Kristiyano” siya. Gayunman, nanghawakan pa rin siya sa paniniwala ng mga Neoplatonist. “Siya ang pangunahing dahilan kung bakit naghalo ang turo ni Plato hinggil sa Griegong pilosopiya at ang turo ng Bagong Tipan,” ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Ipinaliwanag ni Augustine na ang Sanlibong Taóng Paghahari sa Apocalipsis kabanata 20 ay “kathang-isip lamang,” ang sabi ng The Catholic Encyclopedia. Sinabi pa ng reperensiyang ito: “Ang paliwanag na ito [ni Augustine] ay itinaguyod ng mga sumunod na teologo sa Kanluran, at ang orihinal na turo hinggil sa Milenyo ay naglaho na.”
7. Paano naglaho ang paniniwala hinggil sa buhay na walang hanggan sa lupa?
7 Naglaho ang paniniwala sa buhay na walang hanggan sa lupa nang unti-unting lumaganap sa buong daigdig ang turo ng sinaunang Babilonya—ang ideya na ang tao ay may imortal na kaluluwa o espiritu na nananahan sa katawan. Nang tanggapin ng Sangkakristiyanuhan ang turong iyan, pinilipit ng mga teologo ang mga teksto sa Kasulatan na nagpapaliwanag sa makalangit na pag-asa upang umayon sa turo na lahat ng mabuting tao ay pupunta sa langit. Ayon dito, ang buhay ng tao sa lupa ay sadyang panandalian lang—isang pagsubok kung karapat-dapat siya sa langit. Ganiyan din ang nangyari sa orihinal na pag-asa ng mga Judio hinggil sa buhay na walang hanggan sa lupa. Habang unti-unting naiimpluwensiyahan ang mga Judio ng turo ng mga Griego hinggil sa imortalidad, naglaho ang kanilang orihinal na pag-asa sa buhay sa lupa. Ibang-iba nga ito sa itinuturo ng Bibliya! Ang tao ay hindi nilalang na espiritu. Sinabi ni Jehova sa unang tao: “Ikaw ay alabok.” (Gen. 3:19) Nilayon ang tao na mabuhay magpakailanman sa lupa, hindi sa langit.—Basahin ang Awit 104:5; 115:16.
Suminag ang Katotohanan
8. Ano ang sinabi ng ilang iskolar noong ika-17 siglo tungkol sa pag-asa ng sangkatauhan?
8 Bagaman hindi itinuturo ng maraming relihiyong nag-aangking Kristiyano ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa, bigo pa rin si Satanas na lubusang ikubli ang katotohanan. Sa paglipas ng panahon, nakita ng ilang masusugid na mambabasa ng Bibliya ang sinag ng katotohanan habang unti-unti nilang nauunawaan kung paano ibabalik sa kasakdalan ang sangkatauhan. (Awit 97:11; Mat. 7:13, 14; 13:37-39) Dahil sa pagsasalin at pag-iimprenta ng Bibliya, marami ang nagkaroon nito pagsapit ng ika-17 siglo. Noong 1651, sinabi ng isang iskolar na dahil kay Adan, “naiwala [ng tao] ang Paraiso, at Buhay na Walang Hanggan sa Lupa,” samantalang kay Kristo ang “lahat ng tao ay mabubuhay sa Lupa; dahil kung hindi gayon, hindi magiging wasto ang paghahambing na ito.” (Basahin ang 1 Corinto 15:21, 22.) Isinulat ni John Milton (1608-1674), isa sa mga kilalang makatang Ingles, ang aklat na Paradise Lost at ang karugtong nitong Paradise Regained. Sa mga ito, binanggit ni Milton na ang mga tapat ay tatanggap ng gantimpala sa paraisong lupa. Bagaman ginugol ni Milton ang halos buong buhay niya sa pag-aaral ng Bibliya, batid niyang ang katotohanan sa Bibliya ay hindi lubusang mauunawaan hanggang sa pagkanaririto ni Kristo.
9, 10. (a) Ano ang isinulat ni Isaac Newton tungkol sa pag-asa ng sangkatauhan? (b) Bakit matagal pa para kay Newton ang pagkanaririto ni Kristo?
9 Interesadung-interesado rin sa Bibliya ang kilalang matematiko na si Sir Isaac Newton (1642-1727). Naunawaan niya na ang mga banal ay bubuhaying muli sa langit at mamamahalang kasama ni Kristo. (Apoc. 5:9, 10) Tungkol naman sa mga sakop ng Kaharian, isinulat niya: “Ang lupa ay patuloy na titirhan ng mga mortal pagkatapos ng araw ng paghuhukom at hindi lamang sa loob ng 1000 taon kundi magpakailanman.”
