Patuloy na Sanayin ang Iyong Kakayahan sa Pang-unawa
KAWILI-WILING panoorin ang liksi at magagandang galaw ng isang magaling na gymnast! Pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na sanayin ang kanilang kakayahang mag-isip gaya ng pagsasanay ng isang gymnast.
Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, isinulat ni apostol Pablo: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, sa kanila na dahil sa paggamit ay nasanay [gaya ng isang gymnast] ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa [Sa literal, “sangkap sa pandama”] na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14, tlb. sa Reference Bible) Bakit pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong ito na sanayin ang kanilang kakayahang mag-isip gaya ng pagsasanay ng isang gymnast sa kaniyang mga kalamnan? Paano natin masasanay ang ating kakayahan sa pang-unawa?
‘Dapat Sanang Maging mga Guro Na Kayo’
Nang ipaliwanag ang tungkol sa posisyon ni Jesus bilang “mataas na saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec,” isinulat ni Pablo: “May kinalaman sa kaniya [kay Jesus] ay marami kaming masasabi at mahirap na maipaliwanag, yamang naging mapurol kayo sa inyong pakikinig. Sapagkat bagaman dapat nga sanang maging mga guro na kayo dahilan sa panahon, kayo ay muling nangangailangan na may magturo sa inyo mula sa pasimula ng mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos; at kayo ay naging gaya ng nangangailangan ng gatas, hindi ng matigas na pagkain.”—Heb. 5:10-12.
Maliwanag na may ilang Judiong Kristiyano noong unang siglo na hindi sumusulong sa kanilang unawa at espirituwalidad. Halimbawa, hindi nila matanggap ang bagong liwanag tungkol sa Kautusan at pagtutuli. (Gawa 15:1, 2, 27-29; Gal. 2:11-14; 6:12, 13) Hindi maiwan-iwan ng ilan ang mga kaugaliang may kaugnayan sa lingguhang Sabbath at taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. (Col. 2:16, 17; Heb. 9:1-14) Kaya naman pinasigla sila ni Pablo na sanayin ang kanilang kakayahan sa pang-unawa para makilala ang tama at ang mali at sinabihan silang ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang.’ (Heb. 6:1, 2) Tiyak na napakilos nito ang ilan na pag-isipan kung paano gagamitin ang kanilang kakayahang mag-isip at maaaring natulungan silang sumulong sa espirituwal. Kumusta naman tayo?
Sanayin ang Iyong Kakayahan sa Pang-unawa
Paano natin sasanayin ang ating kakayahang mag-isip para maging maygulang sa espirituwal? “Sa paggamit,” ang sabi ni Pablo. Kung paanong sinasanay ng mga gymnast ang kanilang mga kalamnan at katawan para makagawa ng magaganda at komplikadong mga galaw, dapat din nating sanayin ang ating kakayahang mag-isip para makilala kapuwa ang tama at ang mali.
“Ang pag-eehersisyo ang pinakamagandang bagay na magagawa mo para sa iyong utak,” ang sabi ni John Ratey, propesor ng psychiatry sa Harvard Medical School. Ayon naman kay Gene Cohen, direktor ng Center on Aging, Health and Humanities sa George Washington University, “kapag ginagamit natin ang ating utak, lumalabas ang mga bagong dendrite sa mga selula nito, na nagpaparami ng synapse, o mga pangkoneksiyon.”
Kaya isang katalinuhang sanayin ang ating kakayahang mag-isip at pasulungin ang ating kaalaman sa Salita ng Diyos. Sa gayon, mas madali nating magagawa ang “sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:1, 2.
Magkaroon ng Gana sa “Matigas na Pagkain”
Kung gusto nating ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang,’ kailangan nating tanungin ang ating sarili: ‘Sumusulong ba ang unawa ko sa mga katotohanan sa Bibliya? Itinuturing ba ng iba na ako’y maygulang sa espirituwal?’ Natutuwa ang isang nanay na pasusuhin ng gatas ang kaniyang sanggol. Pero kung pagkalipas ng maraming taon ay ayaw pa rin nito ng matitigas na pagkain, tiyak na mag-aalala na ang nanay. Sa katulad na paraan, natutuwa tayong makitang sumusulong ang tinuturuan natin sa Bibliya hanggang sa mag-alay siya at magpabautismo. Pero paano kung hindi na siya sumulong pagkatapos nito? Nakakasira ng loob, hindi ba? (1 Cor. 3:1-4) Inaasahan ng guro na magtuturo din ang bagong alagad.
Para makapangatuwiran gamit ang kakayahan sa pang-unawa, kailangan ang pagbubulay-bulay, at para magawa ito, kailangan ang pagsisikap. (Awit 1:1-3) Huwag nating hayaang makahadlang sa makabuluhang pagbubulay-bulay ang mga panggambala, gaya ng panonood ng TV o iba pang libangang di-gaanong ginagamitan ng isip. Para malinang ang ating kakayahang mag-isip, mahalagang magkaroon tayo ng gana sa pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Bukod sa regular na pagbabasa ng Bibliya, mahalaga ring paglaanan ng panahon ang Pampamilyang Pagsamba at masusing pag-aaral ng iba’t ibang paksa sa Bibliya.
Sinabi ni Jerónimo, isang tagapangasiwa ng sirkito sa Mexico, na pinag-aaralan niya agad ang bawat isyu ng Bantayan. May panahon din siya para mag-aral kasama ang kaniyang asawa. Sinabi niya, “Nakasanayan na naming mag-asawa na basahin ang Bibliya araw-araw nang magkasama at gamitin ang mga pantulong na gaya ng brosyur na ‘Mabuting Lupain.’” Binanggit naman ni Ronald na sinasabayan niya ang iskedyul ng kongregasyon sa pagbabasa ng Bibliya. Mayroon din siyang isa o dalawang mahaba-habang proyekto sa personal na pag-aaral. “Nananabik ako sa susunod kong pag-aaral dahil sa mga proyektong ito,” ang sabi ni Ronald.
Kumusta naman tayo? May sapat na panahon ba tayo sa pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos? Sinasanay ba natin ang ating kakayahang mag-isip at natututong gumawa ng mga desisyon ayon sa mga simulain ng Kasulatan? (Kaw. 2:1-7) Gawin sana nating tunguhin na maging maygulang sa espirituwal, anupat nagtataglay ng kaalaman at karunungan ng mga taong ang kakayahan sa pang-unawa ay nasanay para makilala kapuwa ang tama at ang mali!
[Larawan sa pahina 23]
“Sa paggamit,” sinasanay natin ang ating kakayahang mag-isip