Jesus—Saan Siya Nagmula?
“Muli siyang [si Pilato] pumasok sa palasyo ng gobernador at sinabi kay Jesus: ‘Saan ka nagmula?’ Ngunit walang sagot na ibinigay sa kaniya si Jesus.”—JUAN 19:9.
IYAN ang tanong ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato noong nililitis si Jesus.a Alam ni Pilato kung saan sa Israel nagmula si Jesus. (Lucas 23:6, 7) Alam din niyang hindi ordinaryong tao si Jesus. Iniisip kaya ni Pilato kung nabuhay na noon si Jesus? Handa nga bang tanggapin ng paganong tagapamahalang ito ang katotohanan at kumilos ayon dito? Hindi sumagot si Jesus, at sa kalaunan, lumitaw na mas interesado si Pilato sa kaniyang sariling katayuan kaysa sa katotohanan at katarungan.—Mateo 27:11-26.
Madaling malaman kung saan nagmula si Jesus. Sinasabi ito ng Bibliya. Isaalang-alang ang sumusunod.
Saan siya ipinanganak?
Ayon sa modernong mga kalkulasyon, si Jesus ay ipinanganak noong pasimula ng taglagas ng 2 B.C.E., sa ilalim ng di-maalwang mga kalagayan sa nayon ng Betlehem sa Judea. Dahil sa utos ni Cesar Augusto na magparehistro ang mga tao, napilitan ang ina ni Jesus na si Maria, na noo’y “kagampan” na, at ang kaniyang asawang si Jose na maglakbay patungong Betlehem, ang lugar ng mga ninuno ni Jose. Palibhasa’y walang makitang matutuluyan sa nayon, pumunta ang mag-asawa sa isang kuwadra, kung saan ipinanganak si Jesus at inilagay sa isang sabsaban.—Lucas 2:1-7.
Mga dantaon bago nito, inihula ng Bibliya kung saan isisilang si Jesus: “Ikaw, O Betlehem Eprata, na napakaliit upang mapabilang sa libu-libo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas para sa akin ang isa na magiging tagapamahala sa Israel.”b (Mikas 5:2) Kung tutuusin, napakaliit ng Betlehem para mapabilang sa mga lunsod ng Juda. Pero ang maliit na nayong ito ay magkakaroon ng natatanging karangalan. Dito manggagaling ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo.—Mateo 2:3-6; Juan 7:40-42.
Saan siya pinalaki?
Pagkatapos ng sandaling pagtira sa Ehipto, lumipat ang pamilya ni Jesus sa Nazaret, isang lunsod sa probinsiya ng Galilea, mga 100 kilometro sa hilaga ng Jerusalem. Wala pang tatlong taóng gulang noon si Jesus. Lumaki siya sa magandang rehiyong ito ng mga magsasaka, pastol, at mangingisda. Malaki ang pamilya niya at malamang na hindi sila mayaman.—Mateo 13:55, 56.
Mga dantaon patiuna, inihula ng Bibliya na ang Mesiyas ay magiging “Nazareno.” Binabanggit ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo na ang pamilya ni Jesus ay nanirahan sa “Nazaret, upang matupad yaong sinalita sa pamamagitan ng mga propeta: ‘Siya ay tatawaging Nazareno.’” (Mateo 2:19-23) Ang pangalang Nazareno ay waring nauugnay sa salitang Hebreo para sa “sibol.” Maliwanag na tinutukoy ni Mateo ang hula ni Isaias kung saan ang Mesiyas ay tinawag na “isang sibol” mula kay Jesse. Ibig sabihin, ang Mesiyas ay magiging inapo ni Jesse sa anak nitong si Haring David.—Isaias 11:1; Mateo 1:6, 16; Lucas 3:23, 31, 32.
Saan siya talaga nagmula?
Itinuturo ng Bibliya na matagal nang nabubuhay si Jesus, bago pa siya ipanganak sa sabsaban sa Betlehem. Sinasabi ng hula ni Mikas, na sinipi kanina, na ang Kaniyang “pinanggalingan ay mula noong unang mga panahon, mula nang mga araw ng panahong walang takda.” (Mikas 5:2) Bilang ang panganay na Anak ng Diyos, si Jesus ay isang espiritung nilalang sa langit bago siya isinilang bilang isang tao sa lupa. Sinabi mismo ni Jesus: “Bumaba ako mula sa langit.” (Juan 6:38; 8:23) Paano?
Sa pamamagitan ng banal na espiritu, makahimalang inilipat ng Diyos na Jehova ang buhay ng kaniyang Anak sa bahay-bata ng birheng Judio na si Maria upang maisilang siya bilang isang perpektong tao.c Kayang gawin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang himalang iyon. Gaya nga ng ipinaliwanag ng anghel kay Maria, “sa Diyos ay walang kapahayagan ang imposible.”—Lucas 1:30-35, 37.
Hindi lamang sinasabi sa atin ng Bibliya kung saan nagmula si Jesus. Sinasabi rin sa atin ng apat na Ebanghelyo—ang Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—kung paano siya namuhay.
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pag-aresto at paglilitis kay Jesus, tingnan ang artikulong “Ang Pinakatiwaling Paglilitis sa Kasaysayan,” sa pahina 18-22 ng isyung ito.
b Lumilitaw na Eprata (o Eprat) ang dating pangalan ng Betlehem.—Genesis 35:19.
c Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng ipinakikita sa Bibliya.