Kung Paano Mananatiling Mapagsakripisyo
“Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili.”—MAT. 16:24.
1. Paano nagpakita si Jesus ng sakdal na halimbawa ng pagiging mapagsakripisyo?
NOONG narito sa lupa si Jesus, nagpakita siya ng sakdal na halimbawa ng pagiging mapagsakripisyo. Isinaisantabi niya ang sarili niyang mga kagustuhan at kaalwanan para magawa ang kalooban ng Diyos. (Juan 5:30) Nang manatili siyang tapat hanggang kamatayan sa pahirapang tulos, pinatunayan niya na lubos ang kaniyang pagiging mapagsakripisyo.—Fil. 2:8.
2. Paano natin maipapakita ang pagiging mapagsakripisyo? Bakit dapat nating ipakita iyon?
2 Bilang mga tagasunod ni Jesus, kailangan din nating maging mapagsakripisyo. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mapagsakripisyo? Sa simpleng pananalita, handa ang isa na isaisantabi ang sarili niyang kapakanan para makatulong sa iba. Masasabing kabaligtaran ito ng pagkamakasarili. (Basahin ang Mateo 16:24.) Ang pagiging mapagsakripisyo ay makakatulong sa atin na unahin ang damdamin at mga kagustuhan ng iba sa halip na ang sa atin. (Fil. 2:3, 4) Sa katunayan, itinuro ni Jesus na napakahalaga sa ating pagsamba ang pagiging mapagsakripisyo. Bakit? Ang Kristiyanong pag-ibig, na isang dahilan kung kaya tayo nagsasakripisyo, ay pagkakakilanlan ng tunay na mga alagad ni Jesus. (Juan 13:34, 35) At isip-isipin ang mga pagpapalang tinatamasa natin bilang bahagi ng isang pandaigdig na kapatirang may espiritu ng pagsasakripisyo!
3. Ano ang maaaring dumaig sa ating pagiging mapagsakripisyo?
3 Gayunman, mayroon tayong kaaway na maaaring dumaig sa ating pagiging mapagsakripisyo—ang tendensiyang maging makasarili. Alalahanin kung paano nagpakita ng pagkamakasarili sina Adan at Eva. Nagpadala si Eva sa kagustuhan niyang maging gaya ng Diyos. Pinili rin ni Adan na sundin ang sariling kagustuhan at pinalugdan si Eva sa halip na ang Diyos. (Gen. 3:5, 6) Matapos maitalikod sa tunay na pagsamba sina Adan at Eva, patuloy na tinukso ng Diyablo ang mga tao na maging makasarili. Sinubukan pa nga niyang gawin iyon kahit kay Jesus. (Mat. 4:1-9) Sa panahon natin, matagumpay na naililigaw ni Satanas ang maraming tao, na nagpapakita ng pagkamakasarili sa maraming paraan. Dapat natin itong bigyang-pansin dahil baka mahawa tayo sa espiritu ng pagkamakasarili na laganap sa ngayon.—Efe. 2:2.
4. (a) Maaalis ba natin ngayon ang tendensiyang maging makasarili? Ipaliwanag. (b) Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin?
4 Ang pagkamakasarili ay maikukumpara sa kalawang. Kapag nahantad sa mga elemento ang anumang bagay na yari sa bakal, maaari itong kalawangin. At kung hindi aagapan, maaari itong mapinsala o tuluyang masira ng kalawang. Sa katulad na paraan, hindi man natin maaalis ngayon ang ating di-kasakdalan at tendensiyang maging makasarili, dapat tayong maging alerto sa mga panganib na maaaring idulot nito at patuloy na labanan ang gayong tendensiya. (1 Cor. 9:26, 27) Paano natin malalaman kung nagiging makasarili tayo? At paano tayo magiging higit na mapagsakripisyo?
GAMITIN ANG BIBLIYA PARA MASURI ANG SARILI
5. (a) Paanong ang Bibliya ay gaya ng salamin? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.) (b) Sa pagsusuri sa sarili, ano ang dapat iwasan?
5 Kung paanong maaari tayong gumamit ng salamin para makita ang ating hitsura, magagamit natin ang Bibliya para masuri ang ating pagkatao at maituwid ang anumang depektong makikita natin. (Basahin ang Santiago 1:22-25.) Gayunman, makakatulong lang ang salamin kung gagamitin natin ito nang tama. Halimbawa, kung susulyap lang tayo sa salamin, baka hindi natin makita ang isang maliit pero kapansin-pansing dumi. O kung nakatagilid tayo habang nananalamin, baka ibang tao ang makita natin. Sa katulad na paraan, sa paggamit ng Bibliya para makita ang anumang depekto, tulad ng pagkamakasarili, hindi lang natin ito pahapyaw na babasahin ni gagamitin ito para makita ang mga pagkakamali ng iba.
