Bautismo sa Pangalan Nino at ng Ano?
“Humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.”—MAT. 28:19.
1, 2. (a) Ano ang nangyari sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E.? (b) Bakit napakaraming nagpabautismo?
DUMAGSA sa Jerusalem ang mga tao mula sa iba’t ibang lupain. Araw noon ng Pentecostes 33 C.E. Isang mahalagang kapistahan ang kasalukuyang nagaganap. Pero isang kakaibang bagay ang nangyari, at pagkatapos nito, nagbigay si apostol Pedro ng nakaaantig na pahayag na nagkaroon ng napakagandang resulta. Mga 3,000 Judio at proselita ang napakilos ng kaniyang mga sinabi, nagsisi, at nagpabautismo. Naging bahagi sila ng bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. (Gawa 2:41) Tiyak na pinagkaguluhan ang pagbabautismong ito na ginanap sa mga tipunang-tubig sa palibot ng Jerusalem!
2 Bakit kaya napakaraming nagpabautismo? Maaga pa bago nito, “dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis.” Sa isang silid sa itaas ng bahay, mga 120 alagad ni Jesus ang napuspos ng banal na espiritu. Pagkatapos nito, nagtipun-tipon ang mapagpitagang mga lalaki at babae at hindi makapaniwalang ‘nakapagsasalita ng iba’t ibang wika’ ang mga alagad na ito. Nang marinig ang pahayag ni Pedro, pati na ang kaniyang tuwirang komento tungkol sa pagpatay kay Jesus, ‘nasugatan ang puso’ ng marami. Ano kaya ang dapat nilang gawin? Sinabi ni Pedro: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo . . . , at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.”—Gawa 2:1-4, 36-38.
3. Ano ang dapat gawin ng nagsisising mga Judio at proselita noong araw ng Pentecostes?
3 Isaalang-alang natin ang kalagayan ng mga Judio at proselitang nakarinig kay Pedro. Tinanggap na nila si Jehova bilang kanilang Diyos. At mula sa Hebreong Kasulatan, alam nila ang tungkol sa banal na espiritu, ang aktibong puwersa ng Diyos na ginamit sa panahon ng paglalang at pagkatapos nito. (Gen. 1:2; Huk. 14:5, 6; 1 Sam. 10:6; Awit 33:6) Pero hindi pa ito sapat. Napakahalagang maunawaan nila at tanggapin ang ginawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas na si Jesus. Kaya idiniin ni Pedro na kailangan silang ‘mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Kristo.’ Ilang araw bago nito, ang binuhay-muling si Jesus ay nag-utos kay Pedro at sa iba pa na bautismuhan ang mga tao “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mat. 28:19, 20) Ito ay may pantanging kahulugan noong unang siglo at hanggang sa ngayon. Tingnan natin.
Sa Pangalan ng Ama
4. Anong pagbabago ang naganap may kinalaman sa kaugnayan ng tao kay Jehova?
4 Gaya ng nabanggit na, ang mga tumugon sa pahayag ni Pedro ay sumasamba kay Jehova at mayroon nang kaugnayan sa Kaniya noon pa man. Sinisikap nilang masunod ang kaniyang Kautusan, na siyang dahilan kung bakit nagpunta sa Jerusalem ang mga tagaibang lupain. (Gawa 2:5-11) Pero gumawa ang Diyos ng malaking pagbabago sa kaniyang pakikitungo sa mga tao. Itinakwil na niya ang mga Judio bilang kaniyang pantanging bayan; hindi na ang pagsunod sa Kautusan ang paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. (Mat. 21:43; Col. 2:14) Kung gusto ng mga tagapakinig na iyon na magpatuloy ang kanilang kaugnayan kay Jehova, may ibang bagay silang kailangang gawin.
5, 6. Ano ang ginawa ng unang-siglong mga Judio at proselita para magkaroon ng kaugnayan sa Diyos?
5 Siyempre pa, hindi sila dapat lumayo kay Jehova, ang kanilang Tagapagbigay-Buhay. (Gawa 4:24) Mas naging maliwanag ngayon sa mga tumugon sa paliwanag ni Pedro na si Jehova ay isang mabait na Ama. Isinugo niya ang Mesiyas para iligtas sila, at handa niyang patawarin maging ang mga sinabihan ni Pedro: “Alamin nga nang may katiyakan ng buong sambahayan ng Israel na ginawa siya ng Diyos bilang kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ibinayubay.” Sa katunayan, ang mga sumunod sa sinabi ni Pedro ay may mas matibay na dahilan ngayon para pasalamatan ang Ama sa mga ginawa niya alang-alang sa lahat ng gustong magkaroon ng kaugnayan sa Kaniya!—Basahin ang Gawa 2:30-36.
