“Makipagpayapaan Kayo sa Lahat ng Tao”
“Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—ROMA 12:18.
1, 2. (a) Ano ang babala ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod? (b) Saan tayo makakakuha ng payo tungkol sa dapat nating gawin kapag sinasalansang?
NAGBABALA si Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sasalansangin sila ng mga bansa, at noong gabi bago siya mamatay, ipinaliwanag niya kung bakit. Sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—Juan 15:19.
2 Naranasan iyan ni apostol Pablo. Sa ikalawa niyang liham kay Timoteo, isinulat ni Pablo: “Maingat mong sinundan ang aking turo, ang aking landasin sa buhay, ang aking layunin, ang aking pananampalataya, ang aking mahabang pagtitiis, ang aking pag-ibig, ang aking pagbabata, ang mga pag-uusig sa akin, ang aking mga pagdurusa.” Sinabi pa ni Pablo: “Sa katunayan, lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Tim. 3:10-12) Sa kabanata 12 ng kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma, nagbigay si Pablo ng mahusay na payo tungkol sa dapat nilang gawin kapag sinasalansang. Ito ay makatutulong sa atin sa panahong ito ng kawakasan.
“Maglaan ng Mabubuting Bagay”
3, 4. Paano maikakapit ang Roma 12:17 (a) ng mga may kapamilyang di-Saksi? (b) sa ating pakikitungo sa mga kapitbahay?
3 Basahin ang Roma 12:17. Sinabi ni Pablo na kapag sinasalansang tayo, hindi tayo dapat gumanti. Napakahalagang sundin ang kaniyang payo lalo na ng mga may kapamilyang di-Saksi. Iniiwasan ng isang Kristiyano na magsalita nang masakit o gumawa nang hindi tama para makaganti sa kaniyang asawa. Wala tayong mapapala kung ‘gaganti tayo ng masama para sa masama.’ Palalalain lamang nito ang sitwasyon.
4 May mas magandang payo si Pablo: “Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao.” Sa loob ng tahanan, maiiwasan ang bangayan kung mabait pa rin ang asawang babae sa kaniyang asawa kahit na kung anu-ano ang sinasabi nito tungkol sa kaniyang mga paniniwala. (Kaw. 31:12) Ikinuwento ni Carlos, isang Bethelite, kung paano napagtagumpayan ng kaniyang ina ang matinding pagsalansang ng kaniyang ama. Sinabi niya na nanatiling mabait at maasikaso ang nanay niya. “Lagi niya kaming sinasabihang magkakapatid na maging magalang kay Itay. Pinipilit niya akong makipaglaro ng boules (bowling ng mga Pranses) kay Itay kahit hindi ko ito hilig. At gumaganda nga naman ang araw ni Itay.” Nang bandang huli, nag-aral ng Bibliya ang kaniyang ama at nabautismuhan. Sa labas naman ng tahanan, nakapaglalaan tayo ng “mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao” kapag tinutulungan natin ang ating mga kapitbahay sa panahon ng sakuna. Kadalasan nang nagiging mabait sila sa mga Saksi ni Jehova dahil dito.
“Maaapoy na Baga”—Tumutunaw sa Pagsalansang
5, 6. (a) Sa anong diwa ibinubunton ang “maaapoy na baga” sa ulo ng isang kaaway? (b) Maglahad ng karanasan sa inyong lugar na nagpapakitang maganda ang resulta kung ikakapit ang Roma 12:20.
