Magtiwala kay Jehova Habang Papalapit ang Wakas
“Magtiwala kayo kay Jehova sa habang panahon.”—ISA. 26:4.
1. Ano ang kaibahan ng mga lingkod ni Jehova sa mga tao sa sanlibutan?
SA ATING daigdig sa ngayon, hindi na alam ng karamihan kung sino o kung ano ang pagtitiwalaan, maaaring dahil napakaraming beses na silang nasaktan o nabigo. Ibang-iba naman ang mga lingkod ni Jehova! Palibhasa’y ginagabayan ng makadiyos na karunungan, alam nilang hindi sila dapat magtiwala sa sanlibutang ito o sa “mga taong mahal.” (Awit 146:3) Sa halip, ipinagkakatiwala nila kay Jehova ang kanilang buhay at kinabukasan dahil alam nilang iniibig niya sila at palagi niyang tinutupad ang kaniyang Salita.—Roma 3:4; 8:38, 39.
2. Paano pinatotohanan ni Josue na talagang mapagkakatiwalaan ang Diyos?
2 Pinatotohanan ni Josue na talagang mapagkakatiwalaan ang Diyos. Nang malapit na siyang mamatay, sinabi niya sa mga kapuwa Israelita: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.”—Jos. 23:14.
3. Ano ang isinisiwalat ng pangalan ng Diyos tungkol sa kaniya?
3 Tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya, hindi lang dahil sa pag-ibig sa kaniyang mga lingkod kundi partikular nang dahil sa kaniyang pangalan. (Ex. 3:14; 1 Sam. 12:22) Tungkol sa pangalan ng Diyos, ang pambungad ng The Emphasized Bible, ni J. B. Rotherham, ay nagsasabi: “[Ito ay] isang napakabait na pangako; ang kakayahan ng Diyos na makibagay sa anumang kalagayan, anumang problema, anumang pangangailangan na maaaring bumangon . . . [Ito ay] pangako, . . . pagsisiwalat, pinakaalaala, panata. Sa Pangalang ito, ang Diyos ay mananatiling tapat; hinding-hindi Niya ito ikahihiya.”
4. (a) Ano ang dapat nating gawin ayon sa Isaias 26:4? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Itanong sa iyong sarili: ‘Kilalang-kilala ko ba si Jehova anupat buo ang tiwala ko sa kaniya? Umaasa ba ako sa isang magandang kinabukasan dahil alam kong kontrolado ng Diyos ang mga bagay-bagay?’ Sinasabi ng Isaias 26:4: “Magtiwala kayo kay Jehova sa habang panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang Bato ng mga panahong walang takda.” Totoo, hindi na makahimalang nakikialam ang Diyos sa buhay ng mga tao gaya ng ginagawa niya noon. Gayunman, bilang “ang Bato ng mga panahong walang takda,” mapagkakatiwalaan siya “sa habang panahon.” Paano niya tinutulungan ang kaniyang tapat na mga mananamba sa ngayon? Talakayin natin ang tatlong paraan: Pinalalakas niya tayo kapag humihingi tayo ng tulong para mapaglabanan ang tukso, pinatitibay kapag napapaharap sa kawalang-interes o tahasang pagsalansang, at pinasisigla kapag napabibigatan ng mga kabalisahan. Habang sinusuri ang mga ito, bulay-bulayin kung paano mo mapatitibay ang iyong pagtitiwala kay Jehova.
Kapag Natutuksong Gumawa ng Mali
5. Sa anong bagay higit na masusubok ang ating pagtitiwala sa Diyos?
5 Maaaring nagtitiwala tayo kay Jehova sa kaniyang pangakong Paraiso o pagkabuhay-muli—mga bagay na pinananabikan natin. Pero kumusta naman pagdating sa moralidad? Lubusan ba tayong nagtitiwala na ang pagpapasakop sa kaniyang mga lakad at pamantayan ay tama at nagdudulot ng tunay na kaligayahan? Nagpayo si Haring Solomon: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kaw. 3:5, 6) Pansinin ang pananalitang “mga lakad” at “mga landas.” Oo, dapat makita sa ating paraan ng pamumuhay—hindi lang sa ating pag-asa bilang Kristiyano—na tayo’y nagtitiwala sa Diyos. Paano natin ito maipakikita kapag napapaharap tayo sa mga tukso?
