Magtiwala kay Jehova—Ang Diyos ng mga ‘Panahon at Kapanahunan’
“Kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan, nag-aalis ng mga hari at naglalagay ng mga hari.”—DAN. 2:21.
1, 2. Bakit natin masasabi na lubusang nauunawaan ni Jehova kung ano ang panahon?
BAGO pa lalangin ng Diyos na Jehova ang tao, gumawa na siya ng paraan para masukat ang panahon. Noong ikaapat na araw ng paglalang, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang paghiwalayin ang araw at ang gabi; at ang mga iyon ay magsisilbing mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon.” (Gen. 1:14, 19, 26) Ganiyan nga ang nangyari, ayon sa kalooban ni Jehova.
2 Pero hanggang ngayon, hindi pa rin maipaliwanag ng mga siyentipiko kung ano talaga ang panahon. “Ang panahon ay isa sa pinakamasalimuot na misteryo sa mundo,” ang sabi ng isang ensayklopidiya. “Walang sinuman ang eksaktong makapagsasabi kung ano ito.” Pero lubusang nauunawaan ni Jehova kung ano ang panahon. Siya ang “Maylalang ng langit, [ang] Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito.” Si Jehova rin “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isa. 45:18; 46:10) Para tumibay ang ating pananampalataya sa kaniya at sa kaniyang Salita, ang Bibliya, talakayin natin kung paano ipinakikita ng paglalang at ng natupad na mga hula na si Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon.
TUMITIBAY ANG ATING PANANAMPALATAYA DAHIL SA PAGLALANG
3. Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na napakatumpak sa pag-iingat ng panahon?
3 Maraming nilalang si Jehova, maliliit man o malalaki, na napakatumpak sa pag-iingat ng panahon. Halimbawa, ang mga atomo ay nagba-vibrate sa bilis na hindi nagbabago. Ang mga espesyal na orasang sumusunod sa vibration ng mga atomo ay hindi magmimintis ni isang segundo sa loob ng 80 milyong taon. Napakaeksakto rin ng galaw ng mga planeta at bituin kung kaya malalaman natin nang patiuna ang magiging lokasyon nila sa hinaharap. Ginagamit ito ng mga tao sa pagtukoy ng kapanahunan (season) at sa paglalakbay. Talagang ‘malakas ang kapangyarihan’ ni Jehova—ang Maygawa ng maaasahang mga “orasan” na ito—at karapat-dapat siyang purihin.—Basahin ang Isaias 40:26.
4. Paano makikita ang karunungan ng Diyos sa nabubuhay na mga bagay na kontrolado ng panahon?
4 Kontrolado ng panahon ang nabubuhay na mga bagay. Maraming hayop at halaman ang sumusunod sa kanilang panloob na orasan. Alam ng maraming ibon kung kailan sila magsisimulang mandayuhan. (Jer. 8:7) Ang mga tao rin ay may panloob na orasan. Kaya naman alam ng katawan natin kung kailan araw at kung kailan gabi. Kapag naglakbay tayo sakay ng eroplano patungo sa ibang bahagi ng mundo kung saan ibang-iba ang oras, baka umabot nang ilang araw bago makapag-adjust ang katawan natin sa bagong oras. Oo, makikita sa mga bagay na nilalang ang napakaraming halimbawa ng kapangyarihan at karunungan ng Diyos ng “mga panahon at mga kapanahunan.” (Basahin ang Awit 104:24.) At dahil sa di-mapapantayang karunungan at kapangyarihan ng Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon, makapagtitiwala tayong kaya niyang tuparin ang kaniyang layunin!
TUMITIBAY ANG ATING PANANAMPALATAYA DAHIL SA NATUPAD NA MGA HULA
5. (a) Ano ang tanging paraan para malaman natin ang kinabukasan ng sangkatauhan? (b) Bakit masasabi sa atin ni Jehova ang mangyayari sa hinaharap at kung kailan ito magaganap?
5 Maraming itinuturo sa atin ang mga nilalang ni Jehova tungkol sa kaniyang “di-nakikitang mga katangian.” Pero hindi sinasagot ng mga ito ang mahahalagang tanong na gaya ng, Ano ang magiging kinabukasan ng sangkatauhan? (Roma 1:20) Para masagot ito, kailangan nating alamin ang isinisiwalat ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Maraming hula rito ang natupad sa eksaktong panahon! Masasabi sa atin ni Jehova ang mangyayari sa hinaharap dahil maaari niya itong makita nang patiuna. Bukod diyan, ang mga inihula sa Kasulatan ay mangyayari sa eksaktong panahon dahil kayang maniobrahin ng Diyos na Jehova ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang layunin at talaorasan.
