Tinutularan Mo Ba ang Pananaw ni Jehova sa Katarungan?
“Ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova . . . , isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan.”—DEUT. 32:3, 4.
1, 2. (a) Anong kawalang-katarungan ang sinapit ni Nabot at ng kaniyang mga anak? (b) Anong dalawang katangian ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
ISIP-ISIPIN ang nangyari. Isang lalaki ang pinagbintangan ng kasalanang may parusang kamatayan. Nagulat at nanlumo ang mga kapamilya at kaibigan niya nang mahatulan siya salig sa bulaang testimonya ng mga testigong kilalá bilang mga walang-kabuluhang tao. Nangilabot ang mga umiibig sa katarungan nang masaksihan nila ang pagpatay sa inosenteng lalaking iyon at sa mga anak niya. Hindi ito kathang-isip lang. Ito ang sinapit ni Nabot, isang tapat na lingkod ni Jehova na nabuhay noong panahon ni Haring Ahab ng Israel.—1 Hari 21:11-13; 2 Hari 9:26.
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin hindi lang ang nangyari kay Nabot kundi pati na ang nagawang pagkakamali ng isang tapat na tagapangasiwang kabilang sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano. Habang tinatalakay ang mga halimbawang ito, makikita natin na kailangan ang kapakumbabaan para matularan ang pananaw ni Jehova sa katarungan. Kailangan din nating maging handang magpatawad kapag nakakakita tayo ng kawalang-katarungan sa loob ng kongregasyon.
BINALUKTOT ANG HUSTISYA
3, 4. Anong uri ng tao si Nabot, at bakit siya tumangging ipagbili kay Haring Ahab ang kaniyang ubasan?
3 Naging tapat si Nabot kay Jehova noong panahong karamihan ng mga Israelita ay sumusunod sa masamang halimbawa ni Haring Ahab at ng asawa nito na si Reyna Jezebel. Mga mananamba sila ni Baal at wala silang paggalang kay Jehova o sa kaniyang mga batas. Pero para kay Nabot, mas mahalaga ang kaugnayan niya kay Jehova kaysa sa sarili niyang buhay.
4 Basahin ang 1 Hari 21:1-3. Tumanggi si Nabot nang alukin siya ni Ahab na bilhin ang ubasan niya o bigyan siya ng mas mabuting ubasan kapalit nito. Bakit? Magalang niyang ipinaliwanag: “Malayong mangyari sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na ibigay ko sa iyo ang minanang pag-aari ng aking mga ninuno.” Tumanggi si Nabot dahil labag iyon sa batas ni Jehova sa bansang Israel, na nagbabawal ng permanenteng pagbebenta ng mana ng tribo. (Lev. 25:23; Bil. 36:7) Maliwanag na taglay ni Nabot ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay.
5. Ano ang papel ni Jezebel sa pagpatay kay Nabot?
5 Ang pagtanggi ni Nabot ay naging mitsa ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Haring Ahab at ng kaniyang asawa. Para makuha ang ubasan, nagpakana si Jezebel ng bulaang testimonya laban kay Nabot, na nauwi sa pagpatay sa kaniya at sa mga anak niya. Ano ang ginawa ni Jehova sa masaklap na kawalang-katarungang ito?
ANG MATUWID NA PAGHATOL NG DIYOS
6, 7. Paano ipinakita ni Jehova na maibigin siya sa katarungan? At bakit ito naging kaaliwan sa mga kamag-anak at kaibigan ni Nabot?
6 Agad na isinugo ni Jehova si Elias para komprontahin si Ahab. Hinatulan ni Elias si Ahab bilang mamamaslang at magnanakaw. Ano ang desisyon ni Jehova sa kasong ito? Si Ahab, ang kaniyang asawa, at ang kaniyang mga anak ay matutulad sa sinapit ni Nabot at ng mga anak nito.—1 Hari 21:17-25.
