Pinagkatiwalaan ng Kayamanan
1 Pinahalagahan ni apostol Pablo ang kaniyang bigay-Diyos na atas na mangaral at itinuring niya itong ‘kayamanan.’ (2 Cor. 4:7) Tiniis niya ang kahirapan at pag-uusig upang tuparin ang atas na ito. Walang-sawa siyang nangaral sa sinumang matagpuan niya. Naranasan niya ang hirap at panganib ng paglalakbay sa iba’t ibang lupain at karagatan. Paano natin matutularan si Pablo at maipakikitang pinahahalagahan natin ang ating ministeryo? (Roma 11:13) Bakit natin masasabing isang di-matutumbasang kayamanan ang ating ministeryo?
2 Nakahihigit na Kayamanan: Ang materyal na mga kayamanan ay kadalasan nang nagdudulot ng labis na pasakit, at limitado o pansamantala lamang ang mga kapakinabangang makukuha rito. Sa kabilang panig naman, ang ating ministeryo ay nagdudulot sa atin at sa iba ng namamalaging kapakinabangan. (1 Tim. 4:16) Tinutulungan nito ang taimtim na mga tao na makilala si Jehova, gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kanilang buhay, at magkaroon ng tunay na pag-asang buhay na walang hanggan. (Roma 10:13-15) Kapag lubha nating pinahahalagahan ang ating ministeryo, nagkakaroon ng kasiya-siyang layunin ang ating buhay at nagiging makabuluhan ito, at nagkakaroon tayo ng nakapagpapasiglang pag-asa sa hinaharap.—1 Cor. 15:58.
3 Ipakitang Pinahahalagahan Mo ang Iyong Kayamanan: Kadalasan nang nakikita sa ating isinasakripisyo kung gaano kalaki ang pagpapahalaga natin sa isang bagay. Kaylaki ngang pribilehiyo na gamitin ang ating panahon at lakas sa pagpuri kay Jehova! (Efe. 5:16, 17) Dapat makita sa ating buhay na naglalaan tayo ng mas malaking panahon sa espirituwal na mga bagay kaysa sa materyal na mga bagay. Yamang mayroon tayong napakahalagang bagay na dapat ibahagi sa iba, nanaisin nating maging masigasig at alisto sa pangangaral ng mabuting balita sa bawat pagkakataon.
4 Karaniwan nang hindi itinatago ang mga kayamanang di-matutumbasan ng salapi. Sa halip, idinidispley ang mga ito para makita ng iba. Kung itinuturing nating kayamanan ang ating ministeryo, dapat makita na talagang inuuna natin ito sa ating buhay. (Mat. 5:14-16) Kaya udyok ng pasasalamat sa ating ministeryo, palagi nawa nating tularan si apostol Pablo at samantalahin ang bawat pagkakataon upang ipakita na talagang pinahahalagahan natin ang ating ministeryo at itinuturing itong kayamanan.