6. Paano tayo “nananatili” sa sakdal na kautusan?
6 Kahit regular o araw-araw tayong nagbabasa ng Bibliya, posibleng hindi natin makitang nagiging makasarili na pala tayo. Bakit? Pag-isipan ito: Sa halimbawa ni Santiago, tiningnan namang mabuti ng tao ang sarili niya sa salamin. Binanggit na “tinitingnan niya ang kaniyang sarili.” Dito, gumamit si Santiago ng salitang Griego na nagpapahiwatig ng pagsusuri o maingat na pagsasaalang-alang. Kaya ano ang diperensiya sa taong iyon? Nagpatuloy si Santiago: “Siya ay umaalis at kaagad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao.” Oo, pagkatapos manalamin, wala siyang ginawang anumang pagbabago. Sa kabaligtaran, ang matagumpay na tao ay hindi lang “nagmamasid sa sakdal na kautusan” kundi ‘nananatili rin dito.’ Sa halip na iwan ang sakdal na kautusan ng Salita ng Diyos, patuloy niyang ikinakapit ang mga turo nito. Iyan din ang punto ni Jesus nang sabihin niya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko.”—Juan 8:31.
7. Paano natin magagamit ang Bibliya para masuri kung may tendensiya tayong maging makasarili?
7 Kaya para madaig ang anumang tendensiyang maging makasarili, dapat mo munang maingat na basahin ang Salita ng Diyos. Makakatulong ito sa iyo para makita kung ano ang mga pasusulungin mo. Pero hindi lang iyan ang kailangan. Dapat ka ring magsaliksik. Kapag malinaw na sa iyo ang isang ulat sa Bibliya, itanong sa sarili: ‘Kung ako ang nasa ganitong sitwasyon, ano kaya ang gagawin ko? Talaga nga kayang gagawin ko ang tama?’ Higit sa lahat, matapos bulay-bulayin ang nabasa mo, sikaping ikapit iyon. (Mat. 7:24, 25) Tingnan natin kung paano makakatulong ang mga ulat tungkol kina Haring Saul at apostol Pedro para manatili tayong mapagsakripisyo.
MATUTO SA NANGYARI KAY HARING SAUL
8. Ano ang saloobin ni Saul nang magsimula siyang maghari, at paano niya ito ipinakita?
8 Ipinakikita ng nangyari kay Haring Saul ng Israel kung paano maaaring madaig ng pagkamakasarili ang ating pagiging mapagsakripisyo. Mapagpakumbaba si Saul nang magsimula siyang maghari. (1 Sam. 9:21) Hindi niya pinarusahan ang mga Israelitang humamak sa kaniyang pagkahari, kahit makatuwiran lang na ipagtanggol niya ang kaniyang bigay-Diyos na posisyon. (1 Sam. 10:27) Nagpagabay si Haring Saul sa espiritu ng Diyos nang pangunahan niya ang Israel sa matagumpay na pakikipaglaban sa mga Ammonita. Pagkatapos, mapagpakumbaba niyang ibinigay kay Jehova ang lahat ng kapurihan.—1 Sam. 11:6, 11-13.
9. Paano naging makasarili si Saul?
9 Nang maglaon, hinayaan ni Saul na tumubo sa kaniyang puso ang pagkamakasarili at pagmamapuri, na gaya ng kalawang na sumisira sa bakal. Nang matalo niya ang mga Amalekita, inuna niya ang sarili niyang kagustuhan sa halip na sundin si Jehova. May-kasakimang kinuha ni Saul ang samsam sa halip na puksain ito gaya ng iniutos ng Diyos. At nagtayo pa nga siya ng bantayog para sa kaniyang sarili. (1 Sam. 15:3, 9, 12) Nang sabihin ni propeta Samuel na hindi nalugod si Jehova sa ginawa niya, nangatuwiran si Saul na sinunod naman niya ang ibang utos ng Diyos at isinisi sa iba ang pagkakamali niya. (1 Sam. 15:16-21) Bukod diyan, dahil sa pagmamapuri, mas naging importante kay Saul na huwag mapahiya sa bayan sa halip na paluguran ang Diyos. (1 Sam. 15:30) Paano natin magagamit bilang salamin ang ulat tungkol kay Saul para manatili tayong mapagsakripisyo?