7 Bagaman nagdalamhati ang mga kapamilya at kaibigan ni Nabot dahil sa kasamaang ginawa ni Ahab, walang alinlangang naging kaaliwan sa kanila na alam ni Jehova ang nangyaring kawalang-katarungan at na kaagad niyang inasikaso iyon. Pero malamang na nasubok ang kanilang kapakumbabaan at tiwala kay Jehova dahil sa sumunod na mga nangyari.
8. Paano tumugon si Ahab sa mensahe ng paghatol ni Jehova, at ano ang naging resulta?
8 Nang malaman ni Ahab ang hatol ni Jehova, “hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan at nagsuot ng telang-sako sa kaniyang laman; at nag-ayuno siya at laging nakahiga na may suot na telang-sako at naglalakad nang may kalumbayan.” Nagpakumbaba si Ahab! Ano ang resulta? Sinabi ni Jehova kay Elias: “Sa dahilang nagpakumbaba siya dahil sa akin, hindi ko pasasapitin ang kapahamakan sa kaniyang mga araw. Sa mga araw ng kaniyang anak ay dadalhin ko ang kapahamakan sa kaniyang sambahayan.” (1 Hari 21:27-29; 2 Hari 10:10, 11, 17) Si Jehova, “ang tagasuri ng mga puso,” ay nagpakita ng awa kay Ahab.—Kaw. 17:3.
KAPAKUMBABAAN—ISANG PROTEKSIYON
9. Paano naging proteksiyon sa mga kapamilya at kaibigan ni Nabot ang kapakumbabaan?
9 Paano naapektuhan ng desisyong ito ang mga nakaaalam sa malagim na krimen ni Ahab? Maaaring nasubok ang pananampalataya ng mga kapamilya at kaibigan ni Nabot. Pero malamang na naging proteksiyon sa kanila ang kapakumbabaan dahil tutulong ito para patuloy silang makapaglingkod nang tapat kay Jehova, na nagtitiwalang imposible para sa kaniya na maging di-makatarungan. (Basahin ang Deuteronomio 32:3, 4.) Makakamit ni Nabot, ng kaniyang mga anak, at ng kanilang pamilya ang ganap na hustisya kapag binuhay-muli ni Jehova ang mga matuwid. (Job 14:14, 15; Juan 5:28, 29) Tinatandaan din ng taong mapagpakumbaba na “dadalhin ng tunay na Diyos sa kahatulan ang bawat uri ng gawa may kaugnayan sa bawat bagay na nakatago, kung ito ba ay mabuti o masama.” (Ecles. 12:14) Oo, kapag naglalapat ng hatol, isinasaalang-alang ni Jehova ang mga bagay na hindi natin alam. Kaya kung mapagpakumbaba tayo, magsisilbi itong proteksiyon mula sa espirituwal na kapahamakan.
10, 11. (a) Paano maaaring masubok ang ating pananaw sa katarungan? (b) Sa anong mga paraan magsisilbing proteksiyon sa atin ang kapakumbabaan?
10 Ano ang magiging reaksiyon mo kung gumawa ang mga elder ng desisyong hindi mo naiintindihan o hindi mo sinasang-ayunan? Halimbawa, paano kung ikaw o isang mahal sa buhay ay nawalan ng pribilehiyo? Paano kung ang iyong asawa, anak, o kaibigan ay natiwalag at hindi ka sang-ayon sa naging desisyon? Paano kung inaakala mong nagkamali ang mga elder sa pagpapakita ng awa sa isang nagkasala? Ang ganiyang mga sitwasyon ay susubok sa ating pananampalataya kay Jehova at sa mga kaayusan ng kaniyang organisasyon. Paano magsisilbing proteksiyon sa iyo ang kapakumbabaan? Tingnan natin ang dalawang paraan.
