Tulungan ang mga Lalaki na Sumulong sa Espirituwal
“Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.”—LUC. 5:10.
1, 2. (a) Paano tumugon ang mga lalaki sa pangangaral ni Jesus? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
NOONG naglalakbay si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa Galilea para mangaral, sumakay sila sa isang bangka patungo sa isang liblib na dako. Pero sinundan sila ng pulutong na naglalakad, “mga limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata.” (Mat. 14:21) Sa isa pang pagkakataon, lumapit kay Jesus ang isang pulutong na gustong mapagaling sa kanilang sakit at makinig sa kaniya. Kabilang dito ang “apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata.” (Mat. 15:38) Dito, makikita natin na maraming lalaki ang nagpakita ng interes sa mga turo ni Jesus at alam niyang marami pa ang tutugon. Sa katunayan, matapos makahimalang makahuli ng napakaraming isda ang mga alagad, sinabi niya kay Simon: “Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.” (Luc. 5:10) Inihalintulad niya ang kanilang gawaing pangangaral sa pangingisda at makaaasa sila na marami pa silang ‘mahuhuling’ tao, kasama na ang maraming lalaki.
2 Sa ngayon, may mga lalaki rin na nagpapakita ng interes at tumutugon sa mensahe ng Bibliya. (Mat. 5:3) Pero marami ang di-makapagpasiya at hindi sumusulong sa espirituwal. Paano natin sila matutulungan? Hindi naiiba ang paraan ng pangangaral ni Jesus sa mga lalaki, pero binigyang-pansin niya ang mga isyung ikinababahala ng mga ito. Sa tulong ng kaniyang halimbawa, suriin natin kung paano natin matutulungan ang mga lalaki na harapin ang mga karaniwang ikinababahala nila ngayon: (1) paghahanapbuhay, (2) takot sa sasabihin ng iba, at (3) pagkadama ng kawalang-kakayahan.
Paghahanapbuhay
3, 4. (a) Ano ang isang pangunahing ikinababahala ng maraming lalaki? (b) Bakit mas mahalaga sa ilang lalaki ang pagkita ng pera kaysa sa espirituwal na mga bagay?
3 “Guro, susundan kita saan ka man pumaroon,” ang sabi ng isang eskriba kay Jesus. Pero nang sabihin ni Jesus na “ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo,” nagdalawang-isip ang eskriba. Lumilitaw na hindi niya nagustuhan ang ideya na wala siyang siguradong mapagkukunan ng pagkain o matitirhan, yamang walang pahiwatig na naging tagasunod siya ni Kristo.—Mat. 8:19, 20.
4 Kadalasan, mas mahalaga sa mga lalaki ang materyal na seguridad kaysa sa espirituwal na mga bagay. Priyoridad ng marami sa kanila ang mataas na edukasyon at magandang trabaho. Para sa kanila, mas praktikal na kumita ng pera kaysa mag-aral ng Bibliya at magsikap na maging malapít sa Diyos. Baka nagagandahan sila sa mga turo ng Bibliya, pero “ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan [ay] sumasakal” sa kanilang interes. (Mar. 4:18, 19) Tingnan natin kung paano tinulungan ni Jesus ang mga alagad niya na baguhin ang kanilang priyoridad.
5, 6. Ano ang nagpakilos kina Andres, Pedro, Santiago, at Juan na unahin ang pangangaral kaysa sa paghahanapbuhay?
5 Magkasosyo sa pangingisda ang magkapatid na sina Andres at Simon Pedro. Kasosyo rin nila ang magkapatid na sina Juan at Santiago, at ang ama ng mga ito na si Zebedeo. Maganda ang kanilang negosyo anupat mayroon silang mga taong upahan. (Mar. 1:16-20) Nang malaman nina Andres at Juan kay Juan Bautista ang tungkol kay Jesus, nakumbinsi silang nasumpungan na nila ang Mesiyas. Ibinalita ito ni Andres sa kapatid niyang si Simon Pedro, at malamang na sinabi rin ito ni Juan sa kapatid niyang si Santiago. (Juan 1:29, 35-41) Nang sumunod na mga buwan, silang apat ay sumama kay Jesus sa pangangaral sa Galilea, Judea, at Samaria. Pagkatapos nito, bumalik sa pangingisda ang apat na alagad. Interesado sila sa espirituwal na mga bagay, pero hindi pangunahin sa buhay nila ang ministeryo.