6. Ano ang nagpapakita na gusto ni Jehova na maunawaan natin ang katuparan ng mga hula sa Bibliya?
6 Gusto ni Jehova na maunawaan ng kaniyang mga mananamba ang mga hula ng Bibliya at makinabang sila rito. Totoo na iba ang pangmalas niya sa panahon kaysa sa pangmalas natin. Pero gumagamit siya ng mga terminong nauunawaan natin kapag inihuhula niya ang isang pangyayari na magaganap sa isang espesipikong panahon. (Basahin ang Awit 90:4.) Halimbawa, binabanggit ng aklat ng Apocalipsis ang “apat na anghel” na “nakahanda na para sa oras at araw at buwan at taon”—mga yunit ng panahon na nauunawaan natin. (Apoc. 9:14, 15) Dahil sa mga hulang natupad sa eksaktong panahon, tumitibay ang ating pananampalataya sa Diyos ng “mga panahon at mga kapanahunan” at sa kaniyang Salita. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa.
7. Paano ipinakikita ng katuparan ng hula ni Jeremias hinggil sa Jerusalem at Juda na si Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon?
7 Una, repasuhin natin ang nangyari noong ikapitong siglo B.C.E. “Nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda,” ang salita ng Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon ay “dumating kay Jeremias may kinalaman sa buong bayan ng Juda.” (Jer. 25:1) Inihula ni Jehova ang pagkawasak ng Jerusalem at ang pagkatapon ng mga Judio mula sa lupain ng Juda tungo sa Babilonya. Doon, sila ay ‘maglilingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon.’ Winasak ng mga hukbong Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at ipinatapon sa Babilonya ang mga Judio mula sa Juda. Pero ano ang mangyayari pagkatapos ng 70 taon? Inihula ni Jeremias: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ayon sa pagtatapos ng pitumpung taon sa Babilonya ay ibabaling ko sa inyo ang aking pansin, at pagtitibayin ko sa inyo ang aking mabuting salita sa pagpapabalik sa inyo sa dakong ito.’” (Jer. 25:11, 12; 29:10) Natupad ang hulang ito sa tamang panahon—noong 537 B.C.E., nang palayain ng mga Medo at Persiano ang mga Judio mula sa Babilonya.
8, 9. Paano ipinakikita ng mga hula ni Daniel na si Jehova ang Diyos ng “mga panahon at mga kapanahunan”?
8 May isa pang hula tungkol sa sinaunang bayan ng Diyos. Mga dalawang taon bago umalis sa Babilonya ang mga Judio, inihula ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Daniel na ang Mesiyas ay lilitaw 483 taon matapos ilabas ang utos na muling itayo ang Jerusalem. Ibinigay ng hari ng Medo-Persia ang utos na iyon noong 455 B.C.E. Makalipas ang eksaktong 483 taon—noong 29 C.E.—si Jesus ng Nazaret ay nabautismuhan at pinahiran ng banal na espiritu, at sa gayo’y naging Mesiyas.a—Neh. 2:1, 5-8; Dan. 9:24, 25; Luc. 3:1, 2, 21, 22.
9 Isaalang-alang naman natin ang mga hula ng Kasulatan hinggil sa Kaharian. Ipinahihiwatig ng hula ng Bibliya na itatatag sa langit ang Mesiyanikong Kaharian noong taóng 1914. Halimbawa, binanggit ng Bibliya ang “tanda” ng pagkanaririto ni Jesus, at ipinakita na sa panahong iyon ay palalayasin si Satanas mula sa langit, na magdudulot ng matinding kaabahan sa lupa. (Mat. 24:3-14; Apoc. 12:9, 12) Inihula rin ng Bibliya ang eksaktong panahon—1914—kung kailan ‘matutupad ang mga takdang panahon ng mga bansa’ at magsisimulang mamahala sa langit ang Kaharian.—Luc. 21:24; Dan. 4:10-17.b
10. Anong mga pangyayari sa hinaharap ang siguradong magaganap sa takdang panahon?
10 Malapit nang maganap ang inihula ni Jesus na “malaking kapighatian.” Susundan ito ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. Walang-alinlangang matutupad sa eksaktong panahon ang mga ito. Noong nasa lupa si Jesus, naitakda na ni Jehova ang “araw at oras” kung kailan magaganap ang mga ito.—Mat. 24:21, 36; Apoc. 20:6.
