Tanong
● Bakit dapat tayong magbigay ng pantanging pansin sa ating pananamit at pag-aayos kapag dumadalaw sa mga tanggapang pansangay ng Samahan?
Ang ating pananamit at pag-aayos sa lahat ng panahon ay dapat na maging sinag ng dignidad na angkop sa mga lingkod ni Jehova. Ito’y lalong totoo kapag dumadalaw sa Bethel. Ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ay nagkomento hinggil sa pangangailangan ng pisikal na kalinisan at kahinhinan ng pananamit kapag nasa larangan at nasa mga pulong. Pagkatapos, sa pahina 131, parapo 2, ito ay nagsasabi: “Kumakapit din ito kapag tayo ay dumadalaw sa tahanang Bethel sa Brooklyn o sa alinmang tanggapang pansangay ng Samahan. Tandaan, ang pangalang Bethel ay nangangahulugang ‘Bahay ng Diyos,’ kaya ang ating pananamit, pag-aayos at paggawi ay dapat na maging katulad niyaong inaasahan sa atin kapag dumadalo sa mga pulong ukol sa pagsamba sa Kingdom Hall.”
Sinabi ni Pablo na tayo’y “panoorin ng sanlibutan.” (1 Cor. 4:9) Kaya ang ating pananamit at pag-aayos ay dapat na maging isang positibong impluwensiya sa iba hinggil sa tunay na pagsamba. Gayumpaman, napansin na ilang mga kapatid, kapag dumadalaw sa Bethel, ay may hilig sa sobrang kasuwal na pananamit. Ang gayong pananamit ay hindi angkop kapag dumadalaw sa mga pasilidad ng sangay. Hinggil dito, nais naming mapanatili ang mataas na pamantayan na doo’y kilala ang bayan ng Diyos bilang nahihiwalay sa sanlibutan sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. (Roma 12:2; 1 Cor. 10:31) Makabubuti ring makipag-usap sa ating mga estudiyante sa Bibliya at sa iba pa na sa unang pagkakataon ay maaaring dumalaw sa Bethel na sila’y mapaalalahanan na bigyang pansin ang wastong pananamit at pag-aayos.
Kaya kapag dumadalaw sa mga pasilidad ng Samahan, tanungin ang inyong sarili: ‘Ang akin bang pananamit at pag-aayos ay mahinhin? (Mic. 6:8) Makapagbibigay ba ito ng mabuting impresyon sa Diyos na aking sinasamba? Hindi kaya makasakit ng damdamin ng iba ang aking anyo?’ Lagi nawa nating “pamutihan sa lahat ng mga bagay ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas” sa pamamagitan ng ating pananamit at pag-aayos.—Tito 2:10.