10 Inisip ni Newton na maraming siglo pa ang lilipas bago maganap ang pagkanaririto ni Kristo. “Ang isang dahilan kung bakit inisip ni Newton na matagal pa ang pagdating ng Kaharian ng Diyos ay sapagkat ikinalulungkot niya ang nakikita niyang paglaganap ng apostasya ng mga Trinitaryo,” ang sabi ng istoryador na si Stephen Snobelen. Ang mabuting balita ay nakakubli pa rin. At walang nakikita si Newton na mga nag-aangking Kristiyano na makapangangaral nito. Sumulat siya: “Ang mga hula nina Daniel at Juan [ang huling nabanggit ay nakaulat sa aklat na Apocalipsis] ay mauunawaan lamang sa panahon ng kawakasan.” Ipinaliwanag ni Newton: “‘Sa panahong iyon,’ ang sabi ni Daniel, ‘marami ang magpaparoo’t parito, at lalago ang kaalaman.’ Sapagkat dapat ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng bansa bago ang malaking kapighatian, at ang wakas ng mundo. Tiyak na hindi darami mula sa lahat ng bansa ang pulutong na may dalang palma, na lumabas sa malaking kapighatian, malibang maipangaral ang Ebanghelyo bago dumating [ang malaking kapighatian].”—Dan. 12:4; Mat. 24:14; Apoc. 7:9, 10.
11. Bakit maraming tao ang hindi nakaaalam hinggil sa pag-asa ng sangkatauhan noong panahon nina Milton at Newton?
11 Noong panahon nina Milton at Newton, mapanganib na salungatin ang doktrina ng simbahan. Dahil dito, karamihan sa kanilang mga akda tungkol sa Bibliya ay nailathala lamang pagkamatay nila. Nabigo ang Repormasyon noong ika-16 na siglo na ituwid ang turo tungkol sa imortalidad, at patuloy na itinuro ng pinakamaimpluwensiyang mga simbahan ng Protestante ang ideya ni Augustine na ang Milenyo ay naganap na. Lumago ba ang kaalaman sa panahon ng kawakasan?
“Ang Tunay na Kaalaman ay Sasagana”
12. Kailan sasagana ang tunay na kaalaman?
12 Inihula ni Daniel ang isang magandang pangyayari sa “panahon ng kawakasan.” (Basahin ang Daniel 12:3, 4, 9, 10.) “Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 13:43) Paano nanagana ang tunay na kaalaman sa panahon ng kawakasan? Isaalang-alang ang mga nangyari bago ang 1914, ang taon nang magsimula ang panahon ng kawakasan.
13. Ano ang isinulat ni Charles Taze Russell pagkatapos pag-aralan ang tungkol sa pagbabalik sa kasakdalan ng sangkatauhan?
13 Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, may ilang taimtim na indibiduwal na nagsaliksik upang maunawaan ang “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita.” (2 Tim. 1:13) Ang isa sa kanila ay si Charles Taze Russell. Noong 1870, siya at ang iba pang naghahanap ng katotohanan ay bumuo ng grupo upang mag-aral ng Bibliya. Noong 1872, pinag-aralan nila ang tungkol sa pagbabalik sa kasakdalan ng sangkatauhan. Nang maglaon, sumulat si Russell: “Noong panahong iyon, hindi namin maunawaan ang malaking pagkakaiba ng gantimpala ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano na sinusubok ngayon at ng gantimpala ng tapat na sangkatauhan.” Ang mga tapat ay “ibabalik sa kasakdalan na tinamasa sa Eden ng ninuno at ama nila, si Adan.” Inamin ni Russell na natulungan siya ng iba sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Sinu-sino sila?
14. (a) Ano ang pagkaunawa ni Henry Dunn sa Gawa 3:21? (b) Ayon kay Dunn, sino ang mabubuhay magpakailanman sa lupa?
14 Ang isa sa kanila ay si Henry Dunn. Sumulat siya tungkol sa “pagsasauli ng lahat ng mga bagay na sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong sinaunang panahon.” (Gawa 3:21) Alam ni Dunn na kasama sa pagsasauling ito ang pagbabalik sa kasakdalan ng sangkatauhan sa lupa sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Nagsaliksik din siya upang masagot ang tanong na nakalilito sa marami, Sino ang mabubuhay magpakailanman sa lupa? Ipinaliwanag niya na milyun-milyon ang bubuhaying muli, tuturuan ng katotohanan, at bibigyan ng pagkakataong manampalataya kay Kristo.