10, 11. (a) Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay Saul tungkol sa pananatiling mapagsakripisyo? (b) Paano natin maiiwasang maging katulad ni Saul?
10 Una, ipinakikita ng nangyari kay Saul na hindi tayo dapat maging kampante at mag-isip na minsang maging mapagsakripisyo tayo, patuloy na tayong magiging mapagsakripisyo. (1 Tim. 4:10) Tandaan na dating mabuti si Saul at may pagsang-ayon ng Diyos, pero hindi niya nilabanan ang tendensiyang maging makasarili. Nang maglaon, tuluyan nang itinakwil ni Jehova si Saul dahil sa pagkamasuwayin nito.
11 Ikalawa, dapat nating iwasang magpokus lang sa mga bagay na nagagawa natin nang mahusay, habang binabale-wala naman ang mga kailangan nating pasulungin. Gaya ito ng pananalamin na ang tinitingnan lang ay ang bago nating damit at hindi pinapansin ang dumi sa ating mukha. Baka hindi naman tayo kasingkampante ni Saul, pero dapat pa rin tayong magsikap na iwasan ang anumang tendensiya na maging katulad niya. Kapag pinapayuhan tayo, iwasan nating ipagmatuwid ang ginawa natin, maliitin ang problema, o sisihin ang iba. Sa halip na maging gaya ni Saul, makabubuti kung handa tayong tumanggap ng payo.—Basahin ang Awit 141:5.
12. Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, paano makakatulong ang pagiging mapagsakripisyo?
12 Pero paano kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan? Dahil sa kagustuhan ni Saul na isalba ang reputasyon niya, hindi siya gumaling sa espirituwal. Sa kabilang panig, makakatulong ang pagiging mapagsakripisyo para madaig ang takot na mapahiya at makahingi ng kinakailangang tulong. (Kaw. 28:13; Sant. 5:14-16) Halimbawa, isang brother ang natutong manood ng pornograpya sa edad na 12, at palihim niyang ginagawa iyon sa loob ng mahigit isang dekada. Sinabi niya: “Napakahirap aminin sa asawa ko at sa mga elder ang ginagawa ko. Pero ngayong naipagtapat ko na iyon, para akong naalisan ng napakabigat na pasan. Nalungkot ang ilang kaibigan ko nang matanggal ako sa pagiging ministeryal na lingkod, at para bang binigo ko sila. Pero alam kong mas nalulugod si Jehova sa paglilingkod ko ngayon kaysa noong nanonood ako ng pornograpya, at ang pananaw niya ang pinakamahalaga.”
NADAIG NI PEDRO ANG PAGKAMAKASARILI
13, 14. Paano nagpakita si Pedro ng tendensiyang maging makasarili?
13 Nagpakita ng pagiging mapagsakripisyo si apostol Pedro noong sinasanay siya ni Jesus. (Luc. 5:3-11) Pero kinailangan niyang paglabanan ang tendensiyang maging makasarili. Halimbawa, nagalit siya nang gumawa ng paraan sina Santiago at Juan para magkaroon ng prominenteng posisyon sa tabi ni Jesus sa Kaharian ng Diyos. Baka iniisip ni Pedro na sa kaniya dapat mapunta ang isa sa mga posisyong iyon dahil sinabi na ni Jesus na may gagampanan siyang espesyal na atas. (Mat. 16:18, 19) Anuman ang nasa isip ni Pedro, binabalaan ni Jesus sina Santiago at Juan, pati na si Pedro at ang iba pang mga apostol, laban sa paghahangad na ‘mamanginoon’ sa kanilang mga kapatid.—Mar. 10:35-45.
14 Kahit pinayuhan na ni Jesus si Pedro, hindi agad nagbago ang pananaw nito sa sarili. Nang sabihin ni Jesus sa mga apostol na iiwan siya ng mga ito, nagmapuri si Pedro at sinabing siya lang ang mananatiling tapat. (Mat. 26:31-33) Pero nang gabing iyon, hindi siya naging mapagsakripisyo. Lumilitaw na para maprotektahan ang sarili, itinatwa ni Pedro si Jesus nang tatlong ulit.—Mat. 26:69-75.