6 Oo, naunawaan ng mga Judio at proselita na para magkaroon ng kaugnayan kay Jehova, kailangan nilang kilalanin siya bilang Tagapaglaan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus. Kaya naunawaan mo rin ngayon kung bakit sila nagsisi sa kanilang mga kasalanan, pati na sa pagkakaroon ng bahagi, alam man nila ito o hindi, sa pagpatay kay Jesus. Makatuwiran din na nang sumunod na mga araw, “patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol.” (Gawa 2:42) Maaari silang “lumapit . . . nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan,” at gusto naman nilang gawin ito.—Heb. 4:16.
7. Paano nagbago sa ngayon ang pananaw ng marami tungkol sa Diyos at sa gayo’y nabautismuhan sa pangalan ng Ama?
7 Sa ngayon, milyun-milyong tao mula sa iba’t ibang bansa ang natuto ng katotohanan tungkol kay Jehova sa tulong ng Bibliya. (Isa. 2:2, 3) Ang ilan ay mga ateista o deista,a pero nakumbinsi silang umiiral ang isang Maylalang at na maaari silang magkaroon ng mahalagang kaugnayan sa kaniya. Ang iba naman ay dating sumasamba sa isang diyos na may tatlong persona o sa iba’t ibang idolo. Natutuhan nila na si Jehova lang ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, at ngayo’y tinatawag na nila siya sa kaniyang personal na pangalan. Tama naman iyan, yamang sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay dapat bautismuhan sa pangalan ng Ama.
8. Sa mga walang ideya sa minanang kasalanan, ano ang dapat nilang maunawaan tungkol sa Ama?
8 Natutuhan din nila na nagmana sila ng kasalanan kay Adan. (Roma 5:12) Isa itong bagong katotohanan sa kanila na kailangan nilang tanggapin. Maaari silang ihalintulad sa isang lalaking may sakit pero hindi niya ito alam. Posibleng may nararamdaman siyang ilang sintomas, gaya ng pasumpung-sumpong na kirot. Pero dahil hindi pa siya nasusuri ng doktor, baka isipin niyang malusog naman siya. (Ihambing ang 1 Corinto 4:4.) Paano kung nasuri na ang sakit niya? Hindi ba’t isang katalinuhan na humanap at tumanggap ng isang kilalá, subók, at mabisang gamot? Sa katulad na paraan, matapos matutuhan ang katotohanan tungkol sa minanang kasalanan, marami ang tumanggap sa “pagsusuri” ng Bibliya at nakaunawang naglalaan ang Diyos ng “gamot.” Oo, ang lahat ng hiwalay sa Ama ay kailangang lumapit sa Isa na makapagbibigay sa kanila ng “gamot.”—Efe. 4:17-19.
9. Ano ang ginawa ni Jehova para magkaroon tayo ng kaugnayan sa kaniya?
9 Kung nag-alay ka na ng iyong buhay sa Diyos na Jehova at nabautismuhan, alam mong napakasarap magkaroon ng kaugnayan sa kaniya. Nauunawaan mo na ngayon kung gaano ka kamahal ng iyong Ama, si Jehova. (Basahin ang Roma 5:8.) Kahit na nagkasala sa kaniya sina Adan at Eva, siya pa rin ang gumawa ng paraan para ang kanilang mga inapo—kasama na tayo—ay magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya. Para magawa ito, kinailangan niyang magtiis habang pinagmamasdan ang pagdurusa at pagkamatay ng kaniyang minamahal na Anak. Hindi ba’t nauudyukan tayo nito na kilalanin ang kaniyang awtoridad at sundin ang kaniyang mga utos nang may pag-ibig? Talagang maraming dahilan para ialay ang iyong sarili sa Diyos at magpabautismo.
Sa Pangalan ng Anak
10, 11. (a) Gaano kalaki ang utang na loob mo kay Jesus? (b) Ano ang nadarama mo sa pagkamatay ni Jesus bilang pantubos?