15. Ano ang natanto ni George Storrs tungkol sa pagkabuhay-muli?
15 Noong 1870, natanto rin ni George Storrs na ang mga di-matuwid ay bubuhaying muli upang magkaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. Natanto rin niya mula sa Kasulatan na kapag ang binuhay-muli ay hindi positibong tumugon sa pagkakataong ibinigay sa kaniya, siya ay “mamamatay, kahit pa ‘ang makasalanan ay isang daang taon ang gulang.’” (Isa. 65:20) Tumira si Storrs sa Brooklyn, New York, at naging editor ng magasing Bible Examiner.
16. Paano naging iba ang mga Estudyante ng Bibliya sa Sangkakristiyanuhan?
16 Naunawaan ni Russell mula sa Bibliya na panahon na upang ipangaral ang mabuting balita. Kaya noong 1879, sinimulan niyang ilathala ang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, na ngayon ay tinatawag na Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Dati, iilan lang ang nakauunawa sa katotohanan tungkol sa pag-asa ng sangkatauhan pero nang maglaon nagkaroon ng mga grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa maraming bansa na tumatanggap at nag-aaral ng Bantayan. Ang mga Estudyante ng Bibliya ay naniniwalang iilan lang ang aakyat sa langit at milyun-milyong tao ang bibigyan ng sakdal na buhay sa lupa. Dahil dito, naging iba sila sa Sangkakristiyanuhan.
17. Paano lumago ang tunay na kaalaman?
17 Nagsimula ang inihulang “panahon ng kawakasan” noong 1914. Lumago ba ang tunay na kaalaman tungkol sa pag-asa ng sangkatauhan? (Dan. 12:4) Pagsapit ng 1913, ang mga sermon ni Russell ay inilimbag sa 2,000 pahayagan anupat nabasa ng 15,000,000 tao. Sa pagtatapos ng 1914, mahigit 9,000,000 tao sa tatlong kontinente ang nakapanood ng “Photo-Drama of Creation”—isang programang may pelikula at mga slide tungkol sa Milenyong Paghahari ni Kristo. Mula 1918 hanggang 1925, ipinahayag ng mga lingkod ni Jehova sa mahigit 30 wika sa buong daigdig ang paksang “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay.” Ipinaliliwanag nito ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa. Noong 1934, natanto ng mga Saksi ni Jehova na ang mga umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa ay dapat mabautismuhan. Dahil dito, lalo silang naging masigasig sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Sa ngayon, milyun-milyon ang nagpapasalamat kay Jehova dahil sa pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa.
Malapit Na ang “Maluwalhating Kalayaan”!
18, 19. Anong magandang buhay ang inihula sa Isaias 65:21-25?
18 Kinasihan si propeta Isaias na sumulat tungkol sa buhay na tatamasahin ng bayan ng Diyos sa lupa. (Basahin ang Isaias 65:21-25.) Ang ilang puno na nabuhay noong isulat ni Isaias ang mga salitang iyon ay buháy pa rin ngayon kahit mga 2,700 taon na ang nakalilipas. Naiisip mo bang mabuhay nang gayon katagal na malakas at malusog?
19 Ang buhay natin ay hindi na magiging parang bula, na ngayo’y narito mayamaya’y wala. Hinding-hindi tayo mauubusan ng panahon sa pagtatayo, pagtatanim, at pag-aaral. Tiyak na marami tayong magiging kaibigan at makakasama natin sila magpakailanman. Talaga ngang matatamasa ng “mga anak ng Diyos” ang “maluwalhating kalayaan” sa lupa!—Roma 8:21.
[Talababa]
a Sinabi ni Augustine na ang Sanlibong Taóng Paghahari ng Kaharian ng Diyos ay hindi magaganap sa hinaharap kundi nagsimula nang maitatag ang simbahan.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano nakubli sa sangkatauhan ang pag-asang buhay sa lupa?
• Ano ang naunawaan ng ilang mambabasa ng Bibliya noong ika-17 siglo?
• Paano mas luminaw ang tunay na pag-asa ng sangkatauhan bago ang 1914?
• Paano nanagana ang kaalaman tungkol sa pag-asa sa lupa?
[Mga larawan sa pahina 13]
Alam ng makatang si John Milton (kaliwa) at ng matematikong si Isaac Newton (kanan) ang tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa
[Mga larawan sa pahina 15]
Naunawaan ng unang mga Estudyante ng Bibliya mula sa Kasulatan na panahon na para ipangaral sa buong daigdig ang tunay na pag-asa ng sangkatauhan