6 Makalipas ang ilang panahon, inanyayahan ni Jesus sina Pedro at Andres na sumunod sa kaniya at maging “mangingisda ng mga tao.” Paano sila tumugon? “Karaka-rakang iniwan ang mga lambat, sila ay sumunod sa kaniya.” Ganiyan din ang ginawa nina Santiago at Juan. “Karaka-rakang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, sila ay sumunod sa kaniya.” (Mat. 4:18-22) Ano ang nag-udyok sa mga lalaking ito na pumasok sa buong-panahong ministeryo? Nadala lang ba sila ng emosyon kaya padalus-dalos silang nagpasiya? Hindi! Sa nakalipas na mga buwan, ang mga lalaking ito ay nakinig kay Jesus, nakita nila ang kaniyang mga himala, napagmasdan ang kaniyang sigasig para sa katuwiran, at nasaksihan ang kahanga-hangang pagtugon ng mga tao sa kaniyang pangangaral. Dahil dito, lalong tumibay ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova!
7. Paano natin matutulungan ang mga estudyante sa Bibliya na magtiwala sa kakayahan ni Jehova na maglaan sa kaniyang bayan?
7 Bilang pagtulad kay Jesus, paano natin matutulungan ang ating mga tinuturuan sa Bibliya na magtiwala kay Jehova? (Kaw. 3:5, 6) Malaki ang magagawa ng ating paraan ng pagtuturo. Maaari nating itampok ang pangako ng Diyos na sagana tayong pagpapalain kung uunahin natin ang Kaharian. (Basahin ang Malakias 3:10; Mateo 6:33.) Bagaman maaari tayong gumamit ng mga teksto na nagdiriin kung paano pinaglalaanan ni Jehova ang kaniyang bayan, hindi natin dapat kaligtaan ang epekto ng ating halimbawa. Kung ikukuwento natin ang ating mga karanasan, matutulungan ang ating mga estudyante na manalig kay Jehova. Maibabahagi rin natin sa kanila ang nakapagpapatibay na mga karanasang nababasa natin sa ating mga literatura.a
8. (a) Bakit mahalaga para sa isang estudyante sa Bibliya na ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti’? (b) Paano natin matutulungan ang ating estudyante na maranasan mismo ang kabutihan ni Jehova?
8 Para magkaroon ng matibay na pananampalataya, hindi sapat na mabasa at marinig kung paano pinagpala ni Jehova ang iba. Kailangang maranasan mismo ng estudyante ang kabutihan ni Jehova. Umawit ang salmista: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.” (Awit 34:8) Paano natin matutulungan ang estudyante na makitang si Jehova ay mabuti? Sabihin nating isang estudyante ang gipit sa pera at kasabay nito ay nagsisikap ding daigin ang isang bisyo, gaya ng paninigarilyo, pagsusugal, o labis na pag-inom ng alak. (Kaw. 23:20, 21; 2 Cor. 7:1; 1 Tim. 6:10) Kung tuturuan natin siyang manalangin ukol sa tulong ng Diyos para madaig ang bisyo, matutulungan siyang makita ang kabutihan ni Jehova. Maganda rin kung pasisiglahin natin siyang bigyang-priyoridad ang espirituwal sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon sa lingguhang pag-aaral ng Bibliya pati na sa paghahanda at pagdalo sa pulong. Habang nararanasan niya ang pagpapala ni Jehova sa kaniyang pagsisikap, lalong titibay ang kaniyang pananampalataya!
Takot sa Sasabihin ng Iba
9, 10. (a) Bakit inilihim ni Nicodemo at ni Jose ng Arimatea ang pananampalataya nila kay Jesus? (b) Bakit nagdadalawang-isip ang ilang lalaki na sumunod kay Kristo?
9 Baka magdalawang-isip ang ilang lalaki na sumunod nang lubusan kay Kristo dahil sa panggigipit ng kasamahan. Inilihim ni Nicodemo at ni Jose ng Arimatea ang kanilang pananampalataya kay Jesus dahil takót sila sa maaaring sabihin o gawin ng ibang Judio. (Juan 3:1, 2; 19:38) May basehan ang takot na ito. Umabot sa sukdulan ang pagkamuhi ng mga lider ng relihiyon kay Jesus kaya sinumang nagpapahayag ng pananampalataya sa kaniya ay itinitiwalag mula sa sinagoga.—Juan 9:22.