5 Basahin ang Roma 12:20. Nang isulat ni Pablo ang mga salita sa talatang ito, malamang na nasa isip niya ang Kawikaan 25:21, 22: “Kung ang napopoot sa iyo ay nagugutom, bigyan mo siya ng tinapay na makakain; at kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom. Sapagkat mga baga ang itinutumpok mo sa kaniyang ulo, at si Jehova mismo ang gaganti sa iyo.” Batay sa Roma kabanata 12, maliwanag na hindi ibig sabihin ni Pablo na ang makasagisag na mga baga ay para parusahan o hiyain ang mananalansang. Sa halip, ang kawikaan—at ang katulad na mga salita ni Pablo sa mga taga-Roma—ay waring tumutukoy sa sinaunang paraan ng pagtunaw ng bakal mula sa batong mineral. Sinabi ng Ingles na iskolar na si Charles Bridges noong ika-19 na siglo: “[Ang napakatigas na bakal] ay hindi lamang inilalagay sa apoy, kundi binubuntunan pa ng maaapoy na baga. Gaanuman katigas ang puso, karaniwan nang matutunaw pa rin ito ng maningas, matiisin, at walang-pag-iimbot na pag-ibig.”
6 Gaya ng “maaapoy na baga,” ang pagpapakita ng kabaitan ay makapagpapalambot sa puso ng mga mananalansang at marahil ay makatutunaw, wika nga, sa kanilang galit. Kung mabait tayo sa mga tao, posibleng magbago ang saloobin nila sa bayan ni Jehova at sa mensahe ng Bibliya na ipinangangaral natin. Sumulat si apostol Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.”—1 Ped. 2:12.
“Makipagpayapaan Kayo sa Lahat ng Tao”
7. Ano ang kapayapaang iniiwan ni Kristo sa kaniyang mga alagad? Mapapakilos tayo nito na gawin ang ano?
7 Basahin ang Roma 12:18. Noong huling gabing kasama ni Jesus ang kaniyang mga apostol, sinabi niya: “Iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan, ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan.” (Juan 14:27) Ang kapayapaang iniiwan ni Kristo sa mga alagad niya ay ang kapanatagang nadarama nila dahil alam nilang iniibig sila at sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang mahal na Anak. Ang kapanatagang ito ay dapat magpakilos sa atin na maging mapagpayapa. Ang tunay na mga Kristiyano ay maibigin sa kapayapaan at mapagpayapa.—Mat. 5:9.
8. Paano tayo magiging mapagpayapa sa tahanan at sa kongregasyon?
8 Para maging mapagpayapa sa tahanan, dapat nating ayusin agad ang mga di-pagkakaunawaan sa halip na hayaang lumala ito. (Kaw. 15:18; Efe. 4:26) Totoo rin iyan sa kongregasyong Kristiyano. Ang pagtataguyod ng kapayapaan ay iniuugnay ni apostol Pedro sa pagpipigil ng dila. (1 Ped. 3:10, 11) Si Santiago rin, matapos magbigay ng mariing payo sa tamang paggamit ng dila at sa pangangailangang iwasan ang inggit at hilig na makipagtalo, ay sumulat: “Ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi, hindi mapagpaimbabaw. Bukod diyan, ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.”—Sant. 3:17, 18.
9. Bagaman nagsisikap tayong ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao,’ ano ang dapat nating tandaan?
9 Sa Roma 12:18, ipinakita ni Pablo na hindi lang sa tahanan at sa kongregasyon tayo dapat maging mapagpayapa. Sinabi niya na dapat tayong ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao.’ Kasali na rito ang ating mga kapitbahay, katrabaho, kaeskuwela, at mga nakakausap natin sa ministeryo. Pero sinabi rin ng apostol: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo.” Ibig sabihin, sisikapin nating ‘makipagpayapaan sa lahat’ pero hindi natin ikokompromiso ang matuwid na mga simulain ng Diyos.
Kay Jehova ang Paghihiganti
10, 11. Sa anong diwa ‘binibigyan natin ng dako ang poot’? Bakit ito angkop?