6. Paano natin mapatitibay ang determinasyong iwaksi ang maruruming kaisipan?
6 Ang pag-iwas sa masama ay nagsisimula sa isip. (Basahin ang Roma 8:5; Efeso 2:3.) Kung gayon, paano mo mapatitibay ang iyong determinasyong iwaksi ang maruruming kaisipan? Isaalang-alang ang limang paraan: 1. Humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin. (Mat. 6:9, 13) 2. Pag-isipan ang mga halimbawa sa Bibliya tungkol sa mga nakinig at mga hindi nakinig kay Jehova. Pansinin ang resulta ng ginawa nila.a (1 Cor. 10:8-11) 3. Bulay-bulayin ang paghihirap ng kalooban na idudulot sa iyo at sa iyong pamilya ng kasalanan mo. 4. Isipin ang nadarama ng Diyos kapag ang isang lingkod niya ay nakagawa ng malubhang pagkakasala. (Basahin ang Awit 78:40, 41.) 5. Gunigunihin ang kagalakan ni Jehova kapag ang isang tapat na mananamba ay tumatanggi sa masama at gumagawa ng tama, may nakakakita man o wala. (Awit 15:1, 2; Kaw. 27:11) Maipakikita mo ring nagtitiwala ka kay Jehova.
Kapag Napapaharap sa Kawalang-Interes at Pagsalansang
7. Anong mga pagsubok ang napaharap kay Jeremias, at ano ang nadarama niya kung minsan?
7 Marami sa ating mga kapatid ang naglilingkod sa mga teritoryong sumusubok sa kanilang pagbabata. Naglingkod si propeta Jeremias sa gayong kalagayan—noong maligalig na mga huling araw ng kaharian ng Juda. Araw-araw na nasusubok ang kaniyang pananampalataya dahil inihahayag niya ang mga mensahe ng kahatulan ng Diyos. Maging ang kaniyang tapat na kalihim na si Baruc ay nanghimagod. (Jer. 45:2, 3) Nagpadaig ba si Jeremias sa panghihina ng loob? Totoo, may mga pagkakataong nanlumo siya. “Sumpain ang araw ng aking kapanganakan!” ang bulalas niya. “Bakit pa ako lumabas mula sa bahay-bata upang makakita ng pagpapagal at pamimighati at ang aking mga araw ay magwakas lamang sa kahihiyan?”—Jer. 20:14, 15, 18.
8, 9. Kaayon ng Jeremias 17:7, 8 at Awit 1:1-3, ano ang dapat nating gawin para patuloy na makapagluwal ng mabuting bunga?
8 Pero hindi sumuko si Jeremias. Nagtiwala pa rin siya kay Jehova. Dahil dito, nasaksihan ng tapat na propeta ang katuparan ng sinabi ni Jehova sa Jeremias 17:7, 8: “Pagpalain ang matipunong lalaki na naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova, at ang kaniyang pag-asa ay si Jehova. At siya ay tiyak na magiging gaya ng punungkahoy na nakatanim sa tabi ng tubig, na nagpapayaon ng mga ugat nito sa mismong tabi ng daanang-tubig; at hindi niya makikita kapag dumating ang init, kundi magiging mayabong nga ang kaniyang mga dahon. At sa taon ng tagtuyot ay hindi siya mababalisa, ni titigil man siya sa pagluluwal ng bunga.”
9 Gaya ng mayabong na punungkahoy na “nakatanim sa tabi ng tubig,” o sa tanimang may patubig, si Jeremias ay hindi ‘tumigil sa pagluluwal ng bunga.’ Hindi siya nagpaimpluwensiya sa mga manunuya. Sa halip, nangunyapit siya sa Bukal ng “tubig” na nagpapanatili ng buhay at isinapuso ang lahat ng sinabi ni Jehova sa kaniya. (Basahin ang Awit 1:1-3; Jer. 20:9) Napakagandang halimbawa ni Jeremias para sa atin, lalo na sa mga naglilingkod sa teritoryong mahirap pangaralan! Kung ganiyan ang sitwasyon mo, patuloy kang manalig nang lubusan kay Jehova, na tutulong sa iyo na magbata habang ‘gumagawa ka ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.’—Heb. 13:15.
10. Anong mga pagpapala ang inilalaan sa atin, at ano ang dapat nating itanong sa sarili?
10 Para makayanan ang mahihirap na kalagayan sa mga huling araw na ito, binibigyan tayo ni Jehova ng maraming espirituwal na paglalaan. Kabilang dito ang kumpletong Bibliya, na may-katumpakang isinasalin sa mas marami pang wika. Naglalaan siya ng sagana at napapanahong espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin. At nariyan din ang pag-alalay ng napakaraming kapananampalataya na nakakasama natin sa mga pulong at asamblea. Sinasamantala mo ba ang mga paglalaang ito? Lahat ng gumagawa nito ay “hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.” Pero ang mga hindi nakikinig sa Diyos ay “daraing dahil sa kirot ng puso at magpapalahaw . . . dahil sa lubusang pagkabagbag ng espiritu.”—Isa. 65:13, 14.