10 Gayunman, pag-isipang muli ang sinabi ni Pedro sa mga tao. Idiniin niya ang pagtanggap kay Jesus, na tuwirang nauugnay sa pagpapabautismo “sa pangalan . . . ng Anak.” Napakahalaga nito noon at napakahalaga pa rin sa ngayon. Bakit? Dahil ang pagtanggap kay Jesus at ang pagpapabautismo sa kaniyang pangalan ay nangangahulugang kinikilala natin ang kaniyang papel sa ating kaugnayan sa Maylalang. Si Jesus ay kinailangang ibayubay sa pahirapang tulos para alisin sa mga Judio ang sumpa ng Kautusan; pero may mas mahalaga pang kapakinabangan ang kaniyang kamatayan. (Gal. 3:13) Inilaan niya ang haing pantubos na kailangan ng buong sangkatauhan. (Efe. 2:15, 16; Col. 1:20; 1 Juan 2:1, 2) Sa paggawa nito, dumanas si Jesus ng kawalang-katarungan, panunuya, pagpapahirap, at kamatayan. Gaano kahalaga sa iyo ang kaniyang hain? Ipagpalagay nang isa kang 12-anyos na batang lalaking nakasakay sa barkong Titanic, na sumalpok sa iceberg at lumubog noong 1912. Tatalon ka na sana sa lifeboat, pero punô na ito. Nang makita ka ng isang lalaking nasa lifeboat, hinalikan niya ang kaniyang asawa, bumalik sa barko, at isinakay ka sa lifeboat. Ano ang madarama mo? Siguradong hindi matapus-tapos ang pasasalamat mo sa kaniya! Damang-dama mo ang naramdaman ng batang lalaking nakaranas mismo nito.b Pero higit pa rito ang ginawa ni Jesus para sa iyo. Namatay siya para magkaroon ka ng walang-hanggang buhay.
11 Ano ang nadama mo matapos malaman ang ginawa ng Anak ng Diyos para sa iyo? (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15.) Malamang na gayon na lamang ang pasasalamat mo. Ito ang nagtulak sa iyo na ialay ang iyong buhay sa Diyos at ‘huwag nang mabuhay pa para sa iyong sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa iyo.’ Ang pagpapabautismo sa pangalan ng Anak ay nangangahulugang pinahahalagahan mo ang ginawa ni Jesus para sa iyo at tinatanggap mo ang kaniyang awtoridad bilang “Punong Ahente ng buhay.” (Gawa 3:15; 5:31) Dati’y wala kang kaugnayan sa Maylalang. Sa katunayan, wala kang tunay na pag-asa. Pero dahil nanampalataya ka sa itinigis na dugo ni Jesu-Kristo at nagpabautismo, nagkaroon ka na ngayon ng kaugnayan sa Ama. (Efe. 2:12, 13) “Kayo . . . na mga dating hiwalay at mga kaaway sa dahilang ang inyong mga pag-iisip ay nasa mga gawang balakyot,” ang isinulat ni apostol Pablo, “ay muli . . . ngayong ipinakipagkasundo [ng Diyos] sa pamamagitan ng katawang laman [ni Jesus] sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, upang kayo ay iharap na banal at walang dungis.”—Col. 1:21, 22.
12, 13. (a) Yamang nabautismuhan ka sa pangalan ng Anak, ano ang gagawin mo kung may nakasakit ng iyong damdamin? (b) Ano ang obligasyon mo bilang isang Kristiyanong nabautismuhan sa pangalan ni Jesus?
12 Bagaman nabautismuhan ka sa pangalan ng Anak, alam na alam mong may tendensiya ka pa ring magkasala. Ang pagkaalam sa bagay na ito ay nakakatulong sa iyo araw-araw. Halimbawa, kung may nakasakit ng iyong damdamin, naiisip mo bang pareho naman kayong nagkakasala? Pareho kayong nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos, kaya dapat na pareho kayong maging mapagpatawad. (Mar. 11:25) Para idiin ito, nagbigay si Jesus ng isang ilustrasyon: Hindi na pinabayaran ng isang panginoon ang sampung libong talento (60 milyong denario) na utang ng kaniyang alipin. Nang maglaon, pilit namang sinisingil ng aliping iyon ang 100 denariong utang ng kaniyang kapuwa alipin. Saka binanggit ni Jesus ang puntong ito: Hindi patatawarin ni Jehova ang isa na hindi nagpapatawad sa kaniyang kapatid. (Mat. 18:23-35) Oo, ang pagpapabautismo sa pangalan ng Anak ay nangangahulugan ng pagkilala sa awtoridad ni Jesus at pagsisikap na sundin ang kaniyang halimbawa at mga turo, kasali na ang pagiging mapagpatawad.—1 Ped. 2:21; 1 Juan 2:6.
13 Yamang hindi ka sakdal, hindi mo eksaktong matutularan si Jesus. Magkagayunman, dahil sa iyong taos-pusong pag-aalay sa Diyos, gusto mo pa ring matularan si Jesus sa abot ng iyong makakaya. Nangangahulugan ito na sinisikap mong hubarin ang iyong lumang personalidad at ibihis ang bagong personalidad. (Basahin ang Efeso 4:20-24.) Kapag iginagalang mo ang isang kaibigan, malamang na sinisikap mong matuto mula sa kaniyang halimbawa at mabubuting katangian. Sa katulad na paraan, gusto mo ring matuto mula kay Kristo at tularan siya.