11 Una, kung mapagpakumbaba tayo, kikilalanin natin na hindi natin alam ang lahat ng detalye sa isang sitwasyon. Gaano man karami ang alam natin tungkol dito, si Jehova lang ang nakababasa ng puso. (1 Sam. 16:7) Kung tatandaan natin iyan, magiging mapagpakumbaba tayo, kikilalanin ang ating mga limitasyon, at itutuwid ang pananaw natin. Ikalawa, kung mapagpakumbaba tayo, magiging mapagpasakop tayo at matiisin habang naghihintay na ituwid ni Jehova ang sitwasyon. Isinulat ng taong marunong: “Magiging mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos . . . , ngunit hindi magiging mabuti ang kalalabasan para sa balakyot, ni mapalalawig man niya ang kaniyang mga araw.” (Ecles. 8:12, 13) Tiyak na makabubuti sa espirituwal na kapakanan ng lahat ang pagiging mapagpakumbaba.—Basahin ang 1 Pedro 5:5.
ISANG KASO NG PAGPAPAIMBABAW
12. Anong ulat ang tatalakayin natin ngayon, at bakit?
12 Nasubok hindi lang ang kapakumbabaan ng unang-siglong mga Kristiyano sa Antioquia ng Sirya kundi pati na ang kanilang pagiging handang magpatawad. Tingnan natin ang ulat na ito at suriin ang pananaw natin sa pagpapatawad. Makikita rin natin kung paanong ang pagpapatawad ay nauugnay sa pananaw ni Jehova sa katarungan.
13, 14. Ano ang mga pribilehiyo ni apostol Pedro, at paano siya nagpakita ng lakas ng loob?
13 Si apostol Pedro ay isang kilaláng tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano. Personal niyang nakasama si Jesus at pinagkatiwalaan siya ng mabibigat na pananagutan. (Mat. 16:19) Halimbawa, noong 36 C.E., nagkapribilehiyo si Pedro na ibahagi ang mabuting balita kay Cornelio at sa sambahayan nito. Kapansin-pansin iyon dahil si Cornelio ay isang di-tuling Gentil. Nang tumanggap ng banal na espiritu si Cornelio at ang kaniyang sambahayan, kinilala ni Pedro: “Maipagbabawal ba ng sinuman ang tubig upang hindi mabautismuhan ang mga ito na tumanggap ng banal na espiritu na gaya natin?”—Gawa 10:47.
14 Noong 49 C.E., nagtipon ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem para pag-usapan kung kailangan pang tuliin ang mga Kristiyanong Gentil. Sa pagtitipong ito, buong-tapang na nagsalita si Pedro at ipinaalaala sa mga kapatid na mga ilang taon bago nito, tumanggap ng kaloob ng banal na espiritu ang di-tuling mga Gentil. Malaking tulong sa pagpapasiya ng unang-siglong lupong tagapamahala ang patotoo ni Pedro bilang isa na nakasaksi. (Gawa 15:6-11, 13, 14, 28, 29) Malamang na pinahalagahan kapuwa ng mga Kristiyanong Judio at Gentil ang lakas ng loob ni Pedro sa paglalahad ng impormasyong iyon. Tiyak na hindi nahirapang magtiwala ang unang mga Kristiyano sa lalaking ito na may-gulang sa espirituwal!—Heb. 13:7.
15. Anong pagkakamali ang nagawa ni Pedro habang nasa Antioquia ng Sirya? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
15 Di-nagtagal pagkatapos ng pagtitipon noong 49 C.E., dumalaw si Pedro sa Antioquia ng Sirya. Doon, malaya siyang nakihalubilo sa kaniyang mga kapatid na Gentil. Walang-alinlangang nakinabang sila sa kaalaman at karanasan ni Pedro. Kaya naman malamang na nagulat sila at nasaktan dahil bigla na lang huminto si Pedro sa pakikisalo sa kanila sa pagkain. Naimpluwensiyahan din ni Pedro ang ibang Judiong miyembro ng kongregasyon, pati na si Bernabe. Bakit nagawa ng isang may-gulang na Kristiyanong tagapangasiwa ang gayong pagkakamali—na maaaring magdulot ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon? Higit sa lahat, ano ang matututuhan natin sa pagkakamali ni Pedro kung nasaktan tayo sa sinabi o ginawa ng isang elder?
