Maging Malapít sa Diyos
Matatagpuan Mo “ang Mismong Kaalaman sa Diyos”
ANG Diyos na Jehova ay naglaan ng isang di-matutumbasang kayamanan na puwede nating matagpuan, at gusto niyang hanapin natin ito. Ang kayamanang ito ay hindi makapagdudulot ng materyal na kasaganaan, pero pagmumulan ito ng isang bagay na hindi mabibili ng salapi—panloob na kapayapaan, pagkakontento, at isang kasiya-siyang buhay. Ano ba ang kayamanang ito? Ipinaliliwanag ito ng mga salita ng marunong na si Haring Solomon sa Kawikaan 2:1-6.
Tinukoy ni Solomon ang kayamanang ito bilang “ang mismong kaalaman sa Diyos,” o ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin na isinisiwalat sa Bibliya. (Talata 5) May ilang aspekto ang kayamanang ito.
Tunay na mga turo. Sinasagot ng Bibliya ang ganitong mga tanong: Ano ang pangalan ng Diyos? (Awit 83:18) Ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao? (Awit 146:3, 4) Bakit tayo naririto? (Genesis 1:26-28; Awit 115:16) Matutumbasan ba ng salapi ang sagot sa mga tanong na ito?
Matalinong payo. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay. Paano magtatagal ang inyong pagsasama bilang mag-asawa? (Efeso 5:28, 29, 33) Paano mo mapalalaking responsable ang iyong mga anak? (Deuteronomio 6:5-7; Efeso 6:4) Paano ka magiging maligaya sa buhay? (Mateo 5:3; Lucas 11:28) Sa palagay mo, gaano kahalaga ang maaasahang payo tungkol sa mga bagay na ito?
Kaunawaan tungkol sa Diyos at sa kaniyang personalidad. Ang Bibliya ang pangunahing pinagmumulan ng tumpak na mga impormasyon tungkol sa Diyos. Anong uri siya ng persona? (Juan 1:18; 4:24) Nagmamalasakit ba siya sa atin? (1 Pedro 5:6, 7) Ano ang ilan sa kaniyang pangunahing mga katangian? (Exodo 34:6, 7; 1 Juan 4:8) Sa tingin mo, mababayaran ba ng salapi ang tumpak na impormasyon tungkol sa ating Maylalang?
“Ang mismong kaalaman sa Diyos” ay tunay ngang isang espirituwal na kayamanan. Paano mo ito matatagpuan? May pahiwatig sa talata 4 ng Kawikaan kabanata 2, kung saan, ang kaalamang ito ay itinulad ni Solomon sa “nakatagong kayamanan.” Pag-isipan: Ang nakatagong kayamanan ay hindi kusang lalapit sa atin. Kailangan nating pagsikapang hanapin ito. Ganiyan din ang kaalaman sa Diyos. Ang kayamanang ito, wika nga, ay nakabaon sa Bibliya. Para matagpuan ito, kailangan ang pagsisikap.
Ipinaliwanag ni Solomon kung ano ang dapat gawin para matagpuan “ang mismong kaalaman sa Diyos.” Ang mga salitang ‘tanggapin ang aking mga pananalita’ at ‘ikiling ang iyong puso’ ay nagpapakitang kailangan natin ang isang masunuring puso. (Talata 1, 2) Ang mga salita namang ‘tumawag,’ ‘patuloy na maghanap,’ at ‘patuloy na magsaliksik’ ay nagpapahiwatig na kailangan nating magsikap at magkusa. (Talata 3, 4) Kung gayon, para matagpuan ang kayamanan, kailangan nating maging masipag at taimtim sa pag-aaral ng Bibliya.—Lucas 8:15.
Kapag ginawa natin iyan, tutulungan tayo ni Jehova. “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan,” ang sabi sa talata 6. Mauunawaan lamang natin ang mga katotohanang nasa Bibliya kung tutulungan tayo ng Diyos. (Juan 6:44; Gawa 16:14) Makatitiyak ka sa bagay na ito: Kung taimtim mong sasaliksikin ang Salita ng Diyos, matatagpuan mo “ang mismong kaalaman sa Diyos”—isang kayamanan na magdudulot sa iyo ng maligaya at makabuluhang buhay.—Kawikaan 2:10-21.a
Pagbabasa ng Bibliya para sa Oktubre:
[Talababa]
a Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nag-aalok ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga gustong matuto sa Bibliya. Bakit hindi makipag-ugnayan sa mga Saksi sa inyong lugar, o sumulat sa angkop na adres na nasa pahina 4?