‘BILHIN ANG NAAANGKOP NA PANAHON’
11. Yamang nalalaman natin na nabubuhay na tayo sa panahon ng kawakasan, ano ang dapat nating gawin?
11 Yamang nalalaman natin na nagsimula nang mamahala ang Kaharian at nabubuhay na tayo sa “panahon ng kawakasan,” ano ang dapat nating gawin? (Dan. 12:4) Nakikita ng marami ang lumulubhang mga kalagayan sa daigdig pero hindi nila nauunawaan na ang mga ito ay katuparan ng hula ng Bibliya hinggil sa mga huling araw. Maaaring inaasahan ng ilan na guguho ang sistemang ito balang-araw. Naniniwala naman ang iba na sa paanuman ay magtatagumpay ang mga pagsisikap ng tao na makamit ang “kapayapaan at katiwasayan.” (1 Tes. 5:3) Kumusta naman tayo? Kung naniniwala tayo na nasa dulo na tayo ng mga huling araw ng sanlibutan ni Satanas, hindi ba sisikapin nating gamitin ang nalalabing panahon para maglingkod sa Diyos ng “mga panahon at mga kapanahunan” at tulungan ang iba na makilala siya? (2 Tim. 3:1) Kailangan nating gamitin nang may katalinuhan ang ating panahon.—Basahin ang Efeso 5:15-17.
12. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus hinggil sa mga araw ni Noe?
12 Hindi madaling ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ sa isang sanlibutan na punô ng panggambala. Nagbabala si Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” Ano nga ba ang kalagayan noong mga araw ni Noe? Inihula na magwawakas ang sanlibutan nang panahong iyon. Ang mga balakyot ay malulunod sa isang pandaigdig na delubyo. Bilang “mangangaral ng katuwiran,” buong-katapatang inihayag ni Noe ang mensahe ng Diyos sa mga tao noong panahon niya. (Mat. 24:37; 2 Ped. 2:5) Pero ang mga taong iyon ay “kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, . . . at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Kaya naman nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Maging handa rin kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mat. 24:38, 39, 44) Dapat tayong maging tulad ni Noe, hindi ng mga tao noong panahon niya. Ano ang tutulong sa atin na maging handa?
13, 14. Para makapaglingkod tayo nang tapat kay Jehova habang hinihintay ang pagdating ng Anak ng tao, ano ang dapat nating tandaan tungkol sa Kaniya?
13 Bagaman darating ang Anak ng tao sa oras na hindi natin iniisip, kailangan nating tandaan na si Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon. Ang talaorasan niya ay hindi kontrolado ng mga pangyayari sa daigdig at ng mga plano ng tao. Para matupad ang kaniyang layunin, minamaniobra ni Jehova kung kailan mangyayari ang mga bagay-bagay at kung ano ang magiging resulta ng mga ito. (Basahin ang Daniel 2:21.) Sa katunayan, sinasabi ng Kawikaan 21:1: “Ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova. Ibinabaling niya iyon saanman niya kalugdan.”
14 Kayang kontrolin ni Jehova ang mga pangyayari para matupad ang kaniyang layunin sa tamang panahon. Marami sa malalaking pagbabago sa daigdig ay katuparan ng mga hula, lalo na ang tungkol sa pandaigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang isang halimbawa ay ang pagbagsak ng Unyong Sobyet at ang mga resulta nito. Hindi inakala ng marami na magkakaroon ng ganito kabilis na mga pagbabago sa pulitika. Pero dahil sa mga pagbabagong ito, naipangangaral ngayon ang mabuting balita sa maraming lupain kung saan dating ipinagbabawal ang ating gawain. Kaya bilhin natin ang naaangkop na panahon para makapaglingkod nang tapat sa Diyos ng “mga panahon at mga kapanahunan.”
MANAMPALATAYA NA TUTUPARIN NI JEHOVA ANG KANIYANG LAYUNIN SA TAMANG PANAHON
15. Paano natin maipakikita ang ating pananampalataya kapag may mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova?