Kapag Dumaranas ng mga Kabalisahan
11, 12. Dahil sa mga problema sa daigdig, ano ang matalinong gawin?
11 Gaya ng inihula, binabaha ng napakaraming problema ang sangkatauhan. (Mat. 24:6-8; Apoc. 12:12) Sa literal na baha, karaniwan nang tumatakbo tayo sa mataas na lugar o umaakyat sa bubong—saanmang dako na mas mataas. Sa katulad na paraan, habang nagkakapatung-patong ang mga problema sa daigdig, milyun-milyon ang nanganganlong sa mga tinitingalang pinansiyal, pulitikal, o relihiyosong institusyon, pati na sa siyensiya at teknolohiya. Pero wala sa mga ito ang tunay na seguridad. (Jer. 17:5, 6) Sa kabilang dako naman, ang mga lingkod ni Jehova ay may matatag na kanlungan—“ang Bato ng mga panahong walang takda.” (Isa. 26:4) Sinabi ng salmista: “[Si Jehova] ang aking bato at aking kaligtasan, ang aking matibay na kaitaasan.” (Basahin ang Awit 62:6-9.) Paano natin ginagawang kanlungan ang Batong iyon?
12 Nangungunyapit tayo kay Jehova kapag sinusunod natin ang kaniyang Salita, na kadalasan nang di-kaayon ng karunungan ng tao. (Awit 73:23, 24) Halimbawa, sinasabi ng mga tao: ‘Iisa lang ang buhay mo; magpasarap ka na.’ ‘Pilitin mong umasenso.’ ‘Magpayaman ka.’ ‘Bilhin mong lahat ang gusto mo.’ ‘Magbiyahe ka; libutin mo ang buong mundo.’ Pero ang makadiyos na karunungan ay nagpapayo: “Yaong mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Cor. 7:31) Pinapayuhan din tayo ni Jesus na laging unahin ang Kaharian at mag-imbak ng “mga kayamanan sa langit,” kung saan tiyak na ligtas ang mga ito.—Mat. 6:19, 20.
13. Batay sa 1 Juan 2:15-17, ano ang dapat nating itanong sa sarili?
13 Ipinakikita ba ng pangmalas mo sa “sanlibutan” at sa ‘mga bagay na nasa sanlibutan’ na buo ang tiwala mo sa Diyos? (1 Juan 2:15-17) Mas gusto mo ba at mas mahalaga sa iyo ang espirituwal na mga kayamanan at mga pribilehiyo sa paglilingkod kaysa sa mga iniaalok ng sanlibutan? (Fil. 3:8) Pinananatili mo bang “simple” ang iyong mata? (Mat. 6:22) Siyempre, ayaw naman ng Diyos na ikaw ay maging pabaya o iresponsable, lalo na kung may pamilya kang sinusuportahan. (1 Tim. 5:8) Pero inaasahan niya na ang kaniyang mga lingkod ay lubos na magtitiwala sa kaniya—hindi sa naghihingalong sanlibutan ni Satanas.—Heb. 13:5.
14-16. Paano nakinabang ang ilan sa pagpapanatiling “simple” ng mata at pag-una sa Kaharian?
14 Kuning halimbawa ang mag-asawang Richard at Ruth na may tatlong maliliit na anak. “Alam ko namang mas marami pa akong magagawa para kay Jehova,” ang sabi ni Richard. “Komportable ang buhay ko pero pakiramdam ko’y tira-tirahan lang ang ibinibigay ko sa Diyos. Matapos manalangin at tuusin ang mababawas sa kinikita ko, napagkasunduan namin ni Ruth na kausapin ko ang aking superbisor para hilinging apat na araw na lang akong magtatrabaho bawat linggo—kahit bagsak noon ang ekonomiya ng bansa. Pinayagan ako, at sa loob ng isang buwan, nagsimula na ako sa bagong iskedyul.” Kumusta na ngayon si Richard?
