Tanong
◼ Ano ang angkop na pananamit kapag dumadalaw sa mga pasilidad na ginagamit sa paglilingkod kay Jehova?
Sa buong daigdig, ang mga Kingdom Hall, Assembly Hall, tahanang Bethel, at mga pasilidad ng sangay ay espesyal na mga dako na nakatalaga para sa paglilingkod kay Jehova. Simple, malinis, maayos, at marangal ang mga pasilidad na ito. Napakalaki ng kaibahan nito sa kadalasang nakikita sa sistema ng mga bagay ni Satanas. Ang mga dumadalaw sa mga dakong ginagamit para sa paglilingkod kay Jehova ay dapat ding ituring na pag-aari ni Jehova, mga taong gumagawa ng kaniyang kalooban.
Bilang mga Kristiyano, ‘inirerekomenda natin ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos’ sa bawat paraan, kasali na ang ating angkop na pananamit at pag-aayos. (2 Cor. 6:3, 4) Inaasahan din na lagi tayong gagawi nang wasto. Sa lahat ng panahon, ang ating pananamit at pag-aayos ay dapat na maging disente at may dignidad na siyang nararapat sa mga lingkod ng Diyos na Jehova. Totoo ito lalo na kapag dumadalaw sa mga pasilidad ng punong tanggapan sa New York gayundin sa mga sangay sa buong daigdig.
Sa pagtalakay sa kahalagahan ng angkop na pananamit at pag-aayos, binabanggit ng Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova na kailangan nating maging malinis sa katawan, at maging mahinhin sa pananamit at pag-aayos kapag nakikibahagi sa ministeryo sa larangan at dumadalo sa Kristiyanong pagpupulong. Pagkatapos, sinasabi nito sa pahina 138, parapo 3: “Tandaan, ang pangalang Bethel ay nangangahulugang ‘Bahay ng Diyos.’ Kaya ang ating pananamit, pag-aayos, at paggawi ay dapat na katulad ng inaasahan sa atin kapag dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall para sa pagsamba.” Ang mataas na pamantayang ito ay dapat sundin ng mga mamamahayag ng Kaharian kapag dumadalaw sila sa Bethel, nakatira man sila malapit sa Bethel o galing pa sa malayong lugar. Sa ganitong paraan, maipakikita ng mga dumadalaw rito ang angkop na pagpapahalaga at paggalang.—Awit 29:2.
Dapat makita sa ating pananamit na tayo ay kabilang sa mga “nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” (1 Tim. 2:10) Ang ating angkop na pananamit at pag-aayos ay tutulong sa iba na magkaroon ng tamang pangmalas sa tunay na pagsamba kay Jehova. Gayunman, napapansin na kapag dumadalaw ang ilang kapatid sa mga pasilidad na ginagamit para sa paglilingkod kay Jehova, sila ay nagiging labis na di-pormal sa kanilang pananamit, burara, o nagsusuot ng damit na labis na naghahantad sa katawan. Ang gayong pananamit ay hindi angkop sa mga Kristiyano sa anumang panahon. Hinggil sa bagay na ito, gaya sa iba pang pitak ng ating Kristiyanong pamumuhay, nais nating panatilihin ang mataas na mga pamantayan na nagpapakitang naiiba ang bayan ng Diyos mula sa sanlibutan, anupat ginagawa ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.—Roma 12:2; 1 Cor. 10:31.
Kaya kapag dumadalaw sa punong tanggapan at sangay sa Estado ng New York o sa mga pasilidad ng iba pang mga sangay, ito man ay isinaplanong pagdalaw o habang nagbabakasyon sa mga lugar na pinupuntahan ng mga turista, tanungin ang iyong sarili: ‘Masasalamin ba sa aking pananamit at pag-aayos na simple, malinis, at marangal na lugar ang pupuntahan ko? Magdudulot kaya ito ng mabuting impresyon sa Diyos na sinasamba ko? Maiilang kaya o maiinis ang iba sa hitsura ko?’ Nawa’y lagi nating “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay” sa pamamagitan ng ating pananamit at pag-aayos!—Tito 2:10.