10 Sa ilang lugar ngayon, kapag ang isang lalaki ay nagpakita ng interes sa Diyos, sa Bibliya, o relihiyon, maaari siyang pag-initan o tuyain ng kaniyang mga katrabaho, kaibigan, o kamag-anak. Sa ibang lugar naman, mapanganib pag-usapan kahit ang pagpapalit ng relihiyon. Mas matindi ang panggigipit kapag ang isang lalaki ay aktibo sa militar, pulitika, o komunidad. Halimbawa, inamin ng isang lalaki sa Alemanya: “Totoo ang ipinangangaral ninyong mga Saksi tungkol sa Bibliya. Pero kung magiging Saksi ako ngayon, bukas ay malalaman iyon ng lahat. Ano na lamang ang iisipin ng aking mga katrabaho, mga kapitbahay, at ng mga tao sa [samahang] kinabibilangan ko at ng aking pamilya? Hindi ko kayang harapin iyan.”
11. Paano tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na madaig ang takot sa tao?
11 Bagaman hindi duwag ang mga apostol ni Jesus, kailangan nilang paglabanan ang takot sa tao. (Mar. 14:50, 66-72) Paano sila tinulungan ni Jesus na sumulong sa espirituwal sa kabila ng matinding panggigipit? Inihanda ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: “Maligaya kayo kailanma’t kinapopootan kayo ng mga tao, at kailanma’t inihihiwalay nila kayo at dinudusta kayo at inaalis ang inyong pangalan bilang balakyot dahil sa Anak ng tao.” (Luc. 6:22) Nagbabala si Jesus na siguradong dudustain ang kaniyang mga tagasunod “dahil sa Anak ng tao.” Pero tiniyak ni Jesus na susuportahan sila ng Diyos hangga’t umaasa sila sa Kaniyang tulong at lakas. (Luc. 12:4-12) Inanyayahan din ni Jesus ang mga baguhan na makisama at makipagkaibigan sa kaniyang mga alagad.—Mar. 10:29, 30.
12. Paano natin matutulungan ang mga baguhan na madaig ang takot sa tao?
12 Kailangan din nating tulungan ang ating mga tinuturuan sa Bibliya na madaig ang takot sa tao. Mas madaling harapin ang hamon kapag alam nating darating ito. (Juan 15:19) Kaya bakit hindi tulungan ang estudyante na maghanda ng simple, makatuwiran, at maka-Kasulatang sagot sa posibleng mga tanong at pagtutol ng mga katrabaho at ng iba pa? Puwede rin natin siyang ipakilala sa ibang kapatid sa kongregasyon, lalo na sa mga kapareho niya ng hilig o sitwasyon, para hindi lang tayo ang kaibigan niya. Higit sa lahat, dapat natin siyang turuan na manalangin nang regular at taos-puso. Makatutulong ito para mapalapít siya sa Diyos at gawing Kanlungan at Bato si Jehova.—Basahin ang Awit 94:21-23; Santiago 4:8.
Pagkadama ng Kawalang-Kakayahan
13. Bakit nag-aatubili ang ilang lalaki na makibahagi sa espirituwal na mga gawain?
13 Nag-aatubili ang ilang lalaki na makibahagi sa espirituwal na mga gawain dahil hindi sila mahusay magbasa, hindi matatas magsalita, o sadyang mahiyain. Asiwa naman ang iba na magsabi ng kanilang opinyon o damdamin sa harap ng maraming tao. Baka nahihirapan silang mag-aral, magkomento sa mga pulong, o mangaral. Inamin ng isang brother: “Nang ako’y kabataan pa, agad akong lalapit sa pintuan, kunwari’y titimbre sa pinto, at tahimik na aalis, anupat umaasa na walang makaririnig o makakakita sa akin.” Sinabi pa niya na para siyang magkakasakit kapag iniisip niyang magbabahay-bahay siya.
14. Bakit hindi mapagaling ng mga alagad ni Jesus ang isang batang inaalihan ng demonyo?
14 Nawalan ng kumpiyansa ang mga alagad ni Jesus nang hindi nila mapagaling ang isang batang inaalihan ng demonyo. Lumapit ang ama nito kay Jesus at nagsabi: “[Ang aking anak na lalaki] ay isang epileptiko at may karamdaman, sapagkat bumabagsak siyang madalas sa apoy at madalas sa tubig; at dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit hindi nila magawang pagalingin siya.” Pinalayas ni Jesus ang demonyo kaya gumaling ang bata. Itinanong ng mga alagad kay Jesus nang sarilinan: “Bakit nga ba hindi namin iyon mapalayas?” Sumagot si Jesus: “Dahil sa inyong kakaunting pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo ay may pananampalataya na kasinlaki ng butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito patungo roon,’ at lilipat ito, at walang magiging imposible para sa inyo.” (Mat. 17:14-20) Kailangan ang pananampalataya kay Jehova para madaig ang gabundok na mga hadlang. Pero paano kung mananalig lang ang isang tao sa sariling kakayahan? Mabibigo siya at mawawalan ng kumpiyansa.
15, 16. Paano natin matutulungan ang isang estudyante sa Bibliya na madaig ang pagkadama ng kawalang-kakayahan?
15 Para matulungan ang isang nakadarama ng kawalang-kakayahan, pasiglahin natin siyang magpokus kay Jehova sa halip na sa kaniyang sarili. Sumulat si Pedro: “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan.” (1 Ped. 5:6, 7) Kailangang tulungan natin ang ating estudyante sa Bibliya na malinang ang espirituwalidad. Sa gayon, magpapahalaga siya sa espirituwal na mga bagay. Mamahalin niya ang Salita ng Diyos at ipakikita ang “mga bunga ng espiritu” sa kaniyang buhay. (Gal. 5:22, 23) Lagi siyang mananalangin. (Fil. 4:6, 7) Aasa siya sa Diyos para magkaroon ng lakas ng loob na harapin ang anumang sitwasyon o magampanan nang matagumpay ang anumang atas.—Basahin ang 2 Timoteo 1:7, 8.
16 Baka kailangan din ng ilang estudyante ng tulong para maging bihasa sa pagbabasa, pakikipag-usap, o pagsasalita sa madla. Baka nadarama naman ng iba na hindi sila karapat-dapat maglingkod sa Diyos dahil sa nagawa nilang mga kasalanan bago makilala si Jehova. Alinman sa mga ito ang sitwasyon nila, magpakita tayo ng pag-ibig at maging matiyaga sa pagtulong sa kanila. Sinabi ni Jesus: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.”—Mat. 9:12.
‘Manghuli’ ng Mas Maraming Lalaki
17, 18. (a) Paano tayo makapangangaral sa mas maraming lalaki? (b) Ano ang susunod nating pag-aaralan?
17 Gusto natin na mas marami pang lalaki ang tumugon sa kasiya-siyang mensahe na sa Bibliya lang matatagpuan. (2 Tim. 3:16, 17) Kaya paano tayo makapangangaral sa mas maraming lalaki? Maaari tayong maglaan ng mas malaking panahon para magpatotoo sa gabi, sa mga hapon sa dulo ng sanlinggo, o kapag pista opisyal kung kailan maraming lalaki ang nasa bahay. Kapag nagpapatotoo, sikapin nating makausap ang mga padre de pamilya hangga’t maaari. Kung angkop, magpatotoo tayo sa mga katrabahong lalaki at sa di-sumasampalatayang kabiyak ng mga sister.
18 Habang nagpapatotoo tayo sa lahat, makatitiyak tayong tutugon nang positibo ang mga mapagpahalaga. Matiyaga nating tulungan ang lahat ng nagpapakita ng taimtim na interes sa katotohanan. Pero paano natin matutulungan ang bautisadong mga lalaki na umabót ng mga pananagutan sa organisasyon ng Diyos? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Tingnan ang mga Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova pati na ang mga talambuhay na inilathala sa Ang Bantayan at Gumising!
Paano Mo Sasagutin?
• Paano mapakikilos ang mga lalaki na gawing priyoridad ang espirituwal na mga bagay?
• Paano natin matutulungan ang mga baguhan na madaig ang panggigipit ng mga kasamahan?
• Ano ang makatutulong sa ilan na nakadarama ng kawalang-kakayahan?
[Larawan sa pahina 25]
Sinisikap mo bang ipangaral ang mabuting balita sa mga lalaki?
[Larawan sa pahina 26]
Paano mo maihahanda ang iyong estudyante sa Bibliya na maharap ang mga pagsubok?