Mga Kabanata at Talata—Sino ang Naglagay Nito sa Bibliya?
ISIPIN na ikaw ay isang Kristiyano noong unang siglo. Katatanggap lang ng kongregasyon ninyo ng isang liham buhat kay apostol Pablo. Habang binabasa ito, napansin mong madalas sumipi si Pablo sa “banal na mga kasulatan,” ibig sabihin, sa Hebreong Kasulatan. (2 Timoteo 3:15) ‘Gusto kong makita ang tekstong sinisipi niya,’ baka naisip mo. Ngunit hindi madali iyon. Bakit?
WALANG MGA KABANATA O TALATA
Pansinin kung ano ang hitsura ng mga manuskrito ng “banal na mga kasulatan” noong panahon ni Pablo. Makikita rito ang isang halimbawa—isang bahagi ng aklat ng Isaias mula sa Dead Sea Scrolls. Ano ang nakikita mo? Puro sulat! Walang bantas at numero ng mga kabanata at talata gaya ng makikita sa Bibliya ngayon.
Hindi hinati ng mga manunulat ng Bibliya ang kanilang mensahe sa mga kabanata o talata. Basta isinulat lang nila ang buong mensaheng galing sa Diyos upang mabasa rin ito nang buo ng mga tao, hindi lang ang maliliit na bahagi nito. Hindi ba ganiyan din ang gusto mo kapag nakatanggap ka ng liham mula sa iyong minamahal? Binabasa mo ang buong liham, hindi lang ang maliliit na bahagi nito.
Mahirap talaga kung walang mga kabanata o talata. Tinutukoy lang ni Pablo ang kaniyang mga sinipi sa pagsasabing “gaya nga ng nasusulat” o “gaya nga ng sinabi ni Isaias.” (Roma 3:10; 9:29) At mahirap ding hanapin ang mga siniping iyon malibang pamilyar na pamilyar ka sa lahat ng “banal na mga kasulatan.”
Isa pa, ang “banal na mga kasulatan” na iyon ay hindi lang isang simpleng mensahe na galing sa Diyos. Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., binubuo na ito ng koleksiyon ng 66 na iba’t ibang aklat! Kaya naman natutuwa ang mga mambabasa ngayon ng Bibliya dahil may numero na ang mga kabanata at talata nito na makatutulong sa kanila na makita ang espesipikong impormasyon, gaya ng maraming pagsiping ginawa ni Pablo.
Baka maitanong mo, ‘Sino ang naglagay ng numero ng mga kabanata at talata sa Bibliya?’
SINO ANG NAGLAGAY NG MGA KABANATA?
Si Stephen Langton, isang Ingles na klerigo na naging Arsobispo ng Canterbury, ang kinikilalang naglagay ng mga kabanata sa Bibliya. Ginawa niya iyon noong unang bahagi ng ika-13 siglo C.E., nang nagtuturo siya sa University of Paris sa France.
Bago ang panahon ni Langton, nag-eksperimento na ang mga iskolar ng iba’t ibang paraan para hatiin ang Bibliya sa maliliit na bahagi o kabanata, pangunahin na para sa pagtukoy. Kaydali nga namang hanapin ang isang bahagi kung isang kabanata lang ang titingnan nila sa halip na ang buong aklat, gaya ng aklat ng Isaias na may 66 na kabanata.
Pero may problema pa rin. Ang mga iskolar ay nakagawa ng iba’t iba at di-magkakaparehong sistema. Sa isa sa mga ito, ang Ebanghelyo ni Marcos ay hinati sa halos 50 kabanata, di-gaya ng 16 na kabanata ngayon. Noong panahon ni Langton, may mga estudyante sa Paris mula sa maraming bansa na may dalang Bibliya galing sa kani-kanilang bansa. Pero hindi nila maipaliwanag sa isa’t isa kung saan sa manuskrito ang tinutukoy nila. Bakit? Dahil hindi pare-pareho ang mga hatian ng kabanata sa kanilang mga manuskrito.
Kaya gumawa si Langton ng bagong mga hatian ng kabanata. Ang sistema niya ay “nagustuhan ng mga mambabasa at eskriba,” ang sabi ng The Book—A History of the Bible, at ito ay “mabilis na lumaganap sa buong Europa.” Ito ang ginagamit ngayon sa karamihan ng mga Bibliya.
SINO ANG NAGLAGAY NG MGA TALATA?
Pagkalipas ng mga 300 taon, noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo, pinasimple pa ito ng kilalang Pranses na iskolar at tagapaglimbag na si Robert Estienne. Gusto niyang maging popular ang pag-aaral sa Bibliya. Nakita niyang mahalagang magkaroon ng pare-parehong sistema sa mga numero ng kabanata at talata.
Hindi nanggaling kay Estienne ang ideya na hatiin ang teksto ng Bibliya sa mga talata. Ginawa na iyan ng iba. Halimbawa, mga ilang siglo bago nito, hinati na sa mga talata at hindi sa mga kabanata ng mga tagakopyang Judio ang buong Bibliyang Hebreo, o ang bahagi ng Bibliya na karaniwang tinatawag na Lumang Tipan. Gaya ng sa mga kabanata, magkakaiba rin ang sistema.
Hinati ni Estienne ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, o ang tinatawag na Bagong Tipan, sa isang bagong set ng mga talatang may numero at isinama ito sa mga nasa Bibliyang Hebreo. Noong 1553, inilathala niya ang unang kumpletong Bibliya (isang edisyong Pranses) na may magkakaparehong kabanata at talata na gaya ng karamihan sa mga Bibliya ngayon. Pinuna ito ng ilan at sinabing dahil sa mga talata, nahati sa maliliit na bahagi ang teksto ng Bibliya. Nagmukha raw itong isang serye ng magkakahiwalay at di-magkakaugnay na pangungusap. Ngunit ang sistema ni Estienne ay agad na tinanggap ng iba pang tagapaglimbag.
MALAKING TULONG PARA SA MGA ESTUDYANTE NG BIBLIYA
Waring simpleng ideya lang ito—mga kabanata at talatang may numero. Binibigyan nito ang bawat talata sa Bibliya ng natatanging “adres”—gaya ng postal code. Totoo, ang paglalagay ng mga kabanata at talata ay hindi pinatnubayan ng espiritu ng Diyos, at kung minsan, kakatwa ang pagkakahati nito sa mga teksto sa Bibliya. Pero dahil dito, mas madaling matukoy ang mga sinipi at itampok o sabihin ang indibiduwal na mga talata na may espesyal na kahulugan sa atin—kung paanong gusto nating tandaan ang isang paboritong pananalita sa isang dokumento o aklat.
Bagaman nakatutulong sa pag-aaral ng Bibliya ang paglalagay ng mga kabanata at talata, lagi nating tandaan na mas mahalagang maunawaan ang buong mensahe na galing sa Diyos. Ugaliing basahin ang konteksto sa halip na mga talata lang. Sa paggawa nito, magiging mas pamilyar ka sa lahat ng “banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan.”—2 Timoteo 3:15.