16. Paano itinuwid si Pedro, at anong mga tanong ang bumabangon?
16 Basahin ang Galacia 2:11-14. Nagpadala si Pedro sa silo ng pagkatakot sa tao. (Kaw. 29:25) Kahit alam niya kung ano ang damdamin ni Jehova tungkol sa mga Gentil, natakot si Pedro sa sasabihin ng tuling mga Judiong miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem. Kinompronta ni apostol Pablo, na naroon din sa pagtitipong iyon sa Jerusalem noong 49 C.E., si Pedro sa Antioquia at inilantad ang pagpapaimbabaw nito. (Gawa 15:12; Gal. 2:13) Paano kaya tutugon sa kawalang-katarungang ito ang mga Kristiyanong Gentil na personal na naapektuhan ng ginawa ni Pedro? Magpapatisod kaya sila? Mawawalan kaya si Pedro ng mahahalagang pribilehiyo dahil sa pagkakamali niya?
MAGING MAPAGPATAWAD
17. Paano nakinabang si Pedro sa pagpapatawad ni Jehova?
17 Maliwanag na mapagpakumbabang tinanggap ni Pedro ang payo at pagtutuwid ni Pablo. Hindi sinasabi ng Kasulatan na nawalan siya ng mga pribilehiyo. Kinasihan pa nga siyang sumulat ng dalawang liham na naging bahagi ng Bibliya. Sa kaniyang ikalawang liham, kapansin-pansin na tinukoy ni Pedro si Pablo bilang ang “minamahal nating kapatid.” (2 Ped. 3:15) Bagaman naging masakit sa mga Gentil na miyembro ng kongregasyon ang pagkakamali ni Pedro, patuloy pa rin siyang ginamit ni Jesus, ang ulo ng kongregasyon. (Efe. 1:22) Kaya naman ang mga miyembro ng kongregasyon ay nagkaroon ng pagkakataon na tularan si Jesus at ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagpapatawad kay Pedro. At sana, walang sinumang nagpatisod sa pagkakamali ng di-sakdal na lalaking iyon.
18. Sa anong mga kalagayan natin matutularan ang pananaw ni Jehova sa katarungan?
18 Gaya noong unang siglo, wala ring sakdal na mga elder sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon, dahil “tayong lahat ay natitisod [o, nagkakamali] nang maraming ulit.” (Sant. 3:2) Tanggap natin iyan, pero nasusubok tayo kapag personal tayong apektado ng di-kasakdalan ng isang kapatid. Sa gayong sitwasyon, tutularan ba natin ang pananaw ni Jehova sa katarungan? Halimbawa, ano ang gagawin mo kung isang elder ang makapagsabi ng bagay na may bahid ng pagtatangi? Magpapatisod ka ba kung isang elder ang makapagbitiw ng salitang nakasasakit sa iyo? Sa halip na agad-agad na sabihing hindi na kuwalipikadong maging elder ang brother na iyon, matiyaga ka bang maghihintay kay Jesus, ang ulo ng kongregasyon? Lalawakan mo ba ang iyong unawa at marahil ay isasaalang-alang ang maraming taon ng tapat na paglilingkod ng brother na iyon? Kung ang brother na nagkasala sa iyo ay patuloy na naglilingkod bilang elder o nakatatanggap pa nga ng karagdagang pribilehiyo, makikigalak ka ba sa kaniya? Matutularan mo ang pananaw ni Jehova sa katarungan kung handa kang magpatawad.—Basahin ang Mateo 6:14, 15.
19. Ano ang dapat nating maging determinasyon?
19 Inaasam ng mga umiibig sa katarungan ang araw kapag lubusan nang inalis ni Jehova ang lahat ng kawalang-katarungang kagagawan ni Satanas at ng kaniyang masamang sistema. (Isa. 65:17) Samantala, maging determinado sana tayong tularan ang pananaw ni Jehova sa katarungan sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagkilala sa ating mga limitasyon at lubusang pagpapatawad sa mga nagkakasala sa atin.