15. Sa kabuuan, bakit nakapagpapatibay ang buhay ni Pedro?
15 Sa kabila ng kaniyang mga kahinaan at kabiguan, nakapagpapatibay pa rin ang buhay ni Pedro. Dahil sa pagsisikap niya at sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, nadaig niya ang kaniyang maling mga tendensiya at nakapagpakita siya ng pagpipigil sa sarili at mapagsakripisyong pag-ibig. (Gal. 5:22, 23) Nang maglaon, nakapagbata siya ng mas mabibigat pang pagsubok. Nagpakita siya ng kapakumbabaan nang sawayin siya ni apostol Pablo sa harap ng iba. (Gal. 2:11-14) Hindi naghinanakit si Pedro ni inisip man niya na sinira ni Pablo ang kaniyang reputasyon. Nagpakita pa rin si Pedro ng pag-ibig kay Pablo. (2 Ped. 3:15) Matutulungan tayo ng halimbawa ni Pedro na malinang ang pagiging mapagsakripisyo.
16. Paano tayo magiging mapagsakripisyo sa ilalim ng mahihirap na sitwasyon?
16 Pag-isipan kung paano mo hinaharap ang mahihirap na sitwasyon. Nang si Pedro at ang mga apostol ay ibilanggo at pagpapaluin dahil sa pangangaral, nagsaya sila ‘sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa pangalan ni Jesus.’ (Gawa 5:41) Ang pag-uusig ay maaari mo ring ituring na pagkakataon para tularan si Pedro at sundan ang yapak ni Jesus sa pamamagitan ng pagiging mapagsakripisyo. (Basahin ang 1 Pedro 2:20, 21.) Makakatulong din ang saloobing ito sakaling tumanggap ka ng disiplina mula sa mga elder. Sa halip na maghinanakit, tularan ang halimbawa ni Pedro.—Ecles. 7:9.
17, 18. (a) Ano ang maaari nating itanong sa sarili tungkol sa ating espirituwal na mga tunguhin? (b) Ano ang puwede nating gawin kung mapansin nating may pagkamakasarili tayo?
17 May matututuhan ka rin sa halimbawa ni Pedro pagdating sa espirituwal na mga tunguhin. Maaari mong abutin ang gayong mga tunguhin sa mapagsakripisyong paraan. Pero iwasang mauwi iyon sa paghahangad ng katanyagan. Kaya tanungin ang sarili, ‘Gusto ko bang mapasulong o mapalawak ang paglilingkod ko kay Jehova dahil gusto ko ring mapansin o magkaroon ng awtoridad, gaya nina Santiago at Juan noong may hilingin sila kay Jesus?’
18 Kung mapansin mong may pagkamakasarili ka, hilingin kay Jehova na tulungan kang maituwid ang iyong pag-iisip at damdamin; pagkatapos, sikaping magpokus sa ikaluluwalhati ni Jehova. (Awit 86:11) Puwede ka ring umabot ng mga tunguhing hindi ka magiging prominente. Halimbawa, baka malilinang mo pa ang ilang aspekto ng bunga ng espiritu na nahihirapan kang ipakita. O kung masipag ka sa paghahanda ng mga bahagi mo sa pulong pero hindi sa paglilinis ng Kingdom Hall, puwede mong gawing tunguhing maikapit ang payo sa Roma 12:16.—Basahin.
19. Ano ang maaari nating gawin para hindi tayo masiraan ng loob sa nakikita natin sa salamin ng Salita ng Diyos?
19 Kapag tiningnan nating mabuti ang ating sarili sa salamin ng Salita ng Diyos at nakita ang mga kahinaan natin, gaya ng pagkamakasarili, baka masiraan tayo ng loob. Sakaling mangyari iyan, isipin ang matagumpay na tao sa ilustrasyon ni Santiago. Hindi binanggit ni Santiago kung gaano kabilis naayos ng tao ang mga problemang nakita niya sa kaniyang sarili o kung naayos niya ang lahat ng iyon; sa halip, sinabi ni Santiago na ‘nanatili ang taong iyon sa sakdal na kautusan.’ (Sant. 1:25) Hindi kinalimutan ng taong iyon ang nakita niya sa salamin at patuloy siyang nagsikap na magbago. Oo, laging magkaroon ng positibong pananaw sa sarili at balanseng pangmalas sa iyong mga kahinaan. (Basahin ang Eclesiastes 7:20.) Patuloy na tumingin sa sakdal na kautusan at magsikap na panatilihin ang iyong pagiging mapagsakripisyo. Handa si Jehova na tulungan ka, kung paanong tinutulungan niya ang marami sa iyong mga kapatid, na kahit hindi sakdal ay maaaring magtamo at nagtatamo ng pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos.