Paglakad na may Karunungan sa Pakikitungo sa mga Nasa Sanlibutan
“Patuloy na lumakad nang may karunungan sa mga nasa labas.”—COLOSAS 4:5.
1. Sa ano napaharap ang sinaunang mga Kristiyano, at anong payo ang ibinigay ni Pablo sa kongregasyon sa Colosas?
ANG sinaunang mga Kristiyano na namumuhay sa mga lunsod ng sanlibutang Romano ay patuloy na napapaharap sa idolatriya, imoral na paghahangad ng kalayawan, at paganong mga rituwal at mga kaugalian. Ang mga nanirahan sa Colosas, isang lunsod sa kanlurang-gitnang Asia Minor, ay walang alinlangan na napaharap sa pagsamba sa inang-diyosa at sa espiritismo ng katutubong mga taga-Phrygia, sa paganong pilosopiya ng mga mamamayang Griego, at sa Judaismo ng kolonyang Judio. Nagpayo si apostol Pablo sa mga Kristiyano na sila’y “patuloy na lumakad nang may karunungan” sa gayong “mga nasa labas.”—Colosas 4:5.
2. Bakit kailangan ngayon ng mga Saksi ni Jehova na lumakad nang may karunungan sa pakikitungo sa mga nasa labas?
2 Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay napapaharap din sa nakakatulad na maling mga kaugalian, at higit pa. Samakatuwid, sila man ay kailangang gumamit ng karunungan sa kanilang kaugnayan sa mga nasa labas ng kongregasyon ng tunay na mga Kristiyano. Marami sa mga relihiyoso at makapulitikang mga organisasyon pati na rin yaong nasa media ay salungat sa kanila. Ang ilan sa mga mananalansang na ito, sa pamamagitan man ng tuwirang pag-atake o, kadalasan, sa pamamagitan ng parunggit, ay nagsisikap dungisan ang mabuting pangalan ng mga Saksi ni Jehova at nagsusulsol upang magkaroon ng mga maling akala tungkol sa kanila. Kung papaanong ang sinaunang mga Kristiyano ay maling itinuring na isang panatiko at mapanganib pa nga na “sekta,” ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay kadalasan tampulan ng maling akala at pagkakilala.—Gawa 24:14; 1 Pedro 4:4.
Pananaig sa Maling Akala
3, 4. (a) Bakit ang tunay na mga Kristiyano ay hindi iibigin ng sanlibutan, subalit ano ang dapat nating sikaping gawin? (b) Ano ang isinulat ng isang awtor tungkol sa mga Saksi ni Jehova na nakulong sa isang Nazi concentration camp?
3 Hindi umaasa ang tunay na mga Kristiyano na sila’y iibigin ng sanlibutan, na ayon kay apostol Juan, “ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Gayunpaman, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na sikaping madala ang mga tao sa panig ni Jehova at sa kaniyang dalisay na pagsamba. Ito’y ginagawa natin sa pamamagitan ng tuwirang pagpapatotoo at gayundin ng ating mabuting paggawi. Si apostol Pedro ay sumulat: “Ingatan ninyong mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na kanilang ipinaninira sa inyo na parang kayo’y mga manggagawa ng masama, dahilan sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat.”—1 Pedro 2:12.
4 Sa kaniyang aklat na Forgive—But Do Not Forget, ang awtor na si Sylvia Salvesen ay nagsabi tungkol sa mga babaing Saksi na kaniyang nakasama sa isang Nazi concentration camp: “Ang dalawang iyon, sina Käthe at Margarethe, at marami pang iba, ay may malaking naitulong sa akin, hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kundi sa praktikal na mga bagay-bagay. Kanilang ikinuha kami ng unang malinis na basahan para sa aming mga sugat . . . Sa maikli kami’y nasa gitna ng mga taong may mabuting hangarin sa amin, at nagpakita ng kanilang pagkapalakaibigan sa pamamagitan ng kanilang mga kilos.” Anong inam na patotoo buhat sa “mga nasa labas”!
5, 6. (a) Anong gawain ang isinasagawa ni Kristo sa kasalukuyan, at ano ang hindi natin dapat kalimutan? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga tao ng sanlibutan, at bakit?
5 Malaki ang magagawa natin upang alisin ang maling akala sa pamamagitan ng matalinong paraan ng ating pakikitungo sa mga nasa labas. Totoo, nabubuhay tayo sa panahon na ang ating nagpupunong Hari, si Kristo Jesus, ay nagbubukud-bukod sa mga tao ng mga bansa, “gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.” (Mateo 25:32) Subalit huwag kalimutan na si Kristo ang Hukom; siya ang nagpapasiya kung sino “ang mga tupa” at sino “ang mga kambing.”—Juan 5:22.
6 Ito’y dapat makaapekto sa ating saloobin sa mga hindi bahagi ng organisasyon ni Jehova. Baka isipin natin na sila’y mga taong makasanlibutan, subalit sila’y isang bahagi ng sanlibutan ng sangkatauhan na “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos . . . anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Mas magaling pa na ituring ang mga tao na posibleng maging mga tupa kaysa pangahas na hatulan sila na mga kambing. Ang ilan na dating mararahas na mananalansang sa katotohanan ay nag-alay na mga Saksi na ngayon. At marami sa mga ito ang naakit muna sa pamamagitan ng mga gawang kabaitan, bago sila tumugon sa anumang tuwirang pagpapatotoo. Halimbawa, tingnan ang larawan sa pahina 18.
Masigasig, Hindi Mapusok
7. Anong pagtuligsa ang ginawa ng papa, subalit ano ang maaari nating itanong?
7 Tinuligsa ni Papa Juan Paulo II ang mga sekta sa pangkalahatan, at lalo na ang mga Saksi ni Jehova, nang kaniyang sabihin: “Ang halos mapusok na sigasig na taglay ng ilan sa paghanap ng mga bagong miyembro, sa pagbabahay-bahay, o pagpapahinto sa mga dumaraan sa mga kanto, ay isang makasektang panghuhuwad ng apostoliko at misyonerong kasigasigan.” Maaaring itanong, Kung ang sa amin ay isang “panghuhuwad ng apostoliko at misyonerong kasigasigan,” saan matatagpuan ang tunay na sigasig sa pag-eebanghelyo? Tunay na hindi sa mga Katoliko ni, kung tungkol sa bagay na iyan, sa mga Protestante o mga miyembro ng tatag (Orthodox) na mga relihiyon.
8. Papaano natin dapat isagawa ang ating pagpapatotoo sa bahay-bahay, na umaasang ano ang magiging resulta?
8 Gayunpaman, upang mapabulaanan ang anumang bintang ng pagkamapusok sa ating pagpapatotoo, tayo’y dapat laging mabait, magalang, at mapitagan pagka lumalapit tayo sa mga tao. Ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang mabuting asal ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.” (Santiago 3:13) Pinapayuhan tayo ni apostol Pablo na “huwag maging palaaway.” (Tito 3:2) Halimbawa, sa halip na tuwirang hatulan ang mga paniniwala ng isang tao na binibigyan natin ng patotoo, bakit hindi magpakita ng taimtim na interes sa kaniyang mga opinyon? Pagkatapos ay sabihin sa tao ang mabuting balita na nasa Bibliya. Sa pamamagitan ng isang positibong paglapit at pagpapakita ng kaukulang paggalang sa mga tao na may naiibang paniniwala, tinutulungan natin sila na magkaroon ng isang lalong mabuting saloobin ng isip upang makinig, at marahil makilala nila ang kahalagahan ng mensahe ng Bibliya. Baka ang maging resulta ay na ‘luluwalhatiin ng iba ang Diyos.’—1 Pedro 2:12.
9. Papaano natin maikakapit ang payo na ibinigay ni Pablo (a) sa Colosas 4:5? (b) sa Colosas 4:6?
9 Si apostol Pablo ay nagpayo: “Patuloy na lumakad nang may karunungan sa mga nasa labas, na inyong samantalahin ang panahon para sa inyong mga sarili.” (Colosas 4:5) Sa pagpapaliwanag sa huling pananalitang ito, si J. B. Lightfoot ay sumulat: “Huwag palampasin ang isang pagkakataon, ng pagsasalita at paggawa ng anumang makapagpapalawak ng kapakanan ng Diyos.” (Amin ang italiko.) Oo, kailangan tayong handa sa pagsasalita at paggawa sa nararapat na panahon. Kasali rin sa gayong karunungan ang pagpili ng isang angkop na panahon sa maghapon upang gumawa ng mga pagdalaw. Kung tanggihan ang ating mensahe, iyon ba ay dahilan sa hindi iyon pinahahalagahan ng mga tao, o iyon ba ay dahilan sa dumalaw tayo sa oras na malamang na hindi angkop? Sumulat din si Pablo: “Ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw, timplado ng asin, upang maalaman kung paano dapat ninyong sagutin ang bawat isa.” (Colosas 4:6) Ito’y nangangailangan ng paghahanda at tunay na pag-ibig sa kapuwa. Lagi nating iharap ang pabalita ng Kaharian sa magiliw na paraan.
Magalang at “Handa Para sa Bawat Mabuting Gawa”
10. (a) Anong payo ang ibinigay ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na naninirahan sa Creta? (b) Papaano naging uliran ang mga Saksi ni Jehova sa pagsunod sa payo ni Pablo?
10 Hindi natin maaaring ikompromiso ang mga simulain ng Bibliya. Sa kabilang panig, hindi naman kailangan na makipagtalo tayo tungkol sa mga tanong na hindi kinasasangkutan ng katapatang Kristiyano. Si apostol Pablo ay sumulat: “Patuloy na paalalahanan mo sila [ang mga Kristiyano sa Creta] na pasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga maykapangyarihan na mga pinunò, na humanda sa bawat gawang mabuti, na huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman, na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran, at magpakahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.” (Tito 3:1, 2) Ang iskolar ng Bibliya na si E. F. Scott ay sumulat tungkol sa talatang ito: “Ang mga Kristiyano ay hindi lamang kailangang sumunod sa mga maykapangyarihan, kundi sila’y kailangang maging handa para sa anumang gawang mabuti. Ito . . . ay nangangahulugan na, kung hinihingi ng pagkakataon, ang mga Kristiyano ay dapat kabilang sa mga pangunahing magpapakita ng espiritu ng pangmadlang pakikiramay. Patuloy na magkakaroon ng mga sunog, salot, sari-saring kalamidad, anupat lahat ng mabubuting mamamayan ay maghahangad na tumulong sa kanilang kapuwa.” Sa buong daigdig ay maraming dumarating na kasakunaan at ang mga Saksi ni Jehova ang kabilang sa unang tumutulong. Nakatulong sila hindi lamang sa kanilang mga kapatid kundi pati na rin sa mga tagalabas.
11, 12. (a) Papaano dapat kumilos ang mga Kristiyano sa pakikitungo sa mga maykapangyarihan? (b) Ano ang kasali sa pagpapasakop sa mga maykapangyarihan kung tungkol sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall?
11 Ang talata ring ito buhat sa liham ni Pablo kay Tito ang nagdiriin din ng kahalagahan ng pagkakaroon ng isang magalang na saloobin sa pakikitungo sa mga maykapangyarihan. Ang kabataang mga Kristiyano na humaharap sa mga hukom dahilan sa kanilang paninindigan bilang mga walang pinapanigan ay dapat maging lalo nang palaisip na lumakad sa karunungan sa pakikitungo sa mga nasa labas. Malaki ang magagawa nila upang mapasulong o mapinsala ang mabuting pangalan ng mga lingkod ni Jehova dahil sa kanilang hitsura, sa kanilang paggawi, at sa paraan ng pagsasalita nila sa gayong mga maykapangyarihan. Dapat nilang “igalang . . . ang humihingi ng gayong paggalang,” at gawin ang kanilang pagtatanggol taglay ang matinding paggalang.—Roma 13:1-7; 1 Pedro 2:17; 3:15.
12 Kasali sa mga “maykapangyarihan” ang lokal na mga opisyal ng pamahalaan. Ngayon na parami nang parami ang itinatayong mga Kingdom Hall, hindi maiiwasan ang pakikitungo sa lokal na mga awtoridad. Kadalasan, ang matatanda ay napapaharap sa maling akala. Subalit natuklasan na pagka ang mga kinatawan ng kongregasyon ay nakapagtatag ng mabuting kaugnayan sa mga awtoridad at nakipagtulungan sa pambayang komisyon sa pagpaplano, ang maling akalang ito ay maaaring mapagtagumpayan. Malimit na isang mainam na patotoo ang naibibigay sa mga tao na dati ay bahagya o walang alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mensahe.
‘Kung Maaari, Makipagpayapaan sa Lahat’
13, 14. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, at papaano natin maikakapit iyon sa ating kaugnayan sa mga nasa labas?
13 Ganito ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano na namumuhay sa paganong Roma: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harap ng lahat ng tao. Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ Kaya, ‘kung nagugutom ang iyong kaaway, pakanin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay mga baga ng apoy ang ibinubunton mo sa kaniyang ulo.’ Huwag kayong padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ninyo ng mabuti ang masama.”—Roma 12:17-21.
14 Sa ating pakikipag-ugnayan sa mga nasa labas, tayo bilang tunay na mga Kristiyano ay hindi makaiiwas sa mga mananalansang. Sa mga talata sa itaas, ipinakikita ni Pablo na ang landas ng karunungan ay ang sikaping madaig ang pananalansang sa pamamagitan ng pagkilos nang may kabaitan. Tulad ng nag-aapoy na mga baga, ang ganitong mga gawang kabaitan ay maaaring pumawi ng galit at mahikayat ang mananalansang na makitungo nang may kaunting kabaitan sa mga lingkod ni Jehova, maaari pa ngang mapukaw ang kaniyang interes sa mabuting balita. Pagka ganito ang nangyari, ang masama ay nadaraig ng mabuti.
15. Kailan lalo nang dapat maingat na lumakad ang mga Kristiyano nang may karunungan sa mga nasa labas?
15 Ang paglakad nang may karunungan sa mga nasa labas ay lalo nang mahalaga sa mga tahanan na kung saan ang isa sa mag-asawa ay hindi pa tumatanggap sa katotohanan. Ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay nagbubunga ng lalong mabubuting asawang lalaki, lalong mabubuting asawang babae, lalong mabubuting ama, lalong mabubuting ina, at mga anak na lalong masunurin at nag-aaral nang lalong puspusan sa paaralan. Dapat mapansin ng isang di-kapananampalataya ang mainam na epekto ng mga simulain ng Bibliya sa isang sumasampalataya. Sa gayon, ang ilan ay maaaring “mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali” ng naaalay na mga miyembro ng pamilya.—1 Pedro 3:1, 2.
‘Ginagawan ng Mabuti ang Lahat’
16, 17. (a) Sa anong mga hain lubhang nalulugod ang Diyos? (b) Papaano tayo dapat ‘gumawa ng mabuti’ sa ating mga kapatid at gayundin sa mga nasa labas?
16 Ang pinakadakilang kabutihan na magagawa natin sa ating kapuwa ay ang dalhan siya ng pabalita ng buhay at turuan siya ng tungkol sa pagsasauli sa mabuting kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Roma 5:8-11) Kaya sinasabi sa atin ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan niya [ni Kristo] tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Isinusog pa ni Pablo: “Isa pa, huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugud-na-lugod ang Diyos sa gayong mga hain.” (Hebreo 13:16) Bukod sa ating pagpapatotoo sa madla, huwag nating kalilimutan “ang paggawa ng mabuti.” Ito’y isang mahalagang bahagi ng mga hain na lubhang kinalulugdan ng Diyos.
17 Likas naman, gumagawa tayo ng mabuti sa ating espirituwal na mga kapatid, na maaaring nasa emosyonal, espirituwal, pisikal, o materyal na pangangailangan. Ipinahiwatig ito ni Pablo nang kaniyang isulat: “Habang tayo’y may pagkakataon, magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na sa mga kapananampalataya natin.” (Galacia 6:10; Santiago 2:15, 16) Gayunman, hindi natin dapat kalimutan ang mga salitang, “Magsigawa tayo ng mabuti sa lahat.” Ang isang gawang kabaitan sa isang kamag-anak, sa isang kapitbahay, o sa isang kasama sa trabaho ay may malaking magagawa upang mapawi ang maling akala laban sa atin at buksan ang puso ng taong iyon upang tumanggap sa katotohanan.
18. (a) Anong mga panganib ang dapat nating iwasan? (b) Papaano natin magagamit ang ating kabutihang Kristiyano bilang alalay sa ating pangmadlang pagpapatotoo?
18 Upang magawa ito, hindi na tayo kailangang maging matatalik na kaibigan ng mga nasa labas. Ang ganiyang mga pakikipagsamahan ay nagdudulot ng panganib. (1 Corinto 15:33) At wala namang hangarin na makipagkaibigan sa sanlibutan. (Santiago 4:4) Subalit ang ating kabutihang Kristiyano ay maaaring umalalay sa ating pangangaral. Sa ilang lupain ay patuloy na nagiging mahirap kausapin ang mga tao sa kanilang mga tahanan. Ang ilang gusaling apartment ay protektado ng mga kagamitan at pamamaraan na humahadlang upang makausap natin ang mga maybahay. Sa maunlad na mga bansa ang telepono ay nagagamit na isang paraan para sa pangangaral. Sa karamihan ng bansa ay maaaring magsagawa ng pagpapatotoo sa lansangan. Gayunman, sa lahat ng bansa, ang pagiging palakaibigan, magalang, mabait, at matulungin ay nagbubukas ng pagkakataon upang mapawi ang maling akala at makapagbigay ng isang mainam na patotoo.
Pagpapatahimik sa mga Mananalansang
19. (a) Yamang ang ating layunin ay hindi ang makalugod sa mga tao, ano ang ating maaasahan? (b) Papaano nga natin dapat pagsikapang tularan ang halimbawa ni Daniel at ikapit ang payo ni Pedro?
19 Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mga tagapagpalugod sa mga tao ni mga natatakot sa mga tao. (Kawikaan 29:25; Efeso 6:6) Lubusang natatanto nila na sa kabila ng lahat ng kanilang pagsisikap na maging ulirang mga tagapagbayad ng buwis at mabubuting mamamayan, ang mga mananalansang ay magkakalat ng malisyosong mga kasinungalingan at magsasalita nang may paghamak tungkol sa kanila. (1 Pedro 3:16) Sa pagkaalam nito, sinisikap nila na tularan si Daniel, na tungkol sa kaniya ay sinabi ng mga kaaway: “Hindi tayo makasusumpong ng anumang maisusumbong laban sa Daniel na ito, liban sa tayo’y makasumpong laban sa kaniya ng tungkol sa kautusan ng kaniyang Diyos.” (Daniel 6:5) Hindi natin kailanman ikukompromiso ang mga simulain ng Bibliya upang makalugod sa mga tao. Sa kabilang panig, hindi tayo nagsisikap na maging mga martir. Pinagsusumikapan natin na mamuhay nang mapayapa at masunod ang payo ng apostol: “Sapagkat siyang kalooban ng Diyos, na sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong walang katuwiran.”—1 Pedro 2:15.
20. (a) Tayo’y kumbinsido sa ano, at anong pampatibay-loob ang ibinigay sa atin ni Jesus? (b) Papaano tayo makapagpapatuloy ng paglakad nang may karunungan sa mga nasa labas?
20 Tayo ay kumbinsido na ang ating paninindigan sa pagiging hiwalay sa sanlibutan ay lubusang naaayon sa Bibliya. Ito’y sinusuhayan ng kasaysayan ng mga Kristiyano noong unang siglo. Pinatitibay ang ating loob ng mga salita ni Jesus: “Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Hindi tayo natatakot. “Oo, sino ang taong sa inyo’y pipinsala kung kayo’y masigasig sa mabuti? Datapuwat kahit kung magbata kayo dahil sa katuwiran, kayo’y maligaya. Gayunman, ang kanilang kinatatakutan ay huwag ninyong katakutan, ni huwag kayong magulumihanan. Kundi pakabanalin ninyo ang Kristo na Panginoon sa inyong puso, na lagi kayong handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, ngunit ginagawa iyon nang may kahinahunan at taimtim na paggalang.” (1 Pedro 3:13-15) Samantalang kumikilos sa ganitong paraan, tayo’y magpapatuloy na lumakad nang may karunungan sa mga nasa labas.
Bilang Repaso
◻ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang lumakad nang may karunungan sa pakikitungo sa mga nasa labas?
◻ Bakit ang tunay na mga Kristiyano ay hindi kailanman makaaasang sila’y iibigin ng sanlibutan, ngunit ano ang dapat nilang sikaping gawin?
◻ Ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga tao ng sanlibutan, at bakit?
◻ Papaano tayo ‘gagawa ng mabuti’ hindi lamang sa ating mga kapatid kundi pati sa mga nasa labas?
◻ Papaano ang ating paglakad na may karunungan sa mga tagalabas ay tutulong sa atin sa ating pangmadlang pagpapatotoo?
[Larawan sa pahina 18]
Sa kaliwa: Ang tunay na mga Kristiyano sa Pransya na tumutulong sa kanilang kapuwa pagkatapos ng isang baha
[Larawan sa pahina 20]
Ang mga gawang kabaitan ng Kristiyano ay malaki ang magagawa upang pawiin ang maling akala
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga Kristiyano ay dapat “humanda sa bawat gawang mabuti”