15 Para patuloy na makapangaral sa mga huling araw na ito, kailangan tayong manampalataya na tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin sa tamang panahon. Dahil sa nagbabagong sitwasyon sa daigdig, baka kailangang gumawa ng ilang pagbabago sa ating paraan ng paggawa ng alagad. Maaaring gumawa ng pagbabago ang organisasyon ni Jehova para tulungan tayong maipangaral ang mabuting balita sa pinakaepektibong paraan. Maipakikita natin na mayroon tayong pananampalataya sa Diyos ng “mga panahon at mga kapanahunan” kung lubusan tayong susuporta sa gayong mga pagbabago at matapat na maglilingkod sa ilalim ng pangunguna ng kaniyang Anak, ang “ulo ng kongregasyon.”—Efe. 5:23.
16. Bakit nananampalataya tayo na tutulungan tayo ni Jehova sa tamang panahon?
16 Gusto ni Jehova na manalangin tayo sa kaniya anumang oras, na nagtitiwalang ilalaan niya ang kinakailangang “tulong sa tamang panahon.” (Heb. 4:16) Hindi ba ipinakikita nito ang pag-ibig at pagmamalasakit niya sa bawat isa sa atin? (Mat. 6:8; 10:29-31) Maipakikita natin ang pananampalataya sa Diyos na Jehova kung lagi tayong mananalangin para hingin ang kaniyang tulong at kikilos kasuwato ng ating panalangin at ng kaniyang mga tagubilin. Hindi rin natin kalilimutang ipanalangin ang ating mga kapananampalataya.
17, 18. (a) Ano ang malapit nang gawin ni Jehova sa kaniyang mga kaaway? (b) Anong kaisipan ang dapat nating iwasan?
17 Hindi ito ang panahon para ‘mag-urong-sulong sa kawalan ng pananampalataya.’ Panahon ito para maging malakas sa pamamagitan ng pananampalataya. (Roma 4:20) Ang mga kaaway ng Diyos—si Satanas at ang kaniyang mga kampon—ay nagsisikap na pahintuin ang gawaing iniatas ni Jesus sa Kaniyang mga tagasunod, kasama na tayo. (Mat. 28:19, 20) Bagaman sinasalakay tayo ng Diyablo, alam natin na si Jehova ay “isang Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng mga tao, lalo na ng mga tapat.” “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”—1 Tim. 4:10; 2 Ped. 2:9.
18 Malapit nang wakasan ni Jehova ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Hindi ipinaalam sa atin ang lahat ng detalye hinggil dito ni ang eksaktong panahon kung kailan ito magaganap. Pero alam natin na sa tamang panahon, pupuksain ni Kristo ang mga kaaway ng Diyos, at maipagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova. Kaya naman isang malaking pagkakamali na ipagwalang-bahala ang “mga panahon at mga kapanahunan” na kinabubuhayan natin ngayon! Huwag na huwag nating isipin na “ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.”—1 Tes. 5:1; 2 Ped. 3:3, 4.
‘MAGPAKITA NG MAPAGHINTAY NA SALOOBIN’
19, 20. Bakit tayo dapat magpakita ng mapaghintay na saloobin kay Jehova?
19 Nang lalangin ng Diyos na Jehova ang mga tao, layunin niyang mabuhay sila magpakailanman at patuloy na matuto tungkol sa kaniya at sa magagandang bagay na kaniyang nilalang. Sinasabi ng Eclesiastes 3:11 tungkol kay Jehova: “Ang lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa kapanahunan nito. Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”
20 Laking pasasalamat natin na hindi nagbago ang layunin ni Jehova para sa sangkatauhan! (Mal. 3:6) Sa Diyos ay “wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (Sant. 1:17) Ang mga anino ay patuloy na nagbabago dahil sa pag-ikot ng lupa, pero hindi nagbabago si Jehova sa paglipas ng panahon. Siya ang “Haring walang hanggan.” (1 Tim. 1:17) Kaya ‘magpakita tayo ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng ating kaligtasan.’ (Mik. 7:7) Oo, sinasabi sa atin ng Bibliya, “magpakalakas-loob kayo, at magpakatibay nawa ang inyong puso, lahat kayong naghihintay kay Jehova.”—Awit 31:24.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! pahina 186-195.
b Tingnan ang Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! pahina 94-97.
[Larawan sa pahina 19]
Nanampalataya si Daniel sa katuparan ng hula ng Diyos
[Larawan sa pahina 21]
Sinasamantala mo ba ang panahon para gawin ang kalooban ni Jehova?