10 Basahin ang Roma 12:19. Kahit sa “mga hindi nakahilig” sa ating gawain at mensahe, kasali na ang mga tahasang sumasalansang, patuloy pa rin tayong ‘magpipigil sa ilalim ng kasamaan’ at makikitungo sa kanila “nang may kahinahunan.” (2 Tim. 2:23-25) Pinapayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag maghiganti kundi ‘bigyan ng dako ang poot.’ Kaninong poot? Hinding-hindi niya sasabihing dapat nating ilabas ang lahat ng ating galit. Maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang poot ng Diyos. Bilang mga Kristiyano, alam nating hindi tayo ang dapat maghiganti. Sumulat ang salmista: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” (Awit 37:8) Nagpayo rin si Solomon: “Huwag mong sabihin: ‘Gaganti ako ng kasamaan!’ Umasa ka kay Jehova, at ililigtas ka niya.”—Kaw. 20:22.
11 Talagang ang poot ni Jehova ang tinutukoy ni Pablo, dahil sinabi rin niya: “Nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Ihambing ang Deuteronomio 32:35.) Kapag sinaktan tayo ng mga mananalansang, ipaubaya na lang kay Jehova ang pagpaparusa kung dapat nga silang parusahan. Isang kapangahasan kung tayo mismo ang maghihiganti dahil para nating inaagawan ng papel si Jehova at ipinakikitang wala tayong tiwala sa pangako niya: “Ako ang gaganti.”
12. Kailan isisiwalat ang poot ni Jehova? Paano ito isisiwalat?
12 Sa unang bahagi ng kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinabi ni Pablo: “Ang poot ng Diyos ay isinisiwalat mula sa langit laban sa lahat ng pagka-di-makadiyos at kalikuan ng mga tao na sumasawata sa katotohanan sa likong paraan.” (Roma 1:18) Isisiwalat mula sa langit ang poot ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:14) Iyan ay “katunayan ng matuwid na paghatol ng Diyos,” gaya ng paliwanag ni Pablo sa isa pa niyang kinasihang liham: “Kaya naman matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian yaong mga pumipighati sa inyo, ngunit, sa inyo na dumaranas ng kapighatian ay ginhawa na kasama namin sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”—2 Tes. 1:5-8.
Daigin ng Mabuti ang Masama
13, 14. (a) Bakit hindi tayo nagtataka kapag sinasalansang tayo? (b) Paano natin pinagpapala ang mga nang-uusig sa atin?
13 Basahin ang Roma 12:14, 21. Palibhasa’y nakatitiyak tayong tutuparin ni Jehova ang mga layunin niya, natututukan natin nang husto ang gawaing ibinigay niya sa atin—ang pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian sa buong tinatahanang lupa.’ (Mat. 24:14) Alam nating ikagagalit ito ng ating mga kaaway, dahil nagbabala si Jesus: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mat. 24:9) Kaya naman hindi tayo nagtataka o pinanghihinaan ng loob kapag sinasalansang tayo. Sumulat si apostol Pedro: “Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa panununog sa gitna ninyo, na nangyayari sa inyo bilang isang pagsubok, na para bang isang kakaibang bagay ang nangyayari sa inyo. Sa halip, patuloy kayong magsaya yamang kayo ay mga kabahagi sa mga pagdurusa ng Kristo.”—1 Ped. 4:12, 13.
14 Sa halip na magtanim ng galit sa mga umuusig sa atin, pinapaliwanagan natin sila dahil ang ilan sa kanila ay nabubulagan lamang. (2 Cor. 4:4) Sinisikap nating sundin ang payo ni Pablo: “Patuloy na pagpalain yaong mga nang-uusig; kayo ay maging mapagpala at huwag manumpa.” (Roma 12:14) Paano natin ito magagawa? Puwede natin silang ipanalangin. Sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti yaong mga napopoot sa inyo, pagpalain yaong mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin yaong mga umiinsulto sa inyo.” (Luc. 6:27, 28) Alam ni apostol Pablo na ang isang mang-uusig ay posibleng maging tapat na alagad ni Kristo at masigasig na lingkod ni Jehova, dahil nangyari mismo iyon sa kaniya. (Gal. 1:13-16, 23) Sa isa pang liham, sinabi ni Pablo: “Kapag nilalait, kami ay nagpapala; kapag pinag-uusig, kami ay nagtitiis; kapag sinisiraang-puri, kami ay namamanhik.”—1 Cor. 4:12, 13.