15 “Nabawasan nang 20 porsiyento ang kita ko,” ang sabi niya, “pero nagkaroon naman ako ng ekstrang 50 araw bawat taon para makasama ang pamilya ko at sanayin ang mga bata. Nadoble ang oras ko sa paglilingkod sa larangan, natriple ang Bible study ko, at mas nakapangunguna ako sa kongregasyon. At dahil mas nakakatulong na ako sa pag-aasikaso sa mga bata, nakakapag-auxiliary pioneer si Ruth paminsan-minsan. Determinado akong ipagpatuloy ito hangga’t posible.”
16 Ganiyan din sina Roy at Petina, na may kapisan pang isang anak na babae. Binawasan nila ang kanilang oras ng trabaho para makapaglingkod nang buong panahon. “Tatlong araw sa isang linggo ang trabaho ko,” ang sabi ni Roy, “at dalawang araw naman ang kay Petina. Lumipat na lang kami sa isang apartment dahil mas madali itong mantinihin. Payunir kami noong wala pa kaming mga anak, at hindi pa rin nawawala ang pagnanais naming magpayunir. Kaya nang malalaki na ang mga bata, bumalik kami sa buong-panahong paglilingkod. Hindi matutumbasan ng pera ang mga pagpapalang tinatanggap namin.”
Hayaang Bantayan ng “Kapayapaan ng Diyos” ang Iyong Puso
17. Yamang walang katiyakan ang buhay, paano ka naaaliw ng Kasulatan?
17 Walang nakaaalam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, sapagkat “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa ating lahat. (Ecles. 9:11) Pero hindi dapat mawala ang kapayapaan ng ating isip, na kadalasang nangyayari kapag ang isa’y walang matalik na kaugnayan sa Diyos. (Mat. 6:34) Sumulat si apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.”—Fil. 4:6, 7.
18, 19. Sa anu-anong paraan tayo inaaliw ng Diyos? Ipaliwanag.
18 Maraming kapatid na nasa mahihirap na sitwasyon ang nakadama ng panloob na kapayapaan mula kay Jehova. Sinabi ng isang sister: “Paulit-ulit akong tinatakot ng doktor para magpasalin ng dugo. ‘Anong kalokohan ito na hindi ka raw magpapasalin ng dugo?’ ang bungad niya sa akin minsan. Noon at sa iba pang pagkakataon, tahimik akong nanalangin kay Jehova, at nakadama ako ng kapayapaan. Pakiramdam ko’y kasintatag ako ng bato. Kahit nanghihina ako dahil mababa na ang dugo ko, nakapangatuwiran pa rin ako mula sa Bibliya.”
19 Kung minsan, inaalalayan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng isang mapagmalasakit na kapananampalataya o ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. Malamang na may narinig ka nang kapatid na nagsabi: “Ang artikulong ito mismo ang kailangan ko. Talagang para sa akin ito!” Oo, anuman ang ating kalagayan o pangangailangan, kung magtitiwala tayo kay Jehova, patutunayan niyang iniibig niya tayo dahil tayo ang kaniyang “mga tupa” at taglay natin ang kaniyang pangalan.—Awit 100:3; Juan 10:16; Gawa 15:14, 17.
20. Bakit tatahan nang tiwasay ang mga lingkod ni Jehova kapag winakasan na ang sanlibutan ni Satanas?
20 Sa mabilis na dumarating na “araw ng poot ni Jehova,” mawawasak ang lahat ng pinagtitiwalaan ng sanlibutan ni Satanas. Ang ginto, pilak, at iba pang mahahalagang bagay ay hindi makapaglalaan ng anumang seguridad. (Zef. 1:18; Kaw. 11:4) Ang tanging kanlungan ay ang ating “Bato ng mga panahong walang takda.” (Isa. 26:4) Kaya ipakita natin ngayon na lubos tayong nagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang matuwid na mga daan, paghahayag ng mensahe ng Kaharian sa kabila ng kawalang-interes o pagsalansang, at pagbibigay sa kaniya ng lahat ng ating kabalisahan. Habang ginagawa natin ang mga ito, tiyak na tayo’y ‘tatahan nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.’—Kaw. 1:33.
[Talababa]
Maipaliliwanag Mo Ba?
Paano tayo makapagtitiwala sa Diyos
• kapag natutuksong gumawa ng mali?
• kapag napapaharap sa kawalang-interes o pagsalansang?
• kapag dumaranas ng mga kabalisahan?
[Larawan sa pahina 13]
Ang panghahawakan sa mga pamantayan ng Diyos ay nagdudulot ng kaligayahan
[Larawan sa pahina 15]
‘Si Jehova ang Bato ng mga panahong walang takda’