14. Paano mo maipakikitang kinikilala mo ang awtoridad ni Jesus bilang makalangit na Hari?
14 May isa pang paraan para maipakitang nauunawaan mo ang kahulugan ng bautismo sa pangalan ng Anak. ‘Ipinasakop ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng mga paa ni Jesus, at ginawa siyang ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon.’ (Efe. 1:22) Kaya dapat mong igalang ang paraan ni Jesus ng pagpatnubay sa mga nakaalay kay Jehova. Ginagamit ni Kristo ang di-sakdal na mga tao sa kongregasyon, lalo na ang matatandang lalaki, o mga elder. Inatasan ang mga lalaking ito “upang maibalik sa ayos ang mga banal, . . . ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” (Efe. 4:11, 12) Magkamali man ang isang di-sakdal na tao, kayang ituwid ni Jesus, bilang Hari ng makalangit na Kaharian, ang mga bagay-bagay sa takdang panahon. Naniniwala ka ba rito?
15. Anong pagpapala ang puwede mong asamin pagkatapos ng bautismo?
15 Pero may ilang hindi pa rin nag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova at hindi pa nagpapabautismo. Kung isa ka sa mga ito, nauunawaan mo na ba ngayon na ang pagkilala sa Anak ay makatuwiran at isang magandang paraan para maipakita ang iyong pasasalamat? Kung mababautismuhan ka sa pangalan ng Anak, mapapabilang ka sa mga tatanggap ng saganang pagpapala.—Basahin ang Juan 10:9-11.
Sa Pangalan ng Banal na Espiritu
16, 17. Ano ang kahulugan sa iyo ng bautismo sa pangalan ng banal na espiritu?
16 Ano ang kahulugan ng bautismo sa pangalan ng banal na espiritu? Gaya ng nabanggit kanina, alam ng mga nakinig kay Pedro noong araw ng Pentecostes ang tungkol sa banal na espiritu. Sa katunayan, nakita nila mismo ang katibayan na patuloy pa ring ginagamit ng Diyos ang banal na espiritu. Isa si Pedro sa mga “napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika.” (Gawa 2:4, 8) Ang pananalitang “sa pangalan ng” ay hindi naman laging tumutukoy sa pangalan ng isang persona. Sa ngayon, maraming bagay ang ginagawa “sa ngalan ng batas,” na hindi naman isang persona. Ang mga ito ay ginagawa ayon sa batas. Sa katulad na paraan, kinikilala ng isang nabautismuhan sa pangalan ng banal na espiritu na ang banal na espiritu ay hindi isang persona kundi ang aktibong puwersa ni Jehova. At ang gayong bautismo ay nangangahulugang kinikilala ng isa ang papel ng banal na espiritu sa layunin ng Diyos.
17 Sa pag-aaral ng Bibliya, natutuhan mo ang tungkol sa banal na espiritu. Halimbawa, naunawaan mong isinulat ang Kasulatan sa patnubay ng banal na espiritu. (2 Tim. 3:16) Sa patuloy mong pagsulong sa espirituwal, naunawaan mong ‘ang Ama sa langit ay nagbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya,’ kasali ka na. (Luc. 11:13) Malamang na nakikita mo ang patnubay ng banal na espiritu sa iyong buhay. Pero kung babautismuhan ka pa lamang sa pangalan ng banal na espiritu, ang pagtiyak ni Jesus na ang Ama ay nagbibigay ng banal na espiritu ay nangangahulugang may maaasahan kang tunay na mga pagpapala kapag natanggap mo na ang espiritung iyon.
18. Anu-anong pagpapala ang tinatamasa ng mga nabautismuhan sa pangalan ng banal na espiritu?
18 Kitang-kita na patuloy pa ring pinapatnubayan ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Bawat isa sa atin ay tinutulungan din ng espiritung iyan sa pang-araw-araw nating gawain. Ang pagpapabautismo sa pangalan ng banal na espiritu ay nangangahulugang nauunawaan natin ang papel nito sa ating buhay at buong-puso tayong nakikipagtulungan dito. Pero baka nagtatanong ang ilan kung paano tayo makapamumuhay ayon sa ating pag-aalay kay Jehova at kung ano ang papel dito ng banal na espiritu. Iyan ang susunod nating tatalakayin.
[Mga talababa]
a Ang mga deista ay naniniwalang may Diyos pero iniisip nilang wala Siyang pakialam sa Kaniyang mga nilalang.
b Tingnan ang Awake!, Oktubre 22, 1981, pahina 3-8.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang kahulugan sa iyo ng bautismo sa pangalan ng Ama?
• Ano ang kahulugan ng bautismo sa pangalan ng Anak?
• Paano mo maipakikitang nauunawaan mo ang kahulugan ng bautismo sa pangalan ng Ama at ng Anak?
• Ano ang kahulugan ng bautismo sa pangalan ng banal na espiritu?
[Mga larawan sa pahina 10]
Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ano ang naging kaugnayan ng bagong mga alagad sa Ama?
[Credit Line]
By permission of the Israel Museum, Jerusalem