15. Ano ang pinakamahusay na paraan para madaig ng mabuti ang masama?
15 Kaya naman sinusunod ng isang tunay na Kristiyano ang nasa huling talata ng Roma kabanata 12: “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” Si Satanas na Diyablo ang ugat ng lahat ng kasamaan. (Juan 8:44; 1 Juan 5:19) Sa pagsisiwalat na ibinigay kay apostol Juan, sinabi ni Jesus na si Satanas ay “dinaig [ng Kaniyang pinahirang mga kapatid] dahil sa dugo ng Kordero at dahil sa salita ng kanilang pagpapatotoo.” (Apoc. 12:11) Ipinakikita nito na ang pinakamahusay na paraan para madaig si Satanas at ang kaniyang masamang impluwensiya sa ngayon ay ang paggawa ng mabuti sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian.
Magsaya sa Pag-asa
16, 17. Ano ang itinuturo sa atin ng Roma kabanata 12 tungkol sa (a) kung paano natin gagamitin ang ating buhay? (b) kung paano tayo gagawi sa loob ng kongregasyon? (c) kung paano natin pakikitunguhan ang mga sumasalansang?
16 Marami tayong natutuhan sa maikling pagtalakay natin sa kabanata 12 ng liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma. Nakita natin na tayong nakaalay na mga lingkod ni Jehova ay dapat na handang magsakripisyo. Kusang-loob natin itong ginagawa dahil naudyukan tayo ng espiritu ng Diyos at ginamit natin ang ating kakayahan sa pangangatuwiran kung kaya nakumbinsi tayong ito ang kalooban ng Diyos. Maningas tayo sa espiritu at masigasig nating ginagamit ang ating iba’t ibang kaloob. Mapagpakumbaba tayong naglilingkod at ginagawa natin ang ating buong-makakaya para mapanatili ang pagkakaisang Kristiyano. Sinusundan natin ang landasin ng pagkamapagpatuloy at nagpapakita tayo ng empatiya.
17 May mga payo rin sa Roma kabanata 12 tungkol sa dapat nating gawin kapag sinasalansang tayo. Imbes na gumanti, dapat tayong magpakita ng kabaitan. Hangga’t maaari, kung wala namang nilalabag na simulain sa Bibliya, dapat tayong makipagpayapaan sa lahat ng tao—sa kapamilya, kakongregasyon, kapitbahay, katrabaho, kaeskuwela, at sa mga nakakausap natin sa ministeryo. Kahit matindi ang pagsalansang, sinisikap pa rin nating daigin ng mabuti ang masama dahil alam nating kay Jehova ang paghihiganti.
18. Anong tatlong payo ang binabanggit sa Roma 12:12?
18 Basahin ang Roma 12:12. Bukod sa mahusay at praktikal na mga payong ito, may tatlo pang binanggit si Pablo. Yamang hindi natin magagawa ang lahat ng ito kung wala ang tulong ni Jehova, pinapayuhan tayo ng apostol na ‘magmatiyaga sa pananalangin.’ Makakatulong ito para masunod natin ang isa pa niyang payo na ‘magbata sa ilalim ng kapighatian.’ Pinakahuli, kailangan nating ituon ang ating isip sa mga pangako ni Jehova at ‘magsaya sa pag-asa’ na mabuhay magpakailanman, sa langit man o sa lupa.
Bilang Repaso
• Ano ang dapat nating gawin kapag sinasalansang tayo?
• Kani-kanino tayo dapat maging mapagpayapa, at paano?
• Bakit hindi tayo dapat maghiganti?
[Larawan sa pahina 8]
Maaaring maging mabait sa mga Saksi ang ating mga kapitbahay kapag tinutulungan natin sila
[Larawan sa pahina 9]
Sinisikap mo bang maging mapagpayapa sa loob ng kongregasyon?