Liham sa mga Taga-Efeso
5 Kaya tularan ninyo ang Diyos,+ bilang minamahal na mga anak, 2 at patuloy na magpakita ng pag-ibig,+ kung paanong inibig tayo ng Kristo+ at ibinigay ang sarili niya para sa atin bilang isang handog at hain,+ isang mabangong amoy sa Diyos.+
3 Huwag man lang mabanggit sa gitna ninyo ang seksuwal na imoralidad at lahat ng uri ng karumihan o kasakiman,+ dahil hindi iyan angkop sa mga taong banal.+ 4 Hindi rin angkop sa inyo ang kahiya-hiyang paggawi, walang-saysay na usapan, at malaswang pagbibiro.+ Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos.+ 5 Dahil alam ninyo at naiintindihan ninyo na ang taong imoral,+ marumi, o sakim,+ na katumbas ng sumasamba sa idolo, ay walang mamanahin sa Kaharian ng Kristo at ng Diyos.+
6 Matitikman ng mga masuwayin ang poot ng Diyos dahil sa gayong mga bagay, kaya huwag kayong magpalinlang sa walang-saysay na pangangatuwiran ng sinuman. 7 Huwag kayong makisali sa kanila; 8 dahil nasa kadiliman kayo noon, pero nasa liwanag na kayo ngayon+ at kaisa ng Panginoon.+ Patuloy kayong lumakad bilang mga anak ng liwanag, 9 dahil ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan.+ 10 Patuloy na tiyakin kung ano ang kalugod-lugod+ sa Panginoon; 11 at huwag na kayong makibahagi sa walang-kabuluhang gawain nila na nauugnay sa kadiliman,+ kundi ilantad ninyo ang mga ito. 12 Dahil ang mga ginagawa nila sa lihim ay kahiya-hiyang mabanggit man lang. 13 Ang lahat ng bagay ay nailalantad* sa pamamagitan ng liwanag, kaya ang lahat ng nakalantad ay lumiliwanag.+ 14 Kaya naman sinasabi:* “Gumising ka, ikaw na natutulog, at mabuhay kang muli,+ at ang Kristo ay sisikat sa iyo.”+
15 Kaya bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; 16 gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo,+ dahil napakasama na ng panahon. 17 Kaya huwag na kayong maging di-makatuwiran, kundi patuloy ninyong alamin kung ano ang kalooban ni Jehova.+ 18 Huwag din kayong magpakalasing sa alak,+ dahil umaakay ito sa masamang* pamumuhay; sa halip, patuloy ninyong pagsikapan na mapuspos ng espiritu. 19 Sama-samang* umawit ng mga salmo, papuri sa Diyos, at espirituwal na mga awit; umawit+ ng papuri kay Jehova+ mula sa inyong puso,+ 20 at laging magpasalamat+ sa ating Diyos* at Ama para sa lahat ng bagay sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+
21 Magpasakop kayo sa isa’t isa+ dahil sa takot kay Kristo. 22 Magpasakop ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki+ kung paanong nagpapasakop siya sa Panginoon, 23 dahil ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae+ kung paanong ang Kristo ang ulo ng kongregasyon,+ na katawan niya, at siya ang tagapagligtas nito. 24 Ang totoo, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, ang mga asawang babae rin ay dapat magpasakop sa kanilang asawang lalaki sa lahat ng bagay. 25 Mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae+ kung paanong inibig ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang sarili niya para dito,+ 26 para mapabanal niya ito at malinis sa pamamagitan ng tubig, ang salita ng Diyos,+ 27 nang sa gayon, ang kongregasyon ay maging maganda sa paningin niya, walang batik o kulubot o anumang katulad ng mga ito,+ kundi banal at walang kapintasan.+
28 Sa katulad na paraan, dapat mahalin ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae na gaya ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kaniyang asawang babae ay nagmamahal sa sarili niya, 29 dahil walang sinumang napopoot sa sarili niyang katawan, kundi pinakakain niya ito at inaalagaan, gaya ng ginagawa ng Kristo sa kongregasyon, 30 dahil tayo ay mga bahagi ng katawan niya.+ 31 “Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman.”+ 32 Napakahalaga ng sagradong lihim na ito.+ Ang sinasabi ko ay tungkol kay Kristo at sa kongregasyon.+ 33 Gayunman, mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae+ gaya ng sarili niya; ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.+